Covenant Protestant Reformed Church
Bookmark and Share

Ang Ebanghelyo

Herman Hoeksema

 

Sinuman na pamilyar sa Kasulatan, ang kahalagahan ng paksa ng pamplet na ito, ang Ebanghelyo, ay magiging hayag. Lubhang napakahalaga ng paksa sa kanyang sarili at hindi lamang dahil sa pagsasaalang-alang na laging nagkaroon at hanggang ngayon ay mayroon pa ring maling pagkaunawa tungkol sa katanungang kung ano ang ebanghelyo at paano ba ito dapat ipangaral. Kaunting talata lamang mula sa Kasulatan ay magpapatunay sa pananalitang ito. Madalas banggitin ng Kasulatan ang ebanghelyo, direkta man o hindi direkta. Tinutukoy nito ito bilang "ang ebanghelyo ng Diyos" (Rom. 1:1; II Cor. 11:7; I Tes. 2:8-9; I Ped. 4:17). Ebanghelyo ito ng Diyos, hindi natin. Pinanukala Niya ito; isinakatuparan Niya ito; ipinapahayag Niya ito. Bunsod nito, kung ipangangaral natin ang ebanghelyo maituturing na pinakamataas na halaga na matutunan natin sa Kanya kung ano ito, ano ang mga nilalaman nito at paano ito dapat ipahayag.

Tungkol sa nilalaman nito tinatawag itong ebanghelyo tungkol sa Anak ng Diyos (Rom. 1:3, 9; Marc. 1:1). Sa Ebanghelyo, kung gayon, may dinedeklara ang Diyos tungkol sa Kanyang bugtong na Anak, at dapat nating alalahanin na sa ating pagpapahayag ay hindi natin masira ang larawan ng Anak na ipinapahayag nito. Ito rin, sang-ayon dito, ay tinatawag na ebanghelyo ni Cristo, o ni Jesu-Cristo, ang itinalagang Tagapagligtas (Rom. 15:19; I Cor. 9:12; II Cor. 2:12; 9:13; 10:14; Gal. 1:17). Ito ay ibayo pang nililinaw bilang ebanghelyo ng kaluwalhatian ng pinagpalang Diyos at ang ating pagpapahayag nito ay hindi dapat mawasak o madimlan ang kaluwalhatiang iyon (1 Tim. 1:1); at ang kaluwalhatian ni Cristo ay sumisinag mula rito at dapat na maipahayag nito (II Cor. 4:4). Ito rin ay ebanghelyo ng Kaharian (Mat. 4:23; 9:35; 24:14), ang Kaharian nito sa kanyang diwa, pinagmulan, kaganapan at hinaharap, ay dapat na mailahad nang tama, tuwing ipinapangaral ang ebanghelyo. At ang gayong mga dagdag pang paglilinaw tulad ng: ang ebanghelyo ng biyaya ng Diyos, ang ebanghelyo ng iyong kaligtasan, ang ebanghelyo ng kapayapaan (Mga Gawa 20:24; Efe. 1:13; 6:15), ay ibayong nagsisilbing itatak sa ating mga isip ang katotohanan, na siya na isinasaalang-alang ang ebanghelyo ay may kinalaman sa isang bagay na galing sa Diyos, lubhang mahalaga, kapuri-puri sa pinagmulan at nilalaman, na maaaring madaling masira at marumihan sa paghawak. At, sa pagsasaalang-alang na tungkulin ng Iglesya ni Jesu-Cristo na ipangaral ang ebanghelyo, ang ebanghelyong ito ng Diyos, ng Kanyang Anak, ni Cristo, ng Kaharian, ng biyaya, ng kaligtasan, ng kapayapaan, ng kaluwalhatian ng Diyos at ni Cristo, sa lahat ng nilalang, ayon sa utos na iniwan sa kanya ng kanyang Panginoon; sa pagsasaalang-alang na sa lahat ng panahon at lalo na sa atin, mayroong maraming nag-aangking sila’y mangangaral ng ebanghelyo, na ipriniprisinta ito na para bagang ito ang pinakamurang tinda sa pampublikong pamilihan, agad mong matatanggap, na ang ating paksa ay napakahalaga.

Kaya, layunin kong ilahad sa inyo:

ANG EBANGHELYO
1. Sa Ideya Nito
2. Sa Nilalaman Nito
3. Sa Makasaysayang Katuparan Nito
4. Sa Angkop na Pagkakapahayag Nito

 

Sa Ideya Nito

Madalas ginagamit ng Kasulatan ang dalawang salita na kasinghawig ng kanilang kahulugan, sa orihinal na wikang Griyego, ang pagkakahawig ng kanilang bigkas. Ito ay ang mga salitang epangelia , at euangelion , ang una ay nangangahulugang pangako , at pangalawang salita ay isinasalin nating ebanghelyo . Na sila ay magkaugnay sa ating kaisipan ay kapuna-puna sa pangkaraniwang katagang madalas gamitin, din, sa ating mga kumpesyon (o pagpapahayag ng pananampalatataya), samakatuwid ay ang pangako ng ebanghelyo . Binibigyang-diin nito na ang ebanghelyo ay naglalaman ng pangako.

Subalit ang malapit na kaugnayang ito sa pagitan ng pangako at ebanghelyo ay lalong magiging malinaw at matatanaw sa ibang anggulo kung babaling tayo sa mga Kasulatan at matuklasan na ayon dito ang ebanghelyo sa kanyang diwa ay ang ebanghelyo ng pangako. Direkta itong ipinapahayag sa Gal. 3:8 at Mga Gawa 13:32. Sa unang talata ay mababasa natin: "At ang kasulatan, na nakakaalam nang una pa man na aariing ganap ng Diyos ang mga Hentil sa pamamagitan ng pananampalataya, ay ipinahayag ang ebanghelyo nang una pa man kay Abraham, na sinasabi, ‘Sa iyo ay pagpapalain ang lahat ng mga bansa.’" Pansinin na sa huling bahagi ay naroon ang pangako.

