Ron Hanko
Una sa lahat, dapat na maunawaan na ang Reformed faith ay hindi salungat sa evangelism. Katunayan ang Reformed faith at churches ay mayroon tunay at tanging batayan sa evangelism. Ang doktrinang Reformed na Ultimong Karapatan ng Diyos na Humirang, ang Limitadong Pagtutubos at Imposibleng Matanggihang Pagkilos ng Diyos ang talagang nagbibigay ng tunay na motibo sa evangelism at umasang magbubunga ang mahalagang gawain ng evangelism.
Isipin nating ganito: Paano magkakaroon ng tunay na pag-asang maligtas ang mga napapahamak na makasalanan sa pamamagitan ng evangelism kung ang kaligtasan ay nakasalig sa kanilang sariling pasiya (free-will)? Ang mga makasalanan ay nahihirapang pumili kahit sapatos na bibilhin. Paano pa silang makapagpapasiya para sa kanilang kaligtasan kung sila’y patay sa kasalanan? Paanong ang mga makasalanan na ang kaisipan ay binulag ng kasalanan (II Cor. 4:4), at kalaban ng Diyos (Roma 8:7), ay makakakilala sa katotohanan, maliban na lamang sa pamamagitan ng Imposibleng matanggihang pagkilos ng Diyos na nagbibigay buhay sa kanilang kaisipan at malayang nagkakaloob ng lahat ng ukol sa kanilang kaligtasan?
Kaya nga, dapat na unang maunawaan na ang Reformed evangelism ay kakaiba. Inihahayag nito ang tunay na batayan mula sa Biblia tungkol sa evangelism. Ang Reformed evangelism ay hindi naniniwala na mahal ng Diyos ang lahat at nais Niyang maligtas ang lahat, na isinugo Niya si Cristo upang mamatay para sa lahat ng tao, at nakasalalay na sa pasiya ng tao kung nais niyang maligtas o hindi.
Subalit, ang itinuturo ng Reformed faith na ang Diyos ay siyang humirang ng ililigtas (Juan 1:12-13; 15:16; Roma 9:16; Filipos 2:13; Santiago 1:18) ayon sa Kanyang walang hanggang pag-ibig sa kanila kay Cristo; na Siya ang gumawa ng kaligtasan para sa kanila batay sa kamatayan ni Cristo sa krus (Gal. 6:14; Col. 1:21-22); na Siya rin ayon sa Kanyang kapangyarihan ay nagkakaloob ng kaligtasang ito sa pamamagitan ng imposibleng matanggihang pagkilos ng Banal na Espiritu sa kanila (Juan 6:37, 44; Efeso 2:8-10). Kaya nga, sa Reformed evangelism ay may tiyak na pag-asa na ang mga hinirang ay maliligtas. Walang kapag-a-pag-asa sa katuruang ang kaligtasan ay nakasalalay sa kalooban o pasiya ng tao.
Ngunit ano naman ang bahagi ng pangangaral sa mga katotohanang ito? Hindi ba, tulad ng puna ng iba, na ang ganitong katuruan ay nagpapawalang saysay sa pangangaral ng ebanghelyo? Di ba ang evangelism ay pangangaral ng ebanghelyo, at di ba ito rin naman talaga ang ibig sabihin ng katagang "evangelism."
Bilang sagot sa katanungang ito, ang Reformed faith ay nagtuturo ng dalawang bagay tungkol sa pangangaral ng Ebanghelyo. Una, pinagdidiinan nito at ng Biblia na ang Ebanghelyo ay ang paraan na ginagamit ng Diyos upang tawagin ang Kanyang hinirang (Gawa 14:47-48) upang dalhin sa kaligtasan na nakay Cristo. Pangalawa, ang Reformed faith ay nagtuturo na nag Ebanghelyo bilang paraan ng Diyos ay makapangyarihan (Roma 1:16). Ang kapangyarihang ito na sanhi ng pagsisisi at pananalig ng tao ay hindi nakasalalay sa makasalanan o sa kanyang kalooban, kundi sa Ebanghelyo lamang. Sa pamamagitan ng Ebanghelyo, ang mga makasalanang hinirang ay tinawag (Roma 10:17), binigyan ng kakayahang magsisi at manampalataya (Gawa 11:18), sa pagbabago ng kanilang kaisipan at kalooban, at sa pamamagitan nito sila ay dinadala kay Cristo ng makapangyarihang di-matatanggihan ngunit kalugod-lugod na kilos ng Banal na Espiritu (Roma 1:16; I Cor. 1:18, 24).
