Covenant Protestant Reformed Church
Bookmark and Share

Ano ang Kinakailangan Upang Patunayan ang Paghirang at Pagtatakwil?

(What Would It Take to Prove Election and Reprobation?)

Rev. Angus Stewart

 

Gustong malaman ng maraming tao kung tinuturo ba ng Biblia ang absolutong pagtatadhana: ang walang kundisyong pagpili ng Diyos sa ilang mga makasalanan tungo sa walang hanggang kaligtasan kay Jesu-Cristo at ang Kanyang walang kundisyong pagtatakwil sa iba pang mga makasalanan tungo sa walang hanggang pagkapahamak sa pamamagitan ng kanilang mga kasalanan.

Ano ang kinakailangan upang mapatunayan ito? Paano kung sabihin sa atin ng Diyos sa Kanyang Salita ang tungkol sa dalawang lalaking kambal na nasa sinapupunan ng kanilang ina, at sinabi na bago sila isilang—ibig sabihin ay bago pa nila magawang sumampalataya o hindi sumampalataya, o gumawa ng mabuti o gumawa ng masama—ang isa ay inibig ng Diyos at Kanyang hinirang samantalang ang isa ay Kanyang kinapootan?

Paano kung ang isang apostol, na inaasahan ang mga pagtutol dito, ay mariing itinanggi na hindi naging matuwid ang Diyos sa ginawa Niyang iyon, at bumanggit ng Kasulatan mula sa Lumang Tipan upang patunayan ang absolutong kapangyarihan ng awa at habag ng Diyos, at iginiit na ang kaligtasan ay hindi sa pamamagitan ng malayang pasiya ng tao o ng mga pagsisikap ng tao kundi tanging sa awa ng Diyos?

Paano kung ang Espiritu Santo, na lubos na nalalaman ang mga pagtutol ng makasalanang tao laban sa katuruang ito, ay nagbigay ng isang tanyag na halimbawa sa Lumang Tipan ng isang lalaking pinatigas at pinuksa ng Diyos upang ipahayag ang kapangyarihan ng Kanyang maluwalhating pangalan? Paano kung pinagtibay Niya ang absolutong kapangyarihan ng pagpapatigas ng Diyos ng puso at, habang sinasaway yaong mga naghahanap ng kamalian sa Kanyang mga pamamaraan, ay nagturo na ang Diyos ay ang dakilang mamamalayok na kayang gawin anuman ang Kanyang naisin sa mga sisidlang Kanyang ginawa, ay winasak ang ilan at inihatid ang ilan tungo sa kaluwalhatian?

Ito ang eksaktong ipinaparating sa atin ng Roma 9:10-24. Kung mayroong nais makaalam kung tinuturo ng Biblia ang walang kundisyong paghirang at ang walang kundisyong pagtatakwil, dapat nilang hanapin at basahin ang talatang ito.

*This is not an official translation of the PRC in the Philippines.

Para sa karagdagang babasahin sa wikang Tagalog, i-click dito
http://prcaphilippinesaudio.wordpress.com/tagalog/