Genesis 1
1. Ano ang tinuturo sa atin ng unang talata ng Biblia?
"Nang pasimula, nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa." Gen. 1:1.
2. Ilang araw nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay?
Nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay sa loob ng anim na araw.
3. Ano ang nilikha ng Diyos sa unang araw?
Nilikha ng Diyos ang lupa, at ang liwanag din.
4. Ano ang nilikha ng Diyos sa ikalawang araw?
Nilikha ng Diyos ang kalawakan, o ang langit.
5. Ano ang nilikha ng Diyos sa ikatlong araw?
Nilikha ng Diyos ang tuyong lupa, mga puno, at mga halaman.
6. Ano ang nilikha ng Diyos sa ika-apat na araw?
Ang araw, ang buwan at ang mga bituin.
7. Ano ang nilikha ng Diyos sa ikalimang araw?
Nilikha ng Diyos ang mga isda at mga hayop.
8. Ano ang nilalang ng Diyos sa ika-anim na araw?
Nilalang ng Diyos ang mga hayop at tao.
9. Lumikha ba ang Diyos ng katuwang para kay Adan?
Opo, nilikha ng Diyos si Eva habang natutulog si Adan.
10. Saan inilagay ng Diyos sina Adan at Eva?
Sa Paraiso, na larawan ng Langit.
Memory Project: "Nakita ng Diyos ang lahat ng kanyang nilikha at ito ay napakabuti." Genesis 1:31
LESSON 2
Si Adan at Eva sa Paraiso
Genesis 1, 2
1. Sino ang ating unang mga magulang?
Ang una nating mga magulang ay sina Adan at Eva.
2. Ano ang ginawa nina Adan at Eva sa paraiso?
Naglingkod sila sa Diyos sa pamamagitan ng pag-aalaga sa halamanan.
3. Ano pa ang ginawa ni Adan?
Binigyan ni Adan ng pangalan ang mga hayop.
4. Maligaya ba sina Adan at Eva sa parasiso?
Opo, nakita nila ang kaluwalhatian ng Diyos sa lahat ng bagay na nasa paligid nila.
5. Kinausap ba nila ang Diyos sa paraiso?
Opo, lumakad ang Diyos kasama nila at nakipag-usap sa kanila sa halamanan.
6. Ano ang kakaibang punongkahoy sa halamanan?
Ang punongkahoy ng buhay.
7. Maaari bang kumain sina Adan at Eva sa punongkahoy na ito?
Opo, hangga’t kumakain sila mula sa punongkahoy na ito ay mabubuhay sila.
8. Ano pa ang isang punongkahoy sa halamanan?
Ang punongkahoy ng pagkaalam ng mabuti at masama.
9. Maaari bang kumain sina Adan at Eva mula sa punongkahoy na iyon?
Hindi po, dahil sinabi ng Diyos, "Sa araw na ikaw ay kumain niyon ay tiyak na mamamatay ka." Gen. 2:17.
10. Bakit pinagbabawal sa kanila na kumain mula sa punongkahoy na iyon?
Ibig ng Diyos na Siya ay sundin nila sa lahat ng bagay.
Memory Project: "O PANGINOON, aming Panginoon, sa buong lupa ay napakadakila ang iyong pangalan." Awit 8:9
LESSON 3
Ang Pagkahulog ng Tao
Genesis 3
1. Nanatili ba sina Adan at Eva sa Paraiso?
Hindi po, pinaalis sila ng Diyos sa Paraiso.
2. Bakit sila pinaalis sa Paraiso?
Sinuway nila ang Diyos.
3. Paano nila sinuway ang Diyos?
Kumain sila mula sa punongkahoy ng pagkaalam ng mabuti at masama.
4. Sino ang tumukso kina Adan at Eva na kumain mula sa punongkahoy na iyon?
Si Satanas, isang masama at nahulog na anghel.
5. Paano nakipag-usap si Satanas kay Eva?
Kinausap niya ito sa pamamagitan ng ahas.
6. Ano ang sinabi ni Satanas kay Eva?
"Tiyak na hindi kayo mamamatay."
7. Kumain ba si Eva mula sa punongkahoy, ayon sa pinagawa sa kanya ni Satanas?
Kumain siya mula sa punongkahoy, at binigyan din niya si Adan.
8. Nahiya ba sila matapos silang magkasala?
Opo, nagtago sila mula sa Diyos, dahil nalaman nilang sila ay hubad.
9. Ano ang naging bunga sa atin ng pagkakasala ni Adan?
Lahat tayo ay ipinanganak sa kasalanan.
10. Ano ang ipinangako ng Diyos kay Adan at sa atin?
Ipinangako Niya ang isang Tagapagligtas na magliligtas sa atin sa ating mga kasalanan.
Memory Project: "Sapagkat ang Anak ng Tao ay dumating upang hanapin at iligtas ang nawala." Lucas 19:10
Genesis 4
1. Pangalanan mo ang dalawang anak nina Adan at Eva.
Cain at Abel.
2. Ano ang sinasabi ng Biblia tungkol kay Abel?
Si Abel ay nagkaroon ng takot sa Panginoon.
3. Paano ipinakita ni Abel na siya ay may takot sa Panginoon?
Naghandog siya ng kordero sa Diyos.
4. Bakit nakakasiya sa Diyos ang handog na ito?
Dahil ipinakita niya na kailangan niya ng Tagapagligtas.
5. Ano ang sinasabi ng Biblia tungkol kay Cain?
Na si Cain ay masama.