Kaya nga ang katuruang "free will" ang talagang sumisira sa evangelism. Ang katuruang lahat ng tao’y mahal ng Diyos ay nagbibigay ng maling pag-asa sa pagsasabing lahat ay maayos sa kanila yamang mahal sila ng Diyos. Ang doktrinang si Cristo ay namatay para sa kanilang lahat ay nagpapatibay sa kanilang maling akala na hindi nakalulunos ang kanilang kalagayan. Ang sabihing sila’y may mahalagang pasiya sa kanilang kaligtasan—at ang Diyos ay umaasa at naghihintay sa kanila—ay lalong kumukunsinte sa kanilang paglapastangan sa Diyos at tinituruan silang maging parang mga "diyos!" Wala itong magagawa sa kaligtasan ng napapahamak na makasalanan.
Ang Reformed evangelism ay naniniwala sa katotohanang ang evangelism ay walang ng iba kundi pangangaral ng ebanghelyo! Kung tayo’y nangangaral ng ebanghelyo, tayo ay buong katapatang gumagawa ng evangelism.
Sa kabila ng ito ang maliwanag na katuruan ng Biblia ay marami ng nakalimot dito. Kaya walang katapusan nilang sinasabi ang mga tungkol sa mga evangelistic methods at gumugugol ng maraming panahon upang makagawa ng mga komplikado at napakamamahal na pamamaraan ng evangelism para sa kanilang church. At para bang hindi pumapasok sa kanilang kaisipan na ang evangelism ay pangangaral (preaching).
Dahil sa paniniwalang ang evangelism ay pangangaral ng ebanghelyo, tinatanggihan namin ang kinababagutan ngunit matagal na ginagawang pamamaraan ng evangelism: ang pagtatalaga ng gabi ng Lord’s Day para sa evangelistic message. Pagtuturo sa umaga at evangelism sa gabi, hindi mo makikita sa Biblia ang ganitong sistema.
Ang ganitong evangelistic services sa gabi ay pasama ng pasama sapagkat pareparehong mensahe lamang ang naririnig na ginagamitan lang ng iba’t-ibang texto na nagbibigay ng kabagutan at pagkasuya sa mga taong may pagnanais na matuto ng katotohanan. Ang sistemang ito ay nakalimot sa simpleng katotohanan na ang lahat ng pangangaral ng ebanghelyo ay evangelism. Kahit na anong talata sa Biblia ang ipinapangaral, kung tapat siya sa tunay na kahulugan ng talata ay siya’y tunay na nangangaral ng ebanghelyo. Walang itinuturo ang Biblia na espesyal na "evangelistic message."
Marahil ang ganitong katotohanan ay bunga ng ang mga Cristiano at mga Pastor ay nalimutan o sadyang hindi alam na ang lahat ng Kasulatan ay nagpapahayag ng tungkol kay Cristo at matatawag na Ebanghelyo kung pakahulugan ng Biblia sa ebanghelyo ang pag-uusapan (Juan 5:38-39). Kung ang bawat bahagi ng Banal na Kasulatan ay maayos na naipapangaral, si Cristo ang tiyak na naipapangaral. At kung si Cristo ang naipapangaral, ang ebanghelyo ang siya ring naipapangaral. At kung ebanghelyo ang naipapangaral, samakatwid ang mga makasalanan ay maliligtas sa pamamagitan nito. Ito ang itinakda ng Diyos na pamamaraan sa kaligtasan ng mga makasalanan.
