(The Biblical Teaching of Infant Baptism)
Sisimulan natin ang pag-aaral sa bautismo
na may kaunting pangamba, yamang nalalaman
natin ang kaibhan ng mga Kristiano sa mahalagang
bagay na ito. Gayunman, hindi namin nais
na makasugat ng damdamin sa mga nasa
paniniwalang Baptist, naniniwala kami na
ang patunay ng Kasulatan ay malinaw.
Hinihiling lamang namin na kanilang
pakinggan kung ano ang aming masasabi."
Rev. Ronald Hanko
This pamphlet is a collection of articles taken from the book Doctrine According to Godliness by Rev. Ronald Hanko, a minister of the Word in the Protestant Reformed Churches in America.
We thankfully acknowledge the work of Pastor John Flores in translating these articles into Tagalog.
Pastor Daniel Kleyn
Missionary in the Philippines of the
Protestant Reformed Churches in America
Isa sa mga pangkaraniwang pagtutol sa pagsasagawa ng Infant Baptism ay dahil walang anuman sa Kasulatan sa Bagong Tipan na nagsasabi na ang isang bata ay binautismuhan. Ito ay hindi totoo. Sa katunayan, mayroong dalawa nito.
Ang una ay ang 1 Cor. 10:2, na atin ng nakita sa ibang kaugnay: "At lahat ay nangabautismuhan kay Moises sa alapaap at sa dagat." Ang pagdaan ng mga Israelita sa pamamagitan ng Dagat na Pula ay naglalarawan bilang isang bautismo – isang maliwanag na bautismo kasama ang mga bata. (Exod. 10:9; 12:37). Ang totoo, magiging mahirap tanggihan na may mga bata na kasama ang mga Israelita sa panahong iyon, dahil halos dalawang milyong Israelita ang lumabas sa Ehipto (Exod. 12:37-38).
Ang punto, ang pagtawid sa Dagat na Pula ay isang bautismo sa paliwanag ng Bagong Tipan at sa gamit ng salitang yaon. Ang salitang bautismo sa Bagong Tipan ay ginamit upang ilarawan ang pangyayari sa 1 Cor. 10:2. Hindi ito mababago ng pagtutol ng Baptist na ito ay nangyari sa Lumang Tipan. Ang paggamit ng bautismo sa talatang ito ay nagpapakita na ang mga salita sa Bagong Tipan ay hindi palagiang nangangahulugan na "immersion" (palubog), na atin nang unang napatunayan. Ang mga Israelita ay hindi nalubog sa Dagat na Pula.
Bukod dito, ang katotohanang ang pagtawid sa Dagat na Pula ay naganap sa Lumang Tipan sa katunayan ay nagbibigay diin sa mahalagang punto na ang bautismo ay bagay na hindi bago sa Bagong Tipan. Maraming makikita sa Lumang Tipan na bautismo, gaya sa Heb. 9:10 maliwanag na nagpapakita "... na iniatang hanggang sa panahon ng pagbabago (gaya ng mga pagkain, at mga inumin at sarisaring paglilinis)." Katunayan, ang salitang paglilinis ay ang salitang pagbabautismo. At na sila’y mga totoong bautismo na pinatutunayan mula sa pagtukoy ng Bagong Tipan bilang gayon nga. Isa sa mga bautismo ay inilarawan sa talatang 19 na inilapat sa "ang buong bayan," at alam natin buhat sa Kasulatan na kabilang dito ang mga bata (Exod. 20:12).
Hindi nito mababago kahit pa tumutol ang mga Baptist na ang mga ito ay tipikal na bautismo. Ang lahat ng mga bautismo sa tubig ay simboliko at larawan ng isang bagay. Katunayan, doon sa Lumang Tipan at maging sa Bago ay ekstaktong naglalarawan ng parehong bagay: ang paglilinis ng kasalanan dahil sa dugo at Espiritu ni Jesu Cristo (1 Cor. 10:2; lalo na ang Heb. 9:13-14, 22; at 1 Ped. 3:21).
Ang mga talatang ito ay mahalaga sapagka’t ito’y nagpapakita na ang bautismo sa Lumang Tipan ay eksaktong katulad ng kahulugan doon sa Bagong Tipan. Pareho silang nangangahulugan ng kadalisayan at pagpapatawad ng ating mga kasalanan dahil sa pagbubuhos ng dugo (Heb. 10:22-23). Ang mabaustimuhan sa Lumang Tipan ay kasing-halaga sa Bagong Tipan, ang kaibahan lamang sa Lumang Tipan, ito ay nakatuton sa darating; mula sa kamatayan ni Jesus ay paglingon pabalik.
