Covenant Protestant Reformed Church
Bookmark and Share

Impyerno

(Hell, Bill Langeraak, SB Feb. 15, 2010, p. 225)

 

Tulad sa langit, ang impyerno ay kinakatawan ng dalawang katangi-tanging larawan. Sila ay ang libingan (hades o sheol) at isang tambakan ng basura na tinatawag na Gehenna o lambak ng Hinnom. Tinatangka ng ilan na takasan ang katotohanan ng impyerno sa pamamagitan ng pagsasabi na ang dalawang salitang ito ay palit-palitang ginagamit naman sa Kasulatan. Ngunit ito ay kasingwalang-saysay at kasinghangal ng pagtutol sa katotohanan ng ‘langit’ dahil lamang ang salitang iyon ay tumutukoy din sa himpapawid at sa kalawakan. Huwag magkamali, totoo ang impyerno. At ang libingan at tambakan ng basurang ito ang nagbababala tungkol sa eternal na kakilabutan, kahihiyan, kadiliman, at kamatayan na pagdurusahan ng katawan at kaluluwa sa impyerno, sa ilalim ng poot ng Diyos laban sa kasalanan, ng bawat isang hindi naipagkasundo sa Kanya sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo.

Bilang kasudlong ng kamatayan, ang libingan ay isang pamilyar na larawan ng impyerno. Magkaugnay ang kamatayan at libingan, at madalas na binabanggit sa Kasulatan. Kung paanong ang langit ay sa buhay, ang libingan ay sa kamatayan. Pook ito ng kamatayan, pumapasok rito ang tao sa pamamagitan ng kamatayan, at doon ay walang tinag na ginagawa ng kamatayan ang kabulukan. Ang libingan (impyerno) ay isang lugar – isang hukay na may matarik na paligid, mga silid, at mga tarangkahan (Isa. 14:15; Kaw. 7:27; Mat. 16:18). Subalit wala doong mga bintana at dekorasyon. Isa itong napakalalim na hukay kung saan walang liwanag – walang liwanag ng pag-ibig at biyaya ng Diyos, walang andap ng likas na liwanag, walang liwanag ng galak at buhay. Tanging panglabas na kadiliman lamang (Mat. 8:12). Ang libingan (impyerno) ay isang nakakasindak, sarado’t masikip, at malungkot na dako. Wala roong pagkakaibigan o pag-uusap, gaya ng inaakala ng ilan. Tanging paghihirap, pagtangis, at pagngangalit ng ngipin (Awit 18:5; 116:3; Luc. 16:23).

Sa impyerno, ang isang tao ay nag-iisa, isinumpa, inihiwalay sa lahat ng bagay at lahat ng tao (Mar. 3:29). At walang nakakatakas sa pagwasak nito. Ang libingan (impyerno) ay isang makapangyarihan, hindi natitinag na halimaw na ngumanganga upang lamunin ang mga biktima nito upang tunawin sa tiyan nito ang kanilang ganda, dangal, karangyaan at buhay (Isa. 5:14; Awit ng mga Awit 8:6; Jon. 2:2). Isang nakahihiyang pook kung saan ang kamatayan, matapos madaig ang isang tao, ay hinuhubaran siya, at nilalamon siya (Isa. 57:9; Job 26:2; Awit 49:14). At hindi mapapawi ang pagnanasa ng impyerno. Ito ay isang hukay na walang ilalim (Kaw. 30:16; Apo. 9:2).

Ang Gehenna ay isang mas hindi pamilyar ngunit kasinghalagang larawan ng impyerno. Ang Gehenna ay isang malalim na lambak sa labas ng Jerusalem, tanyag bilang lugar kung saan itinatag [ng mga haring sina] Ahaz at Manase bilang opisyal na pagsamba ang pagsusunog sa mga anak ng tipan upang ihandog sa diyos-diyosang si Molech (Jos. 15:8; 2 Cron. 28:3; 33:6). Kaya nakilala rin ang lugar na iyon na Tophet, na tumutukoy sa mga apoy na sumunog sa mga sanggol o sa mga tambol na pinatugtog upang lunurin ang kanilang malakas na iyakan (Isa. 30:31-32). Upang pigilang maulit ang kasuklam-suklam na gawang ito nilapastangan ng makadiyos na si [Haring] Josias ang lugar at ginawa itong tambakan ng basura. Doon, ang basura, dumi, patay na hayop, at bangkay ng mga kriminal ay itinatapon sa isang umaalingasaw, nabubulok na mga tambak na walang tigil na ginagapangan ng uod at umuusok bunsod ng apoy (2 Hari 23:10; Jer. 7:33).

