ni Prof. Homer C. Hoeksema
Mayroong isang napakahalagang tanong na nakapaloob sa paksa ng aklat na ito. Ang tanong na iyon ay: sino ang iniibig ng Diyos? Dapat tayong magkaroon ng tiyak na sagot sa tanong na ito, ang sagot mismo ng Diyos, ang sagot ng mga Kasulatan, kung gayon. Tinuturo sa atin ng Juan 3:16: "Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay niya ang kanyang tanging Anak, upang ang sinumang sa kanya’y sumampalataya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan." Anong "sanlibutan" ang iniibig ng Diyos? Sino ang kabilang sa sanlibutang iyon? Kabilang ba ang lahat ng tao sa sanlibutang iyon? At kung may iilang tao lamang ang kabilang sa sanlibutang iyon, sino sila?
Tinawag kong napakahalagang katanungan nito; at tunay na gayon nga.
Dahil, una, personal na mahalaga ito sa atin. Buhat sa pananaw na ito, ang tanong ay maaaring maging sa anyong: iniibig ba ako ng Diyos? At sa gayong anyo ang kritikal na kahalagahan ng tanong ay agad na tumatatak sa iyo at sa akin. Mahal ba ako ng Diyos? Kaya ko ba at maaari ba akong makatiyak sa pag-ibig na iyon? Kung gayon matiwasay ang lahat. Dahil ang pag-ibig ng Diyos ay tiyak na pinakamahalaga sa lahat. Kung mahal ako ng Diyos, tagapagmana ako kung gayon ng buhay na walang hanggan. Kung mahal ako ng Diyos, hindi ako mapapahamak. Kung mahal ako ng Diyos, mawala man kung gayon ang lahat sa akin, kahit na aking buhay, taglay ko pa rin ang pinakamahalaga sa lahat. Kung mahal ako ng Diyos, maaari akong iwan kung gayon ng akin ama at ina; subalit itataas ako ng Panginoon at hahawakan ako sa kanyang banal na sinapupunan.
Ngunit, gayon din, kung hindi ako iniibig ng Diyos,iyon ay, kung nagagalit Siya sa akin, kung gayo’y masama ang lahat. Mapapahamak ako magpakailan man kung gayon. Kung gayon, bagamang nasa akin na ang lahat, kahit na ang buong mundo, ako na ang pinakadukha sa lahat ng tao. Kung gayo’y ang mukha Niya ay laban sa akin tungo sa kasamaan. Kung gayon ako ang pinakamiserable sa lahat ng tao. Kungn gayon ay kakaharapin ko ang walang hanggang paghihirap sa impiyerno, kung saan may pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin. Tunay na ito ay napakahalagang personal na katanungan. Sino ang iniibig ng Diyos? Iniibig ba Niya ako?
Sa katanungang ito kailangan ko ng kasagutan. Kailangan ko ang kasagutan ng Diyos. Hindi ako makukumbinsi ng tao. Ang sagot ng isang tao lang ay hindi makalulubos sa aking hinahanap. Walang iba ang makagagawa maliban ang sagot mula sa bibig ng Diyos mismo. Doon lamang ako mapapayapa, kapag narinig ko ang Kanyang tinig, "Aking anak, Ako, si Jehovang Diyos, ay iniibig ka!"
Ilagay mo sa iyong kaisipan ang personal na tanong na ito habang binubulay-bulay mo ang Salita ng Diyos. Dahil hindi mo lang kailangan ng agad na kasagutan sa ganitong katanungan, kundi habang ang Salitang ito ng Diyos ay nahahayag sa iyo, kailangan mong harapin ang katanungang ito at dapat na magbigay ng iyong kasagutan dito. Hindi mo ito matatakasan.
Pangalawa, at sa mas malapit na pagkakaugnay sa mga nabanggit kaysa sa minsang inaakala, ang katanungang ito ay mahalaga tungkol sa nilalaman ng pangangaral ng ebanghelyo. Kapag naipangaral ang ebanghelyo, ang katanungang, "Sino ang iniibig ng Diyos?" ay kailangang sagutin. At muli, ang kasagutan ay dapat na mula sa mga Kasulatan. Tanging ang kasagutang iyon ang maipapahayag bilang ebanghelyo ni Jesu-Cristo. Sinasabi ng talata na iniibig ng Diyos ang sanlibutan. At kadalasan ang pinakakaraniwang paliwanag na ibinibigay sa katagang ito na "ang sanlibutan" ay nangangahulugan ito na iniibig ng Diyos ang lahat ng tao, bawat isang indibidwal na miyembro ng sangkatauhan. Ito ang hayag na katuruan ng lahat ng Arminian, "malayang-kalooban" (free-will) na mga pulpito. Maraming ulit na nating narinig ang ganitong pangangaral, kung hindi sa ating simbahan, ay sa radyo o telebisyon. Ayon sa pananaw na ito, iniibig ng Diyos ang lahat ng tao. Dahil iniibig Niya ang lahat ng tao, ibinigay ng Diyos ang Kanyang bugtong na Anak. Ang bugtong na Anak ng Diyos ay namatay para sa buong sanlibutan, iyon ay, para sa lahat ng tao, samakatuwid ay gumawa ng paraan upang maligtas ang lahat ng tao. Ang ebanghelyo ay para sa lahat ng mga makasalanan. At ngayon nakasalalay na sa makasalanan kung sasampalataya siya o hindi sasampalataya, yayakapin ang pag-ibig ng Diyos o hindi ito yayakapin, maligtas at kamtan ang buhay na walang hanggan, o mapahamak. Ang kasalungat na pananaw ay ang sa pananampalatayang Reformed, na minsang tinatawag