Covenant Protestant Reformed Church
Bookmark and Share

Yugto 1: Pentecostalismo: Pagpapala ng Kapuspusan
ng Espiritu, o Mapanganib na Bulaang Aral?

Ni: Prof. David J. Engelsma

 

Panimula

Ang kilusang susuriin sa artikulong ito ay isang puwersang malakas at talamak sa mga simbahang Kristyano sa kasalukuyan. Ito ay tinataguriang kilusang Pentecostal sapagkat pinapanggap nito na siya ay ikalawang Pentecostes sa panahonng katapusan ng mundo. Ito ay tinataguriang kilusang “charismatic” sapagkat inaangkin nito ang pagbabalik ng mga bukd-tanging kaloob ng Espiritu na nasasalaysay sa aklat ng Mga Gawa at sa 1 Corinto 12-14 (Griego – charismata).

Sa loob lamang ng 100 taon ito ay kumalat mula sa iilang tao sa Topeka, Kansas at Los Angeles, California upang maging daang-milyong tao sa buong mundo. Sa pinakabagong pagsusuri, itinatayang umaabot ng halos halahating bilyon ang bilang ng tao na kinikilalang Pentecostal. Ang kilusang ito ay kinikilalang ikatlong puwersa sa Kristyanismo, kasama ang mga Protestante at Romano Katoliko.

Ang Pentecostalismo ay natatagpuan sa halos lahat ng simbahan. Napakaraming simbahan ang itinatag sa katuruang Pentecostal at umiiral upang ikalat ang Gawain Pentecostal. Marami sa mga simbahang ito at malaki at patuloy na lumalago. Subalit ang Pentecostalismo ay tinatanggap ng iba pang simbahan sa buhay nila at sa buhay ng kanilang mga miyembro. Tinanggap ng Iglesya Romano Katoliko ang kilusang Pentecostal, at daang-libo na ang mga miyembro nito na “charismatic.” Maging ang mga simbahang Protestante ay sumang-ayon sa kilusang “charismatic” at ito ay tinatanggap ng marami sa pangunahing tagapagturo sa mga simbahang Reformed. Noong 1973, tumugon ang iglesyang Christian Reformed Church sa lumalaganap ng kilusang charismatic, at sa isang ulat, sinabi nila:

Nananawagan kami sa iglesya na kilalanin ang kalaayan ng Espiritu upang ipagkaloob ang Kaniyang mga kaloob ayon sa Kanyang kagustuhan, yamang hindi kami naniniwala na naaayon sa turo ng Biblia na ang mga charismata ay para lamang sa kapanahunan ng mga Apostol. Maging bukas dapat ang iglesia upang kilanlin ang lahat ng uri ng kaloob ng Espiritu” ("Neo-Pentecostalism," in Acts of Synod 1973, Grand Rapids: Board of Publications of the Christian Reformed Church, p. 481)

Kabilang sa mga pangunahing ministro at teologong ebanghelikal na malugod na umayon sa kilusang Pentecostal ay sina J.I. Packer at Martyn Lloyd-Jones. Sa kanyang aklat na may pamagat na “Joy Unspeakable: Power & Renewal in the Holy Spirit” – (Ito ay inilimbag noong 1984, ngunit ang nilalaman ay mga sermon niya na ipinangaral sa Westminster Chapel sa taong 1964 at 1965), sinabi ni Lloyd-Jones na siya ay “lubos na naniniwala sa bautismo sa Espiritu Santo bilang isang karanasang bukod at hiwalay sa muling kapanganakan.” Naniniwala rin siya na umiiral pa sa kasalukuyan ang lahat ng mga kalood nga Espiritu at ang bautismo sa Espiritu ang “tanging nagbibigay sa atin ng anumang pag-asa sa kasalukuyan,” at ang sinumang kukakaila sa bautismo sa Espiritu Santo ay nagkasala ng pamumusong laban sa Espirit Santo (Wheaton, IL: Harold Shaw Publishers, 1984, pahina 13, 54, 278).

Dahil sa kasikatan ng kilusang charismatic, na tila hanging umiihip ng buong lakas, napakahirap makasumpong ng denominasyon na nakatangi sa inpluwensya nito. Sa librong The Pentecostals and Charismatics: A Confessional Lutheran Evaluation, matapos banggitin ng may-akda ang mga simbahang gumuho ang pagtanggi sa inpluwensya ng Pentecostalismo, buamggit siya ng isang denominasyon, ang iisang denominasyon na tumanggi sa Pentecostalismo: “Hindi lahat ng Simbahang Protestante ay tumangkilik ng kilusang charismatic. Pawang negatibo ang reaksyon dito ng mga simbahan ng Protestant Reformed Church” (Arthur J. Clement, The Pentecostals and Charismatics: A Confessional Lutheran Evaluation, Milwaukee, WI: Northwestern Publishing House, 2000, pahina 52, 53).

Talamak na ang impluwensya ng kilusang ito. Una, inilipat nito ang sentro ng mensahe ng Ebangheliyo mula sa pagtanggap sa pamamagitan ng pananampalataya ng kapatawaran ng mga kasalanan base sa krus ni Cristo, at ipinalit ito para sa di-maipaliwanag na karanasan na nagbibigay ng kapangyarihan para sa pablilingkod, lalo na sa pagbabahagi. At ang lahat ng ito at nababatay sa isang karanasan kasunod ng muling kapanganakan na binansagang Bautismo sa Espiritu Santo.

Ikalawa, lubos na binago ng Pentecostalismo ang anyo ng pangkalahatang pagsamba sa simbahan. Ang pangangaral ng dalisay na dooktrina at maayos na pangangasiwa ng mga sakramento at hindi na ngayon ang siyang puso ng gawain sa simbahan. Kundi ngayon, ang pangunahing bagay ay ang masiglang awitan at pag-iral ng sari-sari kaloob ng Espiritu, kung kaya ang kongregasyon ay may diwang magulo o walang kaayusan.

