Covenant Protestant Reformed Church
Bookmark and Share

"Born Again" Dokyumentaryo

Martyn McGeown

 

Ang dokyumentaryo ng BBC (Miyerkules, ika-18 ng Enero, 2006) “Born Again” ni Glenn Patterson ay kawili-wili, ngunit nakakalungkot, na wala ni isa sa mga nakapanayam ang nakapagpaliwanag kung ano ang ibig sabihin ng “born again” (o kapanganakang-muli). Yaong mga nag-aangking Cristiano na nakapanayam ni Patterson ay iniuugnay ang “born again” sa “pagtanggap kay Cristo bilang sariling Tagapagligtas,” “pagsuko ng buhay kay Cristo,” o “pagiging ligtas.” Ang isa ngang pastor ay nagsabi sa kanyang mga tagapakinig, “Magagawa mong maipanganak muli.” Si Patterson mismo ay nagsalaysay ng halos kaparehong karanasan (o born again experience) nang lumapit s’ya sa harapan ng isang pagtitipon “upang imbitahan si Hesus sa kanyang puso,” dahil nalungkot s’ya para sa speaker (at nang marami na ang sumunod sa harap, nagduda na si Patterson sa kanilang sinseridad!)

Wala sa mga nabanggit ang pagiging “born again.” Ang Biblia ay itinuturo na ang tao ay dapat na ipanganak muli dahil kailangan n’ya ng espiritwal na buhay. Ang tao ay patay sa kanyang “mga pagsalangsang at mga kasalanan” (Efeso 2:1; Colosas 2:13) at para sa kanya, kailangan siyang “buhayin” ng Diyos upang makita niya ang kaharian ng Diyos. Sa kanyang sariling gawa, ‘di niya kayang ipanganak na muli dahil “ang ipinanganak ng laman ay laman” (Juan 3:6). Hindi sinabi ni Hesus kay Nicodemo kung anong dapat niyang gawin para maipanganak muli; ipinaliwanag lang ni Hesus sa relihiyosong taong iyon, nang malinaw, na kailangang may gawin ang Diyos sa kanya upang siya’y maligtas. Sinaway siya ni Hesus (Juan 3:10) dahil sa kanyang kamangmangan sa itinuturong katotohanan ng Lumang Tipan patungkol sa kapanganakang-muli (regeneration) o bagong kapanganakan o pagiging naipanganak muli (cf. Deuteronomio 30:6; Ezekiel 16:6; 11:19; 36:26).

Ang kalooban ng Diyos ang siyang nagtatakda kung sino ang makakatanggap ng bagong kapanganakan, hindi ang tao: “Alinsunod sa Kanyang sariling kalooban, tayo ay ipinanganak Niya sa pamamagitan ng salita ng katotohanan” (Santiago 1:18). Ang makasalanan na patay espiritwal ay hindi magagawang “imbitahan si Hesus sa kanyang puso” dahil ang Diyos ang siyang nagbubukas ng puso (Mga Gawa 16:14). Hindi lahat ng puso ay nabuksan. Bakit? Ang Espiritu ay kagaya ng hangin. Siya’y umiihip saan man—hindi ang gusto ng tao—naisin (Juan 3:8). Ang “freewill” ng tao ay ‘di kalian man kayang magpasimula o makipagtulungan sa karanasan ng kapanganakang muli, dahil yaong mga naipanganak na muli ay “ipinanganak hindi sa dugo, sa kalooban ng laman, o sa kalooban ng tao, kundi ng Diyos” (Juan 1:13).

Translated by: Jeremiah Baguhin Pascual

*This is not an official translation of the PRC in the Philippines.

Para sa karagdagang babasahin sa wikang Tagalog, i-click dito
http://prcaphilippinesaudio.wordpress.com/tagalog/