Ang nakababahala sa nakagawiang panggabing "evangelistic services" ay ang kawalan ng tiwala sa ebanghelyo na tanging paraan na itinakda ng Diyos sa kaligtasan ng Kanyang hinirang. Kaya ang nangyayari sa sistemang ito ay ang paggawa ng samut-saring paraan para ma-antig ang damdamin at takutin ang mga tao upang makuha ang kanilang "decision." Katunayan halos walang Salita ng Diyos ang naipapahayag at lalong hindi na umaasa pa sa gawa ng Banal na Espiritu.
Marami pang ibang dahilan kung bakit ang panggabing evangelistic services kada Lord’s Day ay mali. Naghahayag din ito ng maling pananaw tungkol sa church, para bang ang church isa lamang ordinaryong lugar para sa mga di mananampalataya nakakaligtaan nito ang sinasaad sa I Corinto 14:23 na ang church ay di ordinaryo at di pangkaraniwan kung ang di-mananampalataya ay dumalo sa worship services. Ang church ay para sa mga mananampalataya at kanilang pamilya.
Isa pang problema ay ang pag-aakalang ang evangelism ay tapos na, sa oras na ang isang tao ay "naligtas na." Kung ang evangelism ay pangangaral ng Ebanghelyo, at ang pangangaral ng Ebanghelyo ay pagpapahayag at pagtuturo ng ‘buong panukala ng Diyos,’ samakatwid ang talagang evangelism ay nagsisimula pa lamang sa oras na ang isang tao ay magsisi at manampalataya. Mula doon ay kinakailangan pa rin niyang makarinig ng pangangaral ng Ebanghelyo—evangelism—na lubos na inihahayag ang kalooban ng Diyos at upang patuloy siyang maging matatag at nakasandig sa katotohanan (Col. 2:6-7). Ang katotohanang ng Biblical evangelism na ganito ay halos hindi na alam sa ating kapanahunan.
Gayon man, hindi ito nangangahulugan na walang pagkakaiba ang pangangaral ng Ebanghelyo sa loob ng church at sa labas ng church, o ang mga Reformed ay naniniwala lamang sa pangangaral ng Ebanghelyo sa loob ng church. Ang Ebanghelyo ay dapat na ipangaral sa lahat ng dako na minarapat ng Diyos ayon sa Kanyang sariling kagustuhan.
Pinatunayan na natin na ang evangelism ay wala ng iba kundi ang pangangaral ng Ebanghelyo. Ito ang kahulugan ng katagang "evangelism." Kaya nga lahat ng pangangaral ng Ebanghelyo ay maituturing na evangelism, pati na ang pngangaral sa mga ligtas na, na mga miyembro ng church. Ang katotohanang ito ay halos hindi na alam sa kasalukuyang kapanahunan kaya ang mga tao ay napapahamak dahil sa kamangmangan (Oseas 4:6).
Napatunayan din natin na ang pangangaral ng Ebanghelyo ay pangangaral ng "buong panukala ng Diyos," ito nga ang Banal na Kasulatan. Kaya wala talagang tinatawag na espesyal na evangelistic service, lalo na kung ito’y pananakot o pamumuwersa sa mga makasalanan para makuha ang kanilang "decision."
Idinadagdag pa rin namin na ang panawagan sa pagsisisi at pananalig ay hindi lamang para sa mga makasalanan. Ang mga ligtas na ay nangangailangang din marinig ang ganong panawagan upang sila man ay tumalikod sa kasalan (na kanilang nagagawa habang sila ay nasa katawang panlupa) at ang kanilang pananampalataya ay mahamon at tumatag. Ito ay bahagi rin ng tunay na evangelism.
Sa ganitong kaisipan hindi na kailangan ng mangangaral na hatiin pa sa kanyang isip o sa pangangaral ang kongregasyon, na nakatuon ang isang bahagi ng mensahe sa isang grupo at isang bahagi sa ibang grupo naman. Ang kailangan lamang marining ng kongregasyon ay ang nais ipasabi ng Panginoon sa partikular na talata ng Kanyang Salita. Wala talagang isang mensahe para sa church, isang mensahe para sa sanlibutan, isa para sa mga di mananampalataya, at isa para sa mga siguradong ligtas.