na Calvinism. Naniniwala ito na kung ang pag-uusapan ay tao, hindi iniibig ng Diyos ang lahat, kundi ang Kanyang mga hinirang (elect) lamang, iyon ay, sila na Kanyang makapangyarihang pinili kay Cristo Jesus mula pa sa pagkakalikha sa sanlibutan. Tinuturo nito, bukod dito, na namatay si Cristo para sa lamang sa Kanyang mga tupa, iyon ay, sila na ibinigay sa Kanya ng Ama. Bukod pa rito, pinaniniwalaan ng pananampalatayang Reformed na kapag ang ebanghelyo ni Cristong napako sa krus ay ipinahayag, ang kaloob (gift) ng pananampalataya ay iginagawad lamang sa mga hinirang sa pamamagitan ng muling kapanganakan (regeneration) at mabisang pagkatawag (efficacious calling), at sa gayo’y magsisisi at sasampalataya ang hinirang at kakamtan ang buhay na walang hanggan. Sa maikling salita, ipinapahayag namin na ang pag-ibig ng Diyos ay ganap na makapangyarihan at may partikular na pinag-uukulan, hindi para sa lahat at may hinihinging kundisyon, sa pinagmulan nito, sa kapahayagan nito, sa pagkilos nito at sa bunga nito.
Ngayon napakalinaw na pareho sa mga nabanggit na pananaw ay hindi totoo. Kahit ang bata ay mauunawaan ito. Ito ay "Ito … o kung hindi ay iyon." Iniibig ng Diyos ang lahat ng tao; o kung hindi ay iniibig lamang Niya ang Kanyang mga hinirang (pinili). Napakalinaw din na sila na naniniwala sa mga nabanggit na pananaw ay nag-aangking ipinapangaral din nila ang ebanghelyo kapag ipinapahayag nila ang mga pananaw na ito. Parehong sasabihin sa iyo ng Arminian at Reformed na mangangaral na ipinapangaral nila ang ebanghelyo. Aasahan natin ang gayon. Walang mangangaral na hayagang magsasabi na ang kanyang ipinapangaral ay hindi ayon sa Biblia. Pareho nilang aangkinin, "Sinasabi ng Biblia …" Bukod pa rito, napakaliwanag, malibang pangatawanan mo ang imposibleng paniniwala na sinasalungat ng Diyos ang Kanyang sarili, na ang isa o ang ang isa pa (hindi pareho) sa pananaw sa itaas ay sang-ayon sa mga Kasulatan, at sangkap ng tunay na pangangaral ng ebanghelyo. At sinumang hindi nagpapahayag ng anumang hindi sang-ayon sa Kasulatan ay hindi dapat magkunwari na ipinapangaral niya ang ebanghelyo ni Jesu-Cristo.
Ano, kung gayon, ang paraan ng pagsusuri? Paano natin matutukoy kung alin sa mga nabanggit ang Salita ni Cristo sang-ayon sa mga Kasulatan? Tandaan mo, ang tanong ay hindi kung ano ang nais mo o nais kong isipin tungkol sa katanungang ito. Hindi ito kung alin sa dalawang "ebanghelyong" ito ang mas popular, na waring nagreresulta sa mas maraming bunga, na inaakalang mas katanggap-tanggap, mas nakaka-akit, mas nakakabagbag ng damdamin. Ang tanong ay hindi kung ano ang pinaniniwalaan ng teyologong ito o niyon. At, bagamang tunay mong minamahal ang iyong simbahan, hindi ito tanong kung ano ang tinuturo ng iyong simbahan. Ang totoo, kung talagang mahal mo ang iyong simbahan, tiyak na ayaw mong lumakad ang iyong simbahan sa kamalian. Ang tanging katanungan ay: ano ang sinasabi ng Salita ng Diyos? At hayaang ang bawat seryosong Cristiano, na nagnanais na lumakad na sumusunod sa kalooban ni Cristo, at nagnanais na maging tapat ang simbahan sa kanyang pagkatawag na ipangaral ang ebanghelyo, ay pasakop sa Salita. Hindi mo kinakailangang yumukod sa akin o sa aking salita; subalit kailangan mong yumukod kasama ko sa Salita ng Diyos! At maaasahan mong magiging napakaliwanag ng salita ng Diyos hinggil sa katanungang ito.
Pangatlo, ang katanungang ito na, "Sino ang iniibig ng Diyos?" ay lubhang napakahalaga sapagkat kung mayroon mang panahon kung kailan ang komunidad ng Reformed ay tumayo sa pinakakritikal paninindigan tungkol sa pangangaral ng ebanghelyo, iyon ay ngayon. Ibayong tapang at diretsahang tinuturo ngayon sa mga grupong Reformed na mahal ng Diyos ang lahat ng tao. Pinanghahawakan din na ang doktrinang ito, na buong giting na kinalaban ng Dakilang Synod ng Dordrecht, ay Calvinism. Lalo pang dumarami ang mga simbahang Reformed na nakikipag-isa sa mga Arminians at sinasamahan pa sila sa pagsuporta sa mga mapusok na kilusang pang-evangelism. Bilang halimbawa ng ganitong lantarang Arminianism hayaan akong bumanggit mula sa mga panulat ng isang propesor ng isang seminaryong Reformed tungkol sa talatang ito sa Juan 3:16:
Gaano nagmahal ang ang Diyos? Gayon nga kalaki na ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak. Gayon nga kalaki na hinubaran Niya ang kanyang sarili ng karangalan; ibinigay Niya ang Kanyang sarili. Ang halaga ng pag-ibig ay ipinahiwatig ng halaga ng kaloob. Nangangahulugan iyon ng walang hanggang pag-ibig.
