Covenant Protestant Reformed Church
Bookmark and Share

Higit pa sa mga Nagtatagumpay

Rev. Cornelius Hanko (ika-8 ng Setyembre, 1963)

 

Ngunit sa lahat ng mga bagay na ito, tayo’y higit pa sa mga nagtatagumpay sa pamamagitan Niya na sa atin ay umibig. (Roma 8:37).

Ang bayan ng Diyos ay iba, naiiba sa maraming bagay. Isa sa pinakagusto ng mga tao ay sang-ayunan sila ng lahat. Ang bayan ng Diyos ay ayaw ng ganoon. Sa maraming bagay, gusto nila ng sinasalungat sila. Partikular, nagsisimba sila para salungatin sila.

Halimbawa na lang, pumupunta tayo dito nang may malalim na pakiramdam ng pagkakasala. Ang mayroon lang para sa’tin, siyang tunay naman sa’ting mga sarili, ay dahilan para tayo’y hatulan. Gusto nating makasigurado na walang anumang kahatulan, sapagkat tayo’y mga matuwid—matuwid kay Cristo. Muli, napagtanto natin kung gaano tayo kasama. Tayo’y mga makasalanan, mga ligaw, patay sa pagsalangsang at mga kasalanan. Ngunit gusto nating marinig ang Salita ng Diyos na siyang may katiyakan na tayo nga’y pinatawad na sa’ting mga kasalanan, na tayo’y mga banal—mga banal ni Cristo.

Mayroon pa. Nasa gitna tayo ng kamatayan. Dito sa mundong ito, ang kamatayan ang tila may kapangyarihan pati na ang kasalanan. Kaisa tayo ni Pablo sa pagsasabing, “Namamatay ako araw-araw.” Ngunit gusto nating marinig muli mula sa Salita ng Diyos, “Ang iyong buhay ay na kay Cristo, sa Diyos.”

Oo, gusto natin nang sinasalungat tayo, ngunit mas higit pa d’yan, gusto nating matutunang salungatin ang ating mga sarili, at iyan ay bunga ng malalim na paniniwala ng ating mga puso at isipan. Iyan ang mismong ginawa ng apostol sa mga salita sa ating teksto. Nagsasalita siya para sa kanyang sarili, ngunit nagsasalita din siya para sa buong iglesia ng lahat ng kapanahunan. Kaya nga isinama niya din ikaw at ako.

Ito ang kanyang awit ng pananagumpay. Mula sa marubdob na pagpapakumbaba ay dumaing siya sa katapusan ng kabanata 7, “Kahabag-habag na tao ako! Sino ang magliligtas sa akin mula sa katawang ito ng kamatayan?” (Rom. 7:24). Sa Parehong hininga ay idinagdag niya, “Ngunit salamat sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na Panginoon natin” (Rom. 7:25). Iyong sigaw ng pasasalamat ay naging awit niya ng katagumpayan sa kabanata 8, habang ginugunita niya ang gawa ni Cristo sa pamamagitan ng Espiritu sa ating mga puso na siyang pinangyayari ang lahat ng bagay alang-alang sa ating kaligtasan.

Dito sa ating teksto, naabot niya ang kasukdulan ng kanyang awit. Sa paggawa nito, may katapangan at may pagmamatigas niyang hinamon ang lahat niyang kaaway, nang may kasiguraduhang “Ngunit sa lahat ng mga bagay na ito, tayo’y higit pa sa mga nagtatagumpay sa pamamagitan Niya na sa atin ay umibig.” Ating bulayin:

Higit pa sa mga Nagtatagumpay

  1. Ang Mapagpalang Katotohanan
  2. Ang Matapang na Kapahayagan
  3. Ang Masaganang Kasiguraduhan

 

I. Ang Mapagpalang Katotohanan

Mananagumpay, higit kaysa sa mga mananagumpay. Tunog pagmamataas, tama, isang walang lamang pagmamalaki, at iyan at sa dalawang dahilan. Una, walang sinuman ang dapat maliitin ang kapangyarihan ng ating kaaway. Wala ng mas bibigat pa na kaaway sa buong mundo. Pangalawa, tayo’y nasa gitna pa rin ng labanan. Ipinaalala ni Haring Ahab “hindi dapat maghambog ang nagbibigkis ng sandata na parang siya ang naghuhubad nito.” Ang labanan ay tuloy-tuloy, at lalo pang tumitindi habang tumatagal, hanggang sa ating huling hininga. Tingnan natin ang mga kadahilanang ito nang mas malapitan.