Kahit ang mga pangako ng Ebanghelyo, na bagama’t nakaukol lamang sa mga magsisisi at mananalig, ay kinakailangang marinig din ng lahat, sa isang dahilan na ang kanilang kahatulan ay mas magiging mabigat kung hindi sila mananalig. Ang tunay na pangangaral ng Ebanghelyo ay paglalahad ng Salita ng Diyos, kasama na ang seryosong panawagan na magsisisi at manampalataya sa lahat ng makaririnig.
Kaugnay nito ay nais naming bigyan ng diin na ang Reformed faith ay naniniwala na ang pangangaral ng Ebanghelyo ay para sa mga hindi kabilang sa church at para rin sa mga ligtas at miyembro ng church, para sa mga pagano at para sa mga Cristiano. Ang Reformed faith ay hindi kailanman salungat sa evangelism.
Gayon man, ang evangelism ay hindi limitado para lamang sa mga hindi pa nakarinig ng Ebanghelyo. Para rin ito sa mga nakarinig na ngunit tumalikod naman, para sa mga nagsasabing sila ay Cristiano ngunit hindi naman alam ang katotohanan ng Salita ng Diyos, at para doon sa mga miyembro ng mga "churches" na hindi naipapangaral ang Ebanghelyo o kaya’y hindi ganap na Ebanghelyo ang ipinapahayag. Lahat ng mga ito ay mga "objects of evangelism." Nang sabihin ng Panginoong Jesus na ‘sagana ang aanihin’ ang tinutukoy Niya ay ang mga napakaraming taong nanlulupaypay at mga naliligaw na parang mga tupang walang pastol (Mateo 9:36-38).
Ang kinakalaban ng Reformed faith ay ang pangangaral ng kasinungalingan—na mahal ng Diyos ang lahat ng tao at nais Niyang iligtas ang lahat, na nagbibigay ng maling pag-asa sa mga hindi mananampalataya na ang lahat ay maayos para sa kanila. Ito’y salungat sa Ebanghelyo, lalo na pag sinasabi na ang pangako ng Ebanghelyo ay para sa lahat (Note: ang Ebanghelyo ay dapat ipangaral sa lahat ngunit hindi para sa lahat). Ang mga pangako ng Ebanghelyo ay para lamang sa nagsisisi at nananalig na bunga ng pakikinig ng Ebanghelyo, hindi para sa bawat isa na may kundisyon. Kung ganito ang pangangaral, ito’y magbibigay ng maling pag-asa sa mga hindi sumasampalataya at nagpapahiwatig na ang Diyos ay walang magawa sa kanilang patuloy na pagsuway. Ito’y kailanman ay hindi maaring gawin at talagang hindi gagawin ng Reformed evangelism.
Ang evangelism ay maaring tignan na pangangaral ng Ebanghelyo sa mga hindi kabilang sa tunay na church na ang layunin ay ang kanilang kaligtasan. May pagkakaiba ang pangangaral ng Ebanghelyo sa mga nasa church at hindi kabilang sa church, sa mga Cristiano at sa mga pagano, maging sa mga paganong nasa ibang bansa na hindi man lamang nakakarinig ng Ebanghelyo, o sa mga napakaraming pagano sa siyudad na halos araw-araw ay napapangaral ang Ebanghelyo. Ang pagkakaiba bagama’t mahalaga ay hindi naman nagpapabago sa diwa ng Ebanghelyo.
May tatlong pakakaiba:
Una, sa pangangaral sa mga hindi pa nakarinig ng Ebanghelyo kahit minsan, dapat lang na ang mensahe ay simple lamang at ipinapangaral sa paraang malinaw na naiintindihan ng mga tagapakinig. Medyo may kahirapan ang ganitong paraan lalo na sa pangangaral sa mga pagano na hindi pa nakarinig ng tungkol sa kasalanan, biyaya, pagtubos, at sa marami pang katotohanan ng Ebanghelyo.
