Covenant Protestant Reformed Church
Bookmark and Share

John Calvin: Repormista ng Geneva

Herman Hanko

 

Panimula

Noong inihahanda ni Karl Barth ang isang serye ng mga lektyur tungkol kay John Calvin, sinulat niya sa isang kaibigan, "Si Calvin ay isang malaking talon. Lubos ang kakulangan ko sa kasangkapan, ang mga panipsip, upang maibahagi sa akin ang kakaibang taong ito, bukod sa hindi ko na kailangang banggitin kung paano ko ito mailalahad nang sapat. Ang kaya ko lamang saluhin ay isang maliit na agos at ang kaya ko namang ibigay lamang ay isang mas maliit na katas ng maliit na agos na ito. Maipipirmi ko ang aking sarili na may kagalakan at kapakinabangan at gugugulin ang nalalabing bahagi ng aking buhay na kasama lamang si Calvin."

Walang posibleng makakakuwestyon sa pagsasabi na si John Calvin ang pinakadakilang repormista sa lahat ng kapanahunan. Mas maraming aklat ang naisulat tungkol sa kanya at sa kanyang teolohiya kaysa sa sinumang tao sa kasaysayan ng iglesya. Lahat sila na sa nakalipas na 450ng taon ay minahal ang mga doktrina ng biyaya ay inaangkin si Calvin bilang kanilang espiritwal na ama. Lahat ng nagpapahayag ng teolohiyang ganap na biblikal at nakapaloob sa lahat ng mga dakilang kredo ng ikalabing-anim at ikalabimpitong siglo ay tinatagurian ang kanilang teolohiya na Calvinism. Bukod sa mga Banal na Kasulatan mismo, kaunti lamang ang mga aklat na nakaimpluwesya sa mga sumunod na siglo na tulad ng Institutes of the Christian Religion ni Calvin. Kahit sa kasalukuyan, ang Institutes ay kadalasang itinuturing na huling salita [awtoridad] sa mga usaping teolohikal sa pangkat ng mga Reformed at Presbyterian. Ngunit si Calvin, matapos niyang simulan ang gawain ng kanyang buhay, ay hindi kailanman lumayo sa Geneva na isang maliit na lunsod sa French Switzerland. Dito, dumating siya sa isang gabing maunos; dito siya nanirahan, sinindak ng banta ni William Farel; dito niya ginawa ang lahat ng kanyang gawain. Ngayon ay lumaganap ang kanyang mga isinulat sa buong mundo. Ang tanging paliwanag dito ay ang Diyos, sa pamamagitan ni Calvin, ay nagsagawa ng repormasyon sa Kanyang nagigipit na iglesya.

 

Mga Pangyayari sa Repormasyon sa Switzerland

Ang bahagi ng Switzerland na pagtutuunan natin ng pansin ay ang tinatawag na French Switzerland dahil ang hangganan nito ay sa Francia, at sinasalita doon ang wikang Pranses. Binubuo ito ng mga distrito [cantons] ng Geneva, Vaud at Neûchatel. Sa distrito ng Geneva ay ang lunsod na may gayon ding pangalan, sa baybay ng isang ilog, na tinatawag ding Geneva.

Kailangan ng kaunting paliwanag tungkol sa pamahalaan noon ng Geneva dahil may bahagi itong gagampanan sa Repormasyon doon. Taun-taong nagpupulong ang mga mamamayan sa General Assembly upang ihalal ang apat na "sindiko" at isang ingat-yaman. Ang mga mamamayan naman ay pinamumunuan ng Maliit na Sanggunian ng 25, na kinabibilangan ng mga sindiko ng kasalukuyan at ng dati pang mga taon. Ang Sanggunian ng 60, na itinalaga ng Maliit na Sanggunian, ay nagpapasiya para sa mga usapin ng mas malalaking polisiya. Noong 1527 isang Sanggunian ng 200 ang idinagdag ng Maliit na Sanggunian at 175ng iba pa na pinili ng Maliit na Sanggunian. Ang huling pagtitipong ito ang talagang nagdulot kay Calvin ng kanyang mga problema.

Hindi lamang sa Germany sumapit ang Repormasyon kundi lumaganap pa ito sa ibang bahagi ng Europa. Sa Switzerland, si Zwingli ang nagsikap sa karamihan ng mga gawain, at ang daan ay inihahanda sa Geneva para kay Calvin sa pamamagitan ng maalab at radikal na repormistang si William Farel.

