Herman Hanko
Ang Iglesia ng Panginoong Jesu-Cristo, habang nasa sanlibutan, ay palaging inuusig. Kapalaran niya sa buhay na ito ang magtiis alang-alang sa katuwiran. Huwag natin itong ikabigla, sapagkat sinabi ito sa di mabilang na bahagi ng Kasulatan. Ang winika ni Pablo sa mga iglesiang itinatag niya sa kanyang unang misyunaryong paglalakbay ay totoo sa lahat ng kapanahunan: "Sa pamamagitan ng maraming mga kapighatian ay kailangang pumasok tayo sa kaharian ng Diyos" (Gawa 14:22).
Ang walang humpay na pag-uusig na ito ay nagbunga ng talaan ng mga bayani ng pananampalataya, ng mga banal, mga lalaki, babae, at minsan ay mga bata—na ibinigay ang kanilang buhay sa kamatayan at tinatakan ang kanilang pananampalataya ng kanilang mga dugo.
Kabilang sa mga ito ang matandang si Polycarp, elder at ministro ng iglesia ng Smyrna. Hindi siya ang naunang martir. Hindi siya nagdusa ng higit sa marami pang iba. Hindi naiiba ang kamatayan niya sa kamatayan ng ibang mga binanal. Subalit nagbigay siya sa atin ng halimbawa ng katapatan ng isang martir, isang patotoo sa kapangyarihan ng kagandahang-loob ni Cristo sa matinding pagdurusa, at nagpapalakas sa mga binanal ng Diyos na kasalukuyang nagtitiis alang-alang sa Ebanghelyo ni Jesu-Cristo.
Isinilang si Polycarp noong AD 69, malapit sa petsa ng kamatayan ni Pablo sa Roma bilang martir. Si Polycarp ay hindi ipinanganak sa Cristianong pamilya. Ang lugar ng kapanganakan niya ay walang nakakaalam, sapagkat lumutang siya sa kasaysayan ng iglesia sa kakaiba at pambihirang paraan, isang patotoo ng mahiwagang kapamaraanan ng probidensya ng Diyos.
Nagsimula ang lahat sa Smyrna. Sa mapa, makikita mo ang Smyrna mga limampung milya sa timog-kanluran ng Efeso sa gawing kanluran ng baybayin ng lalawigan ng Asia sa Asia Minor (Turkey). Ang Smyrna ay lungsod kung saan maagang naitatag ang iglesia, marahil sa pamamagitan ni Apostol Pablo habang siya ay nasa Efeso nang "ang lahat ng naninirahan sa Asia ay nakarinig ng salita ng Panginoong Jesus" (Gawa 19:10). Ang Panginoon mismo ay sumulat mula sa langit sa iglesia ng Smyrna. Wala siyang pagsaway sa iglesia; mayroon lamang siyang mga pananalitang magpapalakas at magbibigay kaaliwan sa kanilang paghihirap sa kamay ng mga mang-uusig (Apocalipsis 2:8-11). Posibleng si Polycarp ang ministro ng iglesia ng panahong ang sulat ay dumating sa Smyrna at binasa niya iyon sa konggregasyon, na may kaunting kaalamang tumutukoy iyon sa sarili niyang kamatayan bilang martir sa kamay ng masasama.
Mga ilang taon bago ito, isang taong nagngangalang Strataeas, kapatid ni Timoteo, ang maaaring elder o ministro ng iglesia ng Smyrna. Isang mayamang babaeng nagngangalang Callisto, miyembro ng iglesia at kilala sa pagkakawanggawa, ang nanaginip na kailangan niyang dumako sa tarangkahan ng lungsod na tinatawag na Ephesian Gate at tubusin doon ang isang batang alipin ng dalawang kalalakihan. Ginawa niya ito at inuwi sa kanyang bahay si Polycarp at binigyan siya ng Cristianong tahanan, itinuro ang daan ng Panginoon, pinagkalooban ng edukasyon, at inampon siya bilang kanyang anak. Mula ng dinala ang bata sa tahanan ni Callisto, kinakitaan na ito ng ebidensya ng kilos ng Espiritu ni Cristo sa kanyang puso. Seryoso siya at tahimik, maginoo sa lahat ng nakakasalamuha niya, subsob sa pag-aaral ng Kasulatan, at nagsisikap sa pagpapatotoo sa iba sa kanyang pananampalataya. Ang pinakatampok na katangian niya ay ang pagtalikod sa sarili o self-denial, isang bagay na walang dudang ginamit ng Panginoon upang ihanda siya sa darating na kamatayan bilang martir. Napakahirap para sa taong sobra sa layaw, taglay ang labis pa sa kailangan niya, at naghahangad pa ng marami, para makaharap sa kamatayan bilang martir kung kinakailangan sa kanya.
