Herman Hanko
Sa isang serye ng mensahe sa radyo, na isinahimpapawid [sa U.S.] noong 1940, tinawag ni Rev. Herman Hoeksema ang "predestination" na "ang puso ng ebanghelyo." Ang napakagandang katotohanang ito ay unang itinuro sa iglesia ni Augustine noong ikalimang siglo, ang Obispo ng Hippo, na kung saan ay siya rin ang naglinang sa doktrinang ito ng Kasulatan sa kanyang kontrobersiya laban sa mga Semi-Pelagians. Ang simbahang Romano Catoliko, samantalang inaangkin si Augustine bilang isa sa kanilang mga santo at habang nagpapanggap na tapat sa mga turo ni Augustine, ay itinakwil naman ang turo ni Augustine tungkol sa doktrinang "double predestination." Inilagak ng Romano Catoliko ang kanyang sarili sa Semi-Pelagianism, at ito ang naging pangunahin at opisyal na aral ng simbahang ito, ang katuruang patuloy na pinaniniwalaan ng simbahang Romano.
Hindi lamang itinakuwil ng Romano Catoliko ang doktrinang "double predestination" ni Augustine, kundi, mas masahol pa, sapagkat inusig at pinatay nito ang mga masigasig na nagtatanggol sa doktrinang ito 300 taon matapos pumanaw si Augustine. Ito ang kasaysayan ng hindi gaanong kilalang monghe na nagngangalang Gotteschalk, na ibinigay ang kanyang buhay sa pagtatanggol sa katotohanan ng Biblia na siyang kapahayagan ng pananampalataya ng bawat simbahang Reformed at Presbyterian. Ito pa rin ang kapahayagan ng pananampalataya ng mga matapat sa Salita ng Diyos. Ang nag-iisang tao na ito sa madilim at mapanglaw na Middle Ages ay maluwag sa kaloobang ibigay ang kanyang buhay para sa katotohanan ay pumukaw-sigla sa lahat ng mga anak ng Diyos na nagpapahayag na ang Diyos ay soberanyo sa election (paghirang) at reprobation (pagtatakwil).
Si Gotteschalk ay ipinanganak noong taong 806 sa tahanan ng isang Alemang conde na si Bruno. Ang pangalang Gotteschalk ay may akmang kahulugang "lingkod ng Diyos." Kinalaunan ay napagtanto ng kanyang mga magulang, na ang pangalang ibinigay nila sa kanya, ay angkop lamang. Nang siya ay bata pa, ibinigay siya ng kanyang mga magulang sa monasteryong Hessian ng Fulda bilang "oblate," na ang ibig sabihin ay, regalo sa Diyos.
Nang siya ay 23 taong gulang na, si Gotteschalk ay naghimagsik laban sa buhay-monasteryo at humingi ng pahintulot upang makalabas ng kumbento. Ang kanyang samo ay ginawa sa Synod of Mainz, na nagpulong noong 829. Ipinagkaloob ng synod na ito ang kanyang kahilingan. Gayunman, si Rabanus Maurus, ang abbot ng monasteryo, ay sumalungat sa pasya ng synod at umapela sa emperador. Nagtagumpay siya sa kanyang hiling na manatili si Gotteschalk sa monasteryo subalit siya ay naging panghabambuhay na kaaway ng lingkod ng Diyos na ito. Si Gotteschalk ay inilipat sa monasteryo ng Orbais, sa Pransya, sa obispo ng Soissons sa probinsya ng Rheims. Dito ay inordena siya sa pagka-pari.
Determinadong ilaan ang kanyang buhay sa mas mahusay pa kaysa sa pagka-monghe, pinag-aralan ni Gotteschalk ang mga isinulat ni Augustine. Sa pag-aaral na ito, namangha si Gotteschalk nang matuklasang ang Obispo ng Hippo ay nagturo ng soberanyo at "double predestination" (election at reprobation), ang doktrinang iba sa mga katuruan ng simbahang Romano. Matapos pag-aralan ang Kasulatan, nahikayat si Gotteschalk na si Augustine ay buong katapatang ipinahayag ang katotohanan ng predestination, at siya ay naging masigasig at hayagang mangangaral ng doktrinang ito. Sa kanyang pananabik dahil sa natuklasan, tinalakay niya ang isyung ito sa mga kapwa-monghe niya at nagtagumpay naman sa paghikayat sa marami sa kanila sa katotohanan ng kanyang posisyon.
Sa panahong ito (837-847), nagkaroon si Gotteschalk ng magkakasunod na mahahabang paglalakbay sa buong Mediterranean, na dinadalaw ang mga lugar tulad ng Italy, Caesarea, Constantinople, at Alexandria. Saan man siya mapunta, ipinangaral at itunuro niya ang kanyang paniniwala sa predestination. Palagay ang kanyang loob, bagaman may kaunting pag-aalinglangan, na ang iglesya, matapos siyang mapakinggan, ay sasang-ayon sa kanya at iiwanan ang posisyon bilang semi-pelagian. Siya ay nakipag-sulatan sa mga iskolar, nakipag-debate sa mga teologo, nangaral sa mga tao, at nagsalita tungkol sa kanyang paniniwala sa bawat pagkakataon. Itunuring niya ang kanyang paniniwala na lubhang kailangan sa pang-unawa sa kasulatan at totoong ebanghelyo na halos hindi na siya makapagsalita ng tungkol sa ibang bagay.
