Kapag magkakasabay na oordinahan. Kung sila ay bukod na oordinahan gagamitin ang batayang dokumentong ito kung kinakailangan.
Mga minamahal na kapatid kay Cristo, batid ninyo na ilang ulit naming ipinahayag sa inyo ang mga pangalan ng mga kapatid na narito ngayon na pinili upang manungkulan bilang mga obispo o elder at diakono sa iglesyang ito, upang malaman kung mayroong sinuman na may dahilan upang hindi sila dapat maordinahan sa kani-kanilang mga tungkulin; at yamang walang lumapit sa amin na may anumang makatuwirang laban sa kanila, kami ngayon ay tutuloy sa pangalan ng Panginoon sa pag-oordina sa kanila.
Subalit bago ang lahat, kayo na oordinahan, at kayong lahat na narito ngayon, ay dapat makinig sa isang maiksing pagpapahayag ng Salita ng Diyos tungkol sa pagkakatatag at sa tungkulin ng mga obispo at diakono.
Tungkol sa mga obispo ay mapapansing ang katagang "matanda" o "pinakamatanda" (na hango sa Lumang Tipan na sumasagisag sa isang taong inilagay sa marangal na tungkulin sa pamahalaan sa ibabaw ng iba) ay ginagamit sa dalawang uri ng tao na naglilingkod sa iglesya ng Panginoong Jesu-Cristo; dahil sinabi ng apostol ng pananampalataya, "Ang matatanda na namamahalang mabuti ay ituring na may karapatan sa ibayong karangalan, lalung-lalo na ang mga nagpapagal sa pangangaral at sa pagtuturo" (I Tim. 5:17). Kaya maliwanag na may dalawang uri ng obispo sa apostolikong iglesya, ang una ay nagpapagal sa Salita at sa doktrina, at ang huli ay hindi. Ang una ay mga tagapangaral ng Salita at mga pastor, na ipinapangaral ang ebanghelyo at isinasagawa ang mga sakramento; ngunit ang iba, na hindi nagpapagal sa Salita, ngunit naglilingkod pa rin sa iglesya, ay nagtataglay ng partikular na tungkulin, alalaong baga’y ang pangangasiwa sa iglesya at pamamahala nito kasama ang mga tagapangaral ng Salita. Dahil si Pablo (Rom. 12), matapos banggitin ang ministerio ng Salita at ang tungkulin ng pamamahagi o pagiging diakono, ay binanggit ang tungkuling ito, na sinabi, "Ang namumuno ay may pagsisikap"; gayon din sa ibang dako kinikilala niya ang pamamahala sa ibabaw ng mga kaloob at tungkulin na itinatag ng Diyos sa iglesya (I Cor. 12). Kaya makikita natin na ang ganitong uri ng mga tagapaglingkod ay idinagdag sa iba na nangangaral ng ebanghelyo, upang alalayan at tulungan sila, gaya ng kung paanong sa Lumang Tipan ang mga pangakaraniwang Levita ay sa mga saserdote sa paglilingkod sa tabernakulo, sa mga bagay na hindi nila kayang gampanang mag-isa; bagamang ang mga katungkulan ay nananatiling magkakaiba. Bukod dito, nararapat na ang gayong mga tao ay maisama sa mga tagapangaral ng Salita sa pamamahala sa iglesya upang maiwasan ang malupit na pamamahala at paghahari-harian sa iglesya ng Diyos, na hindi malayong mangyari kapag naiatang ang pamamahala sa iisang tao lamang o sa kakaunti. Kaya ang mga tagapangaral ng Salita, kasama ang mga obispo, ay bumubuo ng isang lupon o kapulungan, na nagiging sanggunian ng iglesya, kinakatawan ang buong iglesya; na tinutukoy ni Cristo nang Kanyang sabihin, "Sabihin mo sa iglesya"—na hindi maaaring mangahulugang lahat at bawat isang miyembro ng iglesya, kundi naaangkop ito sa kanila na namamahala sa iglesya kung saan mula rito ay pinili sila.