Marahil isa sa pinakamagandang bahagi ng buhay ni Polycarp ay ang personal na nakilala niya si apostol Juan. Dalawampung taong nakilala nila ang isa’t-isa, at si Polycarp ay nagkaroon ng pribelehiyong makapag-aral sa paanan ni Juan. Ang lahat ng maingat na pagsasanay na ito ang naghanda sa kanya para sa gawain sa iglesia.
Ang gawain sa Smyrna na ibinigay sa kanya ng Panginoon ay malawak at napakahalaga. Siya, una sa lahat, ay diakono ng iglesia na nangangalaga sa mga mahihirap. Lubhang napakahalaga ng gawaing ito para sa iglesia noon, sapagkat dahil sa pag-uusig ay nagdulot ito ng napakaraming gampanin para sa mga diakono. Dapat nilang alagaan ang mga babae at mga bata na kung saan ang kanilang mga asawa at mga ama ay nabilanggo o kaya naman ay pinatay. Kailangan nilang dalawin ang mga banal sa bilangguan upang aliwin, palakasin, at himukin silang lalong magpatuloy sa katapatan, at kasabay nito ay sikapin sa abot ng kanilang makakaya na mabawasan ang kanilang pagdurusa sa pamamagitan ng pagdala ng pagkain, kasuotan, at gamot para sa mahahapdi at sariwa nilang mga sugat. Kailangan din nilang makalikom ng salapi mula sa konggregasyon ng mga taong kapos din sa buhay.
Gayun pa man, dahil sa kanyang kaalaman, si Polycarp ay tinawag upang maging elder ng iglesia—isang presbyter, ang tawag ng Kasulatan sa mga may ganitong katungkulan. Nang pumanaw ang ministro (noo’y tinatawag na bishop), naging pastor at ministro na ng konggregasyon si Polycarp. Ayon sa matandang tradisyon si apostol Juan ang mismong nagtalaga sa kanya sa ministeryo. Ang tradisyong ito, kung hindi man totoo, ay nangangahulugang kahit papaano ay nasaksihan mismo ni apostol Juan ang pagtatalaga kay Polycarp. Ang katanyagan at impluwensya ni Polycarp ay umabot sa buong Asia Minor at sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
May ilang magandang pangyayari sa panahong ito. Si Ignatius, obispo ng Antioch, ang lungsod na sinimulan ng gawain ni apostol Pablo sa Asia Minor sa kanyang unang misyunaryong paglalakbay, ay dumaan ng Smyrna patungong Roma upang mamatay bilang martir. Si Ignatius at Polycarp ay gumugol ng ilang magagandang araw sa Smyrna, na inaalala ang dati nilang pagkakaibigan noong si Ignatius ay nanirahan sa Smyrna at mga panahong sila ay nag-aral sa ilalim ng pagtuturo ni apostol Juan.