6. Paano ipinakita ni Cain na siya ay masama?
Inihandog niya sa Diyos ang bunga na kanyang inani.
7. Bakit ito masama?
Ipinakita ni Cain na hindi niya kailangan ng Tagapagligtas.
8. Paano pa ipinakita ni Cain na siya ay masama?
Nainggit siya kay Abel at pinatay niya ito.
9. Paano pinarusahan ng Diyos si Cain dahil dito?
Pinaalis siya ng Diyos mula sa kanyang tahanan at pamilya.
10. Nagbigay ba ang Diyos ng anak na kapalit ni Abel?
Opo, si Seth, na nagkaroon ng takot sa Panginoon.
Memory Project: "Sa pananampalataya si Abel ay nag-alay sa Diyos ng higit na dakilang handog kaysa kay Cain." Hebreo 11:4
Genesis 5
1. Ano ang ginawa ni Cain pagkatapos niyang umalis sa kanyang tahanan at pamilya?
Nagtayo siya ng lunsod para sa kanynang sarili at mga anak.
2. Ano ang nalalaman natin tungkol sa mga tao na nabuhay sumunod kay Cain?
Ilan sa kanila ay mayaman at may maraming alagang hayop.
3. Ano ang ginawa ng ilan sa sumunod na lahi ni Cain?
Gumamit sila ng organo at alpa upang umawit ng masamang musika.
4. Ano pa ang ginawa ng iba?
Lumikha sila ng mga kagamitang gawa sa bakal at tanso.
5. Sino ang napakasamang lalaki na binanggit sa Biblia?
Si Lamec, na nagkaroon ng mga asawa at isang mamamatay-tao.
6. Ano ang sinimulang gawin ng bayan ng Diyos?
Nagsama-sama sila upang sambahin ang Diyos, tulad ng ginagawa natin kapag Linggo.
7. Sinong lalaking makadiyos ang nabuhay sa panahong ito?
Si Enoc, na lumakad kasama ng Diyos.
8. Ano ang pinagawa ng Diyos kay Enoc?
Inutusan siya ng Diyos na babalaan ang masasamang tao na parurusahan sila ng Diyos.
9. Nakinig ba sila kay Enoc?
Hindi po, nais nilang patayin siya.
10. Magagawa ba nilang mapatay si Enoc?
Hindi po, dahil dinala siya ng Diyos patungong langit.
Memory Project: "Lumakad si Enoc na kasama ng Diyos; at hindi na siya natagpuan sapagkat siya’y kinuha ng Diyos." Genesis 5:24
Genesis 6-9
1. Ano ang sinasabi ng Biblia sa atin tungkol kay Noe?
Si Noe ay nakatagpo ng biyaya sa paningin ng Panginoon.
2. Ano ang pinagawa ng Diyos kay Noe?
Pinagawa siya ng Diyos ng isang sasakyang kahoy.
3. Bakit gumawa si Noe ng sasakyang kahoy?
Dahil sa baha na ipapadala ng Diyos.
4. Gaano katagal ginawa ni Noe ang sasakyang kahoy?
Inabot ng isangdaan at dalawampung taon.
5. Ano ang ginawa ni Noe habang tinatayo niya ang sasakyang kahoy?
Sinabihan niya ang mga masasamang tao na magpapadala ang Diyos ng baha.
6. Gaano katagal bumuhos ang ulan?
Bumuhos ang ulan nang apatnapung araw at apatnapung gabi.
7. Sinu-sino ang naligtas sa sasakyang kahoy?
Si Noe at ang kanyang pamilya, at iba’t ibang uri ng mga hayop.
8. Gaano katagal na nasa sasakyang kahoy si Noe?
Siya ay nasa sasakyang kahoy sa loob ng isang taon at sampung araw.
9. Ano ang sinisimbulo ng baha?
Ang katapusan ng mundo.
10. Ano ang kahulugan ng tanda ng bahaghari?
Na palaging aalalahanin at ililigtas ng Diyos ang Kanyang bayan.
Memory Project: "Inilagay ko ang bahaghari sa ulap, at ito ay magiging tanda ng tipan ko at ng lupa." Genesis 9:13
Genesis l 1
1. Ibigay mo ang mga pangalan ng tatlong anak ni Noe.
Sina Sem, Ham, at Japhet.
2. Nagkaroon ba ng maramig anak ang mga anak na ito ni Noe?
Opo, sa maikling panahon dumami ang mga tao sa mundo.
3. Nagpatuloy ba ang salinlahing ito ni Noe sa paglilingkod sa Diyos?
Hindi po, di nagtagal sila ay naging masama.
4. Sino ang pinili nilang maging hari?
Ang masamang si Nimrod, na isang dakilang mangangaso.
5. Paano ipinakita ng mga taong ito ang kanilang kasamaan?
Nagsimula silang magtayo ng tore.
6. Bakit nila nais na magsama-sama?
Nais nilang magtayo ng isang dakilang kaharian.
7. Bakit mali na hangarin nilang magtayo ng isang kaharian?
Nais nilang maging dakila upang hindi na nila kailanganin ang Diyos.
8. Natapos ba nila ang tore?
Hindi po, binago ng Diyos ang kanilang salita, nang sa gayon ay hindi sila magkaintindihan.
9. Ano ang nangyari matapos baguhin ng Diyos ang kanilang salita?
Nagsikalat sila sa buong sanlibutan.