Pangatlo, ito ay may adhikaing ekumeniko. Tumatawid ito ng denominasyon at mga saligan ng paniniwala. Ayon sa tanyag na Dictionary of Pentecostal and Charismatic Movements (ed. Stanley Burgess, Gary McGee, and Patrick Alexander, Grand Rapids: Zondervan, 1988), ang kilusang Pentecostal o charismatic ay isang “pandaigdigang pagbuhos ng Espiritu ng Diyos na tumatawid ng denominasyon” (pahina 159). Nakikibahagi sa iisang “Espiritu” ang mga miymebro ng iba’t-ibang simbahan, maging Protestante man o Katliko, Calvinist o Arminian, Baptist o kobenental, sa kabila ng kani-kanila mga kaibahan sa doktrina. Kung kaya may nagaganap na mga konperensiya na nagnanais itaguyod ang isang organisadong pagkakaisa, nagkakaroon ng malalaking pagpupulong ng libu-libo upang mag-awitan, at nagkakaroon ng mga lingguhang pagtatagpo ng mga miyembro ng iba’t-ibang simbahan para sa pag-aaral at pagsasama – ikanga’y pagkakaisang “katutubo.”

Nadarama ang impluwensya ng Pentecostalismo kahit sa mga lugar na kung saan tinatanggihan ang mga pangunahing doktrina nito. Ang kilusang Pentecostalismo ang siyang sanhi ng talamak na kawalan ng pagpapahalaga sa pangangaral ng doktrina ng krus at ang matiim na pagkasabik para lalong pagbibigay-diin sa buhay-Kristiyano at gawaing pang-simbahan. Ang tao ay naiinip na sa may-kaayusang pagsambang Reformed ayon sa prinsipiyong regulatibo. Kaya nagkakaroon ng pagsisikap na baguhin ang pangkalahatang pagsamba upang maging sa masigla at upang mas marami ang isali dito. Bilang gawaing ekumeniko, malimit magsama ang mga tao mula sa iba’t-ibang denominasyon at nakikibahagi sa mga samahan kagaya ng Promise Keepers, isang organisasyong lubos na naimpluwensiyahan ng pinaka-radikal na kaanyuan ng kilusang charismatic – ang Vineyard Fellowship ni John Wimber.

Patuloy na nagkakaroon ng mga pag-aaral ng Biblia na sinasadyang walang doktrina (na parang possible iyon) at nagsasama ditto ang mga Protestante at Katoliko, mga Calvinist at Arminian, mga Baptist at Reformed, maski mga charismatic at di-charismatic.

Subalit, hindi nagtatapos ang usap dahil sa paglago, kasikatan at impluwensiya ng kilusang ito. Naririyan pa naman ang tanong, “Anong espiritu ang siyang espiritu ng kilusang Pentecostal?” Hindi naman porke sikat ang isang kilusan, ay nakaiiwas ito sa ating tanong. At hindi rin automatiko ang tugon. Una, inihahayag ng Banal na Kasulatan na magkakaroon ng isang malawakang pagtaliwakas sa mga huling araw, na may kasamang “buong kapangyarihan at mga tanda at mga kahangahangang kasinungalingan” (2 Mga Taga-Tesalonica 2:3, 9). Ikalawa, sa Matanda at Bagong Tipan, ang kinikilalang tunay na bayan at Iglesya ng Diyos ay ang hinahamak na “nalabi,” ang “munting kawan” (Isa. 1; Lucas 12:32). Ikatlo, inuutusan tayo ng Biblia na uriin, o subukin ang mga espiritu, kung ito ay sa Diyos (Deut. 13; 1 Juan 4:1). Sa Deuteronomio 13 binigyan ang Israel ng babala na maaaring gumawa ng kababalaghan ang isang bulaang propeta alangalang sa kanyang kilusang (tal. 1, 2).

Iyon ang ating ginagawa sa munting aklat na ito: sinusubok naton ang espiritu ng Pentecostalismo bilang pagsunod sa utos ng Biblia. Sa mga kabanatang sumusunod, susubukin ang espiritu ng Pentecostalismo tungkol sa mga piling turo, importanteng doktrina at kaugalian nitong kilusan. Sa unang kabanata, susubukin ang kalikasan ng kilusang ito batay sa kanyang kasaysayan.

 

Mga Karaniwang Pagtuturo at Kaugalian

Ang Pentecostalismo ay isang kilusang ngangayon lang lumitaw sa mga simbahang Kristiyano na nagtuturo na mayroon isang pangalawang tiyak at malinaw na karanasan ng paggawa ng Diyos sa buhay ng Kristiyano pagkatapos ng panunumbalik o muling kapanganakan, na tinataguriang Bautismo sa o ng Banal na Espiritu (tatawagin nating BBE). Layunin daw ng pangyayaring ito ang isang kamangha-manghang karansan ng Diyos at kapangyarihan para sa paglilingkod, lalo na sa pagbabahagi sa iba. Ang ebidensiya o katibayan nito bautismo ay ang pagsasalita sa ibang wika (tongues), na ayon sa mga Pentecostal, ay hindi ang kakayanang magsalita ng wika ng ibang bansa, bagamat ito ay hindi pinag-aralan, kundi ang kakayanang magsalita ng isang wikang makalangit.

Iyon na mismo ang pakahulugang binibigay ng mga Pentecostal sa kilusan nila. Ganito ang paliwanag ng Dictionary of Pentecostal and Charismatic Movements, “Naniniwala ang mga Pentecostal sa isang kilos ng biyaya sa buhay ng Kristiyano na kasunod pa ng muling kapanganakan na nahahayag sa glossolalia (pagsasalita sa ibang wika o tongues) (pahina 1). At ang kilusang charismatic ay ipinapaliwanag sa ganitong paraan: “Ito ang mga pagpapalang Pentecostal, bautismo sa Banal na Espiritu, kasama ang mga espirituwal na kaloob ng 1 Mga Taga Corinto 12:8-10, sa labas ng kinikilalang denominasong Pentecostal” (pahina 130).