Pag-ibig na walang limitasyon! Ang gayon bang walang limitasyong pag-ibig ay limitado sa kanyang nasasaklawan? Ang pag-ibig ba na hindi nahahadlangan ay mahahadlangan mula sa mga iniibig nito? Ang kaya lamang bang ibigin ng walang hanggang pag-ibig ng pagkakatawang-tao ay ang bahagi lamang ng sangkatauhan? Hindi. Ni hindi ito ang tinuturo ng Biblia. Manapa ay sinasabi sa atin, "Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay." Kahit na ang tinutukoy ay cosmos o ang sangkatuhan, ang "sanlibutan" sa talatang ito ay maliwanag na saklaw ang lahat ng tao. Walang puwersa sa paghahanap sa kahulugan ng Biblia ang maglilimita sa napakapagtutubos na pag-ibig ng Diyos upang iukol sa anumang espesyal na grupo. Ni hindi ang lenggwahe ng bersikulong ito o ang malawakang konteksto ng Kasulatan ang magpapahintulot ng iba pang pakahulugan kundi ang mahal ng Diyos ang lahat ng tao.
At muli, pansinin ang lantarang pangungusap na ito:
Kung hindi handa ang Iglesia na sabihin sa anumang kahulugan na namatay si Cristo para sa lahat ng tao at tumatangging idagdag na sabihin sa mga di-mananampalataya na "Mahal ka ng Diyos," Namatay si Cristo para sa iyo,’ nilalagay nito ang walang hangganang pag-ibig ng Diyos sa hindi matuwid na paglilimita.
Ngayon, kung iyon ang direksyong nais tahakin ng mga taong Reformed hayaan silang hayagang itanggi na ang Reformed na posisyon at ang mga kumpesyong Reformed ay hindi naaayon sa Kasulatan. Ngunit hindi dapat malinlang ang sinuman na ang ganitong Arminianism ay may pagkakatulad sa pananampalatayang Reformed. Hindi ito magkatulad. At hayaang ang lahat na nagsisi-ibig sa katotohanan ng Salita ng Diyos at nagnanasang maging tapat sa Salitang iyon ay suriin ang usapin ito kasama ko. Ilagay natin ang tanong na ito sa pagsusuri ng Banal na Kasulataan. Sino ang iniibig ng Diyos?
Ang tugon ng teksto natin sa Juan 3:16 ay, "Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan …"
Una, tanawin natin ang paksa sa mula sa aspeto ng salitang "sanlibutuan" sa Kasulatan. Tinutukoy nga ba ng kataga ang lahat ng tao? Madalas itong itinuturo. At inaamin kong ito ay isang palagay na napakadaling gawin. Walang alinlangang napakarami ng walang-pagsusuring tumatanggap ng ganitong pahayag, at naniniwalang ang Juan 3:16 ay nangangahulugang iniibig ng Diyos ang lahat ng tao.
Subalit isalang natin ito sa ilang mga pagsubok ng Kasulatan. Una, suriin natin ang ilang talata ng Kasulatan na ginagamit ang gayon ding kataga.
Sa panalangin bilang punong-pari ng Panginoong Jesus, na itinala para sa atin dito rin sa ebanghelyong salaysay ni Juan, kabanatang 17, bersikulo 8 at 9, mababasa natin: "Sapagkat ang mga salitang ibinigay mo sa akin ay ibinigay ko sa kanila, at kanilang tinanggap, at totoong nalaman na ako ay nagmula sa iyo, at naniwala silang ikaw ang nagsugo sa akin. Idinadalangin ko sila. Hindi ang sanlibutan ang idinadalangin ko, kundi para doon sa mga ibinigay mo sa akin, sapagkat sila'y iyo." Mula sa talatang ito, kung ihahambing sa Juan 3:16, maliwanag, una, na ang katagang "sanlibutan" dito sa Juan 17 ay hindi katulad ng sa Juan 3. Ito ay maliwanag sa simpleng punto na hindi nananalangin si Jesus para sa "sanlibutan" na ito. At tiyakan, na kalapastanganan na ipalagay na hindi ipinapanalangin ng Panginoong Jesu-Cristo ang sanlibutan na iniibig ng Diyos. Pangalawa, maliwanag na ang katagang "sanlibutan" sa Juan 17 ay hindi maaaring mangahulugang "lahat ng tao." Ito ay binibigyang linaw ng katotohanang gumawa ang Panginoong Jesus ng malinaw na pagtatangi sa pagitan ng Kanyang mga alagad, na sumampalataya na Siya ay sinugo ng Ama, na ibinigay kay Jesus, at pagmamay-ari ng Ama, sa isang dako, at ang sanlibutan, sa kabilang dako. Pansinin: "Idinadalangin ko sila. Hindi ang sanlibutan ang idinadalangin ko, kundi para doon sa mga ibinigay mo sa akin, sapagkat sila'y iyo." Pangatlo, maliwanag din na sa Juan 17 na ang mga taong iniibig ng Diyos ay eksaktong hindi nga ang sanlibutan, kundi mga taong ibinigay ng Ama kay Cristo na itinatangi sa sanlibutan.
