(Heaven [1], Bill Langerak, SB Oct. 1, 2009, p. 16)
Nang pasimula nilikha ng Diyos ang langit (Gen. 1:1). Ang totoo, lumikha Siya ng tatlo (2 Cor. 12:2). Nilikha Niya ang dalawang pisikal na mga langit na, ang una ay tinatawag na kalawakan (Gen. 1:8), — isang mas malapit na papawirin o langit (Deut. 33:26), at ang pangalawa ay isang napakalaking panglabas na kalawakan. Hindi sila magulong pagkasira buhat sa isang tinataguriang big bang, kundi sila’y maluwalhating pagkamasining ng mga daliri ng Panginoon, na maingat na sinukat at inilatag noong ikalawang araw (Job 9:8; Isa. 40:12). Pinupuri ng mga langit ang Diyos, idinedeklara ang Kanyang katuwiran, at patuloy na umiitaas sa mundo bilang isang hindi mapapabulaanang saksi sa Kanyang kaluwalhatian at gawa (Awit 89:5; 50:6; 19:1). Mahalaga rin silang guro, lalo na tungkol sa ikatlong langit, isang espiritwal na kalawakan na tinatawag na Paraiso o ang langit ng mga langit (2 Cor. 12:4; Neh. 9:6), alalaong baga’y ang pangunahing anino, ang pinakamataas na langit.
Bihasang mga tagapagturo ang mga pisikal na langit na ito sa paaralan ng karunungan (Awit 19:1-3). Tinuturo nila na sa kanyang katangian, ang langit ay nakatataas at hiwalay sa lahat na pangsanlibutan. Ang pook nito ay mas mataas at higit na maluwalhati (Efe 4:10; Job 22:12). Ang lawak nito’y hindi masukat, ang mga naninirahan dito’y hindi mabilang (Heb. 11:12). Ang yaman nito ay mas mainam at mas nagtatagal (Heb. 10:34). Ang kadiliman nito ay absoluto (Exo. 10:21), subalit pinagliliwanag ng ilaw nito ang sanlibutan (Gen. 1:15). At ang buhay nito ay walang hanggan (John 6:51). Higit dito ay ang kataasan rito ng Maylikha nito, na ginawa ang langit bilang banal Niyang tirahan (Awit 19:6). Sinusukat ito ng Panginoon sa Kanyang dangkal, bilang Niya ang Kanyang mga nilalang, at tinatawag Niya sila sa kani-kanilang pangalan (Awit 147:4). Nilalakbay Niya ang lawak nito (Awit 19:6), pinupuno ang kalakihan nito (Jer. 23:24), ngunit hindi Siya kayang lulanin nito (1 Hari 8:27). Bagamang ang Kanyang awa ay singtaas ng langit sa ibabaw ng lupa, mas matayog pa rin ang Kanyang kaluwalhatian (Awit 103:11; 148:13).
