David J. Engelsma
Isang pagsusuri, mula sa pananaw ng Reformed na pananampalataya, sa kilusan sa relihiyon na kung tawagin ay Pentecostalismo ay nasa ayos. Sapagka’t ang Pentecostalismo ay gumagawa ng pagsalakay patungo sa mga iglesia ng Reformed. Naniniwala ang iba na ang Reformed na pananampalataya at ang Pentecostalismo ay magkasuwato; yung iba naman ay umaangkin na ang Pentecostalismo ay ang paghantong ng Repormasyon sa ating panahon; may iba naman na lantarang nagpapahayag na ang Pentecostal na relihiyon ang siyang pumapalit sa makasaysayan na Reformed na pananampalataya.
Ang pagsasagawa ng ganitong pagsusuri ay matuwid. Karaniwan na na tinatakot ng mga Pentecostal ang mga magiging kritiko sa pamamagitan ng pagpaparatang na ang pagpuna sa Pentecostalismo ay ang walang kapatawarang kasalanan na kalapastangan sa Diyos laban sa Espiritu Santo. Ang isang Reformed na tao ay hindi nasisindak sa ganitong taktika ng pananakot. Higit sa isang beses sa kasaysayan ng Iglesia, sinubukan ng mga bulaang guro na makapasok sa Iglesia sa pamamagitan ng pag-aapela sa Espiritu. Isang kilalang halimbawa ang paglitaw ng mga panatiko sa panahon ng Protestanteng Repormasyon noong ika-16 na siglo, na lumigalig sa mga Lutheran sa Wittenberg. Sila yung mga “makalangit na mga propeta” at “mga tagahanga” na umaangking nakatanggap ng tanging paghahayag mula sa Espiritu at paggawa ng mga himala. Nasindak nila si Melanchton, pero hindi nila nasindak si Luther. Noong sila ay humiyaw ng, “Ang Espiritu, ang Espiritu,” sinagot sila ni Luther ng, “Sinampal ko ang inyong espiritu sa nguso.”
Alam ng Reformed na lalaki at babae ang pagtuturo ng Espiritu ni Cristo sa Banal na Kasulatan: “Mga minamahal, huwag kayong magsipaniwala sa bawa't espiritu, kundi inyong subukin ang mga espiritu, kung sila'y sa Dios: sapagka't maraming nagsilitaw na mga bulaang propeta sa sanglibutan” (1 Juan 4:1).
Ang pamantayan sa pagsusuri nga mga espiritu, kabilang ang espiritu ng Pentecostalismo, ay ang Banal na Kasulatan, ang kinasihan na Salita ng Dios. Sa liwanag ng Banal na Kasulatan ito dapat ang itanong: itong espiritu ba, itong kilusan sa relihiyon, ay ipinapahayag si Jesu Cristo (1 Juan 4:2,3); ito ba ay nananahan “sa aral ni Cristo” (2 Juan 9)? Dahil ipinapahayag ng Banal na Espiritu si Jesu Cristo at taglay ang aral ni Cristo.
Nararapat na maging kabilang sa ating pagsusuri sa Pentecostalismo ang pagsasaalang-alang sa pagpuna sa buhay-Cristiano ng mga Reformed na mananampalataya. Sapagkat minamaliit ng Pentecostalismo ang buhay ng mga “galos lamang na mananampalataya.”
Ang bunga ng Pentecostalismo ay ang pag-aalinlangan ng mga mananampalataya kung ang buhay ba nila ay kung ano dapat ito maging- ang pangkaraniwang buhay ng Cristiano. Maliban dito ang mga mananampalataya ay nagkakaroon din ng pagdududa kung sila ba ay tunay na ligtas na mga Cristiano. Sa huling pagsisiyasat, ang pag-aapela ng Pentecostalismo sa mga relihiyosong tao ay sa pamamagitan ng pagmamayabang ng kanilang mas mataas, mas puspos, mas malalim, mas mayaman na buhay-Cristiano. Ang Pentecostalismo ay nagpapakasaya sa isang buhay-Cristiano na may taglay na kapangyarihan, puspos na kasiglahan, puspos na kagalakan, puspos na tagumpay.