10. Ano ang tinuturo nito sa atin?
Kapag magtatangka ang Anticristo na magtayo ng kaharian, wawasakin din siya ng Diyos.
Memory Project: "Iniingatan ng Panginoon ang lahat ng umiibig sa kanya; ngunit lahat ng masama ay lilipulin niya." Awit 145:20
Ang Aklat ni Job, 1, 2, 42
1. Ano ang sinasabi ng Biblia tungkol kay Job?
Na si Job ay may takot sa Diyos.
2. Paano pinagpala ng Diyos si Job?
Binigyan siya ng Diyos ng sampung anak at maraming kamelyo, tupa, at mga baka.
3. Ano ang nais gawin ng diablo kay Job?
Nais niyang kunin ang lahat kay Job.
4. Bakit nais niyang kunin ang lahat kay Job?
Nais niyang sumpain ni Job ang Diyos.
5. Binigyan ba ng Diyos ang diablo ng kapangyarihan laban kay Job?
Opo, nawala kay Job lahat ng kanyang kayamanan at mga anak sa isang araw lamang.
6. Ano ang sinabi ni Job nang mawala sa kanya ang lahat ng bagay?
"Ang Panginoon ang nagbigay at ang Panginoon ang bumawi; purihin ang pangalan ng Panginoon."
7. Paano pa binigyan ng diablo ng mga salot si Job?
Binigyan niya ito ng malubhang sakit.
8. Inaliw ba si Job ng kanyang mga kaibigan?
Hindi po, pinalala pa nila ang kanyang mga suliranin.
9. Paano pinakita ni Job ang kanyang pananampalatya sa Diyos?
Sinabi niya, "Nalalaman kong ang aking Manunubos ay nabubuhay." Job 19:25
10. Pinagpala ba ng Panginoon si Job pagkatapos nito?
Opo, binigyan siya ng Diyos ng sampu pang anak, at doble din ng bilang ng mga kamelyo, tupa at baka.
Memory Project: "Narinig ninyo ang tungkol sa pagtitiis ni Job, at inyong nakita ang layunin ng Panginoon,
kung paanong ang Panginoon ay puno ng pagkahabag at pagkamaawain." Santiago 5:11
Genesis 12-15
1. Ano ang pinagawa ng Diyos kay Abraham?
Na lisanin niya ang Ur at tumungo sa ibang lupain.
2. Sinabi ba sa kanya ng Diyos kung saang lupain siya tutungo?
Hindi po, sinabi lang ng Diyos, "Pumunta ka sa lupaing ituturo ko sa iyo." Gen. 12:1.
3. Saan dinala ng Diyos si Abraham?
Dinala siya ng Diyos sa lupain ng Canaan.
4. Sinu-sino ang isinama ni Abraham tungo sa lupain ng Canaan?
Isinama ni Abraham ang kanyang asawang si Sarah at ang kanyang pamangking si Lot.
5. Ano ang ipinangako ng Diyos kay Abraham nang dumating siya sa Canaan?
Ipinangako ng Diyos na ibibigay sa kanyang mga anak ang buong lupain.
6. Bakit ipinangako ng Diyos ang lupaing ito ng Canaan kay Abraham?
Dahil ang Canaan ay larawan ng makalangit na Canaan.
7. Ano pa ang ipinangako ng Diyos kay Abraham?
Pinangakuan siya ng Diyos ng mga anak na singdami ng mga bituin sa langit.
8. Mayroon bang anak sina Abraham at Sarah sa panahong iyon?
Wala po, sila ay matanda na, at wala pa ring mga anak.
9. Ano ang sinabi ng Diyos kay Abraham?
Sinabi ng Diyos, "Huwag kang matakot, Abram; ako ang iyong kalasag, ang iyong gantimpala ay magiging napakadakila." Gen. 15:1
10. Ano ang sinasabi ng Biblia tungkol sa pananampalataya ni Abraham?
Sumampalataya siya na gaganapin ng Diyos ang lahat ng Kanyang ipinangako. Rom. 4:21.
Memory Project: "Sapagkat siya’y umaasa sa lunsod na may mga kinasasaligan, na ang nagplano at nagtayo ay ang Diyos." Hebreo 11:10
Genesis 13, 19
1. Bakit naghiwalay sina Abraham at Lot sa Canaan?
Dahil walang sapat na damo para sa kanilang mga alagang hayop.
2. Saan pinili ni Lot na manirahan?
Malapit sa masasamang lunsod ng Sodom at Gomorrah.
3. Masaya ba si Lot sa Sodom?
Hindi po, alam niya na ang mga tao ay napakasama.
4. Bakit nanatili si Lot sa Sodom?
Dahil nais ng kanyang pamilya na manatili roon.
5. Paanong binabalaan ng Diyos si Lot na hindi siya dapat manatili roon?
Binihag si Lot at ang kanyang pamilya ng isang kaaway.
6. Paano nakaligtas si Lot sa kanyang kaaway na ito?
Dumating si Abraham kasama ang isang hukbo para iligtas siya.
7. Lumayo na ba si Lot sa Sodom pagkatapos niyon?
Hindi po, siya at ang kanyang pamilya ay bumalik, dahil inibig nila ang mga bagay ng sanlibutan.
8. Ano ang nangyari sa mga masasamang lunsod na ito?
Nagpaulan ang Dios mula sa langit ng apoy sa kanila.
9. Napahamak ba si Lot kasama ng mga masasamang lunsod na ito?
Hindi po, dalawang anghel ang tumulong sa kanya upang makatakas.