Gaya ng sinabi ko, mayroon tayong isang makapangyarihang kaaway na ang katusuan, panlilinlang, kataksilan, galit at kapangyarihan ay lampas pa kaysa kayang maisip ng tao. Huwag kailanman mamaliitin ang kanyang kapangyarihan; iyan ay mapanganib o nakakamatay.

Ang kalaban natin ay hindi kalaban sa laman at dugo, na nakikita, naririnig o nahahawakan. Si Luther ay pinaniniwalaang naghagis ng tinteruhan sa kanya—ngunit hindi nangangahulugang nakita talaga niya siya. Siya’y walang iba kundi ang matandang serpente, and diyablo, ang dragon mula sa impyerno. Siya ay may libu-libong mga kampon, lahat ay abala sa pagsasakatuparan ng kanyang masasamang plano.

Siya ang matandang serpente na luminlang sa’ting mga unang magulang doon sa paraiso at nagdala ng lahat ng kapighatian dito sa mundo at sa atin ngayon. Siya ay lumilibot na gaya ng umaatungal na leon, hindi lamang sa paligid ng iglesia, ngunit sa loob din naman ng iglesia, naghahanap ng masasakmal. Siya din ay nagpapanggap bilang anghel ng liwanag, kung iyon ay makatutulong sa kanyang layunin. Hindi siya interesado sa sanlibutan, na nasa kanya ng kapangyarihan, ngunit gusto niyang wasakin ang iglesia, ang mga mananampalataya. Gusto niya ang kanilang korona.

Nagdadala siya ng mga maling doktrina na nakakapukaw ng laman. Mga kasuklamsuklam na mga kabulaanan, gaya ng tawag sa kanila ng Kasulatan. Ngunit marami sa mga kasinungalingang ito ay talaga namang kahalihalina. Kinukunsinti niya ang kasalanan upang ang kasalanan ay hindi na kasalanan. Ang mga kautusan ng Diyos ay wala ng saysay. Ang tao na ang nagdedesisyon para sa kanyang sarili kung ano ang tama o mali patungkol sa telebisyon, mga pelikula, sayaw, mga unyon, aborsyon, homosexuality, etc.

Sa isang salita, ang ating kaaway ay espirituwal. Ang digmaan ay espirituwal, ang digmaan laban sa lahat ng kapangyarihan ng impyerno na gustong agawin ang ating korona. Sa totoo, gaya ng pinapaalala ni Pablo sa’tin sa kabanata, sa kabila ng lahat ng kanyang kaakit-akit na salita at tusong mga kasinungalingan, mayroon siyang isang bagay na hinahangad iyon ay ang ihiwalay tayo sa pag-ibig ng Diyos, na na kay Cristo Hesus at dalhin nga tayo sa impyerno kasama niya.

Si Satanas ay tunay na kaaway, kaya nga’t tila pagyayabang na sabihing tayo’y mga mananagumpay, at mas higit pa sa mga mananagumpay. Pangalawang dahilan, iyon ay tila isang kayabangan dahil tayo’y nasa gitna pa ng labanan.

Una sa lahat, ang kaaway ay inaatake tayo sa pamamagitan ng kasalukuyang kasamaan na nasa mundo. Makikita mo ang kanyang katusuan doon lalo na ngayon. Patuloy tayong sinasabihan na ang mundong ito ay hindi ganoon kasama sa kabila ng lahat. Sa totoo, maraming mabuti sa mundo, sa droga, sa mga pelikula, sa drama, sa sining, sa agham, kahit pa sa masasamang tao. Sila ay hindi masama at hindi nga sila masamang tunay. Ni isaalang-alang natin ang antithesis, ang espirituwal na seperasyon. Dapat nating naisin ang synthesis. Ihalo ang mga bulok na mansanas sa mga mabubuti, upang ang mga mabubuting mansanas ay magagawang mabuti ang mga bulok. Hindi mo rin kailangang ihiwalay ang iyong sarili mula sa mundong iyon, ngunit sa halip maaari mong sangayunan ang kanyang mga isport, kanyang mga yaman at kasiyahan, upang ang bawat isa ng tanda ng pagkakaiba ay tuluyan nang mawala—wala nang makakakita ng pagkakaiba, hindi sa panlabas na kaanyuan, hindi sa mga gawa, hindi sa pananalita.

Pangalawa, dumarating siya sa pamamagitan ng ating makasalanang laman. Ito ang pinakamasama nating kaaway: ang kaaway sa loob mismo ng mga pintuan. Ang mundo ay nang-aakit na parang batobalani. Ang pang-aakit ay malakas sukdulang ‘di natin matanggihan ang paglapit sa mundo, sa kanyang mga kasalanan at kasamaan. Ang totoo, aminado naman ang mundo na ang sitwasyon ay wala ng pag-asa. Ang mga patibong ng kasalanan ay napakalakas habang pinapalibutan nila tayo, na kung ano ang nagawa mo kapag ikaw ay nataling gawin ulit—alinsunod sa lantad na pag-amin ng mundo. Kung ang laman mo at laman ko ang pag-uusapan, ang sitwasyon ay walang pag-asa.