Umanib sa Repormasyon ang Berne, sa hilaga ng Neûchatel noong 1528 at isinugo ang mga ministro nito sa French Switzerland upang ipangaral ang ebanghelyo roon. Si Farel ang tagapanguna, at bihirang matagpuan ang isang mas malakas na lider.

Ang mga pagsisikap ni Farel ay isinagawa sa gitna ng pakikipaghamok at kaguluhan, at noong 1532 itinaboy si Farel palabas ng lunsod. Noong 1534 nagbalik siya at sa pamamagitan ng mga pakikipagtalo at pangangaral ay nakamit ang kaunting puwang sa mga Protestanteng naakay ng kanyang pangangaral. Pumabor sa kanya na ang Geneva ay napakaliit, ito talaga ay nasa ilalim ng pamumuno ng lunsod ng Basel, at sinuportahan ng Basel ang Repormasyon. Unti-unting nilisan ng mga pari, mga monghe at mga madre ang lunsod, at opisyal na itinatag ang Repormasyon noong 1535 at 1536. Gayon pa man, ang lunsod ay nanatiling isang lugar ng mga nakakatakot na moral na kalagayan, isang pamana ng Romano Catolicismo.

 

Kabataan ni Calvin

Isinilang si Calvin noong Hulyo 10, 1509, sa Noyon, France, dalawampu’t anim na taon pagkatapos ng kapanganakan ni Luther. Habang si Luther ay namulat sa bahagi ng iglesya kung saan pinahahalagahan ang kabanalan at relihiyon, namulat si Calvin sa bahagi ng iglesya na pinahahalagahan ang edukasyon at kultura. Walang gaanong impormasyon tungkol sa ina ni Calvin; ang kanyang ama ay apostolikong kalihim sa obispo ng Noyon subalit nahulog sa mga suliranin tungkol sa salapi, naging kahihiyan sa iglesya, at naitiwalag.

Halos mula pa ng pasimula naitadhana na si Calvin na maglingkod sa simbahan, at sa kanyang ikalabindalawang taon tumanggap siya ng bahagi ng nalikom bilang kapelyan [chaplain], na nagtaguyod ng kanyang pag-aaral sa iba’t ibang paaralan, pangunahin sa Paris. Marahil ay pinakamahusay na maibubuod ang mga ito sa mga susunod na pagsasalarawan ng kanyang gawain sa Collège de Montaigu:

… isang tanyag na paaralan na kilala sa mahigpit nitong disiplina at masamang pagkain. Si Erasmus na nag-aral dito ilang taon bago kay Calvin, maglaon ay nagreklamo tungkol sa mga sirang itlog na sapilitan niyang kinain sa silid-kainan. Ang mga panghabangbuhay na problema ni Calvin sa kanyang impatso at insomnya ay malamang na natamo niya mula sa malalang uri ng pagkain at pagkahumaling sa pagsusunog ng kilay sa Montaigu. Maglaon, isang alamat ang nagsasabi na sa mga panahong ito, ginawaran si Calvin ng kanyang kapwa mag-aaral ng palayaw na "the accusative case." Bagamang hindi ito totoo, inamin ni Beza sa kanyang kahanga-hangang talambuhay na ang batang iskolar ay totoong, "istriktong manunuligsa ng lahat ng kasamaan sa kanyang mga kasamahan." Habang ang kanyang mga kamag-aaral ay nagtatatalon sa mga lansangan at tumatakas upang magtungo sa mga walang taros na pagsasaya, naging abala naman si Calvin sa mga detalye ng nominalistang lohika o ang mga quaestiones ng iskolastikong teolohiya.

Sa kalahatan, tinamasa ni Calvin ang isa sa mga pinakamahusay na edukasyon sa makataong sining [humanities] na makukuha noong mga panahong iyon at tumindig mula sa kanyang edukasyon na isang ganap na humanist. Pinagtuunan ng kanyang mga pag-aaral ang teolohiya, bumaling sa pagbabatas [law] at pagkatapos ay bumalik sa teolohiya. Noong 1532, habang wari’y hindi pa hinihipo ng biyaya, sumulat siya ng isang komentaryo tungkol sa isang sanaysay ni Seneca, ang matandang paganong Romano, na pinamagatang "Tungkol sa Awa."