Ayon sa paliwang ng manunulat at mangangaral na Pentecostal na si Don Basham, ang BBE, na siyang puso ng pangangaral ng mga Pentecostal: “Ang bautismo sa Banal na Espiritu ay isang ikalawang pakikitagpo sa Diyos (una ay ang muling kapanganakan), na kung saan tinatanggap ng Kristiyano ang kangayarihang sobrenatural mula sa Banal na Espiritu” (A Handbook on Holy Spirit Baptism, Monroeville, PA: Whitaker Books, 1969, pahina 10).

Bilang karagdagang paliwanag nitong pundamental na katuran ng Pentecostalismo tungkol sa BBE, itinuturo nila na sa gawa ng Diyos na ito tinatanggap ang Banal na Espiritu mismo, at ang taong iyon ay puspos ng Espiritu. Pinananahanan mismo ng Espiritu ang taong binautismuhan. Hindi sinasabing binautismuhan ng Espiritu, kundi sa Espiritu.

Pangalawa, naiiba ang BBE sa unang gawa ng Diyos upang iligtas ang isang makasalanan, sa makatuwid, ang panunumbalik, o muling kapanganakan. Pinagsasaligan ng Pentecostalismo ang katuruan na mayroong dalawang magkaibang gawa ng biyaya sa buhay at karanasan ng isang tao. Sa una, gumagawa ang Banal na Espiritu upang ibigay si Jesus at ang kaligatasan Niya, lalo na ang kapatawaran ng mga kasalanan. Ang ikalawang gawa ng biyaya, na siyang binibigyang-diin ng Pentecostalismo, ay gawa ni Jesu-Cristo na kung saa’y ipinagkakaloob Niya ang Banal na Espiritu.

Dahil ang unang gawa – ang kaligtasan ay inilalarawan ng bautismo sa tubig, nagtuturo ang Pentecostalismo na may dalawang bautismo. Lumilitaw tuloy ang tanong kung bakit sinabi ni Pablo sa Efeso 4:5 na ang Iglesiya ay may iisang bautismo? Kaya naman mahalaga ang isyu na ito para sa Pentecostalismo ay dahil ayon sa Efesa 4:5 ang pagkakaroon ng iisang bautismo ang siyang saligan ng pagkakaisa ng Iglesiya. Sa Pentecostalismo naman, mayroon mga tao sa Iglesiya na miminsan lamang nabautismuhan, samantalang mayroon iba na nakaranas ng ikalawang bautismo na nagbibigay kuno ng bukod-tanging karanasan at karagdagang kapangyarihan. Higit pa roon, ang ikalawang bautismo na ito ang siyang ginagawang batayan ng pagkakaisa ng Iglesiya. Samantala, ayon kay Pablo, yung unang bautismo ang siya batayan ng pagkakaisa.

Ayon sa Pentecostalismo, itong ikalawang gawa ng biyaya – ang BBE – ay para sa lahat ng Kristiyano. Ninanais daw ng Diyos na makamit ito ng lahat. Laan ito sa lahat, subalit kailangan natin hanapin ito ay kumpletuhin ang ilang kundisyon upang ito at matamo. Ang tanging kumpletong ebangheliyo (full gospel) ay ang katuruan na mayroon una at ikalawang bautismo. Ang anumang mensahe daw na hindi naglalaman ng BBE, ayon sa katururan ng Pentecostalismo, ay hindi itinuturing na kumplentong ebangheliyo (full gospel). Sila lang daw ang may kumpletong ebangheliyo.

Ikatlo, ang BBE ay isang mahiwaga at kamangha-manghang pangyayari sa buhay ninuman. Kalimitan may kasamang pisikal na epekto o kahayagan, gaya ng pangingilabot sa buong katawan o kawalan ng malay-tao (slain in the Spirit), o kaya ang di-mapigil na pagtawa (na naganap sa Toronto Blessing) o pag-ungol na katulod ng isang hayop.

Ika-apat, may tatlong sangkap ang layunin nga modernong Pentecostalismo: pakiramdam ng higit na malapit na kaugnayan sa Diyos, higit na pagnanasa at kakayanang magpuri sa Diyos, at kapangyarihan sa paglilingkod. Ang binibigyan ng diin ay ang pakiramdam ng higit na malapit na relasyon sa Diyos. Hindi isang walang pinag-aralan panatiko, kundi si Martyn Lloyd-Jones mismo ang nagsabi, “Ang bautismo sa Banal na Espiritu ang siyang pinakamaluwalhati at kamangha-manghang karanasan na maaaring mangyari sa isang tao sa buhay na ito. Langit lamang ang hihigit sa karanasan ng bautismo sa Banal na Espiritu” (Joy Unspeakable, p. 141). Ang BBE ay hindi nagdadagdag ng kabanalan, hindi nagopapalakas ng pananampalataya, hindi nagpapalago sa doktrina, ni nagpapalalim ng kaalaman ng pagkaralita, katubusan at pasasalamat.

Ikalima, ang hinihinging ebidensya o katibayan – ang tinatawag na tongues: ang pagbigkas ng sarisaring ungol o huni na sinasabing di-kilalang wikang panlangit. Batay sa turo ng Pentecostalismo na ang BBE ay para sa lahat, kasama ng ebidensiya nito na pagsasalita sa ibang wika, dapat daw makapagsalita ang bawat Kristiyano sa ibang wika o tongues. Ngunit, paano naman ang tanog ng apostol sa 1 Mga Taga-Corinto 12:30: “Nangagsasalita baga ang lahat ng mga wika?” Malinaw na nagpapahiwatig nito na kahit sa panahon ng mga apostol, hindi nagsalita ang lahat, ni kalooban ng Diyos na magsalita ang lahat sa mga wika.