10. Ano ang nangyari sa asawa ni Lot?
Lumingon siya pabalik at siya’y naging haliging asin.
Memory Project: "Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan, ni ang mga bagay na nasa sanlibutan." I Juan 2:15
Genesis 18, 21, 22
1. Sino ang dumalaw kay Abraham sa Mamre?
Dumalaw ang Diyos sa kanya bilang isang panginoon kasama ang dalawang lingkod.
2. Ano ang ginawa ng Diyos nang dumalaw Siya kay Abraham?
Kumain Siya at nakipag-usap kay Abraham.
3. Ano ang sinabi ng Diyos kay Abraham?
Na si Sarah ay magkakaroon ng anak.
4. Bakit tumawa si Sarah nang marinig niya ito?
Hindi siya makapaniwala, dahil napakatanda na niya.
5. Ano ang isinagot ng Diyos kay Sarah?
"Mayroon bang anumang bagay na napakahirap sa Panginoon?" Gen. 18:14.
6. Ano ang ipinangalan ni Abraham at Sarah sa kanilang anak?
Isaac, na ang kahulugan ay "pagtawa," dahil sila ay tumawa sa kagalakan.
7. Ano ang iniutos ng Diyos kay Abraham nang lumaki na si Isaac?
Inutusan siya ng Diyos na ihandog si Isaac.
8. Bakit napakahirap nito para kay Abraham na gawin?
Dahil alam niyang isisilang si Cristo mula kay Isaac.
9. Paano, kung gayon, magagawa ni Abraham na ihandog ang kanyang anak?
Sumampalataya siya na kaya ng Diyos na buhayin ito mula sa mga patay.
10. Ano ang ibinigay ng Diyos bilang handog?
Isang lalaking tupa, na namatay, tulad ni Cristo na namatay para sa ating mga kasalanan.
Memory Project: "Narito ang Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan." Juan 1:29
LESSON 12
Si Jacob
Genesis 24-28
1. Bakit isinugo ni Abraham ang kanyang alipin sa Haran?
Upang maghanap ng asawa para kay Isaac.
2. Bakit siya nagtungo sa Haran upang maghanap ng asawa?
Dahil hindi maaaring makapangasawa si Isaac ng masamang babae mula sa Canaan.
3. Paano sinubok ng alipin na maghanap ng asawa para kay Isaac?
Dumalangin siya sa Diyos na dalhin Niya ito sa kanya.
4. Sinagot ba ng Diyos ang kanyang panalangin?
Opo, pagkatapos niya mismong manalangin, dumating si Rebekah sa balon.
5. Ilang anak ang ibinigay ng Diyos kina Isaac at Rebekah?
Binigyan sila ng Diyos ng kambal, sina Jacob at Esau.
6. Ano ang sinabi ng Diyos kay Rebekah tungkol sa mga batang ito bago pa sila ipanganak?
Sinabi ng Diyos sa kanya na inibig Niya si Jacob, at kinapootan si Esau.
7. Paano ipinakita ni Esau na siya ay masama?
Ipinagbili niya ang kanyang pagkapanganay kapalit ang nilaga.
8. Naging tapat ba si Jacob sa paghahangad niya ng pagpapala?
Hindi po, nagsinungaling siya sa kanyang ama.
9. Paano nagsinungaling si Jacob sa kanyang ama?
Nagpanggap siya na siya si Esau.
10. Saan nagtungo si Jacob nang binalak siyang patayin ni Esau?
Nagtungo siya sa kanyang tiyo na si Laban.
Memory Project: "Sa pananampalataya, binasbasan ni Isaac sina Jacob at Esau tungkol sa mga bagay na mangyayari." Hebreo 11:20
Genesis 28-33
1. Ano ang nangyari kay Jacob habang patungo siya sa Haran?
Nagpakita ang Panginoon sa kanya sa isang panaginip sa Bethel.
2. Ano ang ipinangako ng Panginoon kay Jacob sa Bethel?
Ipinangako ng Panginoon na pagpapalain siya at dadalhin pabalik sa lupain ng Canaan.
3. Gaano katagal namalagi si Jacob sa Haran?
Dalawampung taon siyang namalagi sa Haran.
4. Ano ang ginawa ni Jacob sa loob ng dalawampung taong iyon?
Nagtrabaho nang mabuti si Jacob upang mapasakanya ang kanyang mga asawa at mga alagang hayop.
5. Ilan ang naging asawa ni Jacob?
Nagkaroon siya ng dalawang asawa, sina Lea at Raquel.
6. Ilang anak ang ibinigay ng Diyos kay Jacob?
Binigyan siya ng Diyos ng labindalawang anak na lalaki at isang babae.
7. Paano pa pinagpala ng Panginoon si Jacob?
Binigyan siya ng Panginoon ng maraming baka at tupa.
8. Bakit iniwan ni Jacob si Laban?
Iniwan niya si Laban dahil sinabihan siya ng Panginoon na bumalik sa Canaan.
9. Ano ang nangyari kay Jacob habang patungo siya sa Canaan?
Nakipagbuno si Jacob sa Diyos.
10. Pinatay ba ni Esau si Jacob nang makita niya itong muli?
Hindi po, pinigilan ng Diyos si Esau na saktan siya.
Memory Project: "Sapagka’t nakita ko ang Diyos sa harapan, at naligtas ang aking buhay." Genesis 32:30
Genesis 37, 39
1. Sinong anak ang pinakitaan ni Jacob ng naiibang pagturing?
Pinakitaan niya ng naiibang pagturing si Jose, ang anak ni Raquel.