Subalit, nakamamanghang napakalapit ng langit. Kahit na nakatayo siyang matibay sa lupa, maihihinga ng isang tao ang buhay nito, mamamasdan ang liwanag nito, madadama ang init nito, maririnig ang patotoo nito, at ikasisiya ang pagpapala nito. Bagamang nasa langit, hindi malayo ang Diyos sa atin (Gawa 17:27). Mula sa langit ay madalas Siyang mangusap sa mga tao (Mar. 3:17). Sa isang idlap ay magpapakita ang Kanyang makalangit na hukbo (Luc. 2:13-15). Sa pamamagitan ng mga durungawan sa langit, nagbubuhos ang Panginoon ng mga mahahalagang bagay buhat sa Kanyang kayamanan – ulan, niyebe, hamog, tinapay, kahit awa at katapatan (Mal. 3:10; Deut. 28:12; 33:13; Awit 57:3). Subalit mula rin sa mga durungawang iyon, nagsusugo rin Siya ng kahatulan. Naririnig, nasasaksihan at tinatala ng langit ang mga kasalanan ng mga tao, kung saan umaabot rito ang kanilang mga kasalanan (Ex. 17:14; Deut. 4:26; Apo. 18:5). Sa Kanyang katuwiran ay tumatanaw ang Panginoon sa ilalim ng buong kalangitan at sinusubok ang mga anak ng tao (Job 28:24 Awit 85:11; 11:4). Naririnig Niya ang kanilang pamumusong laban sa Kanya, sa Kanyang tahanan, at sa kanila na nakatira sa langit (Apo. 13:6). Lalo nang naririnig ng Panginoon ang tawag ng Kanyang mga anak na inaapi. Sinasakyan Niya ang langit upang saklolohan sila (Deut. 33:26), nakikita ang kanilang mga iniunat kamay sa Kanya, naaamoy ang matamis na samyo ng kanilang makalangit na pag-uugali, at sila’y inililigtas (Neh. 9:27; 1 Hari 8:22; 8:30; Fil. 3:20). Kaya, mula sa langit ang Kanyang tinig ay waring kulog na nangungusap at nagsusugo Siya ng kadiliman, bagyo, baha, may yelong pag-ulan, apoy at asupre (2 Sam. 22:14).
Bagamang napakalapit, mayroong isang napakakapal na tabing at hindi matawirang agwat sa pagitan ng langit at lupa (Heb. 9:3; Luc. 16:26). Ito ay ang madilim na lambong ng laman ng tao, kahangalan, kasalanan, at kahatulan sa ilalim ng kautusan (Rom. 1:23; Efe. 2:14-15). Ito ang napakalalim na bangin sa pagitan ng kamatayan at kawalang-kamatayan, kabulukan at kawalang-kabulukan, likas at espiritwal, kahihiyan at kaluwalhatian (1 Cor. 15:43ss.). Kaya habang-buhay man na tumitig ang isang tao sa kalawakan, pumailanglang sa mga ulap, at magpalunsad ng libu-libong rockets ay hindi niya makikita ang langit (Juan 3:3). Maaaring taglayin niya ang katuwiran tulad ng mga Pariseo, kamtan ang buong sanlibutan, at maging pinakadakila sa lahat ng tao, subalit hindi niya mapapasok ang langit (Mat. 18:1; 19:23). Sa katunayan, walang taong nakaakyat sa langit, sapagkat hindi mabubuhay roon ang laman at dugo (Juan 3:13).
Upang makita niya ang langit kailangang ipanganak ang isang tao buhat sa itaas. Upang siya’y makapasok, kailangan siyang maging katulad ng isang munting bata. Upang matanggap ang pagpapala nito, madama ang kapangyarihan nito, taglayin ang larawan nito, ikasiya ang buhay nito, kailangang mabago ang isang tao, kailangang bumaba ang langit, ang agwat ay matulayan, at ang tabing ay mapunit. Kaya nga buhat sa mga durungawan ng langit isinugo ng Diyos ang Kanyang Anak, na Siyang Panginoon ng lahat (1 Cor. 15:47-51; Juan 3:31). Siyang hagdan patungo sa langit, daan patungo sa Ama, at ang makalangit na tinapay ng buhay, pinagpapala Niya tayo ng mga espiritwal na pagpapala sa sangkalangitan (Juan 1:51; 6:33; 14:6; Efe. 1:3). Hindi lamang bumaba si Jesus, kundi sa pamamagitan ng Kanyang dugo ay giniba ang halang at pumasok sa tabing, na nakamtan ang eternal na pagtutubos at muli’y pumasok sa kalangitan upang ngayo’y humarap sa presensya ng Diyos para sa atin (Heb. 4:14; 9:24).