Ano ang mga sandatang ginagamit sa digmaang ito? “Hindi sa lakas ng tao, ni sa malalakas na hukbo, hindi sa mga sumusugod na kabayo ni sa mga ipinagmamalaki ng digmaan ang makakapagligtas mula sa pagbagsak.” Ang Salmista ay nalalaman iyon sa nakalipas na mga taon at iyon ay totoo pa rin sa panahon ngayon. Sa totoo, kung ang ating digmaan ay espirituwal ganoon din naman ang ating mga sandata.

Marami sa iglesia ngayon ang may panunuyang pinag-uusapan ang mga sandatang ito na tila hindi mo na kailangang magtiwala sa mga iyon, lalo na daw sa modernong panahon ngayon, dahil nabigo ang mga iyon sa nakaraan at siguradong bibiguin ka din nila ngayon. Halos pagtawanan ng mundo nang may kasamang pangungutya ang mga sandatang iyon, gaya ng ginawa ni Goliat nang humarap sa kanya ang binatilyong si David na may hawak na tungkod sa isang kamay at tirador sa kabilang kamay.

Ang ating sandata ay ang mga Kasulatan at wala ng iba pa. Itinuro sa’tin ni Hesus ang simpleng hamon nang kaharapin Niya ang bawat paglusob ng diyablo, “Nasusulat.” Tinuturuan tayo ni Pablo nang banggitin niya ang baluti ng isang Cristiano, na may baluti ng katuwiran, bigkis ng katotohanan, helmet ng kaligtasan, tabak ng Espiritu, kalasag ng pananampalataya at sapatos ng kahandaan para sa ebanghelyo.

Ang Bibliang ito ay iyong sandata na maaari mong ibato sa kahit na sinong kaaway at gapiin siya gamit ito, mas mainam kaysa mga kanyon, mga bomba. Ngunit kailangan mong malaman kung paano gamitin iyon.

Sa kabila ng mga ito, tinitiyak sa’tin ni Pablo na tayo’y higit pa sa mga mananagumpay! Mga mananagumpay! Tayo’y nakatindig sa isang labanan sa mundong ito nang may pinakamabagsik, pinakamalupit na kaaway na pwedeng maisip ninuman. Hindi siya interesado sa’ting buhay, mga ari-arian, ating tahanan, ating kaaliwan. Nais niya ang ating kaluluwa!

Hindi sinabing “tayo’y magiging mananagumpay,” bagaman totoo ‘yan. Isisigaw natin ang awit ng katagumpayan gaya nga nang sinabi ni apostol Pablo, “Nakipaglaban ako ng mabuting pakikipaglaban, iningatan ko ang pananampalataya..nang may putong.” Ngunit ito’y mas higit kaysa rito. Tayo nga’y mananagumpay, habang ang kaaway ay nagngangalit at nagpupuyos sa galit sa’ting paligid.

Mayroon pa. Tayo’y higit kaysa mga mananagumpay. Ang isang sundalo’y maaaring lisanin ang lugar ng labanan pagkatapos niyang itaboy ang kaaway upang samsaman. Uuwi siyang may katagumpayan, ngunit nang may halu-halong nararamdaman.

Maaaring siya’y lubhang nasugatan at dahil doo’y dadalhin niya ang peklat habang siya’y nabubuhay. Ang talo ng isang matagumpay na hukbo ay maaaring mas higit pa at nangangahulugang ang isa pang tagumpay gaya niyaon ay magdudulot pa ulit ng kapamahakan o delubyo. Sa mga digmaan sa pagitan ng mga tao, kahit kaila’y walang tunay na nagtagumpay na ipagmamalaki lamang ang patungkol sa yaong tagumpay. May mga kapighatian, pagtangis, pagkatalo, pagkawasak, na hindi mapagtatagumpayan kahit kailan.

Ngunit hindi ganoon ang pakikipaglaban ng isang Cristiano sa pananampalataya. Ang mga pinsala, pagkatalo, peklat ng labanan ay laging sa kaaway. Ang mga pinsala, pagkatalo, peklat na ating inaani ay para sa’ting kapakinabangan. Ang ating kaaway ay isa lamang instrumento upang pagpalain tayo, upang ihanda tayo para sa langit, at sa wakas, sa oras ng kamatayan, bigyan tayo ng tunay na tagumpay kay Cristo sa kaluwalhatian. Ang maluwalhating katotohanan: “Tayo’y higit pa sa mga nagtatagumpay!”