Sandaling panahon matapos iyon, si Polycarp ay naglakbay tungong Roma. Ang pagtatalo sa petsa ng pag-alaala ng kamatayan at muling pagkabuhay ng Panginoon ay nagbabantang hatiin ang iglesia. Ang mga iglesia sa Asia Minor ay ginugunita ito sa ika-14 ng Nisan (unang buwan sa kalendaryong Hebreo, katumbas ng kalahatian ng Abril—CJBA), ang araw ng paskuwa nang ang Panginoon ay kumain ng huling hapunan kasama ang mga disipulo. Nangangahulugan ito na ang mga kaganapang ito sa buhay ng Panginoon ay ipinagdiriwang nang hindi palaging natatapat ng araw ng Linggo. Ang tradisyong ito ayon kay Polycarp, ay apostolic, sapagkat itinuro ito nina apostol Pablo at Juan sa mga iglesia. Subalit ang ibang mga iglesia, na pinangungunahan ng Roma, ay nais ipagdiwang ang muling pagkabuhay ng Panginoon sa unang araw ng sanglinggo. Itinatag nila ang pagdiriwang nito sa unang Lord’s day pagkatapos ng unang araw ng tagsibol. Bagama’t simple lamang ang pinagtatalunan, nagbabanta itong hatiin sa dalawang magkatunggaling panig ang unang iglesia.
Sa pagnanais na ayusin ang bagay na ito, naglakbay si Polycarp patungong Roma upang makipagusap kay Anicetus, ang ministro ng konggregasyon doon. Nagkaroon ng mahabang pag-uusap, subalit walang makapaghikayat sa isa’t-isa. Ang naging resulta ay ang pasyang pahintulutan ang mga simbahan sa kalayaang ipagdiwang ang kaganapang ito sa buhay ng Panginoon sa napili nilang petsa, na walang galit, hinanakit, o alitan. Bilang kumpas ng maayos nilang paghihiwalay, hiniling ni Anicetus kay Polycarp na manguna sa pagdiriwang ng Banal na Hapunan sa iglesia ng Roma, na ginawa naman ni Polycarp.
Ang banta ng pag-uusig ay palaging nakaumang sa iglesia ng mga panahong iyon. May mga panahon ng panandaliang kapayapaan mula sa pinakabrutal na anyo ng pag-uusig, subalit may mga panahong ang pag-uusig ay napakabagsik. Ang iglesia ay kinasuklaman sa Emperyong Romano, lalo na ng mga Hudyo at paganong Romano. Bawat natural na kalamidad, maging baha o lindol, o tagtuyot, ay isinisisi sa mga Cristiano at sa kanilang pagtanggi na sumamba kay Caesar bilang diyos.
Nang si Polycarp ay 85 taong gulang na, ang bugso ng pag-uusig ay dumating sa Smyrna, nang dumugin ang iglesia ng mga taong uhaw sa dugo ng mga Cristiano. Labing-apat na Cristiano ang tinugis at kinaladkad sa pampublikong arena at sila’y ipinakain sa mga mababangis at ligaw na hayop. Lahat maliban sa isa ang namatay ng maluwalhati, na ang isa ay sinampal pa ang mabangis na hayop na mukhang tinatamad na dumamba sa Cristianong itinalagang maging hapunan niyon.
Ang mga tao ay hindi nasiyahan at humiling pa. Isinisigaw nila si Polycarp, na kilala nilang ministro ng iglesia, at sa kahilingan ng mga miyembro ng iglesia, ay ikinubli. Nag-utos sila ng mga kawal upang hanapin siya. Natunton nila siya, matapos malantad ang impormasyon ng kanyang pinagtataguan mula sa isang alipin, at siya ay ipinailalim sa nakakakilabot na pagpapahirap (torture).
Ang mga tao at lokal na mahistrado ay nasa arena nang si Polycarp ay dakpin. Iniharap siya sa mahistrado at agad na nilitis at hinatulan habang ang mga tao ay halos mabaliw sa sobrang kasabikan na isinisigaw ang kanyang dugo. Iyon na ang pambihira at pinaka-ilegal na paglilitis na ginanap, tulad na lamang nito (unang nagsasalita ang mahistrado):
"Sumumpa ka sa ngalan ni Caesar! Magsisi ka! Ipahayag mo: kamatayan sa mga ateyista!"
Lumingon siya sa mga tao, itinaas ang kanyang ulo at ikinampay ang kanyang kamay, sumigaw si Polycarp, "Kamatayan sa mga ateyista!"
Subalit alam ng mga mahistrado kung ano ang ibig sabihin ni Polycarp, "Talikdan mo ang iyong relihiyon! Sumumpa ka, at palalayain kita! Alimurain mo si Cristo!"