Magtungo naman sa I Juan 2:15-17. Mababasa natin doon: "Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan, ni ang mga bagay na nasa sanlibutan. Ang pag-ibig ng Ama ay wala sa sinumang umiibig sa sanlibutan. Sapagkat ang lahat na nasa sanlibutan, ang masamang pagnanasa ng laman, ang pagnanasa ng mga mata, at ang pagmamataas sa buhay, ay hindi mula sa Ama kundi sa sanlibutan. Ang sanlibutan at ang pagnanasa nito ay lumilipas, ngunit ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman." Dito muli, maliwanag na ang katagang "sanlibutan" ay hindi maaaring mangahulugang lahat ng tao, at hindi ito maaaring magkaroon ng katulad na kahulugan gaya ng sa Juan 3:16. Dahil, una, maaari bang ibigin ng Diyos ang sanlibutuan, at uutusan Niya ang Kanyang mgma anak, "Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan, na siya ring sanlibutan na aking iniibig." At, pangalawa, ang sanlibutan na tinutukoy ng I Juan 2 ay lumilipas. At posible ba na ang sanlibutang iniibig ng Diyos ay lilipas din pala. Ang tanungin ang mga tanong ay sagutin ang mga iyon.
Dalawa lamang ang mga ito sa maraming talata sa Biblia kung saan makikita ang katagang "sanlibutan." Ngunit saan man makikita ang katagang iyon sa Kasulatan, at anupaman ang maging kahulugan ng katagang "sanlibutan" maaari mong subukin ang bawat talata, at matutuklasan mo na ang kataga ay maliwanag na hindi nangangahulugang lahat ng tao. Hindi maaaring igiit ang maling palagay na ito sa pamamagitan ng puwersa ng pagtuklas sa kahulugan ng talata sa Biblia.
Pangatlo, huwag nating kalimutan na ang Kasulatang nangungusap tungkol sa pag-ibig ng Diyos ay nangungusap din tungkol sa kabaligtaran ng Kanyang pag-ibig, ang Kanyang makadiyos na galit. Ngayon kung totoong iniibig ng Diyos ang lahat ng tao, dapat ay totoo ring wala Siyang kinapopootang tao. Subalit kung ang mga Kasulatan ay hindi malalabag, at kung gayon ay ipapakita ngmga Kasualatang ito na napopoot ang Diyos sa kahit isang tao lamang, marapat lamang na maging kongklusyon ay hindi iniibig ng Diyos ang lahat ng tao, ang katagang "sanlibutan" sa Juan 3:16 ay hindi maaaring mangahulugang lahat ng tao.
Suriin natin ang Kasulatan na isinasaaalng-alang ang katanungang ito.
Sa Awit 5:4-5 mababsa natin: "Sapagkat ikaw ay hindi isang Diyos na nalulugod sa kasamaan; ang kasamaan ay hindi mo kasamang naninirahan. Ang hambog ay hindi makakatayo sa iyong harapan, kinapopootan mo ang lahat ng mga gumagawa ng kasamaan." Sa Awit 11:5-6 mababasa natin: "Sinusubok ng PANGINOON ang matuwid at ang masama, at kinapopootan ng kanyang kaluluwa ang nagmamahal sa karahasan. Sa masama ay magpapaulan siya ng mga baga ng apoy; apoy at asupre at hanging nakakapaso ang magiging bahagi ng kanilang saro." At sa Roma 9, isang kabanata na napakahalaga para sa kabuoang tanong na ito, mababa natin sa bersikulo 10-13:
At hindi lamang iyon; kundi gayundin kay Rebecca nang siya’y naglihi sa pamamagitan ng isang lalaki, na si Isaac na ating ama. Sapagkat bagaman ang mga anak ay hindi pa isinisilang, at hindi pa nakakagawa ng anumang mabuti o masama, (upang ang layunin ng Diyos ay manatili alinsunod sa pagpili, na hindi sa pamamagitan ng mga gawa, kundi doon sa tumatawag) ay sinabi sa kanya, "Ang nakatatanda ay maglilingkod sa nakababata." Gaya ng nasusulat, "Si Jacob ay aking minahal, ngunit si Esau ay aking kinasuklaman."
Mula sa mga talatang ito ganap na maliwanag na mayroong galit o poot ng Diyos kung paanong may pag-ibig ng Diyos, at may ilang tao ang pinag-uukulan ng pagkapoot ng Diyos, habang ang iba pinag-uukulan ng pag-ibig ng Diyos.
Kaya, ang ating sagot sa unang katanungan, "Sino ang iniibig ng Diyos?" ay isang negatibo: Hindi iniibig ng Diyos ang lahat ng tao. Buong pagsunod tayong yumukod sa malinaw na Salitang ito ng Diyos.