Ang BBE ay isang pangunahing turo at kagawian ng Pentecostalismo. Isa pang katuruan ng Pentecostalismo ay ang paniniwala na ang mga kaloob ng Espiritu na umiiral noong panahon ng mga apostol ay umiiral pa rin sa Iglesiya hanggang ngayon. Tinatanggihan ng Pentecostalismo ang klasikong position ng Protestanteng Kristiyanismo na ang mga bukod-tanging kaloob ng Espiritu ay para lamang sa panahon ng mga Apostol at huminto pagkamatay ng mga ito. It ang posisyon nina Augustine, Luther, Calvin at ng mga Iglesiyang Lutheran at Reformed. Ipinaliwanag ito nang husto ni B.B. Warfield sa kanyang aklat na Miracles: Yesterday and Today, True and False.

Hayag naman na mayroon ng mga kaloob gaya ng mga wika, salin ng mga wika, pagpapagaling at pagpapalayas ng mga demoniyo, atbp., sa mga iglesya ng mga Apostol. Nililinaw ng 1 Mga Taga-Corinto 12-14 na umiiral ang mga kaloob na ito sa iglesiya sa bayan ng Corinto. Sinasabi ng Pentecostalismo na yamang mayroon ng ganoong kaloob noon, mayroon din hanggang ngayon. Ito ay resulta ng saligang paniniwala ng Pentecostalismo na maaari at dapat ngang maulit ang nangyari sa Araw ng Pentecostes sa Mga Gawa 2. Kung paano raw nagkaroon ng dalawang karanasan ang mga apostol, ang pagbabalik-loob sa Diyos, at ang BBE sa Araw ng Pentecostes, dapat maranasan ito ng bawat mananampalataya ngayon. Dapat daw magkaroon ng pansariling “Pentecostes” ang bawat mananampalataya. Kung ano ang nangyari sa aklat ng Mga Gawa ay maaari at dapat mangyari ngayon.

Ang basehang Biblikal para sa dalawang pangunahing katuruang ito ng Pentecostalismo ay ang aklat ng Mga Gawa at kabanatang 12-14 ng Mga Taga-Corinto. Maaaring may iba pang teksto na sinasaligan, subalit ito ang pangunahin.

Isa pang teksto ay sa Joel 2:23. Ginamit ni Pedro ang Joel 2:28-32 upang ipaliwanag ang pagbuhos ng Espiritu sa Araw ng Pentecostes. “At mangyayari sa mga huling araw, sabi ng Dios, Na ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng laman.” Sa talata 23 (Joel 2), sabi ng Propeta, “kaniyang ibinibigay sa inyo ang maagang ulan sa tapat na sukat, at kaniyang pinalalagpak ang ulan dahil sa inyo, ang maagang ulan at ang huling ulan, sa unang buwan.” Napipilitan ang Pentecostalismo na ipaliwanag kung bakit hindi itinuro ng Iglesya ang BBE mula sa panahon ng mga Apostol hanggang mga 1900. Joel 2:23 ang siyang paliwanag nila. Itong BBE raw ang sinisimbolo ng “huling ulan.” Ang Araw dawng Pentecostes ang siyang “maagang ulan,” at ang kasalukuyang Pentecostalismo ang siya “huling ulan,” na ibubuhos bago magwakas ang mundo.

Lilitaw ngayon ang tanong, “Ano ang kasaysayan ng kilusang Pentecostal o charismatic?

 

Ang Kasaysayan ng Pentecostalismo

Ang kasaysayan ng kilusang Pentecostal ay pangyayaring nasaksihan ng marami sa atin. Noong ako ay nag-aaral sa kolehiyo noong dekada 1950, dumalaw kami ng isa kong kaibigan sa isang simbahang Pentecostal malapit sa Franklin at Grand Rapids, Michigan. Ang simbahan na iyon ay guho-guho na halos at mahihirap ang mga miyembro. Subalit ngayon, ang ganoon ding uri ng pagsamba – sigawan, pagtataas ng mga kamay, pagakawala ng malay, pagsayaw, pagsasalita sa mga wika – mga bagay na pinagtakhan naming noon, ay nangyayari sa isang mayaman, may-pinag-aralan, at pinong simbahan ng Assembly of God sa 44th Street sa Grand Rapids, Michigan sa kanilang guslaing nagkakahalaga ng milyun-milyung dolyares.

Nagpastor ako sa isang simbahang Protestant Reformed sa dekada 1960 at kalahati ng dekada 1970. Napaligiran kami ng mga simbahang protestante na kung saang talamak ang kilusang charismatic. Napilitan akong pag-aralan at husgahan ang kilusang ito kung ito ay kaibigan, kaaway o walang kinikilingan pagdating sa pananampalayang Reformed.

Sa ikalawang kalahati ng dekada 1970, sa South Holland, Illinois, nasaksihan ko ang pagtatangkang pagtagpuin ang kilusang charismatic at ang pananampalatayng Reformed. Napilitan ang Protestant Reformed Church sa South Holland na pumili ng panig sa usapang ito – kung maaaring magsanib ang Pentecostalismo at ang pananampalatayng Reformed. (Nabigo ang pagtatangka. Ang pastor na nagpumilit na pagsamahin ang Pentecostalismo at ang pananampalatanyang Refomed, ay nauwi sa pagbibili ng kanyang mga inaalikabok na “libro ng doktrinang Reformed” upang tangkain ang pagbuhay sa mga patay.)

Lubhang nakakapagtaka ang ksaysayan ng Pentecostalismo. Pumapanig ka man o hindi, magtataka ka talaga na sa loob lamang ng 100 taon, ang isang kilusan na nagpasimula sa isang dakot na mga taong walang sinabi, ay lumaganap sa buong mundo. Ngayon tinatangkilik ito ng mga cardinal na Romano Katoliko at mga ebangheliko kagaya nina J.I. Packer at Martyn Lloyd-Jones.