Hindi dapat ipagpalagay ng sinuman na, dahil tayo ay nagsasabi ng isang Reformed na pagsusuri ng Pentecostalismo, ay ibig sabihin na para lamang ang pagsusuring ito sa mga miyembro ng Reformed na Iglesia. Ang Reformed na pananampalataya ay kumakatawan ng Protestantismo- Ang Cristianismo na ayon sa Biblia. Magiging maliwanag, na ang pamantayan kung saan ang Reformed na pananampalataya nagsasagawa ng pagsusuri ay ang Banal na Kasulatan- ang patakaran ng pananampalataya at buhay para sa bawat Cristianong nagpapahayag ng paniniwala. Sa ilalim ng maliwanag na ilaw ng Banal na Kasulatan, ipinapakita ng Pentecostalismo ang mga tampok na nagmamarka dito na walang pagduda bilang isang uri ng makaluma, at medyo pamilyar, na banta sa Cristianismo.
Sa Pentecostalismo, maiintindihan natin ang kilusan sa relihiyon na nagtuturo ng pangalawa at, natatanging gawa ng pagpapala sa anak ng Diyos na siyang tinatawag na “pagbabautismo sa Espiritu Santo.” Sa ilang sandali pagkatapos ng pagbabagong-buhay (o, pagbabago), ang mananampalataya ay tumanggap ng Espiritu Santo, na kadalasan ay kamangha-manghang emosyonal na karanasan, sa paraan na sa ngayon, sa unang pagkakataon, mararamdaman niya ang kakaibang kagalakan; magkakaroon siya ng kapangyarihan para sa isang masiglang buhay-Cristiano at panunungkulan; at gagawa ng natatanging kaloob ng Espiritu Santo, na kung tawagin ay, pagsasalita ng mga wika. Kahit pa na ang mananampalataya ay nakatanggap kay Cristo, ng kapatawaran ng mga kasalanan, ng pagpapakabanal bago nito, hangga’t hindi pa nakakamit ang pagbautismo sa Espiritu Santo, hindi siya makakaangat sa mas mataas na antas na espiritual, kung saan siya ay magkakaroon ng kakayahan para mamuhay ng puspos, puno ng saya, makapangyarihan, at tunay na buhay-Cristiano.
Ito ang turo na bumubuo sa pinakapuso ng Pentecostalismo. Ang iba pang mga tampok sa turo ng Pentecostalismo ay maaaring makaakit ng pansin sa mga nagmamasid dito, ilang mga halimbawa nito ay ang, pagsasalita ng mga wika, ang paggawa ng himala, at puspos na kasiglahan sa kanilang pagtitipon-tipon; subalit ang kilusan ay tatayo o kaya babagsak sa kanilang makabagong turo sa kaligtasan- ang pangalawang pagbabautismo. Ang pangunahing pagpuna na isinasagawa ng Reformed na pananampalataya sa relihiyon na ito ay ang kabulaan ng kanilang turo sa kaligtasan. Kinilala ng mga Pentecostal itong “Pagbabautismo sa Espiritu Santo” noong Araw ng Pentecostes kung saan 120 na mananampalataya ang dinapuan ng Espiritu Santo. Dito nagsimula ang pangngalan ng kilusan: Pentecostalismo.
Dahil ang Espiritu ay pinagpalagay sa pagbigay ng mga pambihirang kaloob sa lahat na nakatanggap ng bautismo, ang kilusan ay tinawag din na “kilusan na Charismatic.” Sa wikang Griego sa Bagong Tipan, ang salita na nangangahulugan na “mga kaloob” ay “charismata” (1 Mga Taga-Corinto 12:4). Ang mga kaloob na puspusang pinahahalagahan ng Pentecostalismo ay ang pagsasalita ng mga wika; pagsasalin ng wika; panghuhula; paggawa ng himala; at ang kapangyarihan sa pagtaboy ng masasamang espiritu. Ang pangunahing kaloob ay ang pagsasalita ng mga wika. Samakatuwid, ang kilusan ay tinatawag din kung minsan na “kilusan ng pagsasalita ng mga wika.”