Kaya, ang iproklama na iniibig ng Diyos ang lahat ng tao ay kabulaanan, at taliwas sa utos sa Iglesia na ipangaral ang Salita. Dagdag pa, ang gayong pekeng-ebanghelyo ay wala ng iba kundi kapinsalaan sa personal na katiyakan ng isang Cristiano ng pag-ibig ng Diyos. At tandaan mo, sa tinagal-tagal ng pagsasa-alang-alang sa mga salitang ito, iyon pa rin ang pinakamahalagang personal na katanungan: Mahal ba ako ng Diyos?
Susunod, saliksikin natin ang mahalagang katanungang iyon, Mahal ba ng Diyos ang lahat ng tao? Mula sa ibang aspeto, ang pag-ibig ng Diyos mismo.
Una, pansinin natin na mariing nangungusap ang teksto tungkol sa pag-ibig ng Diyos. Tiyakang ipinahihiwatig nito na ang pag-ibig ng Diyos ay makapangyarihan kung paanong Siya ay makapangyarihan, soberano kung paanong Siya’y soberano, hindi nagbabago kung paanong Siya Ang Hindi Nagbabago, at kaya ang pag-ibig ng Diyos ay may banal na kakayahang hanapin, matagpuan at mailigtas ang pinaglaanan nito. Kaya kung gayon kadakilang inibig ng Diyos ang sanlibutan na ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak para sa kaligtasan ng sanlibutang iyon, mangyayari kaya na ang sanlibutan, o anumang bahagi ng sanlibutang iyon, ay mapapahamak? Ngunit maliwanag na tinuturo sa atin ng mga Kasulatan mismo na hindi naliligtas ang lahat ng tao. May libu-libo at milyun-milyong tao ang hindi makikita ang buhay na walang hangggan, na hindi hinipo ng pag-ibig na ito ng Diyos. Kaya maliwanag ang pagpipilian. Maaari mong paniwalaan na iniibig ng Diyos ang lahat ng tao, at pagkatapos ay tatanggapin mo ang resulta na ang pag-ibig ng Diyos na ito ay inutil upang abutin at iligtas ang iniibig nito at makamit ang layunin nito—na ang isipin ito ay kalapastanganan; o kaya’y dapat mong kilalanin na ang makapangyarihan, soberano, mabisang pag-ibig ng Diyos ay hindi para sa lahat ng tao.
O, pangalawa, isaalang-alang mo ang pag-ibig ng Diyos sa aspeto ng kapahayagan nito, na ito ay ang, kaloob ng Diyos ng Kanyang tangi o bugtong na Anak. Ang pag-ibig na iyon ng Diyos ay nakakapagtubos. Ibinigay ng Diyos ang Kanyang Anak sa kalubusan ng mga panahon, upang mamatay Siya sa kamatayan sa krus, at upang maihandog Niya ang Kanyang sarili sa altar ng matuwid na pag-ibig ng Diyos bilang perpektong hain para sa kasalanan, para sa mga kasalanan nila na iniibig ng Diyos. Posible kaya na ang kaloob ng Diyos ng Kanyang Anak ay maaaring ganap o bahaging walang kabuluhan? Kung gagawin natin itong kongkreto, maaari kaya na isang patak ng Kanyang mahalagang dugo ay pumatak para sa isang tao, at ang taong iyon ay mapapahamak magpakailan man? Ngunit iyon ang dapat na maging kongklusyon kung panghahawakan natin kung iniibig ng Diyos at ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak para sa lahat ng tao.
O muli, isaalang-alang mo ang pag-ibig na iyon ng Diyos, ikatlo, sa aspeto ng pagpapahayag nito. Milyun-milyong katao, mula sa luma at bagong tipan, ay hindi nakarinig tungkol sa pag-ibig ng Diyos. Iyon ay, hindi ito naipangaral sa kanila. Subalit posible kaya na iibigin ng Diyos ang sinuman, iibigin ito ng gayon kadakila na ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak para sa kanya, pagkatapos ay hindi sasabihin sa taong iyon ang tungkol sa pag-ibig Niya? Isa iyong kataka-takang pag-ibig ng Diyos. Sasabihin mo, marahil, na kasalanan iyon ng simbahan sa kabiguan nitong ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng tao? Subalit hindi ba ang soberano at makapangyarihang kakayahan ng Diyos ang dahilan upang maipangaral ang ebanghelyo saan man Niya naisin? At hindi ba ang nasasaklawan ng pangangaral ng ebanghelyo ay isang bagay ng Kanyang soberanong pagpapasiya at pagsusugo? Paano sila mangangaral, kung hindi sila sinugo—sinugo ng Diyos kay Jesus?
Ngunit harapin natin nang positibo ang katanungan: sino ba ang iniibig ng Diyos? Sino ang inibig ng Diyos nang eternal? Sino ang inibig ng Diyos nang gayon kadakila na ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak?