Sa makatwid, walang anumang batayang pagkakaiba ang dalawang Tipan, kahit sa usapin ng bautismo. Ang isiping ito ay hindi gayon ay nag-aakay sa direksyon ng Dispensationalism at paghihiwalay ng Luma sa Bagong Tipan.
Ang bautismo ay bagay na hindi na bago maging sa pandinig ng mga Israelita nang magsimulang magbautismo si Juan sa Ilog Jordan. Ang kaisipan patungkol sa Infant Baptism sa Lumang Tipan ay hindi na din dapat maging surpresa para sa atin. Mayroon lamang isang bayan ang Dios, isang tipan, isang daan ng kaligtasan, at isang tanda ng tipan, na parehong nasa Luma at Bagong Tipan.
Pinili namin na ilarawan ang bautismo na "pamilya" o "sangbahayang" bautismo kaysa sa "infant baptism." May ilang mga kadahilanan ito:
Una, walang bautismo na para lamang sa mga bata. Sa mga sumampalataya na may gulang na (adult) at hindi pa kailanman nabautismuhan ay bina-bautismuhan bilang adult, kahit pa sa mga iglesia na nagsasagawa ng infant baptism.
Pangalawa, ang pamilya o sangbahayang bautismo ay isang klase ng bautismo na inilalarawan sa Kasulatan kung ang pinag-uusapan ay yaong mga dapat bautismuhan.
Pangatlo, ang "Pamilyang Bautismo" ay nagsisilbi bilang pag alaala kung paano at bakit ang mga talatang tulad ng Mga Gawa 16 ay patunay sa pagsasagawa ng bautismo sa mga bata at maging sa mga matatanda.
Maliwanag na ang Kasulatan ay nagsasalita patungkol sa pamilyang bautismo. Sa Mga Gawa 16 ang mga sangbahayan kapuwa nila Lydia at ng bantay sa kulungan ay binautismuhan ni Pablo (tt.15, 33). Nagsalita si Pablo sa 1 Cor. 1:16 tungkol sa pagbautismo niya sa sangbahayan ni Estefanas. Mababasa din natin sa Mga Gawa 10:48 ang tungkol sa pagbautismo ni Pedro sa sangbahayan ni Cornelio. Ito, sa gayon, ang disenyo ng bautismo sa Bagong Tipan.
Ang mga talatang ito sa gayon, ay ginamit upang suportahan ang pagsasagawa ng bautismo sa mga bata na anak ng mga mananampalataya. Totoo, na hindi natin alam kung may mga bata nga ba sa alinmang sangbahayang ito, nguni’t hindi maaaring wala man lamang mga bata sa apat na pamilyang ito. Gayon man, kung ang bautismo ng pamilya o sangbahayan ay ang huwarang inilatag ng Kasulatan, imposibleng isagawa ang gaya nito ng walang infant baptism, mula sa karamihan ng sangbahayan ay ibinibilang ang mga bata.
Idaragdag pa natin, na kung ang "believer’s baptism" lamang ang tuntunin ng Kasulatan, na siyang itinuturo ng Baptist, ang pamilya o sangbahayang-bautismo ay hindi na magiging posible pa. Kahit na mangyari pa na ang iba’t ibang kaanib na mula sa iisang pamilya lamang ay sumampalataya at mabautismuhan sa parehong panahon sa isang iglesia ng Baptist, hindi pa rin sila nabautismuhan bilang kasapi ng pamilya o sangbahayan niya, kundi mga indibiduwal, resulta ito ng kanya- kanyang pagpapahayag ng kanilang pananampalataya.
Ang bautismo ng mga sangbahayan at mga pamilya ay mula sa paniniwalasa tipanan ng pamilya ng Dios: na Siyang soberano, mahabagin, at hindi nagbabagong mga pangako ng kaligtasan sa mga pamilya at mga sangbahayan, nangakong magiging Dios ng mga sumasampalataya at ng kanilang mga anak (Gen. 17:7; Mga Gawa 2:39).
Ang pagsasagawa nito (infant baptism), gayon ma’y hindi dapat asahang ipalagay na ang bawat kaanib ng sangbahayan ay tiyakang ligtas na. Kahit ang bautismo doon sa mga matatandang nagpapahayag na sila ay sumasampalataya hindi rin tiyak na ligtas na. Hindi sa anumang paraan na ang bautismo ay nagpapatunay o nagsasabing ang taong nabautismuhan ay tiyak na ligtas na.