Ngayon, ayon sa talata, noong ang pangako ay ibinigay kay Abraham ang ebanghelyo ay ipinangaral sa kanya. Ang ebanghelyo at ang pangako, kung gayon, ay tinuntukoy sa paraang, ang pagbibigay ng Diyos ng pangako kay Abraham sa pamamagitan ng Kasulatan ay ang pangangaral ng ebanghelyo. At sa Mga Gawa 13:32 mababasa natin: "Ipinangangaral namin sa inyo ang mabuting balita ng pangako ( euangelidzometha ) sa ating mga ninuno, na ang mga bagay na ito ay tinupad din niya sa atin na kanilang mga anak, nang kanyang muling buhayin si Jesus." Magiging kapuna-puna na ang pangakong ibinigay sa mga ninuno at tinupad sa ating mga anak ay siya ring nabanggit sa Gal. 3. At gayon ito kahayag, na dito tulad sa naunang talata nagsasalita ang apostol tungkol sa pagdedeklara ng pangako bilang pangangaral ng ebanghelyo o pagpapahayag ng mga balita ng kagalakan. Ang diwa ng ebanghelyo, kung gayon, ayon sa "ideya" nito, ay ang ebanghelyo ng pangako, at tungo sa pangakong ito ay tinatawagan namin ang inyong atensyon upang ipaliwanag ang ebanghelyo ayon sa pagkakahayag ng Kasulatan.

Madalas na nangungusap ang Biblia tungkol sa pangako. Minsan tinutukoy nito ito sa anyong marami ( plural ) upang ipahayag ang kayamanan ng mga nilalaman nito; mas madalas sa anyong iisa ( singular ) upang tukuyin ang pagkakaisa at kakanyahan nito, ngunit ito ay palaging iisang pangako. Ito ang pangakong ibinigay kay Abel, Enoc, at Noe, kay Abraham, Isaac at Jacob. Dahil, sa pagbanggit sa mga banal na ito ng lumang tipan at sa pagbanggit sa kanilang buhay at pagpanaw o pagkakakuha sa pamamagitan ng pananampalataya, sinasabi sa atin ng ikalabing-isang kabanata ng Hebreo: "Ang lahat ng mga ito ay namatay sa pananampalataya na hindi tinanggap ang mga pangako, ngunit mula sa malayo ang mga iyon ay kanilang natanaw at binati. Kanilang ipinahayag na sila'y pawang mga dayuhan at manlalakbay sa ibabaw ng lupa" (v. 13). At matapos na magbalik-tanaw sa buhay at pakikibaka ng pananampalataya ng marami pa sa makapal na bilang ng mga saksi, at kabilang silang lahat sa pananaw sa huli ay sinabi ng sumulat ng Hebreo: "At ang lahat ng mga ito, bagaman pinuri dahil sa kanilang pananampalataya, ay hindi nila tinanggap ang ipinangako, (v. 39).

Kapuna-puna sa mga talatang ito na sa kabuuan ng lumang tipan ay mayroong pangako, ibinigay sa mga binanal, na kanilang niyakap at sinampalatayanan, na sa pamamagitan niyo’y nabuhay sila at pumanaw, na alang-alang dito’y handa silang maging mga dayuhan at manlalakbay sa lupa, danasin ang gutom, pagkabihag at pagkakakulong, tiniis ang mga kalupitan, panlalait, at pagpapahirap, pinaslang sa pamamagitan ng tabak at nilagari ang mga katawan, nagpagala-gala na suot ang balat ng tupa at balat ng kambing, nagdusa, naging dukha at pinahirapan nang labis. At sa kadakilaan ng kanilang pananampalataya at pagtitiyaga at sa lupit ng kanilang mga paghihirap masasalamin natin ang kagandahan at kayamanan ng pangakong tinaglay at natanaw nila mula sa malayo. Ang Gal. 3 ang tipikal na kabanata tungkol sa paksang ito ng pangako. Binibigyang diin nito na ang mga pangako ay ibinigay kay Abraham at sa kanyang binhi, at ang binhing ito ni Abraham sa sentro at diwa nito ay si Cristo (v. 16). Maliwanag, na si Cristo, ang Binhi, na Siyang katuparan ng pangako, ay Siya ring pangunahing tagatanggap ng pangako. Sinasabi nito na ang kautusan, na dumating pagkaraan ng apat na raan at tatlumpung taon, ay hindi nagpapawalang bisa sa tipan na dati nang pinagtibay ng Diyos, upang pawalang saysay ang pangako (v. 17); at na ibinigay ng Diyos ang pamana kay Abaraham sa pamamagitan ng pangako (v. 18). Humahantong ito sa kongklusyon, na kung tayo ay kay Cristo, tayo kung gayon ay binhi ni Abraham at mga tagapagmana ayon sa pangako (v. 29).