Dapat nating tandaan na ang Panginoong Jesus, noong Siya’y mangaral sa mga tao, ay gumamit Siya ng mga parabola, upang nang sa ganon ay kahit na ang mga ayaw sumampalataya ay malinaw na naiiintindihan ang Kanyang sinabi. Samakatwid, sa Kanyang pangangaral ng parabola ay gumamit Siya ng larawan na hango sa pang-araw-araw na buhay upang ang katotohanan ng Ebanghelyo ay madali nilang maunawaan.
Pangalawa, pinauunawa ng ganitong uri ng pangangaral ng Ebanghelyo sa mga hindi pa ligtas ang pangangailangan nilang magsisi at sumapalataya sa Panginoong Jesu-Cristo na tanging Tagapagligtas. Ang mangangaral ay seryosong ipakikita sa mga nakikinig ang hinihingi ng Ebanghelyo at kahalagahan ng sarili nilang kaligtasan.
Ngunit walang pagkakaiba sa diwa ng mensahe na ipinapangaral sa mga mananampalataya at di-mananamplataya. Ang pagkakaiba ay nasa tagapakinig at ang kanilang pangangailangan, at sa layunin ng pangangaral (kaligtasan para sa mga napapahamak). Medyo magkakaroon ito ng epekto sa paraan ng pagpapahayag at diin ng mensahe, ngunit Ebanghelyo pa rin ang ipinapangaral.
Dapat talagang maunawaan natin na sa pangangaral sa mga pagano at di-mananampalataya, ang buong kalooban ng Diyos ang tanging dapat na ipangaral, pati na ang Ultimong Pagpili ng Diyos sa mga ililigtas bago pa likhain ang sanlibutan, Limitadong Pagtutubos, Imposibleng Matanggihang Pagkilos ng Diyos, ang Banal na Trinidad, ang Paglikha ng Diyos, Pangangalaga ng Diyos at iba pang katotohanan ng Banal na Kasulatan. Ipinangaral ng Panginoong Jesus at mga apostol ang mga katotohanang ito kahit na sa mga di pa ligtas (Juan 10:11; Gawa 2:23; 13:17; 14:15-17). Dapat lang na ipangaral pa rin ang mga ito sa ating kapanahunan.
Kadalasan ang mga katotohanang ito ay nakakaligtaan sa pangangaral sa di pa mananampalataya. Ang iba’y sadya talagang hindi ipinapangaral ang mga ito sa kadahilanang makatitisod daw sa di pa manananampalataya. Hindi lamang salungat ang ganito sa halimbawa ng pangangaral ng Panginoong Jesu-Cristo at mga apostol, kundi inaalis nito ang pinakapuso ng Ebanghelyo—na ang Diyos ay nakikipagsundo sa makasalanan batay sa katuwiran ni Cristo (II Cor. 5:19).
Pangatlo, ang pangangaral sa di mananampalataya ay nangangahulugan na pangangaral kahit na sa labas ng church. Nabanggit na ang church ayon sa Biblia ay pagtitipon ng mga mananampalataya at pati na ang kanilang mga anak, ang presensiya ng mga di mananampalataya ay hindi karaniwan (I Cor. 14:23). Kaya hindi tama na ang misyon ng church ay gawin sa gabi ng Lord’s day (evangelistic service).
Pinandigan natin na ang evangelism ay pangangaral ng Ebanghelyo at maging sa loob ng church o sa misyon, ang buong Ebanghelyo—ang buong panukala ng Diyos—ang nararapat na ipangaral (Gawa 20:26). Maling-mali na kaligtaaan ang ibang bahagi ng katotohanan sa pag-aakalang ang mga ito ay nakatitisod sa evangelism.