 

Ang Pagbabalik-loob ni Calvin at ang mga Nauna Niyang Gawain

Gayon pa man, pinasimulan ng Diyos ang Kanyang kilos kay Calvin. Ang mga unang impluwensya na may anumang pakinabang ay buhat sa dalawang propesor, ang isa ay nagngangalang Cordier, na maglaon ay naging isang Protestante, at ang isa ay si Wolmar, na Lutherano ang pananampalataya.

Hindi gaya ni Luther, hindi palaimik si Calvin tungkol sa kanyang sarili at sa kanyang pagbabalik-loob. Sinasabi ni Beza sa atin na hinikayat si Calvin ng kanyang ama na mag-aral ng teolohiya dahil si Calvin "ay likas na may hilig [sa teolohiya]; sapagkat kahit na bata pa, kapansin-pansing siya ay relihiyoso…" Sa isang sulat sa kanyang sariling talambuhay sa kanyang liham kay Cardinal Sadolet, sinulat ni Calvin,

Datapwa’t pagkatapos kong isagawa ang lahat ng mga bagay na ito (pagbabayad sa mga kasalanan at pagdulog sa mga santo), bagamang mayroon akong mga sandali ng katahimikan, malayo pa rin ako sa totoong kapayapaan ng budhi; sapagkat, sa tuwing ako’y bababa sa aking sarili, o kaya’y itaas ko ang aking isip sa iyo, sukdulang sindak ang bumabalot sa akin—sindak na walang kabayaran o kaganapan ang lulunas.

Ganitong-ganito rin ang karanasan ni Luther.

Dumating si Calvin sa Paris sa mismong panahon na binabago ng kaisipang repormista ang kaisipan ng marami. Noong 1533, naging rektor ng Unibersidad ng Paris si Nicholas Cop at nagpahayag ng panawagan para sa repormasyon sa pampasinayang talumpati niya, na inaangkin ng ilan na inihanda ni Calvin. Nagpasimula ang pag-uusig nang ang isang lathalain, na mariing tumutuligsa sa misa, ay pinalaganap sa Paris at ang isang kopya ay ipinako pa sa pintuan ng palasyo. Napilitang tumakas sina Cop at Calvin upang iligtas ang kanilang buhay. Kaya humantong si Calvin sa puntong itinakwil niya ang iglesya ng Roma at sinulat niya ang kanyang unang gawang pangteolohiya, isang sanaysay tungkol sa, sa dinami-dami ng bagay na maisusulat, pagtulog ng kaluluwa [soul sleep].

Sa loob ng halos tatlong taon, naglakbay si Calvin bilang isang ebanghelista sa timog France, Switzerland at Italy. Bahagi ng mga panahong iyon ay nasa ilalim siya ng proteksyon ni Reyna Marguerite ng Navarre, kapatid ng hari ng France; ilang bahagi naman ay nasa Ferrara ng Italy siya sa tirahan ng Dukesa ng Renee; at ilang panahon ay dumadalaw siya sa Basel, kung saan nakatagpo niya ang ilang mga repormistang Swiso.

Ito malamang ay mga taon ng napakatinding pag-aaral sa mga Kasulatan dahil sinimulan na Calvin ang kanyang gawa sa Institutes sa mga panahong ito, ang unang edisyon na nilathala noong 1536.

Gusto man ni Calvin o hindi, ang Geneva ang kanyang magiging tahanan sa nalalabing bahagi ng kanyang buhay. Nagsimula ang lahat nang si Calivn, habang patungo sa Basel, ay lumihis sa Geneva. Nagpalipas siya ng gabi sa lunsod na ito na inaakalang darating siya at aalis na hindi siya napupuna, subalit napansin ang kanyang presensya at ipinagbigay-alam kay Farel. Agad na dinalaw ni Farel si Calvin at nagsumamo sa kanya na manatili na sa Geneva at tumulong sa gawain ng repormasyon. Matigas ang pagtanggi ni Calvin. Likas na mahiyain at napagpasiyahan nang gugulin ang kanyang buhay sa iskolarsyip at pag-aaral, ayaw ni Calvin na magkaroon ng bahagi sa kaguluhan na ibubunga ng mga pagsisikap na gawing lunsod na deboto sa katotohanan ng Kasulatan ang Geneva. Subalit matapos na tumawag mula sa langit ng mga sumpa laban kay Calvin kung siya’y tatanggi, nahikayat ni Farel si Calvin na ang kanyang lugar ay tunay ngang sa lunsod na ito.