2. Magbigay ng isang kakaibang pabor na ipinakita ni Jacob kay Jose.
Binigyan siya ni Jacob ng magandang balabal.
3. Bakit naging paborito ni Jacob si Jose?
Nais niyang ibigay dito ang basbas ng pagkapanganay.
4. Ano ang naramdaman ng mga kapatid tungkol dito?
Nagselos sila kay Jose at nagalit sa kanya.
5. Ano pa ang lalong nagpagalit sa kanila kay Jose?
Dahil nanaginip siya na niyuyukuran siya ng kanyang mga kapatid.
6. Ano ang ginawa ng magkakapatid kay Jose?
Ipinagbili nila ito bilang alipin sa Ehipto.
7. Paanong naisip ni Jacob na si Jose ay pinatay ng isang mabangis na hayop?
Inuwi ng mga kapatid ni Jose ang kanyang balabal na puno ng dugo.
8. Ano ang nangyari kay Jose sa Ehipto?
Naging punong-lingkod siya ni Potipar.
9. Ano ang ginawa ni Potipar kay Jose?
Pinakulong niya si Jose.
10. May ginawa bang masama si Jose?
Wala po, nagsinungaling ang asawa ni Potipar tungkol sa kanya.
Memory Project: "Ang mga kamay ng kanyang bisig ay pinalakas ng mga kamay ng Makapangyarihan ng Jacob." Genesis 49:24
Genesis 40-50
1. Sinu-sino ang nakatagpo ni Jose sa bilangguan?
Ang katiwala at ang panadero ng hari.
2. Bakit nalungkot ang katiwala at panadero?
Pareho silang nanaginip at nagtaka kung ano ang kahulugan ng mga iyon.
3. Paano nila nalaman ang kahulugan ng mga panaginip?
Ipinakita ng Diyos kay Jose ang kahulugan ng mga panaginip.
4. Ano ang kahulugan ng mga panaginip na iyon?
Na ang katiwala ay palalayain, at ang panadero ay bibigtiin.
5. Ano ang napanaginipan ni Faraon, Hari ng Ehipto?
Nanaginip si Faraon ng mga mataba at payat na baka, at mataba at payat na uhay.
6. Sino ang nagpaliwanag ng kahulugan ng panaginip ni Faraon?
Si Jose, na pinalaya mula sa bilangguan upang ipaliwanag ang panaginip ng Faraon.
7. Ano ang kahulugan ng panaginip ni Faraon?
Na magdadala ang Diyos ng pitong taon ng kasaganaan at pitong taon ng kagutom.
8. Paano ginantimpalaan ni Faraon si Jose dahil sa pagpapaliwanag nito sa kanyang panaginip?
Hinirang ni Faraon si Jose bilang pinakamataas na pinuno ng Ehipto.
9. Sino ang nagtungo kay Jose noong panahon ng kagutom?
Nagtungo sa kanya ang kanyang mga kapatid upang bumili ng mais.
10. Nagalak ba si Jacob nang malaman niyang buhay pa ang kanyang anak?
Opo, siya at ang kanyang mga anak ay nanirahan sa Ehipto.
Memory Project: "Kayo’y nagnasa ng masama laban sa akin, ngunit inilagay ng Diyos para sa kabutihan." Genesis 50:20
Exodo 2-4
1. Naging masaya ba ang bayan ng Israel sa Ehipto?
Hindi po, lumitaw ang isang malupit na hari at ginawa silang alipin.
2. Ano ang iniutos ng hari sa mga Israelita?
Inutusan niya sila na lunurin ang kanilang mga anak na lalaki sa ilog.
3. Sino ang ipinanganak sa panahong ito?
Si Moises.
4. Bakit hindi nilunod si Moises ng kanyang mga magulang sa ilog?
Naniwala sila na may espesyal na layunin ang Diyos kung bakit ibinigay ang magandang sanggol sa kanila.
5. Ano ang ginawa ng ina ni Moises upang iligtas ang kanyang buhay?
Inilagay siya sa isang basket at pinalutang ito sa ilog upang matagpuan ng anak na babae ng hari.
6. Ano ang nangyari kay Moises matapos siyang matagpuan ng anak ni Faraon?
Pinaalagaan siya sa kanyang ina hanggang sumapat ang kanyang gulang upang manirahan sa palasyo.
7. Ninais ba ni Moises na maging anak ng anak na babae ni Faraon?
Hindi po, nais niyang palayain ang mga tao mula sa malupit nilang pang-aalipin.
8. Paano sinubukang tulungan ni Moises ang kanyang mga kababayan?
Pumatay siya ng isang Ehipsyo, at tumakas patungo sa Midian.
9. Paano nagpakita ang Diyos kay Moises sa Midian?
Nagpakita ang Panginoon kay Moises sa nag-aapoy na puno.
10. Bakit siya pinabalik ng Diyos sa Ehipto?
Pinabalik siya ng Diyos upang palayain ang Israel at dalhin sila sa Canaan.
Memory Project: "Sa pananampalataya, nang nasa hustong gulang na si Moises ay tumangging siya’y tawaging anak ng anak na babae ni Faraon." Hebreo 11:24
Exodo 5-15
1. Ano ang sinabi ni Moises kay haring Faraon?
Sinasabi ng Diyos ng Israel, "Palayain mo ang bayan ko!" Ex. 5:1
2. Ano ang ginawa ni Faraon nang marinig niya ito?
Hindi niya pinalaya ang Israel, kundi lalo pang pinahirap ang trabaho nila.