Ang sagot ng Juan 3:16: iniibig ng Diyos ang sanlibutan, ang kosmos. Ang pangkalahatang kahulugan ng katagang iyon ay pagkakabagay-bagay, kaayusan, kagandahan. Ang kataga nating "cosmetics" ay hango rito. At ang kataga ay ginagamit upang tukuyin ang nilikhang sansinukob, lahat ng nilalang sa langit at sa lupa, bilang isang-katawang kabuuan, sa aspeto nitong may kaayusan at nagkakabagay-bagay. Ang pangunahing ideyang ito ay hindi nawawala sa katagang may iba’t ibang gamit sa Kasulatan. Ang katagang "sanlibutan" sa Kasulatan ay madalas na tumutukoy sa sangkatauhan, o sa bahagi ng sangkatauhan. Subalit dahil ang tao ay napakalapit ng kaugnayan sa sanlibutang nasa labas niya, ang totoo’y, tumatayo siyang ulo o pangulo ng sansinukob na ating nakikilala, nabubuhay at kumikilos at umuunlad sa sansinukob na iyon, ang salitang "sanlibutan," bagamang isinasaalang-alang nito ang tao, ay hindi inihihiwalay ang sansinukob, kundi kinikilala ang sangkatauhan bilang nakaugnay na kaisang-katawan sa maayos na kabuuan ng lahat ng nilikha.
At yamang ang katulad na katagang "sanlibutan" na ginagamit sa Kasulatan ay tinutukoy ang kabuuang itinakwil (rebrobate), na mga masasamang tao, habang sila’y nasa kadiliman, at habang ipinapailalim nila sa kanilang sariling makasalanang kaisipan at kalooban, ang lahat ng bagay sa kanilang sansinukob, ginagamit ito sa Juan 3:16 upang tukuyin ang kalahatan ng mga hinirang (elect) bilang isang-katawan, ang katawan ni Cristo, ang iglesya, muli kaugnay ng buong sansinukob. Lagi nating dapat tandaan na sa Kanyang mga hinirang ang Diyos ay hindi lamang nagliligtas ng mga indibidwal na tao. Ang Diyos ay nagliligtas ng isang organismo, isang buong mundo!
Ipinapakahulugan niyon, una, na kapag inililigtas ng Diyos ang Kanyang mga hinirang kay Cristo Jesus, inililigtas Niya ang totoong organismo (o isang-katawan) ng sangkatauhan. Maraming indibidwal na tao ang napapahamak; subalit ang sangkatuahan ay inililigtas. Subalit, pangalawa, mayroon pang ginagawa ang Diyos. Hindi lamang ang hinirang na katawan ni Cristo ang inililigtas, kundi inililigtas ng Diyos at inihahatid Niya sa kaluwalhatian ang buong sangilikha. Ang buong sangilikha, na dumaraing at naghihirap sa pagdaramdam hanggang ngayon, na napapailalim sa kawalang kabuluhan dahil sa kasalanan at sa sumpa, ay makikibahagi sa maluwalhating paglaya ng mga anak ng Diyos. Ang buong sanlibutan ng mga hinirang Diyos at ng buong sangilikha, na tatanawin sa pagiging isang-katawan nila, ang iniibig at inililigtas ng Diyos. Ang katotohanang ito, na inililigtas ng Diyos ang isang organismo, ay ipinapaliwanag din kung bakit, bagamang maraming indibidwal na nilalang ang napapahamak, ang sanlibutan pa rin ay inililigtas. Kung, halimbawa, ang isang maghahalaman ay lumabas upang pungusan (prune) ang kanyang mga punong kahoy, at kasalukuyang nakabunton ang mga sanga sa lupa at nasunog, hindi mo sasabihin na sinira niya ang kanyang mga puno at hardin. Hindi, ang mga puno ay iniligtas; naroon pa rin ang halamanan. Subalit ilang indibidwal na sanga ang nawala. Kaya, hindi silang mga tao na napahamak, kundi sila na naligtas ang bumubuo, kasama ang sangilikha, sa sanlibutang iniibig ng Diyos. Kapag ang mga taong iyon na napahamak ay kahuli-hulihang inihiwalay sa sanlibutang iyon sa araw ng paghuhukom, ang sanlibutan pa rin ang iniligtas. Ang sanlibutan ng Juan 3:16 ay ang sanlibutang nakay Cristo, ang Panganay sa lahat ng nilalang, ayon sa kaisipan ng Diyos sa Kanyang eternal at soberanong panukala, at mahahayag ito pagdating ng araw at makikita sa perpektong pagkakabagay-bagay at makalangit na kagandahan at kaluwalhatian, pinagkaisa sa Anak ng Diyos.
Ang sanlibutang iyon ang inibig ng Diyos.
Ang talata ay nangungusap tungkol sa isang malalim at pinagpalang hiwaga, isang hiwaga na lalong lumalalim at lalong pinagpapala habang tayo na, mga kaawa-awa, miserable, at masasamang nilalang mula sa alabok ay sandaling hihinto upang isaalang-alang ang kahanga-hangang bagay na ito.
Sandaling isa-alang-alang kahulugan niyong isa, simple at madalas ulit-uliting katotohanan: Iniibig ng Diyos ang sanlibutan.
Ibig sabihin nito na sa Kanyang soberano at eternal at hindi nagbabagong kaisipan namalas ng Diyos ang sanlibutang iyon sa kanyang perpektong kagandahan kay Cristo Jesus, ang Panganay ng lahat ng nilalang, at pinag-isa ang sanlibutang iyon sa kanyang banal na maka-Amang puso sa bigkis ng kasakdalan. Ang Kanyang puso ay nakatuon sa sanlibutang iyon. Siya ay naaakit sa sanlibutang iyon. Bagamang sa loob ng daloy ng panahon ang sanlibutang iyon sa kanyang sarili ay nahulog sa kasalanan at kapighatian, at napailalim sa sumpa, inibig pa rin ng Diyos ang sanlibutan. Inasam Niya ang sanlibutang iyon. Hindi Siya mapapahinga, sabi nga, hangga’t hindi Niya nahahanap ang sanlibutuang iyon, iligtas ito, hatakin ito patungo sa Kanya sa pamamagitan ng mga tali ng pag-ibig, at hawakan ito nang mahigpit sa Kanyang puso, ligtas sa kanlungan ng buhay na walang hanggan, kung saan igagawad Niya lahat ng patunay ng Kanyang pag-ibig sa sanlibutang iyon sa kalubusan ng perpeksyon.