 

Unang Paninirahan sa Geneva

Ganitong nagpasimula ang gawain ni Calvin sa Geneva. Ang petsa ay Setyembre 5, 1536.

Bunsod ng mga epekto ng maraming siglo ng pananakop ng Romano Catolicismo na inihabi sa tela ng buhay nito, ang lunsod ay punung-puno ng bawat masasamang gawain at kinailangan ng matinding pagsisikap upang maipailalim ang mga mamamayan nito sa pamatok ng ebanghelyo. Upang maisagawa ito, nagsimulang magturo si Calvin, na kumbinsidong ang pagtuturo ng katotohanan ang nag-iisang daan tungo sa repormasyon. Nagpasimula siya ng ekspositoryong lektyur tungkol kay Pablo at sa Bagong Tipan at isang taon ang nakalipas ay inordinahang pastor.

Magkasamang gumawa sina Farel at Calvin ng isang Kumpesyon ng Pananampalataya at mga panuntunan ng disiplina na inaprubahan ng sanggunian. Ang totoo’y sinuportahan ng sanggunian ang lahat ng pagsisikap para sa reporma sa doktrina, liturhiya, at moralidad. Ngunit hindi iyon nangangahulugang nahikayat ang oposisyon. Unti-unti’y naisasaayos ng mga kaaway ni Calvin ang kanilang mga puwersa. Ang kanilang pagsalungat ay partikular na nakatuon laban sa Katesismo at mga batas na pinagtibay laban sa mga kasalanang laganap noon.Habang sila’y lumalakas, ay lalong dumadami ang kanilang bilang sa sanggunian at nagawang pahinain ang mga pagsisikap tungo sa reporma.

Dalawang usapin ang nagpalala ng mga bagay. Ang Sanggunian ng 200 ay nag-utos sa mga repormista na gawing bukas ang komunyon upang walang sinuman ang mapagbawalan sa hapag ng Panginoon. Ito ang pumuksa sa pagdidisiplina ni Calvin. Ang pangalawang usapin ay ang desisyon ng sanggunian na gamitin ang liturhiya ng Berne sa pagsamba. Wala namang tutol si Calvin sa paggamit ng liturhiyang ginagamit sa Berne, subalit mariin niyang tinutulan ang karapatan ng sanggunian na desisyunan ang gayong mga usapin para sa iglesya. Walang nagpatinag sa magkabilang panig, kaya’t ang naging resulta ay pinagtibay ng sanggunian ang desisyon na paalisin sina Farel at Calvin sa lunsod.

 

Si Calvin sa Strassburg

Pagkatapos ng sandaling paninirahan sa Basel, nagtungo si Calvin sa Strassburg, isang lunsod sa timog Germany kung saan nag-ugat na ang Swisong Repormasyon. Ang tatlong taong itinigil niya sa lunsod na ito ay malamang na pinakamasayang taon ng kanyang buhay. Hindi niya kailangang lumaban sa isang sanggunian, hindi kailangang salungatin ang mga taong matitigas ang ulo sa bawat direksyon, hindi kailangang makipaglaban sa kaaway sa kabi-kabila. Nagkaroon siya ng kapayapaan at katahimikan, panahon upang makapag-aral at sumulat, at pagkakataon upang gumawa sa larangan ng liturhiya at pamamahala sa iglesya.

Itinalaga si Calvin bilang guro sa unibersidad sa lunsod at tinawag upang magpastor sa isang iglesya ng mga Pranses na tumatakas sa pag-uusig. Nagkaroon siya ng pagkakataong makilala ang mga teologong Lutherano at nahasa ang mga sarili niyang teolohikal na pananaw. Nirebisa niya ang kanyang Institutes at nilinang ang mga pananaw niya tungkol sa pamamahala sa iglesya, na ang mga pangunahing prinsipyo ay nakapaloob sa Church Order of Dordrecht. Nilinang niya ang isang liturhiya para sa iglesya na kinabibilangan ng kaayusan ng panambahan [order of worship] (malaking pagkakatulad sa kaayusan ng panambahan na ginagamit sa kasalukuyan ng mga iglesyang Reformed), mga pormularyong pangliturhiya, at mga bersyon ng mga Salmo.

