Pananampalatayang Athanasian
- Ang sinomang maliligtas, bago ang lahat, ay kinakailangang
sampalatayanan niya ang pananampalatayang katolika.
- Na pananampalatayang malibang panghawakan ng bawat isa nang buo at
walang karumihan, ay walang alinlangang mapapahamak nang walang
hanggan.
- At ang pananampalatayang katolika ay ito: na ating sambahin ang
isang Diyos sa Trinidad, at ang Trinidad sa Pagkaisa;
- Ni hindi pinag-iisa ang mga Persona o pinaghihiwa-hiwalay ang
kalikasan.
- Sapagkat mayroong isang Persona ng Ama, isa ng Anak, at isa pa ng
Espiritu Santo.
- Ngunit ang pagka-Diyos ng Ama, ng Anak, at ng Espiritu Santo ay
iisa lahat, ang kaluwalhatian ay pantay, at ang kamahalan ay
magkakasingwalang hanggan.
- Kung paano ang Ama, gayon din ang Anak, at gayon din ang Espiritu
Santo.
- Ang Ama ay hindi nilikha, Ang Anak ay hindi nilikha, at ang
Espiritu Santo ay hindi nilikha.
- Ang Ama ay walang hangganan ang Anak ay walang hangganan, at ang
Espiritu Santo ay walang hangganan.
- Ang Ama ay eternal, ang Anak ay eternal, at ang Espiritu Santo ay
eternal.
- Gayon ma’y, hindi Sila mga tatlong eternal, kundi isang eternal.
- Tulad din naman na hindi tatlo ang hindi nilikha, o kaya’y tatlong
walang hangganan, kundi isang hindi nilikha at isang walang hangganan.
- Kaya gayon din ang Ama ay makapangyarihan sa lahat, ang Anak ay
makapangyarihan sa lahat, at ang Espiritu Santo ay makapangyarihan sa
lahat.
- Gayon man, Silaay hindi tatlong makapangyarihan sa lahat, kundi
isang makapangyarihan sa lahat.
- Kaya ang Ama ay Diyos, ang Anak ay Diyos, at ang Espiritu Santo ay
Diyos.
- Gayon man, Sila ay hindi tatlong Diyos, kundi isang Diyos.
- Kaya gayon din ang Ama ay Panginoon, ang Anak ay Panginoon, at ang
Espiritu Santo ay Panginoon:
- Gayon man, Sila ay hindi tatlong Panginoon kundi isang Panginoon.
- Kung paano na tayo ay pinipilit, ng katotohanang Cristiano, na
kilalanin ang bawat Persona sa Kanyang sarili na Diyos at Panginoon,
- Gayon din, tayo ay pinagbabawalan ng pananampalatayang katolika na
sabihing May tatlong Diyos o may tatlong Panginoon.
- Ang Ama ay hindi ginawa mula sa anuman, hindi nilikha o isinilang
man.
- Ang Anak ay mula sa Ama lamang; hindi ginawa o nilikha, kundi
ipinanganak.
- Ang Espiritu Santo ay mula sa Ama at sa Anak: hindi ginawa o
nilikha, hindi isinilang kundi ihinihinga.
- Kaya mayroong isang Ama, hindi tatlong Ama; isang Anak, hindi
tatlong Anak; isang Espiritu Santo, hindi tatlong Espiritu Santo.
- At sa Trinidad na ito ay walang nauuna o nahuhuli; walang
nakahihigit o nakakababa.
- Kundi ang buong tatlong Persona ay magkakasamang eternal at
magkakapantay.
- Kaya sa lahat ng bagay tulad ng nabanggit, na ang Pagkaisa sa
Trinidad at ang Trinidad sa Pagkaisa, ay dapat sambahin.
- Sa makatuwid, siya na maliligtas ay dapat paniwalaan nang gayon
ang Trinidad.
- Higit pa rito, kinakailangan para sa walang hanggang kaligtasan,
na matapat din niyang sampalatayanan ang pagkakatawang-tao ng ating
Panginoong Jesu-Cristo.
- Sapagkat ang tunay na pananampalataya ay ang sampalatayanan at
ipahayag na ang ating Panginoong Jesu-Cristo, ang Anak ng Diyos, ay
Diyos at Tao.
- Diyos, na kaisang kalikasan ng Ama bugtong na Anak bago pa ang mga
sanlibutan; at tao na kaisang kalikasan ng Kanyang ina, na ipinanganak
sa sanlibutan.
- Ganap na Diyos at ganap na tao na may kaluluwang may pag-iisip at
laman ng tao na pinagsama.
- Kapantay ng Ama tungkol sa Kanyang pagka-Diyos, at nakakababa sa
Ama tungkol sa Kanyang pagkatao.
- Na bagamang Siya ay Diyos at tao, gayon ma’y hindi Siya dalawa,
kundi isang Cristo.
- Isa, hindi sa pamamagitan ng pagbabago ng pagka-Diyos upang maging
laman, kundi ang pagdadala ng pagkatao sa pagka-Diyos.
- Iisang lahat, hindi sa pagkakahalo ng kalikasan, kundi sa
pagkakaisa sa Persona.
- Sapagkat kung paanong may pag-iisip na kaluluwa at laman ay isang
tao, gayon din ang Diyos at tao ay isang Cristo;
- Na nagdusa para sa ating kaligtasan, bumaba sa impiyerno, sa
ikatlong araw ay nabuhay Siyang muli mula sa mga patay.
- Siya’y umakyat sa langit, at nakaluklok sa kanan ng Amang
makapangyarihan sa lahat;
- Mula roon ay paparito Siyang muli upang hukuman ang mga buhay at
mga patay.
- Sa Kaniyang pagparito ang lahat ng tao ay muling ibabangon sa
kanilang mga katawan,
- At sa kanilang mga gawa, sila ay magbibigay sulit,
- At silang gumawa ng mabuti ay pasasa buhay na walang hanggan, at
silang gumawa ng masama ay pasasa apoy na walang hanggan.
- Ito ang pananampalatayang katolika: na malibang tapat at matibay
na sampalatayanan ng tao, hindi siya maliligtas.
Para sa karagdagang babasahin sa
wikang Tagalog, i-click dito