Ang pagsasagawa ng pamilya o sangbahayang-bautismo, na malinawag na sinusundang halimbawa sa Kasulatan mismo, ay isang pag-alaala ng katotohanang ang Dios din mismo ay isang pamilya – Ama, Anak, at Espiritu Santo – na siyang nagpapalaki ng Kanyang biyaya at ipinahahayag ang Kanyang sarili sa pagpapadala ng kaligtasan sa mga pamilya. Tunay nga, na Siya, ang Dios ng mga Pamilya (Mga Awit 107:41).
Ang talatang malimit gamitin ng mga nagasasagawa ng infant baptism bilang patunay ng kanilang paniniwala ay ang Marcos 10:13-16, na naglalarawan ng pagbibigay basbas ni Jesus sa mga maliliit na bata. Sa kanila naman na nanghahawakan sa tinatawag na "believer’s baptism" ang gamit ng talatang ito ay nakalilito sapagkat hindi naman ito tumutukoy sa bautismo.
Ang Marcos 10 gayunpaman, ay patunay na talata na maaring magamit upang suportahan ang infant baptism. Totoo ito dahil sa ilang mga kadahilanan, nguni’t dapat nating pansinin na sa simula, ang mga batang ito sa katotohanan ay mga sanggol (Lucas 18:15).
Una, ang mga sanggol sa talatang ito ay tinanggap ni Jesus na Siya rin kumuha sa kanila sa Kanyang mga bisig at binasbasan sila. Ang tanggapin sa mga bisig ni Jesus at basbasan ay walang iba kundi kaligtasan mismo. Ang mga sanggol na ito ay iniligtas ni Jesus, ito ay maliwanag mula talatang 14 at 15, na kung saan sinabi Niyang tinatanggap Niya sila sa kaharian.
Sa kaligtasang ito at pagtanggap sa kaharian, ang bautismo ay isang larawan o tanda, na nagpapakita sa atin kung paano tayo pumasok sa kaharian. Ang argumento ngayon, ay ito: Kung ang mga sanggol ay maaaring matanggap ang realidad na kung saan ay siyang punto ng bautismo, bakit hindi nila matatanggap ang tanda? Ibahin natin, kung maaari nilang matanggap ang dakilang bagay, bakit hindi ang mas kaunti? Kami ay naniniwalang dahil maaari at matatanggap nila ang realidad, dapat din nilang tanggapin ang tanda. Ang kaligtasan ay ipinangako sa kanila gayon din sa matatanda sa tipan ng biyaya.
Pangalawa, sinabi ni Jesus sa talatang 15 na walang tumanggap ng kaharian maliban sa paraan ng pagtanggap ng mga sanggol, silang mga walang malay, walang kaalaman at dahil lamang sa kapangyarihan ng biyaya. Ang pagtanggap sa kaharian tulad sa maliliit na bata, kung gayon, ay pagtanggap nito nang walang anumang gawa – walang anumang lakas sa ating panig. Ito lamang ang natatanging paraan upang matanggap ng mga sanggol ang kaharian.
Ang katotohanan, ito lamang ang tanging daan na maaaring matanggap ng sinuman ang kaharian. Una, noong unang dumating sa atin ang kaligtasan, hindi natin ito hinanap o ninais man lang. Tayo, kung tutuusin ay patay sa pagsalangsang at kasalanan, at noong ang Dios lamang na mapagbiyaya ay binigyan tayo ng kaligtasan at ng kaharian dahil sa tayo ay binigyang- buhay muli kaya tayo nagsimulang hanapin at malaman ang Kanyang mga ginawa. Dahil doon, sinabi ni Jesus sa atin na mayroon lamang isang paraan upang matanggap ang kaharian – bilang musmos na bata. Kung hindi natin ito tinanggap sa ganoong paraan, hindi natin talaga ito natanggap.
Doon masusumpungan ang iba pang kadahilanan upang magbautismo ng bata. Hindi natin sinasabi na ang bawat sanggol na nabautismuhan ay siguradong ligtas na, nguni’t makikita sa bautismo ng bawat bata ang larawan kung paanong ang kaligtasan ay posible sa mga bata ayon sa pangako ng tipan ng Dios, ito ay, dahil sa kapangyarihan ng soberanong biyaya.
Tunay nga, sa bawat nabautismuhang bata ay may larawan tayo kung paano ang sinuman o bawat isa sa atin ay naligtas – hindi sa ating pagnanais o lakas, kundi dahil sa makapangyarihang lakas ng soberano Niyang biyaya, na dumating sa kanya noong siya ay hindi naghahanap sa Dios. Binigyan tayo ng Dios ng bagong buhay at kapanganakan.