Ito ay mabubungang mga taon. Gumugol ng pagsisikap si Calvin sa malawakang pakikipagsulatan sa mga nangungunang personalidad ng Europa. Sinulat niya ang ilan sa mahahalaga niyang gawa, na ang isa ay ang kanyang liham kay Sadolet. Si Sadolet ay isang Romano Catolicong kardinal na sumulat ng liham sa mga mamamayan ng Geneva upang pabalikin sila sa Roma. Sa isang makataong pananaw, ito ay isang dalubhasa at nakakahikayat na katha. Ang tugon ni Calvin ay walang anumang kapaitan at hinanakit sa mga taga-Geneva kundi ito ang pinakamalinaw at pinaka-kapakipakinabang na depensa ng Repormasyon na matatagpuan saan man. Dapat itong basahin ng sinuman na naghahangad na malaman kung bakit kinailangan ang repormasyon noong ikalabing-anim na siglo.

Nakapag-asawa pa nga si Calvin habang siya ay nasa Strassburg. Ang kanyang asawa ay si Idelette de Bure, na balo ng isang prominenteng Anabaptista na naakay ni Calvin sa tunay na pananampalataya at namatay dahil sa salot na sakit. Si Idelette ay ina ng maraming anak, subalit mahina at masasakitin. Inako ni Calvin ang responsibilidad sa kanyang mga anak pati na sa kanya at isinama niya sila pagbalik niya sa Geneva. Nakasama niya siya sa loob lamang ng siyam na taon. Nanatiling walang asawa si Calvin sa nalalabing bahagi ng kanyang buhay. Nagkaanak si Calvin kay Idelette ng isang lalaki na namatay noong ito ay sanggol pa, isang pagkawala na naging dalahin ni Calvin sa nalabing bahagi ng kanyang buhay.

 

Ikalawang Paninirahan sa Geneva

Sandali na lamang at matatapos na ang masasayang mga araw sa Strassburg. Patuloy na lumala ang sitwasyon sa Geneva. Tatlong pangkat ang nag-aagawan sa kapangyarihan, habang ang lunsod ay nahuhulog sa anarkiya.

Noong 1541 pormal na pinakiusapan si Calvin na magbalik. Atubili ang Strassburg na siya ay pakawalan. Higit pang atubili si Calvin na lisanin ang masaya niyang buhay sa Strassburg at harapin ang kasindak-sindak na sitwasyon sa Geneva. Subalit sa pagsunod sa kalooban ng Diyos, bumalik siya sa alimpuyo (salita mismo ni Calvin) ng pakikibaka at kontrobersiya kung saan nanatili siya hanggang sa kunin siya ng kamatayan tungo sa iglesyang mananagumpay.

Isang ebidensya ng karakter ng taong ito ay ang kanyang pag-uugali sa kanyang pagbabalik. Sa unang Linggo ng kanyang pagpasok sa pulpito ng Saint Pierre sa harap ng malaking madla na nagkakatipon, na bahaging naghahangad na muli siyang marinig, ngunit bahagi ding naghahangad na kanyang mariing tuligsain ang kanyang mga kalaban at mapagmalaking sabihin, "Sinabi ko na sa inyo." Subalit sa isang lihan kay Farel, sinabi ni Calvin kung ano ang ginawa niya. "Pagkatapos ng isang paunang salita, itinuloy ko ang eksposisyon na aking naiwan—kung saan ipinahiwatig ko na sandali ko lang itinigil ang aking tungkulin ng pangangaral imbis na tuluyan ko na itong isinuko. Walang katulad niyon na napakapangkaraniwan lamang subalit mas makapangyarihan naman. Para bagang pinanumbalik ni Calvin ang kanyang ministeryo na sinasabing, "Gaya nga ng sinabi ko…"

