Nagtalaga ang Diyos mula sa walang hanggan ng iilan sa buhay, at itinakwil ang iba sa kamatayan.
Ang nag-udyok o naging sapat na dahilan ng pagtatalaga sa buhay ay hindi ang nakitang pananampalataya, ni kahit ang pagpapatuloy, ni ang mabubuting gawa, ni kahit anumang bagay na nasa taong itinalaga, kundi ang mabuting kalooban lamang ng Diyos.
Mayroong itinalaga at tiyak na bilang ng mga itinalaga na hindi maaaring madagdagan o mabawasan.
Ang mga hindi itinalaga sa kaligtasan ay tiyak ang kahatulan dahil sa kanilang mga kasalanan.
Ang tunay, buhay at nagpapawalang salang pananampalataya, at ang nagpapabanal na Espiritu ng Diyos, ay hindi nawala o mawawala ng bahagya o ng tuluyan man sa isang hinirang.
Ang tunay na tapat na tao—ang taong napagkalooban ng nagpapawalang salang pananampalataya—ay nakakatiyak ,sa pamamagitan ng katiyakan ng pananampalataya (“plerophoria fidei”), sa kapatawaran ng mga kasalanan at sa kanyang walang hanggang kaligtasan sa pamamagitan ni Cristo.
Ang nakakapagligtas na biyaya ay hindi ibinigay, ay hindi ginawa para sa lahat, ay hindi ipinagkaloob sa lahat ng tao, upang sila’y maligtas, kung nanaisin nila.
Wala sinuman ang makalalapit kay Cristo maliban na siya’y ibigay sa Kanya, at malibang ilapit siya ng Ama sa Kanya: at hindi lahat ay inilapit ng Ama upang sila’y makalapit sa Anak.
Hindi sa kalooban o kapangyarihan ng bawat isa upang sila’y maligtas.
Ang Mga Artikulong Lambeth ay binuo ni Dr. William Whitaker, Regius Professor of Divinity sa Cambridge, nang may komento mula kina Dr. Richard Fletcher (Obispo ng London), Dr. Richard Vaughan (Obispong halal ng Bangor) and Humphrey Tyndall (Dekano ng Ely).
Ang mga Artikulo ay pormal na inaprubahan ng Arsobispo ng Canterbury (Dr. John Whitgift), ang Arsobispo ng York (Dr. Matthew Hutton), and Obispo ng London (Dr. Richard Fletcher), and Obispong halal ng Bangor (Dr. Richard Vaughan), at ng iba pang prelado na nagtipun-tipon sa Palasyo ng Lambeth sa London (ika-20 ng Nobyembre taong 1595). Makalipas ang ilang araw, ipinadala ni Dr. Whitgift (Arsobispo ng Canterbury) ang Mga Artikulong Lambeth sa Pamantasan ng Cambridge noong ika-24 ng Nobyembre taong 1595, hindi bilang bagong mga batas at panukala, kundi bilang paliwanag sa mga ilang punto na nasa batas na ng bayan.
Sa Korte ng Hampton, ang pagpupulong nina Haring James I at ng mga prelado kasama ng mga pinuno ng mga Puritano (Enero, 1604, hiniling ni Dr. Reynolds na “ang siyam na orthodox na mga pahayag na nagawa sa Lambeth ay kung maaari’y mailagay sa Aklat ng mga Artikulo.” Ngunit ang Mga Artikulong Lambeth ay hindi kailanman naidagdag sa Thirty-Nine Articles (1563) ng Iglesia ng Inglatera (Church of England). Gayunpaman, tinanggap ang mga Artikulo ng Dublin Convocation ng 1615 at isinama sa Irish Articles (1615) na pinaniniwalaang si James Ussher ang may gawa, na siya naman noong magiging Arsobispo ng Armagh at Primate of All Ireland (1625-1656). Sa Church of Ireland, ang Mga Artikulong Lambeth ay bahagyang itinuring na may simbolikal na awtoridad. Sinasabing ang mga Artikulo ay ipinakita ng mga kinatawang Ingles sa Synod of Dordt (1618-1619) bilang paghatol ng Iglesia ng Inglatera sa kontrobersyang Arminian.
Nakakalungkot na karamihan sa mga iglesiang Anglikano ngayon sa buong mundo ay nahulog na sa doktrinang free-will ng Arminianismo, at mas masahol pa diyan, ang Mga Artikulong Lambeth—na tapat sa mga katotohanang nakasaad sa Biblia—ay ‘di na kilala o ‘di kaya’y itinakwil na.
Translated by: Jeremiah Baguhin Pascual
*This is not an official translation of the PRC in the Philippines.
Para sa karagdagang babasahin
sa wikang Tagalog, i-click dito
http://prcaphilippinesaudio.wordpress.com/tagalog/