Gehenna ang madalas gamiting salita ng Panginoon para sa impyerno. Yamang pamilyar sa kanyang tagapakinig, nagsilbi itong maliwanag at nagpapatuloy na babala, lalo na sa mga nagsasawalang-bahala at tumalikod sa pananampalataya sa iglesya, na "magsisi kayo sapagkat malapit na ang kaharian ng Diyos." Gayon din sa kasalukuyang panahon. Binibigyang diin nito na ang impyerno ay pook ng pinakahamak na kahihiyan at walang hanggang pagdurusa sa kabila ng dumi, basura, masasama at maruruming hayop anuman ang kanilang naging kalagayan sa gitna ng mga tao. Kaya magsisi! Ngayong malapit na ang kaharian, malapit ang impyerno.

Kapag bumalik ang Panginoon, wawasakin Niya ang lahat ng bagay, upang bigyang daan ng mga larawan ng impyerno ang riyalidad (Apo. 20:14). Sa Kanyang kaharian magtitipon muna ang Panginoon, hahatol na walang taong kinikilingan, pagkatapos ay ihihiwalay ang basura. Si Satanas, ang kanyang lahi ng mga ulupong, ang Anticristo, kahit kamatayan at impyerno ay kanyang itatapon sa lawang apoy (Mat. 23:33; Apo. 20:10-14). Gayon din, ang lahat ng iba na kinalimutan ang Diyos at tinanggihan ang Kanyang Cristo – ang sumasamba sa mga diyos-diyosan, mamumusong, lumalapastangan sa Sabbath, magnanakaw, mangangalunya, mamamatay-tao, sinungaling, at mapag-imbot ay walang puwang sa kaharian ng Diyos (Awit 9:17; Mat. 5:22; 11:23; Kaw. 5:5; Efe. 5:5). Bilang mga taong pagtutuunan ng pumapatay na poot ng Diyos sa impyerno, hindi sila matutupok, na iniangkop ang kanilang katawan sa walang katapusang pagkawasak sa muling pagkabuhay tungo sa pagkapahamak (Juan 5:29; Mar. 9:44).

Hanapin mo si Jesus! Siya lamang ang may hawak sa mga susi ng kamatayan at impyerno. Ipinako sa krus, namatay, at inilibing sa libingan, bumaba Siya sa malalim na hukay ng impyerno, ang tiyan niyong hindi nabubusog na halimaw, dumaan sa kadiliman ng lambak ng kamatayan, at bumangong tagumpay. Matapos ganapin ang kabayaran ng kasalanan, hindi maaaring maiwan ang Kanyang kaluluwa sa impyerno ni ang Kanyang katawan na hayaang makita ang kabulukan (Awit 16:10). Isinumpa, tiniis ang patuloy na kahihiyan ng impyerno, pinagdusahan ang hindi mailarawang hapis, sakit, kilabot, at mga pagdurusa sa ilalim ng poot ng Diyos, pinalaya Niya ang lahat ng humanap ng kanlungan sa Kanya mula sa mga ito (L.D. 16). Sa lahat ng pinakamatindi kong tukso, bilang mananampalataya may katiyakan ako, hindi ng impyerno, kundi buhay na walang hanggan, kagalakan, liwanag, at kaluwalhatian sa Kanyang langit.

*This is not an official translation of the PRC in the Philippines.

Para sa karagdagang babasahin sa wikang Tagalog, i-click dito
http://prcaphilippinesaudio.wordpress.com/tagalog/