3. Bakit ayaw pakawalan ni Faraon ang Israel?
Dahil masama siya at pinatigas ng Diyos ang puso niya.
4. Ano ang pinadala ng Diyos sa Ehipto?
Sampung dakilang salot.
5. Ano ang ibinigay ng Diyos sa Israel nang dumating ang ikasampung salot?
Ang pista ng Paskuwa.
6. Masaya ba si Faraon nang nakaalis na sila?
Hindi po, sinundan niya sila at ng kanyang hukbo upang ibalik sila.
7. Niligtas ba ng Diyos ang Israel mula sa masamang si Faraon?
Opo, pinangunahan sila ng Diyos sa Pulang Dagat sa tuyong daan.
8. Ano ang nangyari kay Faraon at sa kanyang hukbo?
Nalunod sila sa Pulang Dagat.
9. Pangalanan ang sampung salot.
1. Tubig na naging dugo.
2. Pinuno ng palaka ang lupain.
3. Alikabok na naging kuto.
4. Pulu-pulutong na langaw.
5. Pagkapeste ng mga baka.
6. Malalang pigsa sa tao at hayop.
7. Mabibigat na yelong ulan at apoy.
8. Mga balang na kinain lahat ng halaman.
9. Kadiliman sa tatlong araw.
10. Namatay lahat ng panganay.
Memory Project: "Kapag aking nakita ang dugo, lalampasan ko kayo." Exodo 12:13
1. Paano pinangunahan ng Diyos ang Israel sa ilang?
Sa pamamagitan ng haliging ulap sa araw, at haliging apoy sa gabi.
2. Paano pinakain ng Diyos ang Israel?
Nagpaulan ang Diyos ng mana mula sa langit at binigyan sila ng tubig mula sa bato.
3. Ano ang ibinigay sa kanila ng Diyos sa bundok Sinai?
Ibinigay sa kanila ng Diyos ang sampung utos at iba pang utos.
4. Ano ang ipinatayo ng Diyos kay Moises
Isang tabernakulo kung saan sasambahin ng mga tao ang Diyos.
5. Ano ang kasalanang ginawa ng Israel sa Sinai?
Sinamba ng Israel ang gintong guya.
6. Paano sila pinarusahan ng Diyos nang naghangad sila ng karne imbis na mana?
Pinadalhan sila ng Diyos ng mga pugo at ng malalang salot na pumatay sa marami sa kanila.
7. Ano ang ginawa ni Moises nang malapit na ang Israel sa Canaan?
Nagpadala si Moises ng labindalawang lalaki upang mag-espiya sa lupain.
8. Nagdala ba ang mga espiyang ito ng magandang ulat?
Dalawa lang po sa kanila, dahil nagtiwala sila na ibibigay sa kanila ng Diyos ang lupain.
9. Ano ang iniulat ng iba pang sampung espiya?
Iniulat nilang may mga lunsod na matataas ang pader at may mga higante, na kinatakutan nila.
10. Ano ang ninais gawin ng Israel nang marinig nila ang masamang ulat na ito?
Nais na nilang bumalik sa Ehipto.
Memory Project: "At kanyang inilabas na may kagalakan ang kanyang bayan, at ang kanyang hinirang na may pag-aawitan." Awit 105:43
1. Paano pinarusahan ng Diyos ang Israel sa kagustuhan nitong bumalik sa Ehipto?
Pinaglakbay sila ng Diyos sa ilang sa loob ng apatnapung taon.
2. Anong kasalanan ang ginawa nina Kora, Datan, at Abiram?
Sina Kora, Datan, at Abiram ay nagrebelde laban kina Moises at Aaron.
3. Paano pinarusahan sina Kora, Datan, at Abiram sa kanilang mga kasalanan?
Bumuka ang lupa at nilamon sila.
4. Paano pinarusahan ang Israel nang magreklamo sila tungkol sa mana?
Nagpadala ang Diyos ng mga makamandag na ahas na pumatay sa marami sa kanila.
5. Paano nailigtas ang mga tao sa mga makamandag na ahas?
Inutusan ng Diyos si Moises na magtayo ng ahas na tanso, at sinumang tumingin dito ay maliligtas.
6. Sino ang nagtangkang lumipol sa Israel?
Si Balak, ang hari ng Moab.
7. Paano tinangkang lipulin ni Balak ang Israel?
Hiniling niyang sumpain sila ng masamang propetang si Balaam.
8. Sinumpa ba ni Balaam ang Israel?
Hindi po, nais niyang sumpain ang Israel, ngunit ginawa ng Diyos na pagpalain niya sila.
9. Napangunahan ba ni Moises ang Israel papasok sa Canaan?
Hindi po, namatay si Moises sa bundok Nebo.
10. Bakit hindi maaaring makapasok si Moises sa Canaan?
Dahil nagalit siya sa mga tao, at pinalo ang bato imbis na kausapin ito.
Memory Project: "Kung paanong itinaas ni Moises sa ilang ang ahas, kailangan din namang itaas ang Anak ng Tao." Juan 3:14
Josue 1-10
l. Sino ang namuno sa Israel pagkamatay ni Moises?
Si Josue, ang lingkod ni Moises.
2. Sino ang sinugo ni Josue sa Jerico?
Dalawang espiya upang matyagan ang lunsod.