Tungkol sa nilalaman ng pangakong ito binabanggit ng Kasulatan na pangako ito ng Espiritu Santo, na ipinagkaloob kay Cristo (Mga Gawa 2:23) at sa kanila na kabilang sa Kanya sa pamamagitan ng pananampalataya (Gal. 3:14); ang pangako ng buhay (I Tim. 4:8; II Tim. 1:1); ang pangako ng buhay na walang hanggan (I Juan 2:25); ang pangako ng pagbabalik ni Cristo (II Ped. 3:4); ang pangako ng pagpasok sa Kanyang kapahingahan (Heb. 4:1); ang pangako ng pagiging tagapagmana ng sanlibutan (Rom. 4:13); ang pangako ng pagkakaloob ng isang Tagapagligtas mula sa binhi ni David (Gawa 13:23). Kaya nga, binabanggit din nito ang Espiritu bilang Espiritu ng pangako (Efe. 1:13); ng mga anak ng pangako, iyon ay, mga anak na isinilang sa linya ng pangako, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pangako at sang-ayon sa pangako at kung kanino nakatuon ang pangako (Rom. 9:8); tinutukoy nito ang mga tagapagmana ng pangako, ang mga kapwa tagapagmana ng pangako, dahil hindi lahat ng tao ay nakatanggap ng pangako (Heb. 6:17; 11:9, etc). At sa pasimula ng bagong dispensasyon ay ipinapahayag nito: Sapagkat ang pangako ay para sa inyo at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nasa malayo, bawat isa na tinatawag ng Panginoon nating Diyos sa kanya (Gaw. 2:39).

Ngayon, napakahalaga na malinaw nating maunawaan ang kahulugan ng isang pangako. Hindi ito katulad ng isang alok. Gayon din sa huli ang taong nag-aalok ay nagdedeklara ng kanyang kagustuhang gumawa ng isang bagay para sa o nagbibigay ng isang bagay sa taong inaalok, subalit ang kaganapan ng alok ay nakasalalay sa pagpayag ng kabilang panig, sa kanyang pagtanggap sa alok. Subalit iba ang pangako. Ito ay deklarasyon, nakasulat man o sinasabi, na nagtatali sa taong gumagawa nito na gawin o sikaping gawin ang mismong bagay na ipinangako. Ito ay pakikipagkasunduan na walang hinihinging katapat na tungkulin o obligasyon sa bahagi ng taong pinangakuan. Ang pangako, kung gayon, ay nangangahulugan ng pagdedeklara ng isang kabutihan kabilang na ang positibong katiyakan na ang kabutihang ito ay ipagkakaloob o isasagawa alang-alang sa taong pinangakuan.

Ang katiyakan ng pangako, kung ang pangako sa Kasulatan ang pinag-uusapan, ay binibigyang diin ng katotohanang ang Diyos ang nangangako. Ang Diyos ang nagpanukala ng pangako; Siya ang nagsasakatuparan ng bagay na ipinangako; idinedeklara Niya ang pangako. Nangangahulugan ito, una, na ang pangako ay hindi nakasalalay sa anuman, dahil ang Diyos ay Diyos, at ang Kanyang gawa ay tiyak na hindi nakasalalay sa kalooban ng nilalang. At, pangalawa, ipinapakahulugan nito na ang pangako ay tapat at totoo kung paanong ang Diyos ay hindi kailan man nagbabago. Tiyak na isasakatuparan Niya ang pangako. Kapag itinatali Niya ang Kanyang sarili upang gawin o ipagkaloob ang anuman, obligado Siya sa Kanyang sarili at sa lahat ng Kanyang mga katangian bilang Diyos upang isakatuparan ang Kanyang pangako sa Kanyang pinangakuan, sapagkat hindi Niya maitatanggi ang Kanyang sarili.

At ang ideyang ito ng pangako ay tiyak na nangangahulugang ginawa ito sa isang tiyak na partido. Ang isang alok, na nakasalalay sa pagtanggap at pagsang-ayon ng isang partido ay maaaring pangkalahatan; ang pangako na nagtatali sa partidong nangako at tiyak ang pagsasakatuparan ay nangangailangan ng tiyak o depinidong ikalawang partido. At gayon nga sa Kasulatan. Sapagkat, ang pangako ay sentrong ginawa kay Cristo, at sa pamamagitan Niya ay sa binhi ni Abraham, sa mga anak ng pangako, sa kanila na tinatawag na tagapagmana o kapwa-tagapagmana ng pangako. At, na ito ang tiyak na ideya ng pangako ay maliwanag na ipinapahayag sa Kasualatan. Sapagkat, mababasa natin Heb. 6:13, 14, 17: "Nang mangako ang Diyos kay Abraham, palibhasa'y walang sinumang higit na dakila na kanyang panunumpaan, siya ay nanumpa sa kanyang sarili, na sinasabi, 'Tiyak na pagpapalain at pararamihin kita' … Gayundin naman, sa pagnanais ng Diyos na maipakita sa mga tagapagmana ng pangako na hindi maaaring mabago ang kanyang pasiya, pinagtibay niya ito sa pamamagitan ng isang sumpa!"

Ngayon, ang ideya ng ebanghelyo ay ito’y masayang balita tungkol sa pangako ng Diyos. Masayang balita ng masayang mensahe ang kahulugan ng katagang euangelion. Mabuting balita ito sa dalawang kadahilanan. Una, dahil sa kasalukuyang pighati ng mga tagapagmana ng pangako. Sila ay nasa sanlibuutan at sa sanlibutang iyon nasa ilalim sila ng kasalanan at pagkabulok, sa pighati at kamatayan. Ang kasalukuyan nilang karanasan ay pighati at hapis, dusa at hirap, hinagpis at pagdaing. At taglay ng pangako sa harapan nila ang paglaya mula sa kasalukuyang sitwasyon ng hinagpis at karukhaan. At pangalawa ang ebanghelyo ay mabuting balita dahil sa hindi mailarawang dakilang kayamanan ng mana na ipinangako. Dahil, hawak ng pangako sa harapan ng mga tagapagmana hindi ang isang paglaya mula sa kasalanan at kamatayan na magpapanumbalik sa dating katayuan at kalagayan kundi pinupuspos ang kanilang puso ng pag-asa ng kaluwalhatian na hindi sumagi sa puso ng tao.