Kaya, una, ang tungkulin ng mga obispo, kasama ang mga tagapangaral ng Salita, ay pangasiwaan ang iglesya na ipinagkatiwala sa kanila, at matiyagang magbantay kung ang bawat isa ay namumuhay nang wasto sa kanyang kumpesyon at pamumuhay; sawayin sila na liko ang pamumuhay, at iwasan, hangga’t maaari, na malapastangan ang mga sakramento; at gayon di’y kumilos (ayon sa Cristianong pagdidisiplina) laban sa mga ayaw magsisi, at muling tanggapin ang nagsisisi sa loob ng iglesya, hindi lamang batay sa nabanggit nang sinabi ni Cristo, kundi batay din sa iba pang bahagi ng Banal na Kasulatan, tulad ng I Corinto 5, at II Corinto 2, na ang mga bagay na ito ay hindi lamang naiatang sa isa o dalawang tao, kundi sa marami na naitalaga para rito.
Pangalawa. Yamang tagubilin ng apostol na dapat isagawa ang lahat ng bagay sa paraang kapita-pitagan at maayos sa mga Cristiano, at walang ibang dapat na manungkulan sa iglesya ni Cristo maliban sa mga makatuwirang tinawag sang-ayon sa patakarang Cristiano, kaya tungkulin din ng mga obispo na igalang ito, at sa lahat ng mga pangyayari na may kinalaman sa kapakanan at mabuting kaayusan ng iglesya ay maging katuwang sila ng mga tagapangaral ng Salita sa pamamamagitan ng kanilang mabuting payo at pangaral, at paglingkuran din ang lahat ng Cristiano sa pamamagitan ng pagpapayo at kaaliwan.
Pangatlo. Partikular ding tungkulin ang pagmamasid sa doktrina at pamumuhay ng mga tagapangaral ng Salita, upang ang lahat ng bagay ay maisagawa para sa ikatitibay ng iglesya; at upang hindi maituro ang taliwas na doktrina, ayon sa mababasa natin sa Mga Gawa 20, kung saan nagbilin ang apostol na matiyagang magbantay laban sa mga asong gubat na maaaring pumasok sa kawan ni Cristo; na upang maisagawa ito ay tungkulin ng mga obispo na matiyagang saliksikin ang Salita ng Diyos, at patuloy na pagbulayan ang mga hiwaga ng pananampalataya.
Tungkol sa mga diakono: mababasa natin ang pinagmulan at pagkakatatag ng kanilang tungkulin sa Mga Gawa 6, kung saan makikita natin na sa simula ay mismong ang mga apostol ang naglilingkod sa mga dukha, "… Dinala ang pinagbilhan ng mga ito. At inilagay nila ang mga ito sa paanan ng mga apostol at ipinamahagi sa bawat isa, ayon sa kailangan ng sinuman … Nang mga araw ngang ito, nang dumarami ang bilang ng mga alagad, nagreklamo ang mga Helenista laban sa mga Hebreo, sapagkat ang kanilang mga babaing balo ay napapabayaan sa pang araw-araw na pamamahagi," pinili ang mga lalaki (ayon sa payo ng mga apostol) na ang paglilingkod sa mga dukha ang natatangi nilang gawain, upang patuloy na mailaan ng mga apostol ang kanilang sarili sa panalangin at pangangaral ng Salita. At mula noo’y ipinagpatuloy na ito sa iglesya, na ipinapakita sa Roma 12, kung saan sinabi ng apostol tungkol sa tungkuling ito, "Ang nagbibigay ay magbigay nang may magandang loob." At ang I Corinto 12:28, nang banggitin ang "pagtulong" ay tumutukoy sa kanila na itinalaga sa iglesya upang tulungan at alalayan ang dukha at maralita sa oras ng pangangailangan.
Mga talata kung saan madali nating malalaman kung ano ang tungkulin ng mga diakono, alalaong baga’y, na una’y kokolektahin at iingatan nila nang may buong katapatan at kasipagan ang mga abuloy at mga ari-arian na ibinibigay sa mga mahihirap; na gawin ang buo nilang makakaya upang maraming mabubuting yaman ang malikom upang matulungan ang mga mahihirap.