Napakatagal bago natapos ang mga pakikipagtunggali sa sangguninan, at ang mga pagsisikap upang ipailalim ang lunsod sa pamamahala ni Cristo ay hindi natigil hanggang sa karamihan sa mga kalaban ni Calvin ay nagsialisan at nagtungo sa ibang lugar. Galit ang kanyang mga kaaway at hindi sila takot na ipakita ito. Pinangalanan ng mga tao ang kanilang mga aso na Calvin, hayagan siyang nilait sa mga lansangan, minsa’y pinagbabantaan pa ang kanyang buhay, ginambala siya sa kanyang mga pag-aaral, at isinumpang sasaktan ang kanyang pamilya. Sa gitna ng lahat ng ito nagpatuloy si Calvin: nangaral, nagturo, sumulat, at pinasan ang pamatok ng pagtitiis ni Cristo alang-alang sa layunin ng ebanghelyo. Walang kahulugan sa kanya ang salapi at kasiyahan. Paulit-ulit niyang tinanggihan ang mas malaking salaping inaalok sa kanya ng sanggunian. Namuhay siya nang matipid at walang anumang luho. Handa rin siyang ipagbili ang mga pinakamamahal niyang mga aklat kung kinakailangan. Mismong ang papa ay humanga sa ganap na kawalang pag-iimbot ni Calvin na naihayag niya ang matibay na kumbiksyon na kung mayroon lamang siyang isang dosenang tulad ni Calvin sa pangkat ng kanyang mga tagapaglingkod ay masasakop niya ang buong mundo.

Regular na nangaral si Calvin sa iglesya ng Geneva, minsan ay kasingdalas ng limang beses bawat sanglinggo; isinulat ang kanyang mga pangangaral sa pangkaraniwang sulat-kamay [longhand], at marami ang nailathala. Mahusay na mga babasahin ang mga ito. Itinatag niya ang bantog na akademya ng Geneva, na naging sentro ng pag-aaral ng mga estudyanteng mula sa lahat ng bahagi ng Europa na, pagkatanggap ng edukasyon sa Geneva, ay bumalik sa kanilang sariling bayan upang ipalaganap ang ebanghelyo ng Repormasyon sa kanilang sariling mga kababayan. Si John Knox ay nag-aral sa Geneva, at siya ang nagsabing ang pinakaperpektong paaralan ni Cristo na matatapgpuan sa buong mundo mula ng panahon ng mga apostol ay ang lunsod ng Geneva. Si Calvin ay naglektyur sa akademya, at ang kanyang mga komentryo, ang ilan ay pinakamahusay pa rin, ay bunga ng mga lektyur na iyon. Bihira, kung nangyayari nga, na ako ay naghahanda ng sermon na hindi ko kinokonsulta kung ano ang sasabihin ni Calvin tungkol sa ibinigay na talata.

 

Ang Mga Kontrobersiya ni Calvin

Sa loob mismo ng lunsod ng Geneva, ang mga pakikipaghamok ni Calvin ay laban sa isang partido na tinatawag na Patriots ["mga makabayan"]. Angkan sila ng mga orihinal na mamamayan ng lunsod, na mga "saradong" Romano Catolico noong datnan sila ni Calvin, at lubos na nasasangkot sa magulong pamumuhay. Habang dumadagsa ang mga taong tumatakas sa pag-uusig [refugees] buhat sa iba’t ibang bahagi ng Europa, ikinagalit ng mga Patriots na ang pamamahala sa lunsod ay naililipat na sa kamay ng mga banyaga. Kinamuhian nila si Calvin at ginawa nila ang lahat ng kanilang makakaya upang puksain siya. Nang magawang itiwalag ng iglesya ang mga lider dahil sa mahalay nilang pamumuhay, at inaprubahan ng sanggunian, nagsitakas ang mga taong ito.

Ang mga kontrobersiyang kinaharap ni Calvin hinggil sa teolohiya ay lubos na napakahalaga. Sumulat si Calvin laban sa sistema ng papasiya [papacy] upang ilantad ang kasamaan nito at ipakita kung gaano nahiwalay sa mga doktrina ni Cristo. Kailangan niyang makipaglaban upang ipagtanggol ang mga doktrina ng Trinidad at ang pagkadiyos ni Cristo laban sa maraming umaatake sa mga doktrinang ito, kabilang sa mga ito si Servetus, na sinunog nang buhay sa tulos dahil sa pamumusong.

Bukod tanging umikot ang kanyang mga pagdepensa sa mga katotohanan ng soberanyo at partikular na biyaya sa gawang pagliligtas. Tulad ng karaniwang nangyayari, ang pinakamalalang pag-atake ay nakatuon sa doktrina ng soberanyong pagtatadhana [predestination o pagtatalaga]. Marami ang namuhi sa doktrinang ito at sinisikap itong wasakin. Marahil ang pinakainteresanteng kontrobersiya hinggil sa doktrinang ito ay kaugnay ng ereheng si Bolsec. Sumabad si Bolsec sa kalagitnaan ng ipinapangaral na sermon ng isa sa mga pastor ng Geneva at nagtalumpati ng laban sa katotohanan ng predestination. Ang hindi alam ni Bolsec ay pumasok si Calvin sa santwaryo at nakikinig sa pambabatikos ni Bolsec. Nang matapos na si Bolsec, tumayo si Calvin sa pulpito, at sa isang napakahusay na sermon, hindi pinaghandaan subalit isang oras ang haba, ipinaliwanag niya ang doktrina at pinatunayan ito mula sa Kasualatan.