Makatuwiran lamang isipin na ang mabuting balitang ito tungkol sa pangako ay maibabahagi lamang Niya na nagpanukala nito, Siya ay ang Diyos. Ipinoproklama ng Diyos ang pangako. Ipinapangaral Niya ang ebanghelyo. Ang ebanghelyo na naghahayag ng mga bagay na hindi nakita ng mata ni narinig ng tainga at ni hindi pumasok sa puso ng tao, ay darating lamang sa pamamagitan ng kapahayagan. Subalit ang kapahayagang ito ng Diyos, ang banal na proklamasyong ito ng ebanghelyo, ay palaging isinagawa sa pamamagitan ng mga tao. Kaya, nangangaral siya ng ebanghelyo, na magagawang ideklara nang may kapangyarihan, sa ngalan ng Diyos ang mabuting balita tungkol sa pangako, tungkol sa tiyak nitong katuparan, tungkol sa kayamanan ng mga pagpapala nito, tungkol sa pag-usad nito sa kaganapan ng kasaysayan. Sa buong kasaysayan ng sanlibuutan naroon sa sanlibutan ang mga tagapagmana ng pangako. Kinasasabikan nila ang tungkol dito, hinihintay ang kaganapan nito. Nagtatanong sila tungkol sa nilalaman nito at sa nalalapit nitong katuparan. At siya na kayang sagutin ang mga nasasabik na katanungang ito at maghatid ng masayang balita tungkol sa pangako, ay nangangaral ng eabnghelyo.

 

Sa Nilalaman Nito

Dedetirminahin din nito, gaya ng kung ano ang malalantad, ang nilalaman ng ebanghelyo ng Diyos. Kung ang ebanghelyo ay masayang balita tungkol sa pangako, iyon ay tungkol sa positibong katiyakan ng Diyos sa binhi ni Abraham, ang mga tagapagmana ng pangako, na gagawa Siya ng dakilang kabutihan sa kanila, isasakatuparan para sa kanila ang isang maluwalhating pamana, nangangahulugan na ang nilalaman ng ebanghelyo ay dapat na palaging gayon tungkol sa nilalaman ng pangako; at sinuman na nagdedeklara ng anuman maliban sa kayamanan ng pangako ay hindi nangangaral ng ebanghelyo kundi ng walang halagang pilosopiya ng mga tao. Gayon dapat tungkol sa katiyakan ng pangako; at siya na binabago ang tiyak na pangako at ginagawang hindi tiyak at kundisyonal na alok ay dinudungisan ang pangako ng Diyos at ang ebanghelyo ng pangako. At gayon din dapat, panghuli, tungkol sa pangako; at siya na pinalalabas na ang pangako ng Diyos ay ginawa para sa lahat ng tao, o sa hindi tiyak na bilang ng mga tao, ay hindi nangangaral ng ebanghelyo at ginagawang sinungaling ang Diyos. Sapagkat, hindi isinasakatuparan ng Diyos ang pangako maliban doon sa mga pinangakuan Niya, iyon ay, ang binhi ni Abraham, ang mga tagapagmana sang-ayon sa paghirang ayon sa biyaya.

Ngayon, ang mga nilalaman ng pangako, ayon sa Kasulatan, ay si Cristo at ang lahat ng Kanyang kayamanan ng kaligtasan at pagpapala. Sapagkat, pangako ng Diyos na magtatakda Siya ng isang Tagapagligtas mula sa binhi ni David; na ang binhing ito ni David ay papasanin ang mga kasalanan ng Kanyang bayan; na ibabangon Siya ng Diyos mula sa mga patay at luluwalhatiin Siya, itataas Siya sa trono ng Kanyang amang si David at ibibigay sa Kanya ang kaduluhan ng mga lupa bilang Kanyang pagmamay-ari. Siya ang ipinangakong Binhi. Ang pangako, kung gayon, ayon sa Kasulatan, ay nangangahulugan ng katiyakan ng katuwiran at kapayapaan, ng kapatawaran at pagkakupkop bilang anak, ng kalayaan at pagpapabanal, ng buhay na walang hanggan at kaluwalhatian, ng kawalang-kabulukan, hindi narurumihang pamana na hindi kumukupas. Nangangahulugan ito para kay Cristo at sa lahat ng nasa Kanya, na sila ay magiging tagapagmana ng sanlibutan, mamanahin ang bago at makalangit na kaharian at maninirahan sa makalangit na tabernakulo ng Diyos magpakailan man.

At, kung gayon, ang pangako ay nangangahulugan ng kaloob ng Espiritu Santo, una kay Cristo, pagkatapos ay sa kanila na kabilang sa Kanya, upang sa pamamagitan ng Espiritu Santo ang lahat ng pagpapala ni Cristo ay maisakatuparan sa Iglesya. Dahil, isang pagkakamali na palabasin na para bang ipinangako lamang ng Diyos ang mga obdyektibong pagpapala sa binhi ni Abraham, o maging sa lahat ng tao sa pangkalahatan, upang ito ay dumepende sa kanilang pangsang-ayon, kung maisasakatuparan ba o hindi ang pangako sa kanila. Talagang tiyak na kabilang ang kaloob ng Espiritu Santo sa pangako. Ito ang pangako ng Diyos, ito ang pangako na ibubuhos Niya ang Kanyang Espiritu sa lahat ng laman. At sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu mabisa Niyang isinasagawa ang kaligtasan kay Cristo sa puso ng lahat ng Kanyang hinirang, sa paraan ng muling kapanganakan, pagkatawag, pananampalataya, pag-aaring ganap, pagbabanal, pagpapatuloy at kaluwalhatian. Sa pamamagitan ng Espiritung iyon hinango sila mula sa kadiliman tungo sa liwanag, at naiingatan sa kapangyarihan ng Diyos hanggang sa kaligtasang ihahayag ng Diyos sa huling kapanahunan. Lahat ng ito ay kabilang sa pangako, iyon ay, ang positibong deklarasyon sa bahagi ng Diyos na tiyak Niyang igagawad ang lahat ng pagpapala at pakinabang na ito ng kaligtasan sa lahat ng Kanyang hinirang.