Ang layunin, kung gayon, na ang bata ay binabautismuhan ay upang ipakita kung paano tayo naligtas: hindi upang patunayan ang kaligtasan ng batang nabautismuhan (hindi ito magagawa ng bautismo sa tubig lamang). Ipinapakita ng bautismo ang tanging daan ng kaligtasan at ipinapaalala sa atin na ipinapangako ng Dios na iligtas ang mga sanggol ng mananampalataya sa pamamagitan ng katulad ding soberanong biyaya na nagligtas sa kanilang mga magulang.
Isa sa mga argumento para sa family or infant baptism ang pag- uugnayan (correspondence) sa pagitan ng pagtutuli at bautismo. Hindi ito madaling makita, dahil ang panlabas na tanda nila ay magkaiba sa bawat isa.
Dapat maging malinaw, gayon man, ang tinutukoy na pagtutuli at bautismo ay mga tanda lamang; at kung ang kahulugan ang tatanungin, ang pagtutuli at bautismo ay magkatulad. Ang katotohanan ng pagtutuli ay eksaktong katulad ng katotohanang ukol sa bautismo.
Ang tunay na pagtutuli at ang tunay na bautsimo ay ang mismong kaligtasan, ito’y, ang pag- aalis ng kasalanan dahil sa paghahandog ni Cristo sa krus. Sa kalagayan ng pagtutuli, ito ay maliwanag sa Deuteronomio 30:6 at Colosas 2:11, at sa kalagayan ng bautismo mula sa Roma 6:1-6 at 1 Pedro 3:21. Ang mga tanda ay ang eksaktong katulad kung ang espiritual na katotohanan ang tatanungin, at kahit ang mga tanda mismo ay lalabas na mukhang magkaiba, ang mga ito’y sumisimbolo sa katulad na katotohanang espiritul.
Mapupunta sa kamalian ng dispensationalism ang sabihing lubos na magkaiba ang dalawa at sabihing may dalawang magkaibang paraan ng kaligtasan, ang isang paraan ay sa Lumang Tipan at isa naman ay ang Bagong Tipan. Karamihan ng mga Baptist ay sinusubukang iwasan ito sa pamamagitan ng pag-giit, sa kabila ng Deut. 30:6 at Colosas 2:11, na nagsasabing ang pagtutuli sa Lumang Tipan ay hindi tanda ng kaligtasan, kundi tila ilang uri ng marka upang kilalanin ang mga kaanib ng bayang Israel.
Ang mga tinatanggihan ni Pablo sa Roma 2:28, na kung saan kanyang iginigiit na ang panlabas na pagtutuli ay hindi ang talagang totoong pagtutuli, at hindi mahalaga ang maging Judyo sa panlabas; ang tanging mahalaga ay ang pagtutuli ng puso, at ang tanging Judyo ay yaong panloob. Sa sinumang nais na panatilihing mayroong espesyal sa pagiging likas na anak ni Abraham ay dapat basahin ang talatang ito.
Bakit, kung gayon, mayroong pagkakaiba sa pagitan ng mga panlabas na tanda ng pagtutuli at bautismo? Ito ay maaaring makita sa liwanag ng pangunahing pagkakaiba sa pagitan ng Luma at Bagong Tipan. Sa Lumang Tipan lahat ng mga bagay na ‘yon na nakatuon sa darating na Cristo ay kasama na ang pagbubuhos ng dugo (Heb. 9:22), nguni’t sa oras na ang dugo ni Cristo ay nabuhos na, wala ng anumang pagbubuhos pa ng dugo (Heb. 10:12), kahit pa ang pagtutuli ay wala na rin.
Ito lamang ang tanging totoong kaibahan sa pagitan ng mga tanda ng pagtutuli at bautismo. Sa kahulugan at katotohanan sila ay kapuwa pareho. Ang Kasulatan mismo ay kinikilala ito sa Colosas 2:11-12. Dahil marahil ito ay isang mahabang pangungusap na nasa dalawang talata, maaari nating hindi makita ang punto na ginagawa ni Pablo. Sinasabi niya doon na ang matuli ay ang mabaustimuhan. Ito ay isa sa mga pangunahing punto ng Colosas 2. Sa pakikipag-usap sa mga Hentil, sinasabi ni Pablo sa kanila na mayroon sila ng lahat ng mga bagay kay Cristo (tt. 10-11), kasama ang pagtutuli! Hindi sila nagkulang kay Cristo, na sa Kaniya nananahan ang kapuspusan sa pangkatawan ng pagka-Diyos (t. 9).