3. Sinong babaeng taga-Jerico ang nagpakita ng pananampalataya sa Diyos?
Si Rahab na nagtago ng dalawang espiya.
4. Paano nakatawid ang Israel sa ilog Jordan?
Gumawa ang Diyos ng tuyong daan sa gitna ng ilog.
5. Paanong ginawa ng Diyos na masakop ang Jerico?
Gumuho ang mga pader pagkatapos nagmartsa palibot nito ang Israel nang pitong araw.
6. Lahat ba ng tao sa Jerico ay napatay?
Opo, lahat maliban kay Rahab at ang kanyang pamilya.
7. Bakit naligtas si Rahab?
Naligtas si Rahab dahil tinago niya ang mga espiya.
8. Ano ang nangyari sa lunsod?
Ang buong lunsod ay sinunog, ayon sa utos ng Diyos.
9. Paano pa tinulungan ng Diyos ang Kanyang bayan sa kanilang pakikidigma?
Pinatigil Niya ang araw at buwan.
10. Bakit ibinigay ng Diyos sa Israel ang lupain ng Canaan?
Ipinangako ito ng Diyos kay Abraham upang maging larawan ng makalangit na Canaan.
Memory Project: "Ngunit sa ganang akin at sa aking sambahayan, kami ay maglilingkod sa Panginoon." Josue 24:15
Mga Hukom 3-5
1. Naging masaya ba ang Israel sa lupain ng Canaan?
Naging masaya ang Israel hangga’t naglilingkod sila sa Panginoon.
2. Pinaglingkuran ba ng Israel ang Panginoon pagkamatay ni Josue?
Hindi po, kinalimutan nila ang Panginoon at sinamba ang mga diyus-diyosan.
3. Ano ang dahilan na madali nilang nakalimutan ang Panginoon?
Hindi tinuruan ng mga magulang ang kanilang mga anak tungkol sa Diyos at sa Kanyang mga dakilang gawa
4. Paano sila pinarusahan ng Diyos dahil sa paglimot nila sa Kanya?
Pinarusahan sila ng Diyos sa pamamagitan ng pagdadala sa kanila ng mga kaaway.
5. Iniligtas din ba ng Diyos ang Israel mula sa mga kaaway na ito?
Opo, kapag sila ay nagsisisi nagsugo ang Panginoon ng mga hukom upang iligtas sila.
6. Pangalanan ang isang hari na dumating sa Canaan upang sakupin sila.
Si Eglon, ang hari ng Moab.
7. Paano pinalaya ni Ehud ang Israel mula kay Eglon?
Pinaslang siya ni Ehud sa pamamagitan ng tabak.
8. Sino ang itinakda ng Diyos upang lumaban sa mga Cananeo?
Sina Debora at Barak, na nagtipon ng isang hukbo upang labanan ang mga Cananeo.
9. Paano pinagtagumpay ng Diyos sina Debora at Barak?
Nagpadala ang Diyos ng bagyo na pumigil sa mga kabayo at karwahe.
10. Paano napatay si Sisera na kapitan ng mga Cananeo?
Pinatay si Sisera ni Jael habang nagtatago siya sa kanyang tolda.
Memory Project: "Gayon nalipol ang lahat ng iyong mga kaaway, Panginoon!" Mga Hukom 5:31
Mga Hukom 6-8
1. Paano pinarusahan ng Diyos ang Israel nang minsan pang paglingkuran nila si Baal?
Nagpadala ang Diyos ng libu-libong mga Midianita upang manirahan sa lupain.
2. Paano pinahirapan ng mga Midianita ang Israel?
Pitong taong inagaw ng mga Midianita ang kanilang pagkain, na halos magutom ang Israel.
3. Ano ang inutos ng Diyos kay Gideon?
Inutusan ng Diyos si Gideon na gibain ang dambana ni Baal na tinayo ng kanyang ama.
4. Ano pa ang pinagawa ng Diyos kay Gideon?
Inutusan siya ng Panginoon na magtipon ng isang hukbo upang labanan ang mga Midianita.
5. Ilang lalaki ang natira kay Gideon matapos magsiuwi ang karamihan sa kanila?
Tatlong daang lalaki ang natira kay Gideon.
6. Ano ang ibinigay ni Gideon sa mga lalaking ito bago makipaglaban?
Binigyan ni Gideon ang bawat isang lalaki ng trumpeta, at ilawan sa loob ng banga.
7. Ano ang ginawa ng mga lalaking ito sa gabi ng labanan?
Hinipan nila ang kanilang trumpeta, binasag ang mga banga, at inilabas ang kanilang mga ilaw.
8. Ano ang isinigaw nila?
Isinigaw nila: "Ang tabak para sa Panginoon at kay Gideon!" Mga Hukom 7:20
9. Paano pinagtagumpay ng Panginoon si Gideon?
Natakot ang mga Midianita at nilabanan nila ang isa’t isa.
10. Tumakas ba sila?
Opo, nagmamadali silang tumakas palabas ng lupain.
Memory Project: "Bumangon nawa ang Diyos, mangalat nawa ang mga kaaway niya." Awit 68:1
Mga Hukom 13-16
1. Gaano katagal pinahirapan ng mga Filisteo ang Israel?
Pinahirapan ng mga Filisteo ang Israel ng apatnapung taon.
2. Ano ang sinabi ng anghel sa ina ni Samson tungkol sa kanya bago siya ipanganak?
Sinabi sa kanya ng anghel na si Samson ay itatalaga sa Diyos bilang isang Nazareo.