Gayon ma’y hindi nagpapigil si Bolsec, at patuloy na nilabanan nang publiko ang doktrina sa Geneva. Inaresto siya sa salang paglaban sa iglesya at sa sanggunian at nilitis dahil sa hidwang pananampalataya at paninirang puri sa mga ministro sa publiko. Hiningi ang payo ng mga Swisong repormista at iglesya bago kinondena si Bolsec. Mapait na ikinabigo ni Calvin, na wala ni isang iglesya o repormista, maliban kay Farel, ang mahanap upang ganap at walang kompromisong sang-ayunan ang paninindigan ni Calvin. Ang kanilang pinag-iingatan at hindi pagsang-ayon ay may kinalaman sa doktrina ni Calvin sa predestination.

Gayon pa man, nagtiyaga si Calvin, at kinondena at pinalayas si Bolsec sa lunsod. Lumitaw mula sa kontrobersiya ang isa sa pinakamahahalagang gawa ni Calvin, "A Treatise on the Eternal Predestination of God" ["Isang Sanaysay tungkol sa Eternal na Pagtatadhana ng Diyos"], isang sanaysay, na kasama pa ang ibang gawa tungkol sa probidensya, ay inilathala sa aklat na Calvins’s Calvinism.

 

Ang Pagpanaw ni Calvin at ang Kanyang Kahalagahan

Yumao si Calvin upang mapasapiling ng Panginoon noong Mayo 27, 1564. Tiniis niya ang maraming karamdaman bago siya pumanaw, lubhang gayong karami, na nakapagtataka kung paano niyang nadaig ang lahat ng mga ito. Inaangkin ng isang estudyante ng kasaysyan ng iglesya na nagkaroon si Calvin ng hindi bababa sa labindalawang malalalang sakit bago siya pumanaw, marami ang kinapapalooban ng napakatinding pananakit.

Noong Mayo 19 ipinatawag ni Calvin ang mga pastor ng Geneva at sinambit ang kanyang pamamaalam sa kanila. Mula noon ay naratay na siya sa higaan, bagamang patuloy pa rin siyang nagdikta sa isang sekretaryo. Si Farel, na ngayon ay napakatanda na ay dumating upang makita ang kanyang kaibigan bagamang pinakiusapan siya ni Calvin na huwag nang magpunta. Ginugol ni Calvin ang huli niyang mga araw sa tuluy-tuloy na pananalangin, at karamihan ng kanyang mga panalangin ay mga banggit mula sa mga Salmo. Bagamang ang tinig niya ay putul-putol na dahil sa hika, nanatiling masigla ang kanyang mga mata at isip. Nakita niya ang lahat ng hinangad niyang makarating ngunit hiniling na siya ay ipanalangin nila. Habang papalubog ang araw ng 8:00, siya ay nakatulog nang mahimbing at hindi na siya nagising pa hanggang sa siya ay nagising na sa kaluwalhatian. Nabuhay siya ng limampu’t apat na taon, sampung buwan at labimpitong araw.

Si Calvin ay patunay na gumagamit ang Diyos ng tao ayon sa Kanyang sariling mabuting kaluguran. Mahina at likas na mahiyain, inilagay si Calvin sa magulong sentro ng Repormasyon. Iyon ay isang tungkulin na hindi niya ninais at tinawag niyang pang-araw-araw niyang pasang krus. Subalit nalalaman niya, tulad ng pagkakaalam ng kakaunting tao, na ang pagiging disipulo ay eksaktong nailalarawan sa pamamagitan ng pagtalikod sa sarili, pagpasan ng sariling krus, at pagsunod sa Panginoon.