At ang pangakong ito ay, siya ring, nilalaman ng ebanghelyo. Ito ang ebanghelyo ng Diyos, iyon ay, ang ebanghelyong Siya lang ang May-akda at Kanyang prinoproklama. Siya lang ang may kakayahang ideklara ito, bagamang ito ay nahahayag at ipinapangaral sa pamamagitan ng mga tao. At tungkol sa mga nilalaman nito ito ang ebanghelyo tungkol sa kanyang Anak, ang ebanghelyo ni Cristo. Si Cristo lang, kung gayon, ang dapat ipangaral sa proklamasyon ng ebanghelyo. Dahil dito ito rin ay ang ebanghelyo ng kaluwalhatian ng pinagpalang Diyos, dahil kay Cristo at sa pamamagitan Niya ang kaluwalhatian ng pagiging pinagpalang iyon ay nahayag; at ito ay ang ebanghelyo ng kaluwalhatian ni Cristo, sapagkat ibinigay ng Diyos kay Cristo ang Kanyang kaluwalhatian.

Ang kaluwalhatiang iyong ng pinagpalang Diyos, sa pamamagitan ng kaluwalhatian ni Cristo, at sa pamamagitan ng kaluwalhatian ng Iglesya na Siya ang Pangulo, ay dapat maisakatuparan sa ebanghelyo. Ito ay ebanghelyo ng Kaharian, dahil ang kaharian ng langit sa espiritwal at huli nitong kaganapan ay ang katuparan ng pangako, na dapat iproklama sa ebanghelyo. Ito ang ebanghelyo ng biyaya ng Diyos, dahil ang lahat ng gawa ng Diyos para sa katuparan ng pangako ay pagpapakita ng Kanyang soberanyong biyaya, soberanyo sa pagkakapanukala nito, soberanyo sa obdyektibong katuparan nito kay Cristo, soberanyo sa pagpapairal nito sa Kanyang mga hinirang. Ito ang ebanghelyo ng kapayapaan, sapagkat dito ang Panginoon ng kalangitan ay nagpapahayag ng kapayapaan at naghahatid ng masayang balita. At kaya, sa huli, ito ang ebanghelyo ng iyong kaligtasan, sapagkat dineklara nito ang kalubusan ng iyong kaligtasan mula sa kasalanan at kamatayan tungo sa maluwalhating paglaya ng mga anak ng Diyos!

Sumapit na tayo, ngayon, sa kongklusyon, batay sa Salita ng Diyos, na tangi nating ilaw, na ang ebanghelyo ay masayang balita tungkol sa pangako ng ating kaligtasan, tungkol sa tiyak na pangako ng Diyos, na tiyak Niyang palalayain tayo sa lahat ng kasalanan at hatol, kabulukan at kamatayan, at ihatid tayo sa pinakamataas na maiisip, manapa’y sa tao’y hindi maiisip na kaligayahan ng Kanyang makalangit na Kaharian at tipan. At idinedeklara ng ebanghelyo: (1) Na obdyektibong isinakatuparan ng Diyos ang kalubusan ng ating kaligtasan kay Jesu-Cristo at sa pamamagitan Niya, sa Kanyang pagkahamak at karangalan; (2) Na subdyektibong isinasakatuparan at inilalapat ng Diyos ang lahat ng pagpapala ng kaligtasan sa pamamagitan ng Espiritu ng pangako; (3) Na isinasakatuparan ng Niya ang gawang ito ng pagliligtas sa sinumang Kanyang naisin, sila ay, ang Kanyang bayan, ang hinirang, sila na sumasampalataya kay Cristo, ang mapagkumbaba at durog ang puso, ang mga napapagod at nabibigatan, silang lahat na nagdadalamhati sa Zion.

 

Sa Makasaysayang Katuparan Nito

Tungkol sa makasaysayang pagsasakatuparan ng ebanghelyong ito ng pangako, una muna nating dapat mapansin, dalawang bagay ang magka-ugnay. Una, isinasakatuparan ng Diyos ang nilalaman ng pangako, ang ipinangakong mana, sa kasaysayan, nang bai-baitang. At, pangalawa, habang ang pagsasakatuparan ng pangako ay sumusulong at nararating ang kaganapan nito, idinedeklara rin Niya ang pangako, prinoproklama ang ebanghelyo, ipinapahayag sa Kanyang hinirang ang gawa Niyang pagliligtas. Iyon ay, ipinapaliwanag Niya sa Kanyang hinirang ang gawang pagliligtas nang bai-baitang; at kasabay noon tinuturo Niya sa kanila, sa mas malinaw na kaparaanan ng kapahayagan ang huling pamana na isasakatuparan sa araw kung kailan ang pangako ay tutuparin.