Ang katotohanan na ang pagtutuli at bautismo ay hindi lamang pareho ng kahulugan, kundi pareho din kung ang pag-uusapan ay espirituwal na realidad, ang siyang dahilan na ang kanilang panlabas na tanda ay dapat isagawa (sa ilalim ng isang walang hanggang tipan ng Dios) sa bayan ng Dios, kasama ang mga sanggol, sa Luma at Bagong Tipan.
Isa sa pagtutol ng mga Baptist sa infant baptism ay ang mabautismuhan ang iba na hindi naman ligtas at hindi kailanman maliligtas. Lagi nilang pinapaalalahanan silang mga nagsasagawa ng infant baptism na ang pagba-bautismo sa mga bata, ay pagba-bautismo sa mga hindi nagsisi at nagpahayag ng pananampalataya. Sa mga Baptist ito ay tila lubusang di-makatwiran.
Bilang sagot sa pagtutol na ito, ating pupuntuhan na imposible kapuwa sa Iglesia ng mga Baptist o ng mga Reformed, ang magbautismo lamang ng mga tao na ligtas na. Dahil ang mga lihim ng puso ay hindi natin nalalaman, kahit pa ang mga Iglesia ng Baptist ay maaaring magbautismo lamang ng mga nagpahayag ng pananampalataya at pagsisisi.
Nang atin itong puntuhan sa mga iba’t ibang kaibigan at kilalang Baptist, ang kanilang tugon madalas ay, "Pero mas kaunti ang aming binautismuhang hindi ligtas kaysa sa inyong ginagawa." Ang totoo sa oras na ang Baptist ay nagbautismo ng kahit isa na hindi ligtas na tao, hindi na siya nagsasagawa ng "believer’s baptism," kundi isang bagay na malamang tawaging "professor’s baptism" (bautismo ng mga nagpahayag ng pananampalataya).
Marami pa sa mga punto, gayon man, ay ang katotohanang sa Kasulatan ang kapuwa pagtutuli at bautism ay sadyang nauukol sa mga hindi mananampalataya. Tinuli ni Abraham si Ismael matapos siyang sabihan na si Ismael ay walang bahagi sa tipan (Gen. 17:18-19), at si Isaac ay tinuli si Esau matapos sabihan na Esau ay itinakwil (Gen. 25:23-24).
Ang argumento ng Baptist sa puntong ito na ang pagtutuli ay palatandaan lamang ng pambansang pagkakalinlan. Ito ay lubos na hindi totoo, gayon pa man, sa liwanag ng kung ano ang sinasabi ng Kasulatan patungkol sa pagtutuli. Ito ay palagiang isang tanda ng "paghuhubad ng kasalanan ng katawang laman sa paraan ng pagtutuli [kamatayan] ni Cristo" (Col. 2:11; tingnan din Deut. 30:6; Jer. 4:4).
Ito ay tunay rin sa bautismo. Ang bautismo sa Dagat na Pula (kilala ito bilang bautismo sa 1 Cor. 10:1-2) ito ay ginamit ng Dios sa marami na Kanyang "hindi kinaluguran" at sa dako pa roon ay pinuksa ni Satanas (tt. 5-10). Si Ham din, ay "nabautismuhan" (1 Ped. 3:20-21) kasama ang pamilya ni Noe.
Ang tanging katanungan, kung gayon, ay ito: "Bakit ang Dios ay nalulugod na magkaroon ng tanda ng tipan at ng kaligtasan, kapuwa sa Luma at sa Bagong Tipan, na ginamit sa mga hindi ligtas at maging sa mga ligtas na tao?" Maging sila man ay mga matatanda o mga bata ay tunay na walang kaibahan. Kahit ang mga Baptist man ay dapat sagutin ang tanong na ito.
Ang kasagutan sa tanong na ito ay nananatili sa pangwalang hanggang layunin ng Dios. Tanging ang may matibay na paniniwala na ang Dios ay nagtalaga sa pangwalang hanggan ng lahat ng bagay, kasama ang kaligtasan ng iilan at ng hindi ng iba, ang makapagbibigay ng maliwanag at maiintindihang sagot dito.