Hindi lang ito interesante ant nagdudulot ng kaalaman, ito ay tumutulong sa atin upang uriin ang isang kilusan kung ito ay nagbubuhat sa Diyos. Ito ang kinakaligtaan ng marami kapag pinag-aaralan ang kilusang ito. Hindi mapag-aalinlanganan ang kasaysayan ng Pentecostalismo, kung ito ay dapat tanggapin bilang kilusang galing kay Jesu-Cristo, na siyang inaangkin nila, o kung ay Pentecostalismo ay buhat sa diyablo. Dapat tandaan, na ito ang ating layon sa munting aklat na ito, ang pagsunod sa utos ng apostol na nagsasabing, “Inyong subukin ang mga espiritu, kung sila'y sa Dios.”

Sa aking pagsasalaysay, dapat tandaan ng mambabasa ang sinabi natin sa umpisa, na sa kasaysayan mismo ng Pentecostalismo manggagaling ang hatol natin tungkol sa Pentecostalismo.

Ang aking salaysay ay hindi kontrabersiyal. Ito ay nagmumula sa mga ulat mismo ng mga iskolar na Pentecostal na sina Donald W. Dayton, Vinson Synan, atbp., at mula sa Dictionary of the Pentecostal and Charismatic Movements.

Ang kilusang Pentecostal ay ipinaglihi sa Bethel Bible College, sa Topeka, Kansas sa Araw ng Bagong Taon, noong taon 1900 at iniluwal sa Azusa Street sa Los Angeles, California noong 1906.

Sa huling araw ng 1899, o madaling araw ng unang araw ng 1900, ang mapaglakbay na mangangral na si Charles Fox Parham ay nagpatong ng kanyang kamay kay Agnes Ozman upang tanggapin niya ang BBE bilang ikalawang gawa ng biyaya. Natanggap ni Agnes ang bautismo at nagsalita sa mga wika bilang katibayan. Ito ang tinatagurian ng mga Penyecostal na “ikalawang Pentecostes.”

Dumating ang kapanganakan makalipas ng anim na taon sa mga pagpupulong na ginanap sa isang giba-gibang gusali sa Asuza Street sa Los Angeles. Ang mangangaral na nagpaanak sa Pentecostalismo ay si Rev. W.J. Seymour. Pinatungan niya ng kamay ang ilang tao na nagpulong at tumanggap sila ng BBE at nagsalita sa mga wika. Kakaibang tao itong si Seymour. Ang mga revival niya ay ipinagpatuloy gabi-gabi sa loob ng ilang taon. Uupo si Seymour sa likod ng pulpit na nakapatong sa ulo niya na karton ng sapatos habang nagkakagulo ang pagpupulong. Maiingay ang mga pagpupulong na iyon: may nagsasalita sa mga wika, may gumugulong sa sahig, may tumutumba, humihilata, umiiyak, tumatawa, nangingisay at lumulutang. Ito ang salaysay na ibinigay ni Vinson Synan, isang Pentecostal at ang pangunahin mananalaysay ng kilusang ito, tungkol sa mga pagpupulong sa Asuza Street at sa inaasal ni Seymour:

Kung may dumalaw na bisita sa mga pagpupulong na naganap sa loob ng tatlong taon sa Azusa Street ang sasalubong sa kanya ay mga eksenang di-kayang ilawaran. Mga lalake at babae na sumisigaw, umiiyak, sumasayaw, nawawalan ng malay-tao, nagsasalita at umaawit sa mga wika at nagsasalin ng mga mensaheng ito sa Ingles. Kagaya ng mga Quaker, ang sinumang nakadama ng “udyok ng Espiritu” ay maaaring umawit o mangaral. Walang choir, walang libro ng himno, walang takdang ayos ang pagpupulong, ngunit mayroong naguumapaw na kasiglahan ang mga gawain. Sa kalagitnaan nito matatagpuan si Seymour na bihirang mangaral at kadalasan ay nakaupo sa likod ng pulpit na may takip na karton ng sapatos ang ulo niya. Minsan makikita mo siya na naglalakad kung saan-saan sa gitna ng pagpupulong at may nakalawit na pera ang bulsa niya. Mayroon naglagay na hindi niya naramdaman. Minsan, “mangangaral” siya sa pamamagitan ng mga pagbabanta sa sinumang hindi sumangayon sa pananaw niya. Nag-aanyaya sila palagi na maglapitan ang mga tao sa tablang altar upang “mahayag ang mga wika.” Sa iba, bubulalas siya, “Maging mariin ka. Hingin mo ang kaligtasan, ang pagpapagiging-banal, ang bautismo sa Banal na Espiritu, o ang pagpapagaling.” (The Holiness-Pentecostal Movement in the United States, Grand Rapids: Eerdmans, 1971, pp.108, 109).

Ganito ang kaugnayan ng paglilihi ng Pentecostalismo sa Kansas noong 1900 at ang kapanganakan nito sa Los Angeles noong 1906: Natutunan ni Seymour ang BBE kay Parham sa isang pagpupulong sa Texas. Hindi nagtagal, nagpupuntahan sa Asuza Street ang mga tao mula sa iba’t-ibang dako ng Los Angeles, iba’t-ibang dako ng California, iba’t-ibang dako ng America, at iba’t-ibang dako ng mundo upang makamit ang BBE at iuwi ito. Naging bunga nito ang pagtatatag ng Assemblies of God noong 1914, at ang mabilisang paglalaganap ng Pentecostalismo.

Mula 1900 hanggang 1960 ang mga turo at gawing Pentecostal ay nakapinid sa mga simbahang Pentecostal. Minamata ng mga simbahang matatagal na ang mga simbahang Pentecostal. Ito ay nagbago sa mga huling bahagi ng dekada 1950 at unang bahagi ng dekada 1960.

Sa dekada 1960 lumaganap ang doktrinang Pentecostal sa lahat ng mga denominasiyong matatagal na, kagaya ng Baptist, Lutheran, Presbyterian, maski sa simbahang Romano Katoliko. Itong pagbabagong charismatic, o kilusang charismatic ay naiiba sa Pentecostalismo. Ang kilusang charismatic ay walang iba kundi ang Pentecostalismo sa loob ng mga simbahang hindi Pentecostal ang katuruan. Ang pangalang “charismatic,” na mas gusto ng mga simbahang protestante at Romano Katoliko, ay nagpapahiwatig na higit na binibigyan ng diin ang mga kaloob o “charismata” sa mga simbahang ito kaysa mga lumang elemento ng Pentecostalismo. Ito ang binansagang “neo-Pentecostalismo.”