Habang isinasaalang-alang ito, idinadako namin ang inyong atensyon una sa lahat sa ebanghelyo sa lumang dispensasyon. Sa unang Paraiso walang alinlangang may larawan ng pangako, ang isang makalupang larawan ng mga makalangit na bagay na inihanda ng Diyos para sa Kanyang mga hinirang kay Cristo Jesus. Dahil, doon ang tabernakulo ng Diyos ay kasama nila. Ang unang tao ay mula sa lupa na makalupa, gayon pa ma’y larawan siya ng ikalawa; ang Paraiso ay larawan ng makalangit na tabernakulo ng Diyos at ang punongkahoy ng buhay ay larawan ng eternal na punongkahoy ng buhay sa bagong sangkalikhaan. Maliwanag na suminag ang araw, subalit makalupa ang ningning noong sinaunang umaga ng pagkalikha. Subalit lumubog ang araw, ang mga unang bagay ay lumipas, at ang gabi ng kasalanan at kamatayan ay lumatag sa sanlibutan. Ang unang taong si Adan ay hindi nanatiling tapat sa tipan, nahulog sa madilim na hukay ng kasalanan at kahatulan, kung mula saa’y hindi na niya maililigtas ang kanyang sarili.

At nasa kanyang mga balakang ang mga hinirang. At ang mga hinirang na ito, ang Iglesya ni Cristo, ay nakaladkad niya sa kanyang pagkahulog. Subalit naghanda ang Diyos ng mas mabuting bagay para sa kanyang bayan, isang mabuting bagay na sa ibang paraan ay hindi maisasakatuparan maliban sa pamamagitan ng gabing ito ng kasalanan at kamatayan. Dahil, inilagay Niya ang pakikipag-alit sa pagitan ng tao at ng binhi ng serpyente. Isinakatuparan Niya ang etranl Niyang tipan. At habang isinasakatuparan Niya ito, agad Niya ring prinoklama ito sa Kanyang bayan doon sa ina ng lahat ng pangako: "Maglalagay ako sa iyo at sa babae ng pagkapoot sa isa't isa, at sa iyong binhi at sa kanyang binhi. Ito ang dudurog ng iyong ulo, at ikaw ang dudurog ng kanyang sakong."

Magmula noon, ang mga anak ng pangako ay kailangang lumakad sa gabi, subalit sa gabing iyon ay lumakad sila sa liwanag ng pangako, at sa paglakad nila sa liwanag na iyon nabuhay sila sa pag-asa at hinintay ang katuparan ng pangakong iyon. Sa liwanag ng pangako at sa pag-asang iyon sila ay nagka-anak, palaging hinihintay ang ipinangakong Binhi. Sa liwanag ng pangakong iyon at sa lakas ng pag-asang iyon na siyang yaman ng buo nilang buhay, nagsikap sila at nakipaglaban, kinundina nila ang sanlibutan, ipinahayag nila na sila ay pawang dayuhan at manlalakbay sa sanlibutan, at hinahanap ang lunsod na may pundasyong ang tagapagtatag at mangagawa ay ang Diyos.

At kadalasan ay waring madilim, napakadilim para maisakatuparan ang pangako at para sa mga tagapagmana ng kaharian. Napakadilim noon sa mundong bago ang malawakang pagbaha, nang usigin ang Iglesya hanggang ang napakakaunti, iyon ay walong kaluluwa, ang silang natira na lamang. Subalit pinanghawakan nila ang pangako at tinamo ang tagumpay, at kay Noe ang Iglesya ay naging tagapagmana ng sanlibutan sa katuwiran. Mula noon ay hindi na isinumpa ang kalupaan. Suminag ang biyaya kasama ng pinagpala nitong liwanag sa dilim ng poot ng Diyos at iginuhit ang napakagandang bahag-hari sa kalangitan, ang pangako ng ganap na tagumpay para kay Noe at sa kanyang binhi.

Naging napakadilim noong nagkaisang nagtipon ang sanlibutan sa binabalak na tore ng Babel at inihiwalay ng Diyos si Abraham na Kanyang kaibigan upang tumungo sa lupaing ipapakita Niya sa kanya. Subalit sumampalataya si Abaraham at ibinilang ito sa kanya na katuwiran. Bagamang siya at si Isaac at si Jacob ay hindi man nakamtan ang kahit isang talampakan ng lupa sa lupang pangako, nabuhay pa rin sila sa pag-asa at pumanaw na sumasampalataya na ang lupain ng Canaan ay mapapasakanila. Hindi natin dapat sabihin na hindi makakamtan ni Abraham at ng kanyang binhi ang lupain ng Canaan, sapagkat ang mga pangako ng Diyos ay oo at amen kay Cristo. Hindi mga Judio nga lang ang binhi ni Abraham, kundi si Cristo at ang Kanyang mga hinirang; at ang makasanlibutang lupain sa Mediteraneo ay hindi ang Lupang Pangako, dahil hinahanap nila ang mas mabuti, iyon ay, makalangit na bayan.

Waring napakadilim noong ang mga tagapagmana ng pangako ay nanganganib na malipol sa lupain ng Ehipto, subalit nasa kanila ang pangako at inihayag ng Diyos na darating Siya upang isakatuparan ito. At isinakatuparan nga Niya ang ebanghelyo habang ipinapangaral Niya ito sa kanila. Pinalaya Niya sila sa pamamagitan ng isang makapangyarihang kamay, tinanggap sila sa Kanyang tipan, ibinigay sa kanila ang lupang pangako, at sa lupang pangako ipinakita Niya ang pangako sa lahat ng dako sa pamamagitan ng simbulo. Sa propeta, pari at hari, sa lupain at sa mga kaaganaan nito, sa dambana at handog at sa paglilingkod sa santwaryo sa pangkalahatan, sa lahat ng kanilang nakita at ginawa at natanggap, tinaglay nila ang maluwalhating ebanghelyo ng pangako na ipinangaral sa kanila.