(Heaven [2], Bill Langerak, SB Dec. 1, 2009, p. 105)
Bilang talinghanga, ang dalawang makalangit na tagapagturo [papawirin at kalawakan] ay nagtuturo sa atin ng pagkamalapit sa lupa at gayon din ng espiritwal na kaibahan ng pangatlong langit. Nililiwanag din nila na ang langit ay hindi isang simpleng kalagayan lamang, kundi isang pinakamaluwalhating lugar, at ang uri ng buhay na nararanasan doon ay pinakamataas – isang kataas-taasang pagpapala na nararanasan na sa lupa sa pamamagitan ng Espiritu ni Cristo na sinugo buhat sa langit, at isang kaluwalhatian sa hinaharap, sa pagbabalik ni Jesus, na hindi nakita ng mata, narinig ng tainga, o pumasok man sa puso ng tao (1 Cor. 2:9).
Ang langit ay isang totoong lugar – eternal at nanatili, na may mga pundasyon, mga haligi, mga silid, mga durungawan, at pinto na nagpapahintulot sa ilan na pumasok at pinagsasarhan naman ang iba (2 Sam. 22:8; Juan 14:2). Subalit ito ay higit pa rito. Doon sa mga pumapasok, ang langit ay tahanan. Ito ay maluwalhating tahanan na pinalamutian ng Diyos ng mga insekto at ibon, mga ulap, araw, buwan, at mga bituin na pinasisinag ang kaperpektuhan ng manlilikha (Awit 19). Lalo pang maluwalhati ay ang buhay sa loob ng banal na tahanan mismo, sapagkat doon ay nananahan ang Makapangyarihang Ama at ang Kanyang Minamahal na Anak (na nagbalik na sa tahanan) sa Banal na Espiritu. Ang pagpapala nito ay ang buhay ng banal na sambahayan na ibinahagi sa makalangit na sambahayan ng Diyos na mga lingkod na anghel at mga kinupkop na anak na lalaki at babae. Ang pagpapala nito ay ang hindi maihahambing sa lupa na pakikipag-isa, kaaliwan, at kagalakan na ang buhay lamang sa tahanan ng Ama ang makapaghahatid (Efe. 2:19; 3:15). At palibhasa’y hindi isang maramot na magulang, ibinabahagi Niya ang yaman ng Kanyang tahanan nang napakasagana. Ano pa ang dahilan ng pagiging malawak ng langit at ng dami ng hukbo nito? Di hamak na mas marami ang mga makalangit na nilalang kaysa sa mga makalupa – bilyun-bilyong mga bituin, at mga anghel na 100ng milyon ang lakas (Apo. 5:11). Gayon din, ang pinalawig na sambahayan ng Diyos, isang maliit na nalabi sa sanlibutan, ay isang hindi mabilang na karamihan ng tao sa kalangitan. Dito sa lupa’y mga abang manlalakbay, sa langit ay bibigyan sila ng isang napakalaki at maluwalhating tahanan na ang mga pagpapala ay hindi masukat, sapagkat ang Diyos ang kanilang bahagi (Isa. 61:7).
Ngunit ang langit ay higit pa sa tahanan, at ang mga naninirahan dito ay higit pa sa isang sambahayan. Ito ay isang kaharian; ang mga mamamayan nito ay maharlika. Ang langit ay palasyo ng Panginoon, Kanyang trono, kabisera ng napakalawak na emperyong saklaw ang sangsinukob (Isa. 66:1). Ang pamamahala nito ay absoluto at ngayon ay naibigay na kay Jesus (Mat. 28:18). Ipinahayag Niya ito sa krus nang sirain Niya ang mga kapangyarihan at pinuno, nagbalik Siya bilang nagtatagumpay na hari (Col. 2:15). Si Lucifer na nagtaas ng kanyang sarili sa taas ng langit, ay Kanyang pinalayas (Apo. 12:8). Ngayong napagtagumpayan na ang kasalanan at kamatayan, ang makalangit Niyang kaharian ay hindi mawawasak (Dan. 2:44). At bilang sambahayan ng Hari na nakaluklok sa trono ng kanilang puso, hindi lamang nakikinabang ang mga mamamayan nito sa Kanyang walang hanggang, buong-mundong paghahari, kundi nakikibahagi dito bilang bagong Jerusalem kung saan Siya naninirahan (Heb. 13:16; Apo. 20:6).