Ang may kagagawan ng pagpapalaganap ng Pentecostalismo sa iba’t-ibang simbahan ay isang lalake at isang samahan. Ang lalake ay si Dennis Bennett, ministrong Episcopal, na tagaVan Nuys, California. Ikinuwento niya ang kanyang BBE sa librong Nine O'clock in the Morning. Ang samahan ay ang maimpluwensiyang Full Gospel Business Men's Fellowship International (FGBMFI). Isa sa mga pamamaraan ng FGBMFI upang makadagdag ng kapanig ay ang kanilang mga ‘breakfast meeting.’ Inaanyayahan ang mga negosiyante at mga propesiyunal mula sa iba’t-ibang iglesiya na kumain ng agahan at makinig ng mensaheng tungkol sa kilusang charismatic.

Naging kagalang-galang ang Pentecostalismo. Tumawid na sa lahat ng uri ng hangganan ng doktrina at simbahan. Dahil tinanggap nila ang Pentecostalismo, tinanggap nila ang diwa nito bilang tunay na Espiritu ni Jesu-Cristo.

Isa pang kinalabasan ng kilasang Pentecostal/charismatic ay ang paghahanap ng mga “tanda at kababalaghan.” Ito ang kilusan ni John Wimber at ng kanyang bagong denominasyon, ang Vineyard Fellowship. Sa yugtong ito ng kilusang charismatic, inaangkin ang kapangyarihan upang gumawa ng mga himala, na siyang nagpapalago raw sa Iglesiya. Kauri nito ay ang kalait-lait na “Toronto Blessing.” Naging katangian nito ang tinatawag na “banal na pagtawa” na tumatagal ng ilang oras. Ang iglesiya at kilusan ni Wimber ay hindi isang paglihis, kundi isa itong tunay na bahagi at pag-unlad ng kilusang Pentecostal. “Pangatlong alon: ng Pentecostalismo ang siyang tawag ng mga Pentecostal sa pangyayaring ito.

Kung kamanghamangha man ang kasaysayan ng kilusang ito, mula sa kapanganakan nito noong 1900/1906, tiyak naman ang ating hatol kung ito ang buhat sa Diyos o hindi. Ang Pentecostalismo ay tuwirang naggaling sa teolohiya ng isang mangangaral sa ika-18 na siglo, ang taga-Inglatera na si John Wesley. Isa sa mga turo ni Wesley ay ang “ikalawang pagpapala” sa buhay at karanasan ng isang Kristiyano. Ayon kay Wesley, may pangalawang gawa ng biyaya sa Kristiyano pagkatapos ng panunumbalik na nagdadala sa mas mataas na antas ng pagka-Kristisiyano: antas ng walang pagkakasalang kaganapan. Ito raw ay isang tiyak na karanasan sa buhay ng tao, at ito ay higit na mahalaga sa una, dahil iyon ay nagbibigay lang ng kapatawaran ng kasalanan. Ayon sa turo ni Wesley, ang ikalawang pagpapala, na binansagan niyang “lubos na pagpapaging-banal” ay dapat daw hanapin ng bawat Kristiyano. Kung ipagkakaloob ito ng Espiritu, mayroon naman mga kundisyon na kailangan munang tuparin ng Kristiyano.

Naging resulta ng turo ni Wesley and tinatawag na “Holiness Movement” sa siglong 1800 na nangyari sa Kanlurang Amerika at sa Inglatera. Nagdadaos ng mga “revival” na kung saan ipagkakaloob ng Espiritu itong “ikalawang pagpapala” ng ganap na kabanalan at isang mas mataas na antas ng buhay-Kristiyano. Isa sa mga pangunahing mangangarap nitong higit na dakilang kilos ng Espiritu ay si Charles Finney. Sa mga pagpupulong nila ang ikalawang pagpapala ay sinamahan ng mga kakaibang kaganapan na lumitaw din sa BBE ng Pentecostalismo.

Ang tanging ginawa ng Pentecostalismo ay ibahin ang tawag sa ikalawang pagpapala ni Wesley. Ito ay ginawang BBE, tapos sinabi pa nila na ang iisang ebidensiya nito ay ang pagsasalita sa mga wika. Ngunit may isang malaking kaibahan. Nang angkinin ng Pentecostalismo ang ikalawang pagpapala ni Wesley at pinalitan ito ng BBE, ikinaila ng Pentecostalismo na kalakip ng BBE ang kabanalan, lalo na ang ganap na kabanalan. Ayon sa turo ng Pentecostalismo, ang BBE ay walang kinalaman sa kabanalan. Ang BBE raw ay isang mahiwagang karanasan na nagdudulot ng kapangyarihan at mga kaloob para sa paglilingkod. Tiyak na manlulumo si Wesley kung makikita niya ang pag-hijack ng kanyang ikalawang pagpapala.

Ang kasaysayang ito, na siyang ulat mismo ng Pentecostalismo ng kailang sariling kasaysayan, ang nagpapatunay na ang Pentecostalismo ay hindi buhat sa Diyos, hindi mula sa Espiritu ni Jesu-Cristo.

Paano?

 

Ang Diwa Nito

Ang kilusang Pentecostal/charismatic ay napapatunayang huwad sapagkat ito ang bunga ng teolohiya ni Wesley, ay ang teolohiya ni Wesley ay ang huwad na ebangheliyo mula sa kalooban at mga gawa ng makasalanan (Arminianismo). Ayon sa turo ni Wesley, pare-parehong minamahal ng Diyos ang lahat ng tao, at namatay si Cristo para sa lahat ng tao, at hinahangad ng Espiritu ang kaligtasan ng lahat ng tao. Subalit nakasalalay ang kaligtasan sa pasiya ng makasalanan mismo. Kinamuhian ni Wesley ang katotohanan na ang kaligtasan ay galling sa malaya, palapili at makapangyarihang kaawaan. Nagbigkas si Welsey ng malulubhang pamumusong laban sa ebangheliyo ng biyaya. Ang kanyang ikawlang pagpapala, na nagging BBE ng Pentecostalismo, ay sumasangayon sa kanyang huwad na ebangheliyo ng malayang kalooban. Nakasalalay sa pasiya at gawa ng tao kung matatanggap niya o hindi ang ikalawang pagpapala.