 

II. Ang Matapang na Kapahayagan

Ngunit hindi dapat mawaglit sa’tin na ginawa ito ni Pablo bilang pansariling kapahayagan. Binigkas niya ito sa kanya mismong mga labi. Nais din niya na ilagay natin iyo sa’ting mga labi. Kailangan nating ulitin iyon pagkasabi niya, upang maging tunay na totoo iyon sa ating mga buhay.

Ginawa niyang napaka-personal ito nang ituro niya sa’tin, “sa lahat ng mga bagay na ito.” Tayo’y nakatindig at nakatingin sa’ting paligid. Nakikita natin ang kasalukuyan at ang hinaharap, maging ang nakaraan. Nakikita natin ang mga anghel at mga diyablo, mga kapangyarihan ng impyerno, mga pinuno ng kadiliman sa kasalukuyan dito sa masamang mundong ito. Madalas nating makita ang ating mga sarili na mag-isang lumalaban araw-araw, maging taun-taon hangga’t tayo’y nandito pa sa katawan ng kamatayan. At nakikita din natin ang katapusan—kamatayan at ang libingan.

Tunay nga na ito ang nasa isip ng apostol nang banggitin niya ang patungkol sa matinding kapighatian, o pagdurusa, o pag-uusig, o kahubaran, o taggutom, o panganib, o tabak. Mayroon ka halos lahat ng bawat uri ng paghihirap na kasama doon. Ang atake ng kaaway, paghihirap sa kamay ng Diyos, sakit, kamatayan ng mga mahal sa buhay, kahit pa ang kamatayan mismo, ay maaaring maging napakapait.

Si Pablo ay kumuha ng salita mula sa bibig ng iglesia noong una, mula sa Awit 44:22, nang nanaghoy ang mga mananampalataya, “Kami’y buong araw sa poot Mo’y nalipol, nagapi at napahamak hanggang kamatayan. Bakit Ka tumigil, Jehovah? Bumangon Ka at ‘wag Mo kaming itakwil magpakailanman. Bumangon Ka alang-alang sa amin. Bangon, tulungan Mo kami’t iligtas...” Hindi mo ba naririnig ang hinagpis, ang mapait na sigaw ng kalunos-lunos na sitwasyon na nasa bingit ng kawalan ng pag-asa? Gaano kadalas tayo nananaghoy ng ganoon? Maraming beses kahit sa mga kadahilanang mas magaan pa kaysa sa mga nabanggit dito.

Sa katunayan, ang karanasan ay hindi na iba. Isipin na lang natin si Jose habang siya’y nasa Egipto, tinukso ng asawa ng kanyang amo, tinakot na makulong at mabitay kung tatanggi siyang magkasala! Isipin mo na lang na nabilanggo siya nang walang kasalanan at doon pa sa banyagang bayan. Isipin mo si Jacob na dumaing, “Lahat ng ito ay laban sa akin.” O si Pablo, “Ako’y namamatay araw-araw—sa kulungan, sa nawasak na barko..” O basahin mo ang tungkol sa mga hinahangaang tao ng pananampalataya sa Hebreo 11, na sa kanila’y walang saysay ang mundo, silang handang mamatay dahil inaasam nila ang hindi nasisirang korona.

Sa totoo, hindi kailan man ginawang madali ng Diyos iyon para sa Kanyang bayan. Mayroon laging mga pagsubok. Ang ating ispirituwal na mata ay lumalabo, ang ating pananampalataya ay humihina. Ako’y nagtatanong nang may takot at pag-aalala, kinalimutan na ba ng Diyos na maging mabuti?

Sa ganito mismong mga karanasan tayo sinabihang sumigaw kasama ng apostol, “Hindi.” Gusto nating salungatin tayo. Kailangang salungatin tayo. Kailangang salungatin din natin ang ating mga sarili!

Hindi tayo talunan. Ni hindi nga tayo sumusuko. Oo nga’t ayon sa laman maaari tayong madulas at madapa. Maaari nga tayong madapa nang paulit-ulit. Ito’y malaking kahihiyan sa’tin at kalituhan. Maaari nating kapootan ang ating mga sarili nang may pagdaing, “Kahabag-habag na tao ako!” Kung minsan, tila baga’y natatalo tayo lagi.