Bukod tanging maluwalhati ay ang kalayaan ng langit. Palibhasa’y hindi natatali ng sanlibutan, ang mga hukbo nito ay pumapailanglang sa malawak na papawirin, dumadaluhong na walang hirap sa kalawakan, at lumilipad sa pinakamalalayong dako. Kaya, ang buhay sa langit ng Diyos ay lubusang malaya. Ang makalupang si Adan ay wala nito sa Eden. Ngunit ngayon ang Panginoong buhat sa langit ay naparito, ginawa tayong malaya, at pagkahatid sa atin sa langit sa kamatayan, gagawin tayong perpektong malaya. Tayo ay pinalaya walang iba kundi ng Diyos mismo – pinalaya tayo mula sa mga alalahanin ng sanlibutan sa pamamagitan ng Kanyang lakas, mula sa mga pagluha sa pamamagitan ng Kanyang kagalakan, mula sa kadiliman sa pamamagitan ng Kanyang liwanag, mula sa kapighatian sa pamamagitan ng Kanyang kapayapaan, mula sa kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang katuwiran, mula sa kamatayan sa pamamagitan ng Kanyang buhay – lahat ng ito ay pawang makalangit. Subalit ang langit ay hindi isang pook ng kawalang pagkilala sa batas. Naglalaro ang mga anak ng Diyos sa mga lansangan nito (Zac. 8:5), ngunit sa langit ang Panginoon lamang ang nakagagawa ng Kanyang naisin. Ang Kanyang mga batas ay buhat sa langit; nananatiling matatag ang Kanyang salita roon (Awit 119:89). Kaya sa mga ibon ay may utos, ang mga bituin ay may landasin, ang mga anghel ay may misyon, at ang mga anak ng Diyos ay may banal na pagkatawag (Heb. 3:1). Ngunit ang makalangit nating kalayaan ay ito – perpekto, nagkukusa, at walang pagal na pagsunod habang panahon. Tayo’y paiilanglang na may mga pakpak na parang agila, tatakbo at hindi mapapagod, lalakad at hindi manghihina (Isa. 40:31).
Bagamang mayroon itong haligi at pundasyon, ang langit ay mapaparam (Mat. 23:35). Hindi buung-buo sapagkat lilikhain itong muli ng Panginoon. Na may ganitong pagkakaiba – matapos na maipagkasundo ang lahat sa Kanya, ibababa ng Diyos ang langit upang ipag-isa sa lupa (Efe. 1:10; Col. 1:20). Ngayong hindi na natin sila kailangan, bibigyang daan na ng ating mga tagapagturo ang riyalidad. Liligligin ng Diyos ang langit, ibabalumbon ito, at lulusawin ang mga hukbo nito, upang sa gayon sa pamamagitan ng malakas na ingay ay mapaparam ito – tulad ng isang damit ito ay papalitan (Heb. 12:26; Mat. 24:29). At sila na ang pangalan ay nasulat roon ay titipunin mula sa isang dulo ng langit hanggang sa kabila, upang tanggapin ang kanilang mana, walang kabulukan, nakalaan ngayon sa langit (1 Ped. 1:4). Ang sukdulang mga pagpapala ng makalangit na sambahayan ng Diyos ay bababa para sa Kanyang sambahayan upang kanilang walang hanggang ikasiya sa lupa at sa katawan. Ang makalupa ay magiging makalangit. Tayo ay magiging Kanyang bayan. Siya ay magiging ating Diyos. Ang Diyos ay magiging lahat sa lahat.
*This is not an official translation of the PRC in the Philippines.
Para sa karagdagang babasahin
sa wikang Tagalog, i-click dito
http://prcaphilippinesaudio.wordpress.com/tagalog/