Ang sagot dapat, na ang pagtutuli sa Luma at Bagong Tipan, tulad ng pangangaral ng evangelio, ay kapangyarihan at patotoo kapuwa sa kaligtasan at sa pagpapatigas at paggagawad ng hatol, at ginagawa nila ito ayon sa layunin ng Dios (2 Cor. 2:14-16). Binabautismuhan namin ang matatanda at maging mga bata, samakatwid, sa pang-unawang gagamitin ito ng Dios sa kaligtasan ng ilan at sa paggawad ng hatol sa iba, ayon sa Kanyang layunin, tulad ng nangyari kina Ismael o Esau, o Ham.
Ngayon naman ating hahangaring patungkulan ang mahalagang argumento ng Baptist na ang pananampalataya ay kailangan bago ang bautismo. Kaya nga ang Baptist ay nagsasabi na ang bautismo bilang "believer’s baptism."
Ang unang bagay na dapat sabihin, na ang posisyon ng Baptist ay hindi posible. Gaya ng atin nang nai-punto, maaaring ang Baptist ay magbautismo lamang sa mga taong may profession of faith (nagpahayag ng pananampalataya). Dahil walang nakakaalam ng pusowalang anumang paraan upang matiyak na ang lahat ng nabautismuhan na ay tunay ngang mananampalataya.
Ang madalas na tugon ng Baptist, gaya ng naipaliwanag na kanina, na sila ay nagkakapag- bautismo ng kaunting hindi mananampalataya kaysa sa mga nagsasagawa ng pangpamilya o sangbahayang bautismo. Ito syempre, ay mahirap patunayan, subalit ang totoo kung ang Iglesia ng Baptist ay magbautismo ng kahit isa man lang na Ipokrito (mapagkunwa) o hindi totoong mananampalataya, hindi ito pagsasagawa ng "believer’s baptism."
Gayunman, ito ay hindi ang pangunahing punto. Ang mga salita ni Jesus sa Marcos 16:16 ay nagsasaad, "Ang sumampalataya at mabautismuhan ay maliligtas; nguni’t ang hindi sumampalataya ay parurusahan." Ang talatang ito ay kailangang ipaliwanag, lalo na dahil ang mga salita dito ay utos at pahintulot na ang iglesia sa Bagong Tipan ay mabautismuhan.
Una, hindi sinasabi ng talata na (sa kabila na ang bawat Baptist ay binabasa ito ng pa-ganito) "Ang sumampalataya at pagkatapos mabautismuhan ay maliligtas." Sinasabi lamang nito na parehong ang pananampalataya at bautismo ay kailangan sa kaligtasan.
Pangalawa, sa dahilang ang pananampalataya at bautismo ay naitala sa ganoong pagkakasunod- sunod ay hindi nangangahulugang dapat itong mangyari sa ganoon ding pagkakasunud-sunod. Sa 2 Ped. 1:10 ang pagtawag (calling) ay naisulat bago ang pagpili (election), nguni’t hindi nito ibig sabihin na ang pagtawag ay mauuna bago ang pagpili, na kung saan ang bawat Calvinist ay alam ito.
Ang pagkakasunod- sunod sa Marcos 16:16 ay upang ipakita lamang ang kahalagahan. Ang pananampalataya ay inilagay bago ang bautismo dahil ito ay mas higit na mahalaga. Makikita ito sa huling bahagi ng talata na kung saan ang bautismo ay hindi na nabanggit pang muli, bagaman ang pananampalataya ay nabanggit.
Kung ang pagkakasunod- sunod ng Marcos 16:16 ay ang pansamantalang pagkakasunod- sunod, o kung ang pagkakasunod- sunod ng mga ito ay dapat gawin, kung gayon ang pagkakasunod- sunod ay pananampalataya, bautismo, kaligtasan: "Ang sumampalataya at mabautismuhan ay maliligtas." Walang may gusto ng ganitong pagkakasunod- sunod!
Bilang karagdagan pa dito, may mga talata sa Bagong Tipan na nagpapahiwatig kahit sa ilang mga pangyayari, na ang pananampalataya ay hindi nauuna sa bautismo. Sa Mga Gawa 19:4 sinasabi sa atin ang bautismo ni Juan at kung paano sinabi ni Juan sa mga tao nang bautismuhan niya sila na dapat silang manampalataya sa Kanya (Cristo) na siyang darating pagkatapos niya. Hindi sila binautismuhan dahil sila ay nanampalataya na kay Cristo.