Ang kanyang interes sa doktrina ng predestination ay hindi interes sa aral na ito lamang. Naniwala siya nang buong puso sa katotohanan tungkol sa soberanyo at partikular na biyaya. Nakita niya, tulad ng nakita ni Augustine, na ang soberanyo at double predestination ay ang biblikal na pundasyon na kung saan ang katotohanan ng soberanyong biyaya ay nakabatay.
Noong 846 at 847, nanahan si Gotteschalk kasama si Bishop Noting ng Veronica sa Italy. Doon nagsisimula ang kanyang mga suliranin. Ibinahagi niya kay Bishop Noting ang tungkol sa predestination, na sinasabi kung paano ring si Augustine ay nagturo ng sovereign at double predestination at kung paanong ang paniniwalang ito ay malinaw na itinuturo ng Kasulatan. Ngunit si Bishop Noting ay nangamba. Kaya sumulat siya kay Rabanus Maurus, ang matagal nang kaaway ni Gotteschalk, upang malaman ni Maurus kung ano ang tinuturo at ipinapahayag ni Gotteschalk. Sa panahong ito si Maurus ay naging archbishop ng Mainz, at nagpasya nang patahimikin minsanan at magpakailanman ang paring si Gotteschalk. Ipinatawag niya ang synod ng Mainz (or Mayence) na magtipon noong Oktubre 1, 848, na sa synod na ito ay naroon din ang emperador na Aleman. Si Maurus mismo ang nanguna. Hiniling nila si Gotteschalk na ipahayag ang kanyang paniniwala, na ginawa naman niya, "na may kagalakan at kumbiksyong ipinahayag na ayon ito sa iisang doktrina ng iglesia."
Kapuna-puna kay Gotteschalk, nang ipinagtanggol niya ang kanyang paniniwala, hindi lamang buong tapang at hayagang ipinagtanggol ang double predestination (election at reprobation), kundi ipinagpilitan ding si Cristo ay namatay sa krus ng kalbaryo para lamang sa mga hinirang.
Sa ilalim ng mabigat na impluwensya ni Maurus, ay kinondena si Gotteschalk at ang kanyang paniniwala ay binansagang erehe (o hidwang pananampalataya). Ibinigay ni Maurus si Gotteschalk kay Hincmar ng Rheims, ang Metropolitan bishop ni Gotteschalk. May kasamang sulat na nagsasabing: "Pinadala namin sa iyo ang lagalag na mongheng ito, upang patahimikin mo siya sa kanyang kumbento, at pigilan mo siyang ipalaganap ang kanyang mali, erehee, at kahiya-hiyang doktrina."
Si Hincmar, bagaman isang taong aral, ay hambog din at malupit. Determinado siyang hindi lamang patahimikin si Gotteschalk sa kanyang monasteryo kundi upang pilitin siyang baguhin ang kanyang paniniwala. Upang maisagawa ito, ipinatawag ni Hincmar ang Synod of Chiersy na nagpulong noong 849. Ang bunga sa pagtitipon na ito ay lubhang mapanganib para kay Gotteschalk at sa kanyang paniniwala. Si Gotteschalk ay matapang na nanindigan na ayaw niyang ikaila ang kanyang paniniwala, kahit na sa kabila ng masasamang banta ni Hincmar. Kinondena siya ng synod. Gumawa sila ng pasyang tinatanggap ang hidwang katuruan ng conditional reprobation, universal atonement at pagnanais ng Diyos na iligtas ang lahat ng tao. Ipinatanggal ng synod si Gotteschalk sa pagka-pari, ipinasunog ang kanyang mga libro, iniutos na ikulong siya sa monasteryo, at hahagupitin sa publiko.
Subalit ang malupit na si Hincmar ay hindi pa tapos sa kanyang "rebeldeng" pari. Dahil hindi niya magawang kunsintihin ang mga hindi sumasang-ayon sa kanyang posisyon, determinado siyang pilitin si Gotteschalk na ikaila ang kanyang paniniwala. Sa loob ng mga pader ng monasteryo ay matinding hinagupit si Gotteschalk na muntik na niyang ikamatay. Subalit, habang siya ay nakaratay sa sahig ng kanyang torture chamber, duguan at nasa bingit ng kamatayan, patuloy siyang tumanggi na ikaila ang kanyang paniniwala. Maging ang poot ni Hincmar ay hindi nagawang piliting ikaila ng banal na ito ang pinaniniwalaan niyang katotohanan ng Diyos. Ang ginawa nila kay Gotteschalk ay napakalupit, at ito ay ipinag-protesta ng mga pangunahing kleriko sa kanyang panahon.
