Covenant Protestant Reformed Church
Bookmark and Share

Pormularyo ng Paggawad ng Bautismo

 

Ang mga pangunahing sangkap ng katuruan ng banal na bautismo ay ang tatlong ito:

Una. Na tayo at ang ating mga anak ay ipinaglihi at ipinanganak sa kasalanan, samakatuwid ay mga anak tayo ng pagkagalit, sapat upang hindi tayo maaaring makapasok sa kaharian ng Diyos malibang ipanganak tayong muli. Itong pagtutubog o pagwiwisik ng tubig ay nagtuturo kung saan inilalarawan ang karumihan ng ating kaluluwa, at tayo ay inuutusang kamuhian ang ating mga sarili at magpakumbaba sa harapan ng Diyos, at ating hangarin ang paglilinis sa atin at ang kaligtasang hindi sa pamamagitan ng ating mga sarili.

Ikalawa. Pinapatotohanan at pinatutunayan sa atin ng banal na bautismo na hinuhugasan ang ating mga kasalanan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Samakatuwid, tayo ay binautismuhan sa pangalan ng Ama, at ng Anak at ng Espiritu Santo. Sapagkat kapag tayo ay binautismuhan sa pangalan ng Ama, ang Diyos Ama ay nagpapatotoo at nagpapatunay sa atin na pinagtitibay Niya ang isang walang hanggang tipan sa atin, at kinukupkop tayo upang maging Kanyang mga anak at tagapagmana, at dahil dito ay ipagkakaloob Niya ang lahat ng mabuting bagay at hahadlangan ang lahat ng kasamaan o kung hindi man ay gagamitin Niya ito para sa ating kapakinabangan. At kapag tayo ay binautismuhan sa pangalan ng Anak, pinapatotohanan sa atin ng Anak na hinuhugasan Niya tayo sa lahat ng ating mga kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang dugo, at ibinibilang tayo sa pakikiisa sa Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay, upang sa gayo’y lumaya tayo sa ating mga kasalanan at ituring na matuwid at walang sala sa harap ng Diyos. Gayon din, kapag tayo ay binautismuhan sa pangalan ng Espiritu Santo, tinitiyak sa atin ng Espiritu Santo sa pamamagitan ng sakaramentong ito, na Siya ay mananahan sa atin at pababanalin tayo upang maging bahagi ni Cristo at inilalapat sa atin kung anong biyaya mayroon tayo kay Cristo na ito ay ang paglilinis sa ating mga kasalanan at ang araw-araw na pagbabago sa ating mga buhay, hanggang sa tayo ay iharap na walang dungis o kapintasan sa gitna ng kalipunan ng mga hinirang sa buhay na walang hanggan.

Ikatlo. Kung paanong sa lahat ng tipanan ay mayroong dalawang bahagi, sa pamamagitan nga ng bautismo ay inuutusan at inoobligahan tayo sa bagong pagsunod, na kumapit tayo sa isang Diyos na ito, Ama, Anak at Espiritu Santo; na Siya ay pagtiwalaan natin, at ibigin Siya ng buo nating puso, ng buo nating kaluluwa, ng buo nating isip, at ng buo nating lakas; na ating talikuran ang sanlibutan, ipako sa krus ang luma nating kalikasan at lumakad sa bago at banal na pamumuhay.

At bagamang minsan ay nahuhulog tayo sa kasalanan dahil sa ating mga kahinaan, ay hindi tayo dapat bumitiw sa awa ng Diyos, ni magpatuloy sa pagkakasala, yamang ang bautismo ay tatak at walang alinlangang patotoo na tayo ay mayroong pakikipagtipan ng biyaya sa Diyos.

Ukol Sa Mga Sanggol ng Mananampalataya

At bagamang hindi nauunawaan ng ating mga sanggol ang mga bagay na ito, hindi natin dapat ipagkait sa kanila ang bautismo, sapagkat kung paanong naging kabahagi sila ng kahatulan ni Adan kahit wala silang kamalay-malay, sa ganito ring paraan ay tinanggap silang muli sa biyaya ni Cristo; kung paanong winika ng Diyos kay Abraham, na ama ng mga sumasampalataya, at winika Niya rin sa atin at sa ating mga anak, na sinasabing. "At aking papagtitibayin ang aking tipan sa iyo at sa iyong binhi pagkamatay mo sa boong kalahian nila, na tipang walang hanggan, na ako’y magiging iyong Diyos at ng iyong binhi, pagkamatay mo" (Gen. 17:7). Ito rin ang pinapatotohanan ni apostol Pedro sa mga salitang’ "Sapagka’t sa inyo ang pangako, at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nangasa malayo, maging ilan man ang tawagin ng Panginoon nating Diyos sa kaniya" (Gawa 2:39). Samakatuwid, dati ay inutusan ng Diyos na silang mga sanggol ay dapat tuliin, na siyang tanda ng tipan at ng katuwiran sa pamamagitan ng pananampalataya; kaya nga niyakap sila ni Cristo, pinatungan Niya ng kamay at pinagpala Niya sila (Marcos 10).

Yamang pinalitan na ng bautismo ang pagtutuli, ang mga sanggol kung gayon ay dapat bautismuhan bilang mga tagapagmana ng kaharian ng Diyos at ng Kanyang tipan. At tungkulin ng mga magulang na ibayong ituro ito sa mga bata kapag sila ay nasa hustong gulang na.