Ang teolohiya ni Charles Finney, na pangunahing mangangaral ng “holiness movement,” at koneksyon sa pagitan ni Wesley at ng Pentecostalismo, ay pareho sa teolohiya ni Wesley. Si Finney at dating Presyterian. Subalit kinamuhian niya ang Calvinismo. Naglibot si Finney kung saan-saan na agresibong ipinangangaral ang ikalawang pagpapala ng ganap na kabanalan sa pamamagitan ng malaya at makapangyarihang kalooban ng tao.

Ang Pentecostalismo ay likas na bunga ng turong ito. Ito ang siyang bunga sa puno ni Wesley, puno ng kaligtasan sa pamamagitan ng kalooban ng tao. Sa lahat ng paraan, ang Pentecostalismo ay isang mensahe at kilusan ng malayang kalooban ng tao. Ang unang bautismo sa turo ng Pentecostalismo – ang kaligtasan mula sa kasalanan ay resulta ng pagtanggap kay Jesus na mula sa kalooban ng tao. Ang ikalawang bautismo, ang BBE, ay nakasalalay na rin sa kalooban ng tao kapag naganap niya ang mga kundisyon ng Espiritu.

Inaamin ng mga Pentecostal na ang kanilang turo ay lubos na Arminian. Sulat ni Don Basham: “Maginoo ang Espiritu Santo. Gumagawa siya sa buhay natin kapag pinapayagan natin Siya. Inaamo Niya tayo, inuudyukan at ginagabayan, ngunit hindi siya namimilit. Kung ang tao ay magiging Kristiyano, kailangan gustuhin at loobin niyang tanggapin si Cristo, at kung gusto niya, kaya niya. Upang mapuspos ng Banal na Espiritu dapat gusto niya at loobin niya, at kung ganoon, kaya niya. Ang bautismo sa Banal ng Espiritu ay nakalaan sa bawat Kristiyano.” (Handbook on Holy Spirit Baptism, p. 35).

Ito ang buod ng Pentecostalismo, ayon sa isa sa mga ginagalang na tagapagturo na Pentecostal, na si Vinson Synan:

Bagamat nag-umpisa sa Estados Unidos ang kilusang Pentecostalismo, ang ugat nito ay sa Inglatera. Ang mga saligang turo nito ay itinayo ni John Wesley sa ika-18 na sigla. Ang kilusang Pentecostal ay nagmula sa Methodismo at mula kay Wesley kumalat ito sa Anglicanismo at Katolosismo. Ang teolohiya ng Pentecostalismo ay malayo sa tradisyon ng Calvinismo o Reformed. Ang saligan teolohiya ng Pentecostalismo ay mbsasabing Arminian, ‘perfectionistic, premillennial, at charismatic” (The Holiness-Pentecostal Movement in the United States, p. 217).

Ito ang dahilan kung bakit natatanggap ng Simbahang Romano Katoliko ang Pentecostalismo. Ang mensahe ng kaligtasan sa Pentecostalismo ay Arminian – at ang Arminianismo ay Semi-Pelagian – na siyang ebangheliyong ipinangangaral ng Roma.

Ngunit ang ebangheliyo ng malayang kalooban ay isang huwad na ebangheliyo. Dinideklara ng Kasulatan sa Mga Taga-Roma 9:16 na ang kaligtasan ay, “hindi sa may ibig, ni hindi sa tumatakbo, kundi sa Dios na naaawa.” Ang iisang tunay na ebangheliyo ang siyang mabuting balita ng kaligtasan sa pamamagitan lamang ng biyaya ng Diyos. Malinaw na itinuturo ang ebangheliyo ng biyaya sa Mga Taga-Efeso 2:8: Sapagka't sa biyaya kayo'y nangaligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ito'y hindi sa inyong sarili, ito'y kaloob ng Dios.” Ang pinagmumulan ng mapagbiyayang kaligtasang ito ay ang walang hanggang pagpili ng Diyos, gaya ng turo ng apostol sa Mga Taga-Efeso 1:3-4 – “Purihin nawa ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesucristo, na siyang nagpala sa atin ng bawa't pagpapalang ukol sa espiritu sa sangkalangitan kay Cristo: Ayon sa pagkapili niya sa atin sa kaniya bago itinatag ang sanglibutan, upang tayo'y maging mga banal at mga walang dungis sa harapan niya.”

Dahil sa iisang bagay na ito – na ang Pentecostalismo ang kinalalabasan ng Arminianismo at ito ay sinasadya at lubusan Arminian – ang iisang bagay na ito ay sapat upang patunayan na ang buong kilusang Pentecostalismo/charismatic ay hindi mula sa Diyos. Sapagkat hindi ibibigay ni Jesu-Cristo ang Kanyang Espiritu na bunga ng kasinungalingan ng isang bulaang ebangheliyo. Ang Espiritu mismo ay hindi gagawa ng isang dakilang gawa ng kaligtasan (na siyang inaangkin ng Pentecostalismo) sa pamamagitan ng isang bulaang ebangheliyo. Hindi kikilanlin ng Espiritu ang isang kilusan na napopoot sa biyaya at kaluwalhatian ng Diyos at nagpapalaganap ng isang ebangheliyo nagdadakila sa tao. Hindi ipagkakaloob ng Espiritu ang Kanyang presensiya at kapangyarihan sa kilusang ganito.