Ito rin sa talatang 4, ang mga Baptist ay may dalawang pagpipilian. Maaari niyang sabihing ang bautismo ni Juan ay hindi tunay sa bautismo sa Bagong Tipan, kahit na higit sa kalahati ng nabanggit sa bautismo sa Bagong Tipan ay mga bautismo ni Juan (at walang anumang pagpapatibay na makukuha sa pagsasagawa nito sa Bagong Tipan), o maaari niyang aminin na ang pananampalataya ay hindi palagiang nauuna sa bautismo.
Ang iba pang argumento ng mga Baptist sa tinatawag nilang "believer’s baptism" ay hindi lamang ang pananampalataya, kundi maging ang pagsisisi ay dapat mauna bago ang bautismo. Nasagot na ang ilan sa saklaw nito, nguni’t may ilang bagay pa rin na kailangang ma-puntuhan.
Ating tingnan ang Marcos 1:4 na tumutukoy sa bautismo ng pagsisisi: "Si Juan na Tagapagbautismo ay dumating sa ilang at ipinangangaral ang bautismo ng pagsisisi sa ikapapatawad ng mga kasalanan." Marami ang tinatapos ang talatang ito na ang pagsisisi ay dapat mauna bago ang bautismo.
Ito gayunman, ay hindi patunay. Ang salitang ng ay maaaring mangahulugan ng "ang bautismo na may pinagmumulan sa pagsisisi" at maaari din sabihing ang bautismo ay dapat kasunod ng pagsisisi. Ang mga salitang ng pagsisisi ay maaari din mangahulugang ang bautismo at pagsisisi ay kabilang sa bawat isa, na hindi sinasabi ang patungkol sa pagkakasunod- sunod kung saan ito ay mangyari.
Kami ay naniniwala na ang parirala ay hindi nagsasabi patungkol sa pagkakasunod- sunod kung saan ang dalawang ito ay mangyari, bagkus ang ibig sabihin ng pagsisisi at bautismo ay palaging kabilang sa bawat isa – na ang bautismo ay nangangailangan ng pagsisisi (ito man ay bago ang bautismo o pagkatapos nito, o kahit saan sa dalawa).
Kung mayroon man pagkakasunod- sunod sa pagitan ng bautismmo at pagsisisi, nagtuturo ang Kasulatan na ang kasunod ng bautismo ay ang pagsisisi. Mateo 3:11, ay katulad ng talata, na nagpapakita nito. Doon ay mababasa na ang bautismo sa (literal na "ang") pagsisisi, na kung saan ang salitang sa ay may kaisipang ng "paggalaw patungo sa isang bagay." Ang kaisipan na ang bautismo ay isinasagawa na may pananaw na pagsisisi pagkatapos, o kahit bilang isang uri ng pagtawag (calling) tungo sa pagsisisi.
Sa pagpapahiwatig na ang bautismo ay nakatuon sa hinaharap at hindi paglingon pabalik sa pagsisisi, Kinikilala ng Mateo 3:11 ang mahalagang kaibahan ng Baptist at Reformed na pananaw sa bautismo. Ang pananaw ng Baptist ay ang bautismo ay tanda o marka ng kung ano ang ating nagawa sa pagsisisi at pananampalataya. Sa posisyon ng Reformed, ang bautismo ay tanda o marka ng kung ano ang ginawa ng Dios sa pagpapanibagong- buhay (regeneration) sa atin. Hindi ito marka ng ating pagtugon sa biyaya, kundi ang gawa ng biyaya mismo.
Ang pinaka-katangian ng seremonya ng bautismo, ay isang larawan ng paghuhugas ng kasalanan dahil sa dugo ni Jesus. Ito ang ginawa ng Dios sa pagliligtas sa atin, at una Niya itong ginawa. Ginawa Niya ito noong tayo ay wala pang kakayanan na tumugon sa Kanyang mahabaging pagkilos. Kasunod nito ang pagsisisi.
Kung atin itong naiintindihan, ang infant baptism ay hindi na magiging tila kakaiba, kundi nababagay pa nga. Gayunpaman, walang sinuman sa atin, naligtas na matatanda o mga bata, na hindi makakapasok sa kaharian ng langit tulad sa mga sanggol, ito ay, sa pamamagitan ng pagkilos ng dalisay na biyaya na nauna sa lahat ng gawain at pagtugon sa kanyang bahagi. Ang pagkilos na ito ng biyaya ay ang marka at pagalaala ng infant baptism.
Sa Mateo 28:19 ay may utos si Cristo sa pagbibigay karapatan sa pagbabautismo sa iglesia ng Bagong Tipan: "... [G]awin ninyong alagad ang lahat ng mga bansa, bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo." Dito rin itinatatag ang bautismo bilang pangkalahatan (universal) at hindi lamang isang seremonya ng mga Judyo.