Isaalang-alang din: inibig ng Diyos ang sanlibutan. Hindi lamang inibig ng Ama, ang Unang Persona ng Banal na Trinidad, ang sanlibutan. Hindi lamang inibig ng ating Panginoong Jesu-Cristo ang sanlibutan. Tiyak namang hindi kinapootan ng Diyos ang sanlibutan, ngunit dumating ang ating Panginoong Jesu-Cristo at sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan at pagtutubos ay binago Niya ang galit ng Diyos at pinalitan ito ng pag-ibig. Ngunit ang Diyos, ang walang hanggang pinagpalang Trinitaryong Diyos, ay inibig ang sanlibutan. Ang pag-ibig na ito ay buhat sa Ama, sa pamamagitan ng Anak at sa Espiritu Santo. At kung paano ang pag-ibig, gayon din ang kaloob ng Trinitaryong Diyos. Ibinigay ng Ama ang Anak sa pamamagitan ng Espiritu Santo, at ibinigay ng Anak ang Kanyang sarili sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
O, kung itatanong mo, "Gaano kalaki ang pag-ibig ng Diyos?" hindi mo dapat limitahan ang walang limitasyong katangian ng pag-ibig na iyon sa pamamagitan ng paggamit ng panukat na iniibig ng Diyos "ang lahat ng tao." At kahit na gayon, iyon pa rin ay pagtatangkang isalarawan ang walang hanggahang pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng mga may hanggahang salita. Tunay na ang pag-ibig ng Diyos ay walang hanggahan. Ito ay walang limitasyon. Wala itong hangganan. At ipinapahayag ito ng aking talata hindi sa aspeto ng mga iniibig, kundi sa kahanga-hanga at mahiwagang aspeto ng kapahayagan ng pag-ibig na iyon. Gaano umiibig ang Diyos? Ibinibigay ng talata ang sagot: "Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay niya ang kanyang tanging Anak!"
Isipin mo ito. Ah, kung tatanawin mo ang krus ng Kalbaryo sa labas ng kapahayagan, isang pangkaraniwang tao lamang ang makikita mo roon na nakabayubay sa krus. At sa pangkaraniwang taong iyon ay hindi mo mamamasdan ang walang hanggang pag-ibig ng Diyos. Subalit ang salita ng krus ay: ibinigay ng Diyos ang Kanyang tanging Anak! At sa tanging Anak na iyon, na napako sa krus ng Golgota, ay sumisinag ang kahanga-hangang liwanag ng pag-ibig ng Diyos tungo sa ating kadiliman, tumatagos, lumalagos at nilalamon ang kadiliman ng kahatulan at kamatayan. Ang pag-ibig na iyon ay singlakas ng kamatayan. Ang paninibugho nito ay singlupit ng libingan. Ang mga uling nito ay mga uling ng apoy, na may mabangis na ningas. Hindi kayang sugpuin ng maraming tubig ang pag-ibig na iyon; ni kahit na ang lahat ng baha ng ating mga kasalanan at kasamaan ay kayang lunurin ito. Sapagkat ibinigay ng Diyos ang Kanyang tanging Anak! Ibinigay Niya Siya na nasa dibdib ng Ama, Siya na laman at kinatawan ng lahat ng Kanyang pag-ibig, Siya kung kanino natitipon lahat ng walang hanggang pag-ibig ng Diyos, Diyos buhat sa Diyos, Liwanag buhat sa Liwanag, ang Kanyang tanging Anak, ang Kanyang lahat, ang Kanyang Sarili.
Ibinigay Siya ng Diyos! Ibinigay Niya Siya na walang bayad. Ibinigay Niya Siya, hindi dahil obligado Siyang gawin iyon, kundi nais Niyang gawin iyon, nais ipahayag ang Kanyang walang hanggang pag-ibig. Ibinigay Niya Siya hindi dahil karapat-dapat ang sanlibutan sa kaloob Niyang iyon, kundi mula sa walang bayad, soberanong biyaya. At Kanyang ipinaubaya Siya, iyon ay, ibinigay Niya Siya bilang sakripisyo para sa kasalanan, ibinigay Siya hanggang kamatayan, ang kamatayan sa krus, at ibinuhos sa Kanyang ulo ang lahat ng sisidlan ng Kanyang mabagsik at banal na poot. Hiwaga ng mga hiwaga! Isinuko ng Diyos ang Diyos! Ah, hindi mo ba nakikita na eksaktong ito ang pambihirang malalim na punto ng Salitang ito ng Diyos? Ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan ay naghalaga sa Kanya! Naghalaga ito sa Diyos ng Kanyang lahat!