Upang ang banal na ordinansyang ito ay magampanan alangalang sa Kanyang kaluwalhatian, sa ating kaaliwan, at sa ikalalakas ng kanyang iglesia, tayo ngayon ay tumawag sa Kanyang pangalan at dumalangin:

Panalangin

Makapangyatihan at walang hanggang Diyos. Ikaw na ayon sa mahigpit Mong paghatol ay pinarusahan sa pamamagitan ng tubig baha ang sanlibutang hindi sumampalataya at hindi nagsisi at dahil sa iyong dakilang awa ay iniligtas ang mananampalatayang si Noe at ang kanyang sambahayan; Ikaw na naglunod sa matigas na si Faraon sampu ng kanyang hukbo sa Pulang Dagat, at pinangunahan ang iyong bayan na lumakad sa gitna ng dagat sa landas na tuyong lupa, na naglalarawan sa bautismo—kami po ay dumudulog sa Iyo, kalugdan Mo, mula sa iyong walang hanggang awa, na alalahanin ang aming mga anak at ibilang Mo sila kay Jesu-Cristong Iyong Anak sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na sila rin ay mailibing kasama Niya sa Kanyang kamatayan, at muling maibangong kasama Niya sa bagong buhay; upang araw-araw silang sumusnod sa Kanya, may galak na pinapasan ang kanilang krus, at nagsisikapit sa Kanya sa pamamagitan ng pananampalataya, matibay na pag-asa, at masigasig na pag-ibig, nang sa gayo’y sa pamamagitan ng Iyong naka-aaliw na kaluguran ay iwan nila ang buhay na ito, na walang ano pa man kundi walang katapusang kamatayan, at nang sa huling araw ay haharap silang walang katatakutan sa hukuman ni Cristong Iyong Anak, sa pamamagitan ni Jesu-Cristong aming Panginoon na kasama Mo at ng Espiritu Santo, ang nag-iisa at tunay na Diyos, naghahari at nabubuhay magpakailan man. Amen.

Paalala sa mga Magulang

Mga minamahal sa Panginoong Jesu-Cristo, narinig ninyo na ang bautismo ay isang utos ng Diyos upang itatak sa atin at sa ating mga anak ang Kanyang tipan; samakatuwid ay dapat itong gampanin para sa layuning ito, at hindi dahil sa kaugalian, tradisyon o pamahiin. Upang patunayan na ito ang nasasaisip ninyo, marapat n’yong sagutin nang buong katapatan ang mga tanong na ito:

Una. Kinikilala n’yo ba na ang ating mga anak ay ipinaglihi at ipinanganak sa kasalanan, at dahil dito’y nararapat sila sa kapighatian at kahatulan; gayon pa ma’y binanal sila kay Cristo, at kung gayo’y bilang mga myembro ng iglesia ay dapat silang mabautismuhan?

Ikalawa. Kinikilala n’yo ba na ang mga katuruan na nilalaman ng Luma at Bagong Tipan at ng mga artikulo ng pananampalatayang Cristiano, na ipinapangaral dito sa ______________ ay totoo at kumpletong Ebanghelyo ukol sa kaligtasan?

Ikatlo. Nangangako ba kayo at nagnanasa na subaybayan ang sanggol na ito, na sa pagsapit niya sa hustong gulang ay turuan at palakihin siya ayon sa mga nasabing doktrina, o tumulong o magbunsod na siya ay pangaralan tungkol dito sa abot ng inyong makakaya?

Sagot: Opo.

Kung gayon, ikaw, ______________________ ay binabautismuhan ko sa pangalan ng Ama, at ng Anak at ng Espiritu Santo. Amen.

Pasasalamat

Makapangyarihan at mahabaging Ama, pinasasalamatan at pinupuri Ka namin dahil pinatawad Mo kami at ang aming mga anak sa aming mga kasalanan sa pamamagitan ng dugo ng Iyong minamahal na Anak na si Jesu-Cristo, at tinanggap Mo kami sa pamamagitan ng Iyong Espiritu Santo bilang bahagi ng Iyong Bugtong na Anak, at kinupkop kami bilang mga anak Mo, at tinatakan at pinatunayan Mo ito sa pamamagitan ng banal na bautismo. Hinihiling po namin sa ngalan ng Iyong minamahal na Anak na malugod Mong pamahalaan ang nabautismuhang sanggol na ito sa pamamagitan ng Iyong Espiritu Santo, upang siya ay maturuan sa banal at masusing kaparaanan, upang sumagana at lumago sa Panginoong Jesu-Cristo, upang kilalanin niya ang kabutihan at kahabagan Mo bilang Ama na ipinamalas Mo sa kanya at sa amin, at mabuhay sa katuwiran sa pangunguna ng aming Guro, Hari at Dakilang Saserdote, na si Jesu-Cristo; at masigasig na labanan at mapagtagumpayan ang kasalanan, ang diablo at ang buo niyang kaharian, nang sa gayon ay walang hanggan Ka niyang papurihan at dakilain, at ang Iyong Anak na si Jesu-Cristo kasama ng Espiritu Santo, ang nag-iisang tunay na Diyos. Amen.

*This is not an official translation of the PRC in the Philippines.

Para sa karagdagang babasahin sa wikang Tagalog, i-click dito
http://prcaphilippinesaudio.wordpress.com/tagalog/