Dahil sa pagkatalo sa katapangan ni Gotteschalk, hinayaan ni Hincmar na mabulok si Gotteschalk sa bilangguan. Habang nasa bilangguan, matapos bahagyang gumaling sa kalupitang kanyang tinanggap, umakda siya ng dalawang confession na kung saan malinaw niyang inilahad ang kanyang paniniwala. Sa confessions na ito, na nakarating din sa atin, ipinahayag niya ang matatag na kumbiksyon na ang katotohanan ng Diyos ay mananatilli. Pinagtibay niya ang kanyang paniniwala sa double predestination, ang partikular na pagtutubos ng Tagapagligtas, at ang soberanyong layunin at kalooban ng Diyos na iligtas kay Cristo ang mga itinalaga lamang sa buhay na walang hanggan; at sa gayundin ay ipinahayag niya ang kanyang paniniwala na ang mga masasama ay soberanyong itinakda ng Diyos sa impyerno sa pamamagitan ng kanilang mga kasalanan laban sa Diyos.
Matapos ang 20 taong pagkabilanggo, namatay si Gotteschalk sa gulang na 62 o 63 noong taong 868. Ipinagbawal ni Hincmar na ilibing siya sa sagradong libingan, at hanggang sa huli ay iginawad sa kanya ang paghamak na mamatay sa labas ng simbahan. Namatay siyang tapat hanggang sa katapusan, isang dakilang martir dahil sa katotohanan. Namatay siya sa pananampalatayang hindi na muling narinig sa iglesya hanggang sa panahon nina Luther at Calvin, makalipas ang 700 taon.
Sa martir na kamatayan ni Gotteschalk, nagbunga ito ng isang mapanganib na kaganapan sa simbahang Romano Catoliko. Opisyal na kinundina ng simbahan ang katotohanan ng Banal na Kasulatan at niyakap ang bulaang katuruan. Ang resulta nito ay, mula nang panahong iyon, ang simbahan ay nagbigay ng opisyal na panukala at iniunat ang kanyang pakpak ng proteksyon sa mga lumalaban sa katotohanan, habang winawasak naman ang mga lingkod ng Diyos na nagtatanggol sa katotohanan at ipinaglaban ito nang hayagan at buong katapangan ng pananampalataya. Tinahak ng simbahan ang daang nagpatuloy sa loob ng ilang siglo hanggang ang buong Europa ay pumula sa pagdanak ng dugo ng hindi mabilang na mga martir. Dinurog ng kalupitan at ng walang-awang Inquisition (pagsasagawa ng imbestigasyon at parusa sa isang erehe na isinasagawa ng buong kalupitan at walang awa at pagkilala sa karapatang-pantao), ang iglesia ng Panginoong Jesu-Cristo ay halos hindi na mabuhay. At nang nagdala ang Diyos ng Repormasyon noong ika-16 na siglo, ang mga pahina ng kasaysayan ng Repormasyon ay naisulat sa dugo ng mga banal sumisigaw pa rin ng paghihiganti.
Ang Belgic Confession ay tinukoy ang bulaang iglesya bilang "inuusig yaong mga namumuhay na banal ayon sa Salita ng Diyos, at sumasaway sa kanya sa kanyang mga kamalian, kasakiman, at pagsamba sa diyus-diyosan" (Artikulo 29). Ni hindi nagbago ang Romano Catoliko kahit kaunti. Hindi siya pinahihintulutan sa panahong ito upang magawa ang kanyang kagustuhan; itinatago niya ang kanyang kalupitan sa likod ng maskara ng kabaitan sa mga sinasabi niyang "nagkakamaling mga kapatid;" subalit bigyan ng tamang pagkakataon, at maaaring parating na, ang mga pangil nito ay muling ihahantad, at ang mga naninindigan sa katotohanan ay dadanasing muli ang lupit ng kanyang pagkamuhi sa Diyos.
Si Gotteschalk ay nag-iisang tinig sa tigang na kaparangan. Dakila ang kanyang katapangan at ang kanyang kamatayan ay bilang martir. Tama ang isinulat ni Hans vonSchubert tungkol kay Gotteschalk: "Hindi lamang natin karapatan ngunit katungkulan din na pahalagahan ang ‘Calvin na Aleman’ na ito bilang isa sa mga unang bayani sa kasaysayan ng ating pananampalataya."
NOTE: Ang kasaysayang ito ay isinalin mula sa orihinal na wikang Ingles mula sa aklat ni Herman Hanko na Portraits of Faithful Saints (Grandville, MI: Reformed Free Publishing Association, 1999).
*This is not an official translation of the PRC in the Philippines.
Para sa karagdagang babasahin sa
wikang Tagalog, i-click dito
http://prcaphilippinesaudio.wordpress.com/tagalog/