Gayon pa man ang Reformed evangelism ay hindi lamang pangangaral ng Walang-kapantay na Kapangyarihan ng Diyos at ang mga Doktrina ng Biyaya (Sovereignty of God and Doctrines of Grace), ito rin ang kumo-kontrol sa lahat ng aspeto ng evangelism. Ang mga Doktrina ng Biyaya ang batayan sa pangangaral ng mensahe, kaya kapag ito ang batayan hindi maaring mangaral ng maling ebanghelyo tulad ng na si Cristo ay namatay para sa lahat, at kalooban ng Diyos na maligtas lahat, o kahit na ang pag-ibig ng Diyos sa lahat.
Ang Walang-kapantay na kapangyarihan ng Diyos ay kumo-kontrol din sa layunin at pamamaraan ng evangelism. Sa katunayan, ang Diyos ay nag-utos na ang tanging pamamaraan sa evangelism ay pangangaral lamang. Kahit na mahalaga ang maraming paraan tulad ng medical work, education, feeding etc., ang mga ito ay hindi pa rin pamamaraan ng evangelism at hindi ang mga ito ang ini-utos ng Diyos na gamitin ng church sa evangelism. Hindi itinuturo ng Biblia na mayroon medical missionaries o kahit na anong uring missionaries pa. Isang uri lang ang kinikilalang missionary ng Biblia, sila ang mga nangangaral ng Ebanghelyo ng Diyos. Ang mga ganitong bagay ay maaring gawin kasabay ng evangelism, ngunit pakatandaan na hindi ang mga ito ang gawain ng church.
At bibigyan diin din namin ang katotohanang itinuturo ng Biblia na ang evangelism ay gawain ng church, hindi ng mission boards o mission societies. Ang utos na ipangaral ang Ebanghelyo ay utos na ibinigay ni Cristo sa Kanyang church lamang at wala ng iba (Mateo 28:18-20).
At dahil itinuturo ng Biblia na ang evangelism—pangangaral ng Ebanghelyo—ay gawain ng inatasang kalalakihan, samakatwid walang puwang sa mga kababaihan na maging missionaries. Nakapagtataka kung minsan na may mga churches na hindi papayagan ang mga kababaihan na mangaral at mamuno sa tahanan, ngunit nagpapadala naman ng mga babaing missionary upang mangaral sa mga di pa mananampalataya.
Gayun pa man, ang di-mapapantayang Kapangyarihan ng Diyos ay hindi lamang kumo-kontrol sa evangelism na pangangaral lamang ang tanging paraan, ito rin ay kumo-kontrol maging sa layunin ng evangelism.
Halimbawa, ang church na naniniwala sa Ultimong Karapatan ng Diyos na Pumili ng ililigtas ay hindi dapat na isipin na ang layuinin ng evangelism ay bigyan ng "pagkakataon na maligtas ang bawat-isa." Kung magkaganon ang layunin ay sumasalungat sa katotohanan na itinuturo ng Biblia tungkol sa "paghihirang" at "limitadong pagtutubos."
Ang layunin ng evangelism ay hindi kaligtasan sa bawat-isa. Sa pangangaral ng Ebanghelyo sa church o sa mission field, ang mangangaral ay dapat na maunawaan na may dalawang layunin ang pangangaral. Ang una ay kaligtasan ng mga hinirang ng Diyos at ikalawa’y pagpapatigas ng puso at paghahatol sa iba (Roma 9:18; 11:7; II Cor. 2:14-17).
Sa mga hindi umaayon sa ganitong pamamaraan ay hindi dapat na nangangaral ng Ebanghelyo. Pinatunayan ni Pablo (II Cor. 2:14-17) na ang kamangmangan sa tunay na layunin ng evangelism ay ang pangunahing dahilan kung bakit ang Salita ng Diyos ay nasisira ng maraming mangangaral sa pamamagitan ng pagtatago o pagtatanggi sa mga katotohanan ng Biblia sa kanilang pangangaral.