"Naglingkod ako sa Kanya ng 86 na taon at hindi Niya ako ginawan ng anumang masama. Bakit ako magsasalita ng kalapastanganan at laban sa aking Hari at aking Tagapagligtas?"
"Sumumpa ka sa pangalan ni Caesar!"
"Inuuto mo ang sarili mo kung sa akala mo’y mahihikayat mo ako! Sa lahat ng katotohanan buong katapatan kong ipahahayag sa iyo: Ako ay isang Cristiano."
"Narito ang mga leon, gagamitin ko sa aking kagustuhan."
"Gawin mo. Subalit para sa aming mga Cristiano. Nang mabago kami hindi iyon mula sa mabuti tungong kasamaan: maringal na dumaan sa pagdurusa tungo sa katarungan ng Diyos."
"Kung hindi ka magsisisi, susunugin kita sa tulos yamang nilalait mo lamang ang mga leon."
"Pinagbabantaan mo ako ng apoy na magliliyab ng isang oras pagkatapos ay mamamatay. Nalalaman mo ba ang darating na walang hanggang apoy ng katarungan? Nalalaman mo ba ang kaparusahan na lalamon sa mga masasama? Halika, huwag mong ipaantala! Gawin mo ang nais mo sa akin."
Ang hatol ay ipinahayag; dumaluhong ang mga tao mula sa kanilang upuan upang magipon ng mga kahoy at patpat, at sinabi ni Polycarp sa kawal na naatasan sa kanyang kamatayan na huwag na siyang igapos sa tulos, sapagkat wala siyang hangaring tumakas. Lumaki nang napakataas ang apoy, habang mula sa likod ng apoy ay naririnig ang panalanging ito mula sa labi ng matapat na alipin ni Cristo:
Panginoong Diyos na Makapangyarihan, Ama ng Iyong bugtong at pinagpalang Anak, si Jesu-Cristo, na sa Kanya ay tumanggap kami ng biyayang makilala Ka, Diyos ng mga anghel at kapangyarihan, at ng buong sangnilikha, at ng buong angkan ng mga matuwid na nananahan sa Iyong presensya; Pinupuri Kita dahil ginawa mo akong karapatdapat para sa araw at oras na ito upang mapabilang sa Iyong mga martir at uminom sa saro ng Panginoong Jesu-Cristo…Pinupuri Kita, Niluluwalhati Kita, sa pamamagitan ng eternal na Punong Saserdote, si Jesu-Cristo, na Iyong minamahal na Anak, na kasama Mo at ng Banal na Espiritu, ay ang kaluwalhatian ngayon at magpakailanman. Amen.
Nananatiling aral sa atin na silang mga namatay alang-alang sa pananampalataya na may panalangin at awit ng papuri sa kanilang mga labi, ay alam ang kanilang pinaniwalaan, inibig ang katotohanan, at inihanda upang mamatay alang-alang doon. Nilinaw ni Polycarp ang pag-ibig niya sa katotohanan sa sulat na ginawa niya sa iglesia ng Filipos, na kung saan ay binigyan sila ng babala laban sa bulaang katuruan. Sinabi niya,
Sinumang hindi magpahayag na si Jesu-Cristo ay naparito sa laman, ito ang anticristo, at sinuman ang hindi magpahayag ng hiwaga ng krus, ito ay sa demonyo; at siya, na umaagaw sa salita ng Panginoon ayon sa sarili niyang layaw, at nagsasabi, na walang pagkabuhay na muli at paghuhukom, ito ang panganay ni Satanas. Kaya nga tinatalikuran natin ang walang saysay na salita at bulaang katuruan ng mga taong ito, at bumaling tayo sa salita na ibinigay sa atin mula sa simula …
Sa kaalamang ang pag-uusig ay darating sa iglesia sa panahong ito, hindi ba dapat nating pagtuunan ng pansin ang mga bagay na ito?
NOTE: Ang kasaysayang ito ay isinalin mula sa orihinal na wikang Ingles mula sa aklat ni Herman Hanko na Portraits of Faithful Saints (Grandville, MI: Reformed Free Publishing Association, 1999).
Para sa karagdagang babasahin sa wikang Tagalog, i-click dito