Ang pangalawa ay bahagi ng kanilang tungkulin ang pamamahagi, kung saan hindi lamang kinakailangan ng tamang pagpapasiya at pag-iingat sa pagbibigay ng tulong doon lamang sa mga totoong nararapat tulungan, kundi kasiyahan din at kagandahan ng loob sa pagtulong sa mga mahihirap na may kahabagan at tunay na malasakit, ayon sa hinihingi ng apostol (Rom. 12; at II Cor. 9). Na dahil dito’y tunay na makakabuti na hindi lamang nila tulungan ang mahihirap at maralita sa pamamagitan ng panlabas na mga kaloob, kundi mga nakaaaliw ding salita mula sa Kasualatan.
Kaya upang marinig ng bawat isa rito, minamahal na kapatid na, P., P., na kusa niyong tinatanggap ang inyong mga tungkulin, sagutin ninyo ang mga sumusunod na katanungan:
Una kong katanungan sa inyo, mga obispo at diakono, kung nararamdaman ba ninyo sa inyong puso na makatuwiran kayong tinawag ng iglesya ng Diyos, at magkagayo’y ng Diyos mismo, dito sa inyong kani-kaniyang banal na tungkulin?
Pangalawa. Naniniwala ba kayo na ang mga aklat ng Luma at Bagong Tipan ay siyang tanging Salita ng Diyos at siyang ganap na katuruan sa kaligtasan, at tinatanggihan ba ninyo ang lahat ng mga doktrinang sumasalungat dito?
Pangatlo. Ipinapangako ba ninyo, sang-ayon sa mga nabanggit na katuruan, na matapat, at sa abot ng inyong makakaya, ay gagampanan ninyo ang kani-kaniya niyong tungkulin, ayon sa pagkakalahad dito—kayong mga obispo sa pamamahala sa iglesya kasama ang mga tagapangaral ng Salita, at kayong mga diakono na tagapangalaga ng mga mahihirap? Nagkakaisa ba kayong nangangako na lalakad kayo sa buong kabanalan, at handa ba kayong magpasakop, kapag nagbabala sa inyo ang iglesya, sakaling magpabaya kayo sa inyong tungkulin?
Sasagutin nila ito ng: "Opo."
Pagkatapos ay sasabihin ng ministro:
Ang Makapangyarihang Diyos at Ama ay puspusin kayong lahat ng Kanyang biyaya, upang inyong matapat at mabungang matupad ang kani-kanya niyong tungkulin. Amen.
Ibayo pa silang pagtatagubilinan ng ministro, at ang buong konggrgasyon, sa ganitong paraan:
Kaya, kayong mga obispo, magsikhay kayo sa pamamahala ng iglesia na ipinagkatiwala sa inyo kasama ng mga tagapangaral ng Salita. Maging tagapagbantay din kayo sa sambahayan at lunsod ng Diyos, tapat na binababalaan at pinapapag-ingat ang bawat isa mula sa kanyang pagkapahamak. Ingatan ninyong ang kawastuan sa doktrina at kabanalan sa pamumuhay ay dapat panatilihin sa iglesya ng Diyos. At kayong mga diakono, magsikhay kayo sa pagtitipon ng mga abuloy, maging maingat at masaya sa pamamahagi ng mga ito; tulungan ang mga naaapi, magbigay sa mga tunay na balo at mga ulila, magbigay nang sagana sa lahat ng tao, lalung-lalo na sa sambahayan ng pananampalataya.
Sama-sama kayong maging tapat sa inyong mga tungkulin, at panghawakan ang hiwaga ng pananampalataya nang may malinis na budhi, na nagiging mabuting halimbawa sa lahat ng tao. Sa gayon ay kakamtan niyo ang mabuting antas at ibayong katapangan sa pananampalataya na nakay Cristo Jesus, at pagkatapos ay papasok kayo sa kagalakan ng ating Panginoon.