Ang layunin ng evangelism ay hindi rin pangangaral sa bawat-isang tao. Sa OT at NT, ang Ebanghelyo ay ipinapangaral kung kailan at kung saan nais ng Diyos (Gawa 16:6-8). May mga pastor na nangungunsiyensiya ng wala sa lugar at nagbibigay ng mabigat na pasanin sa church sa pamamagitan ng pagtuturo na ang church ay hindi nagagampanan ang kanyang layunin hanggat hindi niya naipapangaral ang Ebanghelyo sa bawat-isang tao na nabubuhay sa mundo, na hindi naman ipinag-utos ng Panginoon o ni hindi Siya nagbibigay ng pamamaraan para matupad ang ganong layunin. Malaking pagkakamali ang ganito. Ang Diyos na may karapatan sa lahat ang nagtatakda kung kailan at kung saan dapat ipangaral ang Ebanghelyo.
May mga bagay pa na nais naming bigyan ng diin.
Una, at kaugnay sa ikalimang bahagi, nais naming ipahayag na ang evangelism ay gawain ng church at dapat na marubdob na gampanan sa loob at sa labas ng church. Ang katotohanang ang Diyos ay hindi nagnanais na ipangaral ang Ebanghelyo sa lahat ng tao at pati na sa pagpapatibay ng kasaysayan na ang Ebanghelyo’y ipinagaral lamang kung kailan at saan na minarapat ng Diyos ay hindi dapat makahadlang o mapabayaan ng church ang kanyang gawain.
Sa paggawa ng evangelism, ang church ng Panginoong Jesu-Cristo, sa pagsunod sa Kanyang utos, para sa kaluwalhatian ng Diyos, at para sa kaligtasan ng hinirang ng Diyos, ay dapat na magnais at manalangin para sa pagkakataon na maipangaral ang Ebanghelyo (Col. 4:3-4; II Tes. 3:10), para sa mga tinawag na mangaral na maipahayag ito ng buong katapatan, at para magkabunga ang pangangaral (Roma 10:1). At kapag ang Diyos ay nagbigay sa church ng paraan, mangangaral, at pagkakataon, dapat lang na gamitin ang mga ito ng buong puso.
Tunay na ang pagkakataon na ipangaral ang Ebanghelyo (tinagurian sa Kasulatan na "bukas na pintuan;" Pahayag 3:8) ay isa sa mga kaloob ng Diyos na ibinibigay sa church kung siya ay tapat. Isang malaking kahihiyan kung ang church ay babale-walain ang kaloob ng Diyos!
Pangalawa, nais naming ipaliwanag ang naunang nabangggit na ang evangelism ay gawain ng church. Kung ang gawain ng church ay evangelism samakatwid gawain rin ng church na suportahan ang nangangaral ng evangelism. Sa mga nangangaral ng Ebanghelyo ang tinutukoy ng Kasulatan sa I Corinto 9:7-14. Ayaw na ayaw namin ang karaniwang ginagawa ng karamihan na magpapadala ng missionary sa mission fieId na siya rin ang bahalang humanap ng kanyang suporta. Kung ang misyon ay gawain ng church, gawain din ng church na magsuporta sa mga mangangaral at hindi ang mission societies o mission boards.
Pangatlo, kinakailangan naming ipahayag ang katotohanang ang evangelism ay gawain ng church samakatwid ang lahat ng mananampalataya ay may bahagi sa gawaing ito, kahit na hindi sila ang nangangaral. Mayroon silang mahalagang gawain tulad ng pananalangin sa gawaing ito, magbigay suporta, at maging buhay na patototo sa katotohanan ng Ebanghelyo. Kung walang pakikipag-isa ang mga hinirang ng Diyos sa gawain ng evangelism ay hindi rin magtatagumpay ang church sa pagtupad sa gawaing ito.
Nawa’y ang napakahalaga at pinakakailangang gawaing ito ay maganap ng buong katapatan, at nawa’y pagpapalain ng Diyos ang bawat pagsisikap ng church na maipahayag ang Ebanghelyo.
Para sa karagdagang babasahin sa wikang Tagalog, i-click dito