Sa pangakong iyon namuhay sila sa pag-asa, nang unti-unting lumipas ang mga anino, nawasak ang banal na lunsod, sinunog ang templo, at ang mga tagapagmana ng pangako ay dumaing at namighati sa isang malayong lupain. Madilim ang kapanahunan ng pagkakabihag sa Babilonia, sapagkat parang nilimot na ng Diyos ang Kanyang pangako. Subalit ang liwanag ng ebanghelyo ay suminag nang mas maliwanag habang lalong dumilim ang gabi. Sa pag-asa laban sa pag-asa tumanaw sila sa hinaharap. Nagtatanong sila: Tagapagbantay, kumusta na ang gabi? May balita ka ba tungkol sa pangako? Kailan darating ang umaga? Kailan sisinag ang umaga ng pangako sa malungkot nating gabi? At sa madilim na gabi na lalong dumidilim kahit noong pagbabalik mula sa Babilonia, naligtas sila sa pag-asa.

Walang dudang sa madilim na kapaligirang iyon natin dapat ilarawan sa ating mga sarili ang kagalakan ng mga pastol sa parang ng Betlehem, na nagbabantay ng kanilang kawan sa gabi. Madilim noon tungkol sa pangako. At ang mga pastol na ito ay namuhay sa pag-asa ng pangako. Marahil, sa mismong oras na iyon ay ipinagluluksa nila ang kapighatian ng Israel at nasasabik malaman ang panahon ng pagsasakatuparan ng pangako. O anong kagalakan, noon, nang walang taong propeta, kundi isang anghel ang magiging kasangkapan ng Diyos upang ipangaral ang ebanghelyo sa kanila. Nagsalita ang Diyos sa Sion: Bangon! Maliwanagan! At si Immanuel, ang ipinangako at matagal nang hinihintay na Binhi, ay isinilang ng isang birhen, buhat sa binhi ni David, sang-ayon sa pangako. At dapat malaman ng Kanyang bayan! Kaya, nangangaral ang Diyos sa kanila sa pamamagitan ng Kanyang anghel at inihahatid sa kanila ang masayang balita ng dakilang kagalakan tungkol sa pangako, iyon ay, natupad na ito! Sa kalagitnaan niyo ay isinilang Siya!

At minsan pa dumidilim na naman, nakapagtatakang madilim, nang Siya, na inasahan nilang Siyang magpapalaya sa Israel, subalit hindi naunawaan ang diwa at kaparaanan ng Kanyang pagliligtas, ay namatay, sa ilalim ng poot ng Kanyang mga kaaway sa kadiliman ng madugong tulos! Ngunit tinupad ng Diyos ang pangako. Binuhay Niya si Jesus mula sa mga patay para sa ating pagkakaaring-ganap, itinaas Siya sa pinakamataas na kalangitan, at iniluklok Siya sa Kanyang kanang kamay. At ibinigay Niya sa Kanyan ang Espiritu ng pangako, at ang Espiritung ito ng pangako Kanyang ibinuhos sa Iglesya. At sa pamamagitan ng Espiritung ito ng pangako tinupad Niya ang lahat ng pagpapala ng pangako sa lahat ng mga hinirang! At palaging ipinapaliwanag ng Diyos sa Kanyang bayan ang gawa ng Kanyang biyaya, na idinedeklara sa kanila ang pinagpalang ebanghelyo, masayang balita tungkol sa pangako, na ngayon ay natupad na ito at ang Kaharian ng langit ay dumating na nga!

At kahit ngayon hindi pa naabot ng pangako ang huli nitong kaganapan. Ang mga tagapagmana ng pangako ay nasa sanlibutan pa. Hanggang ngayon ay naglalakad pa rin sila bilang mga manlalakbay sa gabi. Mga estranghero pa rin sila sa sanlibutan at hinahanap nila ang mga bagay na nasa itaas. Pinapatay pa rin sila buong araw at maaari pa ring ikahiya ng Diyos na tawagin Siyang kanilang Diyos, kung hindi dahil sa katotohanang ipinaghanda Niya sila ng isang lunsod. At ang pagsapit, ang huling katuparan ng lunsod na iyon at ang kagandahan ng kaluwalhatian nito ay Kanyang idinideklara sa mga tagapagmana ng pangako, habang nasa gitna sila ng kadiliman ng gabing kasalukuyan, upang kahit ngayon ay makakalakad sila sa pag-asa at tumingala na hinihintay ang kalubusan ng kaluwalhatiang ipinangako sa kanila nang may panunumpa ng Diyos ng kanilang kaligtasan! Ang ebanghelyo ay masayang balita tungkol sa pangako at umaabot sa makalangit na lunsod na bababa mula sa langit buhat sa Diyos!

 