Kaya ginamit ng Diyos si Calvin bilang susing personalidad sa Repormasyon sa mga sumunod na kasaysayan ng iglesya. Nagkaisa sina Luther at Calvin sa lahat ng punto ng doktrina maliban sa doktrina ng mga sakramento. Itinalaga ng Diyos si Luther upang wasakin ang mataas at wari’y hindi magigibang muog ng Romano Catolicismo. Si Calvin ay itinalaga naman ng Diyos upang magtayo mula sa mga pagkagiba ng bagong bahay, isang maluwalhating templo, ang iglesya kung saan tumatahan ang Diyos.

Si Calvin ay isang lalaking may bakal na kalooban. Halos sa buong panahon ng kanyang paninirahan sa Geneva ay may sakit siya, subalit dinaig niya lahat ng kanyang mga sakit at hindi hinayaang pigilan ng karamdaman at sakit ang kanyang gawain. Gumawa siya nang walang hinto na kaunti lamang o kaya’y walang itinutulog hanggang sa ang kanyang asawa, sa pagkabagot nito, ay humiling sa kanya ng kaunti lamang sandali upang makita siya.

Higit sa lahat, si Calvin ay isang mangangaral at ekspositor ng Kasulatan. Ang kanyang pangangaral ang kanyang lakas at nananatiling maimpluwensya na hindi natatapatan hanggang sa kasalukuyan. Nakaugat ang kanyang teolohiya sa pag-iintindi ng teksto [exegesis] sapagkat para sa kanya ang Salita ng Diyos ang pamantayan ng lahat ng katotohanan at katuwiran. Ang kanyang mga komentaryo ang pinakamahuhusay pa rin na mayroon ngayon, at ang mga modernong "pang-iskolar" na komentaryo, na ang karamihan ay kompromiso sa higher criticism, ay waring hindi karapat-dapat na pahalagahan kung ikukumpara.

Ang impluwensya ni Calvin ay lumaganap sa buong Europa at higit pa rito ay sa mundo. Ang impluwensyang iyon ay hindi lamang ang kanyang teolohiya, kundi maging ang kanyang liturhiya sa pagsamba, ang sistema niya sa pamamahala ng iglesya, at ang kanyang kabanalan. Ang pamana rin ni Calvin ay—huwag nawang malimutan—ang pamana ng tunay na kabanalang Repormista. Magiging mainam kung may isang aklat na isusulat tungkol sa aspetong iyon ng buhay ni Calvin.

Si Calvin ay hindi ang dramatikong personalidad na tulad ng kay Luther. Hindi niya "inilalantad ang kanyang mga personal na damdamin" tulad ng ginawa ni Luther. Lalo na sa kanyang pagtanda, si Luther ay naging parang masungit at nagsalita nang marahas sa kanyang pagsalungat sa mga hindi sumasang-ayon sa kanya tungkol sa doktrina ng Banal na Hapunan. Palaging iginalang ni Calvin si Luther sa dakilang ginawa nito sa gawain ng repormasyon. Sinabi niya sa mga taong may hindi mabuting saloobin kay Luther, na kahit na tawagin siya ni Luther na demonyo, pararangalan pa rin niya si Luther bilang piniling sisidlan ng Diyos.

Mapapahalagahan ni Calvin si Luther sa kung ano ang nagawa ni Luther dahil ang buhay ni Calvin ay okupado ng kaluwalhatian ng Diyos. Tinagurian siya ng kanyang mga kaaway na isang taong langung-lango sa Diyos—lasing sa Diyos! Ano pang higit na kamangha-manghang bagay ang masasabi tungkol sa isang tao? Ang pinakamalalim na prinsipyo ng kanyang teolohiya ay ang kaluwalhatian ng Diyos, at ang tunay na diwa ng lahat ng kanyang isinulat ay ang dakilang katotohanang ito. Ito rin ang katotohanan sa buhay ni Calvin. Namuhay siya at pumanaw na ang kaluwalhatian ng Diyos ang kanyang ninanasa. Kaisa siya sa makapal na ulap na ito ng mga saksi na sumisigaw sa atin mula sa mga daraanan ng panahon.

NOTE: Ang kasaysayang ito ay isinalin mula sa orihinal na wikang Ingles mula sa aklat ni Herman Hanko na Portraits of Faithful Saints (Grandville, MI: Reformed Free Publishing Association, 1999).

*This is not an official translation of the PRC in the Philippines.

Para sa karagdagang babasahin sa wikang Tagalog, i-click dito
http://prcaphilippinesaudio.wordpress.com/tagalog/