Dahil, una, tandaan na ang Persona ng Anak ng Diyos ang dumating sa wangis ng makasalanang laman. Inako Niya ang lahat ng ating mga kasalanan, at naghirap at namatay sa Kalbaryo. At tiyak, maingat nating sinasabi na sa Kanyang kalikasang Diyos hindi Siya naghirap at hindi Siya maaaring maghirap; ang lahat ng hirap ng kamatayan at impyerno ay pinagdusahan ng Kanyang kalikasang tao. Subalit hindi rin natin dapat unawain iyon na magbubunsod sa ating tiyakan na nating mawasak ang hiwaga na ang Anak ng Diyos pa rin ang nagdusa sa krus! Bagamang ang lahat ng hirap ng Kalbaryo ay pinagdusahan sa kalikasang tao lamang, idinadako tayo ng Salita ng Diyos sa katotohanan na sa Kalbaryo ay namalas mo ang paghihirap ng Anak ng Diyos, at sa pamamagitan ng paghihirap na iyon ay masusukat mo ang walang hanggang taas at lalim ng pag-ibig ng Diyos. Dahil, ikalawa, kahit na sa Kalbaryo ay hindi mo pangangahasang paghiwa-hiwalayin ang Tatlong Persona ng Banal na Trinidad. Katotohanan, na ang Persona ng Anak ng Diyos ang namatay sa Golgota; ngunit ang Kanyang kamatayan ay kapahayagan ng pag-ibig ng Trinitaryong Diyos! Diyos mismo ang nagdusa sa mga hirap ng kamatayan sa laman ng ating Panginoong Jesu-Cristo. O, dili kaya’y, maiisip mo ba na ang Ama at ang Espiritu Santo ay nanonood na lamang na walang pakiramdam habang ang bugtong na Anak ay namatay sa krus? Hindi, imposible iyon! Ang mensahe ng pag-ibig ng Diyos, ang Salita ng krus, ay ito: hindi ipinagkait ng Diyos ang Kanyang sariling Anak! Noong kailangan Niyang mamili kung ibibigay Niya ang Kanyang tanging Anak o hahayaan Niyang mapahamak ang sanlibutan, gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay niya ang kanyang tanging Anak upang mamatay sa krus.
Ito ang kapahayagan ng walang hanggang pag-ibig ng Diyos. At ang layuning nakamit ng pag-ibig na iyon ay buhay na walang hanggan: "upang ang sinumang sa kanya’y sumampalataya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan." Ang sanlibutan sa ganang kanya ay napapahamak dahil sa kasalanan at kahatulan at kabulukan. Gayon kalakas ang kapangyarihan ng kasalanan at kahatulan na walang magagawang paraan sa kanyang sarili ang sanlibutan. Ngunit ang sanlibutang iyon ay maliligtas sa pamamagitan ng kamatayan at muling pagkabuhay ng Anak ng Diyos. Lahat ng kapangyarihan ng kaligtasan, ng karunungan at katuwiran at pagbabanal at kumpletong katubusan, ay nasa Kanya. At hiwalay sa Kanya na Siyang buhay at muling pagkabuhay ay walang buhay para sa sanlibutan. Ang sanlibutuang iyon, kung gayon, ay dapat maipag-isa sa Anak ng Diyos, at sa pamamagitan Niya ay maipag-isa sa puso ng Diyos. Dapat itong maging isa kasama Niya, makabahagi sa Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay. At ang bigkis o buklod na nag-uugnay sa sanlibutan sa Kanya ay ang pananampalataya. Ang pananampalataya ay ang kaloob ng Diyos na bigkis ng pakikipag-isa kay Cristo. Ang aktibidad na nagmumula sa bigkis na iyon ay ang gawa ng pagsampalataya, kung saan ang isang tao ay may kamalayang kumakapit kay Cristo, ang tanging Anak ng Diyos, bilang kapahayagan ng nakakapagtubos na pag-ibig ng Diyos.
At kaya nga sinasabi ng Salita ng Diyos: "ang sinumang sa kanya’y sumampalataya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan." Lahat, walang liban, na sumasampalataya ay hindi mapapahamak. Mayroon silang buhay na walang hanggan ngayon, sa prinsipyo. Magpapatuloy sila hanggang wakas, iniingatan sa kapangyarihan ng walang hanggang pag-ibig ng Diyos. At sa araw ng ating Panginoong Jesu-Cristo magkakaroon sila ng buhay na walang hanggan sa perpeksyon. At sila’y dadalhin ng Diyos sa Kanyang puso, at ikasisiya nila ang pinakamataas na katuparan ng tipan ng pakikipagkaibigan ng Diyos sa Kanyang makalangit na tabernakulo, at makikita Siya nang mukhaan.
Bilang kongklusyon, balikan natin ang orihinal na tanong, at itanong natin ito bilang personal na tanong. Sino ang iniibig ng Diyos? Iniibig ka ba Niya? Iniibig ba Niya ako? Tanong ko: sumasampalataya ka ba sa tanging Anak ng Diyos? Kung gayon ay may katiyakan ka ng pag-ibig Niya, doon lamang, at doong may katiyakan. Kaya makakamtan mo ngayon at magpasawalang hanggan ang regalo ng buhay na walang hanggan. At tandaang mabuti: hindi dahil sumampalataya ka, kundi dahil inibig ka ng Diyos, inibig ka ng isang eternal, soberano, hindi nagbabagong pag-ibig. Luwalhati sa Kanyang Pangalan!
Para sa karagdagang babasahin sa wikang Tagalog, i-click dito