May dalawang bagay tayong nais puntuhan mula sa mahalagang talatang ito. Sa halip na maging patunay ito laban sa infant baptism, ito pa nga ang kabaligtaran nito – napakatibay na patunay para dito. Ang mga Baptist ay nakikipagtalong nag-utos si Jesus na una pangaralan (i-disipulo) ang mga bansa at pagkatapos ay bautismuhan. Sabi nila, na ang mga sanggol, ay hindi wala sa hustong gulang upang turuan o gawing alagad kung kaya’t hindi maaaring bautismuhan. Dito, gayon man, nalaktawan nila ang mahahalagang mga punto.
Una, sa naipakita na namin na may kinalaman sa Marcos 16:16, ang salitang pagkatapos ay wala sa talata. Hindi sinabi ni Jesus na, ".... [G]awin ninyong alagad ang lahat ng mga bansa, pagkatapos ay bautismuhan ninyo sila." Kung sinabi nya, maaari nating masabi na tama ang mga Baptist sa "believer’s-only baptism"
Pangalawa, ang talata ay tumutukoy sa mga bansa, hindi ng mga bawat isa. Sa ganitong katangian ng katayuan, samakatwid, ang dalawang gawaing ito na pagiging alagad at pagbautismo ay dapat nagpapatuloy nang magkasabay. Hindi maaaring hintayin na maturuan muna ang buong bansa bago magsimulang magbautismo, kung hindi ay walang bautismo na mangyayari.
Ang pagkaka-ayos ng mga salita sa teksto ay laban sa pananaw ng mga Baptist. Ang talata ay dapat unawain ng literal na nagsasabing, "Turuan ang lahat ng mga bansa kapag babautismuhan sila" o "Turuan ang lahat ng mga bansa matapos silang bautismuhan." Ang talata, kung tutuusin, ay walang sinasabing ganitong pagkakasunod- sunod patungkol sa pagtuturo at pagbautismo.
Bukod pa dito, kasama ang mga bata sa mga bansa. Napaka- imposible ang mangaral at magbautismo ng mga bansa nang hindi mapapangaralan at mababautismuhan din ang mga bata na kabilang din sa mga bansang iyon.
Ni hindi dapat kalimutan na ang Mateo 28:19 ay katuparan ng Isaiah 52:15: "Gayon siya magwiwisik sa maraming bansa ..." Sa Mateo dapat palagi natin itong tingnan mula sa mga hula ng Lumang Tipan na naisakatuparan na, sapagkat ito ang pinakamalaking paksain ng evangeliong ito. Palaging ipinapakita ni Mateo si Jesus bilang katuparan ng Lumang Tipan (tingnan Kapitulo 1 at 2). Ang malinaw na pagpipilian ng natupad na hula sa Isaias 52:15 ay ang talatang ito ng Mateo.
Ang pagwiwisik na ito sa mga bansa sa Isaias ay sinundan ng talatang patungkol sa paghihirap at kamatayang dadanasin ni Cristo. Sa paraang panlabas na anyo "ang kanyang hugis ay higit kaysa sa mga anak ng mga tao" (t. 14), winisikan niya ang maraming mga bansa. Makikita natin ang nangyari sa Bagong Tipan sa pagsunod nila sa utos ni Cristo sa Mateo 28:19.
At hindi lamang ipinakilala sa Isaias 5:14 ang pagbautismo sa mga bansa sa paraang pagwiwisik, nguni’t sa buong aklat ang propeta ay nagsasalita sa mga bansang ito bilang tinipon para sa kanyang pagwiwisik kasama ang kanilang mga anak. Sa paglapit nila kay Cristo para sa pagwiwisik at kaligtasan, dinadala nila ang kanilang mga anak na lalaki at babae at kahit ang kanilang pasusuhing mga sanggol (Isa. 49:22; 60:4). Ang pangakong ito ng pagwiwisik ng mga bansa, na naisakatuparan sa pagliligtas na ginawa ng Panginoong Jesu Cristo, ay larawan at inaalala sa bautismo. Hindi upang gayahin ang Romano Katoliko o dahil sa tradisyon, kundi bilang pagsunod sa Salita ng Dios, kaya’t ang Reformed ay nagsasagawa ng infant baptism.
*This is not an official translation of the PRC in the Philippines.
Para sa karagdagang babasahin sa wikang Tagalog, i-click dito
http://prcaphilippinesaudio.wordpress.com/tagalog/