Sa kabilang dako, mga minamahal na kapatid kay Cristo, tanggapin niyo ang mga lalaking ito bilang mga lingkod ng Diyos; kilalanin niyo ang mga obispong mahusay na namamahala nang may dobleng parangal; kusang-loob kayong pasakop sa kanilang pagbabantay at pamumuno. Bigyan niyo ang mga diakono ng mga bagay na makakabuti upang kanilang matulungan ang mga maralita. Maging mapagkawang-gawa kayong mayayaman, magbigay kayo nang maluwag, at mag-ambag nang kusang-loob. At kayong mga nangangailangan, dumulog kayo sa Diyos sa inyong pangangailangan at pasalamatan Siya, na sa pamamagitan ng Kanyang Banal na Espiritu ay ibinubunsod Niya ang Kanyang iglesya na magkusa at magkaroon ng kakayahan na abutin ang inyong mga pangangailangan. Sumunod kayo kay Cristo para sa pagkain ng inyong mga kaluluwa, at hindi para sa pisikal na tinapay. "Ang nagnanakaw (o ang nagiging pabigat sa kanyang kapwa) ay huwag nang magnakaw pa, kundi magtrabaho at gumawa siya sa pamamagitan ng kanyang sariling mga kamay ng mabuting bagay, upang siya'y may maibahagi sa nangangailangan." Bawat isa sa inyo na ginagampanan ang mga bagay na ito sa kani-kanya ninyong pagkatawag ay tatanggap mula sa Panginoon ng gantimpala ng katuwiran. Ngunit yamang sa ganang ating sarili ay wala tayong kakayahan, tayo ngayon ay tumawag sa pangalan ng Panginoon, at sabihing:
O Panginoong Diyos at Ama naming nasa langit, salamat po dahil nalugod Ka, na para sa ibayong ikatatatag ng Iyong iglesya, ay itinalaga rito ang mga tagapamahala at katuwang, bukod pa sa mga tagapangaral ng Iyong Salita, upang ingatan ang Iyong iglesya sa kapayapaan at kasaganaan, at ang dukha ay matulungan; at pinagkalooban Mo kami ngayon sa pook na ito ng mga lalaking may mabuting patotoo, at inaasahan naming pawang mga puspos ng Iyong Espiritu. Hinihiling po namin sa Iyo na lalo Mo silang puspusin ng mga kaloob na kailangan nila sa kanilang paglilingkod—ng mga kaloob ng karunungan, katapangan, katalinuhan at kabutihan ng kalooban, upang ang bawat isa, sa kani-kanyang katungkulan, ay gampanan ito ayon sa nararapat; bilang mga obispo na matiyagang nagbabantay sa doktrina at pamumuhay, sa pagtataboy sa mga asong gubat mula sa kawan ng Iyong minamahal na Anak, at sa pagpapaalala at pagbibigay-babala sa mga taong lumilihis sa katuwiran. Gayon din, ang mga diakono sa maingat na pagtanggap, at maluwag at matalinong pamamahagi sa mga kaloob sa mga mahihirap, at sa pag-aliw sa kanila sa pamamagitan ng Iyong banal na Salita. Biyayaan po Ninyo ang mga obispo at diakono, upang sila’y makapagpatuloy sa kanilang tapat na paglilingkod, at hindi mapagod dahil sa anumang suliranin, hirap, o pag-uusig ng sanlibutan. Biyayaan din po Ninyo ang konggregasyong ito na kanilang pinamumunuan, upang sila’y kusang-loob na magpasakop sa mabuting panghihikayat ng mga obispo, kilalanin sila bilang karapat-dapat sa parangal alang-alang sa kanilang tungkulin; pagkalooban din po Ninyo ang mayayaman ng pusong mapagbigay sa mahihirap, at sa mahihirap ay pusong mapagpasalamat doon sa mga tumutulong at naglilingkod sa kanila; nang sa gayo’y gampanan ng bawat isa ang kani-kanyang tungkulin, na sa pamamagitan niyon ay madakila ang Iyong banal na pangalan, at mapalawak ang kaharian ng Iyong Anak na si Jesu-Cristo, na sa Kanyang pangala’y nilulubos namin ang aming panalangin, sa pagsasabing:
Para sa karagdagang babasahin sa wikang Tagalog, i-click ditoAma naming nasa langit, sambahin nawa ang pangalan mo. Dumating nawa ang kaharian mo. Masunod nawa ang kalooban mo, kung paano sa langit, gayundin naman sa lupa. Bigyan mo kami ngayon ng aming pagkain sa araw-araw at patawarin mo kami sa aming mga utang, gaya rin namin na nagpapatawad sa mga may utang sa amin. At huwag mo kaming dalhin sa tukso, kundi iligtas mo kami sa masama.