Maaari bang gumawa ang Espiritu na nagkasi sa Roma 9:16 sa isang gawaing nagmumula at nagpapahayag ng ebangyeliyo ng kaligtasan na bunga ng kalooban ng tao? Maaari bang magbunga ng tunay na kilos ng Espiritu ni Cristo at likong puno ng bulaang ebangheliyo?

Para husgahan ang kilusang Pentecostal/charismatic, hindi na kailangang ipaliwanag kung bakit ang mga mananampalataya noong Araw ng Pentecostes ay nagkaroon ng dalalwang karanasan – panunumbalik sa Diyos at ang BBE. Hindi rin kailangan idebate kung ang mga natatanging kaloob ng Esipritu ay huminto noong panahon pa ng mga apostol o kung mayroon hanggang ngayon. Hindi rin kailangan pag-aralan ng masusi ang Unang Mga Taga-Corinto 12-14. Hindi sa sinasabing hindi dapat gawin o hindi mahalagang gawin ang mga bagay na ito. Ginawa ko nga mismo ang mga bagay na ito sa aking libro na "Try the Spirits: A Reformed Look at Pentecostalism" (South Holland, IL: The Evangelism Committee, repr. 1988).

Iisa lang ang dapat gawin at ito ay kayang gawin ng bawat mananampalataya: alamin ang ebangheliyo ng Biblia at ikumpara ito sa ebangheliyo ng Pentecostalismo. Kung ang mensahe ng Biblia ay nagsasabi na ililigtas ng tao ang kanyang sarili sa pamamagitan ng kanyang malayang kalooban, posibleng tunay na kilos ng Espiritu ang Pentecostalismo. Ngunit kung ang ebangheliyo ng Biblia ay mensahe ng makapangyarihang biyaya (Calvinismo), huwad na kilusan ang Pentecostalismo. Yamang ang ebangheliyo ay mabuting balita ng biyaya, nahahayag ang Pentecostalismo na bahagi ng pagtaliwakas sa mga huling araw na kung saan magkakaisa ang lahat ng bulaang iglesya sa ilalim ng Anticristo (2 Mga Taga-Tes. 2, Apoc. 13)

Ang pananampalataya ay hindi hinihingi sa atin ng Espiritu ni Cristo na siyang nagkakaloob ng Kanyang sarili sa ebangheliyo ng biyaya ng Diyos. Bagkus, ipinagkakaloob Niya ang pananampalataya bilang malayang kaloob batay sa kamatayan ni Cristo na nagkamit ng pananampalataya para sa atin. Ang pananampalatayang iyon, ay “hindi sa inyong sarili, ito'y kaloob ng Dios,” ayon sa apostol sa Mga Taga-Efeso 2:8. Sa pamamagitan ng pananampalatayang ito ipinagkakaloob ni Cristo ang Espiritung nananahan sa atin. Ang bautismo ng Banal na Espiritu ay walang iba kundi itong gawa ni Cristo ng pagliligtas sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu. At ito ay inilalarawan sa lahat ng mananampalataya sa bautismo ng tubig.

Nagagawa ng pananampalataya kay Cristo ang lahat ng hinahanap ng mga Pentecostal sa kanilang BBE.

Ebidensya ba ng bautismo ng Espiritu ang pagsasalita ba sa mga wika? Pananampalataya at ang pagpapahayag na si Jesus ay Panginoon ang dapat maging ebidensya ba ng bautismo ng Espiritu (1 Mga Taga-Corinto 12:3).

Dapat bang ituring na kamanghamanghang karanasan ng kaungnayan sa Diyos ang ng BBE ng Pentecostalismo? Ang tunay na karanasan ng kaungnayan sa Diyos ay ang pananampalataya (Mga Taga-Efeso 3:16-19).

Dapat bang hinahangad ang BBE ng Pentecostalismo bilang kapangyarihan para sa paglilingkod? Ang tunay na kapangyarihan na nagpapalaya sa dila upang magpahayag at magbahagi ay ang pananampalataya (Mga Taga-Roma 10:9, 10).

Kakayanan ba ang BBE ng Pentecostalismo upang gumawa ng mga makapangyarihang bagay gaya ng pagtawa ng mahabang oras, pagkahol na warin aso, o pagtumba sa sahig? Dahil ang pananampalataya ay kumakapit sa Cristong nabuhay muli sa mga patay, ito ang tunay na kapangyarihan upang gumawa nga mga kagila-gilalas na bagay na gaya ng pagsisisi sa kasalanan, pagkakaroon ng kapayapaan sa Diyos na bunga ng kapatawaran, pagkamuhi sa kasalanan sa sariling buhay at sa mundo, pagsunod sa Panginoon, maamong pagpasan ng mga sariling bigatin, pagtitiis sa mga pagsubok at pagtatagumpay sa sanlibutan (Hebreo 11; 1 Juan 5:4).

Magsisi dapat ang Pentecostal sa kanyang pagsalig sa isang bulaang ebangheliyo, at, sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, sampalatayanan niya ang tunay na ebangheliyo. Sa ganitong paraan, matatamo niya ang kapayapaan sa Diyos at ang tunay na kapangyarihan upang isapamumuhay ang kanyang panawagan bilang Kristiyano.

Uriin ng sinumang naaakit ng kilusang charismatic ang mensahe ng Pentecostalismo at ang ebangheliyo nito sa pamamagitan ng turo ng Banal na Kasulatan, hindi sa pamamagitan ng mga kaloob o karanasan ninuman.

At tayong sumasampalataya sa ebangheliyo, mga sumasampalataya kay Cristo, matiyak tayo sa pamamagitan lamang ng pananampalataya kay Jesu-Cristo tayo ay ganap na, dahil “sa kaniya'y nananahan ang buong kapuspusan ng pagka Dios sa kahayagan ayon sa laman” (Mga Taga-Colosas 2:9, 10).

Para sa karagdagang babasahin sa wikang Tagalog, i-click dito
http://www.bereanprcp.org/html/tagalogsection.htm
http://prcaphilippinesaudio.wordpress.com/tagalog/