Sa Angkop na Pagkakapahayag Nito

Maging sa mga nabanggit na ay ganap nang maliwanag na, kung ang pagpapahayag ng ebanghelyo ang pinag-uusapan, hindi ito maaaring maging alok ng kaligatsan. Ang ebanghelyo ay ang masayang balita na ibinibigay sa atin ng Diyos buhat sa Kanyang pangako. It ay dapat ipangaral, iproklama, kung gayon. Hindi ito maaaring ialok. Subalit ganito rin ang palagiang inilalahad ng mga Kasulatan. Ipinapangaral ni Jesus ang ebanghelyo ng kaharian (Mat. 4:23; 9:35; 24:14). Ipinangaral ni Pablo ang ebanghelyo sa mga Hentil (Gal. 2:2); ipinangaral niya ang ebanghelyo ng Diyos sa mga taga_Tesalonica (I Tes. 2:8-9). O, ipinahayag niya sa kanila ang ebanghelyo nang may napakalaking pagsalungat (I Tes. 2:2). O, muli, pinatotohanan niya ang ebanghelyo ng biyaya ng Diyos (Mga Gawa 20:24). At kadalasan din ang salitang " evangelize " (magpahayag) o magdeklara ng masayang balita, ay ginagamit upang tukuyin ang pangangaral ng ebanghelyo ng Diyos kay Cristo (I Cor. 15:1; II Cor. 11:7; Gal. 1:11; Apo. 14:6). Subalit hindi natin kailan man matatagpuan sa Salita ng Diyos na ang ebanghelyo ay inaalok, o ipriniprisinta nito ang pangako ng Diyos bilang sinserong alok ng kaligtasan sa lahat ng nakakarinig ng pangangaral ng ebanghelyo. Siguradong imbensyon lamang ito ng mga tao.

At katulad ng ating nabanggit, ito ay makatuwiran. Ang isang pangako ay hindi maaaring ialok. Ang isang alok ay isang may kundisyong panukala. Nakadepende at nakasalalay ito sa pagsang-ayon ng tao. Ngunit ang pangako ay inoobliga siya na nangako. At ito ay bukod-tangi at marring katotohanan tungkol sa pangako ng ebanghelyo. Una sa lahat dahil ang Diyos ang nangako at hindi Siya makapagsisinungaling. Matapat Siya at totoo at tiyak Niyang tutuparin ang bawat salita Niya. Pangalawa, dahil ang mga bagay na ipinangako ay hindi maaaring matupad o bahagyang matupad ng mga tao. Kung ang ebanghelyo ay pangangaral ng may kundisyong alok walang anuman sa kundisyon ang posibleng matupad ng tao. Hindi niya mapaniniwalaan sa kanyang sarili ang pangako; ni hindi niya kayang gustuhin sa kanyang sarili na sampalatayanan si Cristo. Hindi niya makakayang magsisi at magbalik-loob malibang tuparin muna ng Diyos ang pangako sa kanya. Samakatuwid, ang pangako ng Diyos sa isang dako ay hindi kundisyonal, kung hindi’y imposible itong maisakatuparan. Ikatlo, ang pangako ay ibinigay, hindi sa lahat, kundi sa isang pangkat, sa binhi ni Abraham, sa kanila na kabilang kay Cristo, sa kanila na sa soberanyong biyaya ay pinili tungo sa kaligtasan bago pa itinatag ang sanlibutan.

At natural na idinadako ako nito sa huli kong pananalita, na, ang pangangaral ng ebanghelyo ay dapat na tiyak na tiyak na tumutukoy sa kanila kung kanino lamang inilaan ang pangako. Ang ebanghelyong para sa lahat ay ebanghelyong hindi para kanino man. Maaaring mapatahan nito ang kunsyensya ng masama at ibulid siya sa impyerno na may kathang-isip na pag-asa lamang; hindi nito maaaliw ang hinirang, sa simpleng kadahilanang ang ganitong pangangaral ay hindi binabanggit na sila ay mga tagapagmana ng pangako. Dapat ipangaral ang ebanghelyo sa kaparaanang ganap na tiyak nitong idinedeklara sa mga tagapagmana ng pangako na para ito sa kanila.

Tunay nga, huwag nawa akong mapagkamalian, ang partikular na ebanghelyo ay dapat na ipangaral sa pandinig ng lahat. Bahagi ng dahilan ay dahil hindi natin kilala ang hinirang; dahil din kalooban ng Diyos na kahit ang mga itinakwil ( reprobate ) ay dapat marinig ang ebanghelyo ng kaligtasan sa kaparaanan ng pananampalataya at pagsisisi, upang malantad na ang kasalanan ay tunay na kasalanan nga, ang pangangaral ng ebanghelyo ay panglahat. Subalit sa panglahat na pangangaral na ito ng ebanghelyo ang mga tagapagmana ng pangako ay dapat tawagin sa kanilang pangalan, upang mabatid nila na ang mga tiyak na mga kahabagan ni David ay para sa kanila. Hindi na para bang mababanggit ang kanilang natural na pangalan. Kundi sa ilalim at sa pamamagitan ng pangangaral ng ebanghelyo binibigyan sila ng Diyos ng bagong pangalan, isang espiritwal na pangalan, na siyang paraan upang malaman nila na inilalaan Niya ang pangako para sa kanila. Sa katayuan, sila ang mga hinirang. Ngunit sa kanilang espiritwal na pangalan, sila ang mga napapagod at nabibigatan, sila na mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran, ang mga dukha sa espiritu, sila na mga namimighati, ang mga nagsisisi at bagbag ang kalooban, sila na mga natutuhang isandal ang kanilang pag-asa at paghihintay tanging sa dugo ni Jesu-Cristo na kanilang Panginoon, na umibig sa kanila at namatay para sa kanila at nabuhay muli para sa kanilang pagkaka-aring ganap! Sa kanila ang pangako ng Diyos ay oo at amen. Hindi sila mapapahiya. Sila ay iingatan sa kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan, handang mahayag sa huling kapanahunan.

At ang pangangaral ng ebanghelyo ay tiyak na maaaliw sila na namimighati upang sila’y magkaroon ng liwanag sa kadiliman at galak ng pag-asa sa gitna nitong nakakapagod na gabi ng paghihirap ng kasalukuyang panahon!

Para sa karagdagang babasahin sa wikang Tagalog, i-click dito
http://www.bereanprcp.org/html/tagalogsection.htm
http://prcaphilippinesaudio.wordpress.com/tagalog/