Ngunit hindi talaga. Hindi iyon totoo, tapat na anak ng Diyos. Siya’y hindi magpapatalo. “Diyablo, mundo, makasalanang laman, hindi mo ‘ko masasaktan. Hindi mo ‘ko magagapi. Mangyari na ang mangyari ngunit ako’y higit pa sa nagtatagumpay kahit pa sa taggutom, sa kahubaran, sa panganib.”

 

III. Ang Masaganang Kasiguraduhan

Ngunit paano tayo makakatiyak? Siguradong walang mas sasama pa kung ito’y walang lamang pagmamalaki. Tayo’y paniguradong pagtatawanan ng buong mundo. At ito pa, walang mas nanaisin ang kaaway kundi ang wasakin tayo gamit ang ating mga labi sa pagkakaroon ng walang lamang pagmamalaki, “Ako’y mananagumpay.” Tiyak na mayroong mga nasa impyerno ang may sigaw din ng tagumpay sa kanilang mga labi, silang mga sumigaw, “Panginoon, Panginoon,” upang marinig lamang ang nakapangingilabot na sakdal, “Hindi Ko kayo nakikilala!”

Hindi tayo makapagmamalaki sa ating mga lakas. Isa sa mga hayag na tanda ng kabulaanan ay ito’y nakasentro sa tao at hindi sa Diyos o kay Cristo. Ang tao ay gustong-gustong magyabang sa kanyang mga nagawa at sa kanyang mga ginagawa. Naghahanap siya ng relihiyong pararangalan siya, itatanghal siya, hindi ang Diyos. Lahat ng Pelaganism, Arminianism, at kahit pa ang Neo-Pentecostalism ay ipinagdidiinan ang malaking ako, ako, ako na iyon...

Ipinapaling ni Pablo ang ating mga mata mula sa’ting mga sarili patungo kay Cristo. Lahat ng mga bagay ay aking magagawa sa pamamagitan ni Cristo na siyang nagpapalakas sa akin. Ngunit hindi niya binanggit si Cristo sa pangalan. Sa halip, sinabi niya, “Siya na umibig sa’kin,” hindi, “Siya na umiibig sa’kin,” sa pangkasalukuyang anyo ng salita.

Hindi, ang basehan talaga niyaon ay kung ano ang nangyari sa nakaraan nang maging malinaw ang pag-ibig na iyon. Ang pangyayari na iyon, alam mo at alam ko, ay sa Golgota. Doon ibinigay ng Diyos ang Kanyang bugtong na Anak. Ang Anak ay ibinigay ang Kanyang buhay. Lahat ‘yon ay nakasentro sa malaking pag-ibig ng Diyos kung saan inibig Niya din tayo dahil doon. Si Cristo’y namatay; tayo’y namatay. Si Cristo’y nabuhay; tayo’y nabuhay. Si Cristo’y umakyat sa langit; tayo’y naroon din sa Kanya. Namatay si Cristo at ito pa, Siya’y nabuhay na muli at naupo sa kanan ng Diyos at Siya’y nananalangin para sa’tin. Siya din nama’y pinakikinggan, kaya nga tayo’y pinagpapala Niya mula sa langit ng lahat ng pagpapalang pangkaligtasan. At Siya na nagpasimula ng mabuting gawa ay tiyak na tatapusin Niya din.

Ngunit paano ako makakatiyak na ito nga’y tumutukoy sa’kin? Nilukuban ng Kanyang pag-ibig ang ating mga puso at patunay dito ang ating pagtangis sa kasalanan, pagkapoot sa kasalanan, paglayo at paglaban dito palagi. Tayo nga’y hindi mga Cristiano na pang-Linggo lang na may walang saysay na pagmamalaki tuwing Linggo ngunit kinabukasa’y susuko din pala sa diyablo, mundo at sa’tin mga laman. Ngunit iyon ay isang pang-araw-araw na hamon. Ako’y naniniwalang lubos—na dapat iyon ay maging tunay sa’ting mga buhay upang makita iyon ng diyablo, makita iyon ng mundo, makita iyon ng iyong pamilya, at upang magalak ka doon. Ako’y naniniwalang lubos na kahit ang kataasan, ni ang kalaliman, ni ang mga pinuno, ni ang mga kapangyarihan, ni ang mga bagay na kasalukuyan, ni ang mga bagay na darating, oo nga’t wala, wala ni isa ang makapaghihiwalay sa’tin sa pag-ibig ng Diyos na na kay Cristo Jesus na Panginoon natin.

Tayo’y higit pa sa mga nagtatagumpay! Amen.

Translated by: Jeremiah Baguhin Pascual

*This is not an official translation of the PRC in the Philippines.

Para sa karagdagang babasahin sa wikang Tagalog, i-click dito
http://prcaphilippinesaudio.wordpress.com/tagalog/