3. Paano ipinakita ng isang Nazareo na siya ay itinalaga sa Diyos?
Hindi niya pinutol ang kanyang buhok, hindi uminom ng alak, at hindi humipo ng bangkay.
4. Mayroon bang hukbo si Samson nang kalabanin niya ang mga Filisteo?
Wala po, mag-isang nilabanan ni Samson ang mga Filisteo.
5. Paano mag-isang nilabanan ni Samson ang mga Filisteo?
Pinalakas siya ng Espiritu ng Panginoon.
6. Paano ipinakita ni Samson ang kanyang lakas sa paglaban sa mga Filisteo?
Kumuha siya ng tatlong daang asong gubat upang sirain ang maisan ng mga Filisteo.
7. Ano ang ginawa ni Samson sa isang libong Filisteo na nais pumatay sa kanya?
Pinatay ni Samson ang isang libong Filisteo sa pamamagitan ng panga ng hayop.
8. Ano ang malaking kasalanan ni Samson?
Inibig niya si Delila at sinabi sa kanya na hindi pa napuputulan ang kanyang buhok.
9. Ano ang nangyari nang putulin ni Delila ang kanyang buhok?
Hinuli ng mga Filisteo si Samson, dinukit ang mga mata niya, at ikinulong siya.
10. Binigyan pa bang muli ng Diyos si Samson ng lakas pagkatapos noon?
Opo, binigyan siya ng Diyos ng lakas upang pabagsakin ang mga haligi ng templo kung saan tatlong libong Filisteo ang namatay.
Memory Project: "Ang Panginoon ay aking liwanag at aking kaligtasan; sino ang aking katatakutan?" Awit 27:1
Aklat ni Ruth
1. Bakit nagtungo si Naomi sa Moab?
Dahil taggutom sa lupain ng Canaan.
2. Ano ang ginawa ng dalawang anak ni Naomi sa Moab?
Nag-asawa sila ng mga babaeng taga-Moab, Sina Ruth, at Orpah.
3. Masaya ba si Naomi sa Moab?
Hindi po, dahil namatay doon ang kanyang asawa at dalawang anak.
4. Ano ang natutunan ni Naomi sa mga pagkamatay sa kanyang pamilya?
Natutunan niyang dapat siyang bumalik sa kanyang bayan at aalagaan siya ng Diyos.
5. Sumama ba sina Ruth at Orpah sa pagbalik ni Naomi sa kanyang bayan?
Naiwan si Orpah sa Moab, subalit sumama si Ruth.
6. Anong magandang pahayag ang sinabi ni Ruth kay Naomi?
"Ang iyong bayan ay magiging aking bayan, at ang iyong Diyos ay aking Diyos." Ruth 1:16
7. Paano nakakuha ng pagkain si Ruth para sa kanyang sarili at para kay Naomi?
Namulot siya ng uhay sa bukid ni Boaz.
8. Naging mabait ba si Boaz kay Ruth?
Opo, kinupkop niya ito at maglaon ay pinakasalan siya
9. Ano ang sinasabi sa atin ng Kasulatan tungkol kay Ruth?
Na siya ay ninuno ni David.
10. Bakit mahalaga ito?
Ipinanganak si Cristo mula sa pamilya ni Ruth at David.
Memory Project: "Huwag mo akong pakiusapan na kita’y iwan, o talikuran ko na ang pagsunod sa iyo! Kung saan ka pupunta ay doon ako pupunta; kung saan ka nakatira ay doon ako maninirahan" Ruth 1:16
I Samuel 1-9
Para sa karagdagang babasahin sa wikang Tagalog, i-click dito1. Ano ang hiniling ni Ana sa Panginoon?
Humiling siya ng anak na lalaki na maglilingkod sa Panginoon.
2. Pinakinggan ba ng Panginoon ang kanyang panalangin?
Opo, binigyan siya ng Panginoon ng anak na may takot sa Diyos, si Samuel.
3. Saan dinala si Samuel ng kanyang ina?
Kay Eli, ang pari, upang maglingkod sa tabernakulo.
4. Ano ang sinabi ng Panginoon kay Samuel isang gabi?
Na si Eli at ang kanyang masasamang anak ay mamamatay sa isang araw.
5. Paano namatay ang mga anak na lalaki ni Eli?
Namatay sila sa digmaan laban sa mga Filisteo.
6. Ano pa ang nakakagimbal na nangyari sa digmaang ito?
Tinangay ng mga Filisteo ang Kaban ng Tipan ng Diyos.
7. Ano ang nangyrai kay Eli nang marinig niyang tinangay ang Kaban?
Bumagsak siya sa kanyang upuan at nabali ang kanyang leeg.
8. Pinanatili ba ng mga Filisteo ang Kaban sa kanilang templo?
Hindi po, pinabagsak at binasag ng Diyos ang kanilang diyus-diyosan.
9. Pinanatili ba nila ang Kaban sa kanilang mga lunsod?
Hindi po, dahil nagdala ang Diyos ng salot sa bawat lunsod na pinaglagyan ng Kaban.
10. Anong masamang kahilingan ang pinarating ng mga tao kay Samuel?
Humiling sila ng isang hari, dahil ayaw nila na ang Diyos ang maghari sa kanila.
Memory Project: "Nang magkagayo’y sinabi ni Samuel, ‘Magsalita ka; sapagkat nakikinig ang iyong lingkod.’" I Samuel 3:10