Neo-Pentecostalism ang ibinigay na pangalan sa kilusan na ito dahil ito ay isinasagawa sa loob ng matatatag na iglesia ng Protestante at sa loob ng iglesia ng Romano Katoliko. May mga iglesia na Pentecostal na mula pa sa unang bahagi ng 1900 na taon, halimbawa, ang Assemblies of God. Sa unang bahagi ng taong 1960, pinaglalaban na ng mga tao sa matatatag na Protestanteng iglesia ang mga paniniwala at pagsasagawa ng mga Pentecostal sa loob ng kanilang mga iglesia. Ang pinuno ay si Dennis Bennett na pangkalahatang kinilala bilang isang Episcopalian. Sa ngayong panahon, wari’y wala ng denominasyon ang hindi nagpapalagpas, o nagpapahintulot, sa pagsasagawa ng Pentecostal sa gitna ng pag-aanib ng mga miyembro.
Inaangkin ng Pentecostalismo na ang turo nilang Pagbabautismo sa Espiritu Santo bilang gawa ng biyaya at ang turo nito ng pagkakaroon ng mga pambihirang kaloob ng Espiritu sa loob ng isang iglesia ay naayon sa Biblia. Nakita nito sa Mga Gawa 2, ganoon din sa Mga Gawa 8, 10, 19, na malinaw na may kakaibang pagtanggap sa Espiritu Santo ang mga mananampalataya kasunod ng kanilang pagbabago, ang pagtanggap sa Espiritu na nagkaloob sa mga mananampalataya ng malakas na kapangyarihan at nagbigay sa kanila ng mga natatanging kaloob. Itinuturo tayo nito sa Mga Taga Corinto 12 bilang katunayan na ang mga kaloob ng Espiritu sa iglesia sa Bagong Katipan ay mayroong pagpapagaling sa may sakit, paggagawa ng mga himala, hula, pagsasalita ng mga wika, at iba pa.
Ano ang kasagutang Reformed sa mga pag-aapela nito sa Biblia na sumusuporta sa mga turo ng Pentecostal tungkol sa pagbabautismo sa Espiritu at ang mga pambihirang kaloob nito?
Mayroong pagbabautismo sa Espiritu Santo. Isa itong mahalagang sangkap ng kaligtasan. Ito ay malinaw sa pahayag ni Juan Bautista ukol sa nakakaligtas na gawa ni Jesus: “Siya ang sa inyo'y magbabautismo sa Espiritu Santo at apoy” (Mateo 3:11; Marcos 1:18; Lucas 3:16; Juan 1:33). Datapwa’t hindi ito ang pangalawang gawain ng Espiritu Santo na kasunod sa muling kapanganakan at sa kaloob ng pananampalataya. Hindi rin ito para sa mga Cristiano lamang, na nakapagkamit ng mga bagay na dahilan ng kanilang pagiging karapatdapat na makarating sa mas mataas na antas ng kaligtasan. Ang bautismo ni Cristo sa Espiritu ay ang kanyang nag-iisang gawain ng kaligtasan sa pamamagitan ng kanyang Espiritu sa bawat anak ng Dios. Ito ay ang kanyang muling kapanganakan, kapanganakang muli mula sa langit (Juan 3:1-8). Ito ang kanyang paglilinis sa kasalanan at pagtatalaga sa Dios sa pamamagitan ng pagbubuhos ng Espiritu sa kanyang puso. Sa espiritual na katotohanan na ito, ang pagbautismo ni Juan ng tubig ay isang tanda. Ang sakramento ng bautismo sa Iglesia ay isang tanda ng bautismo ng Espiritu, na itinuturo sa Tito 3:5-6: “ ayon sa kaniyang kaawaan ay kaniyang iniligtas tayo, sa pamamagitan ng paghuhugas sa muling kapanganakan at ng pagbabago sa Espiritu Santo, na kaniyang ibinuhos ng sagana sa atin, sa pamamagitan ni Jesu Cristo na ating Tagapagligtas.”
Mayroon lamang isang bautismo sa Iglesia ni Cristo: ang bautismo sa Espiritu Santo na ipinahayag sa pamamagitan ng tubig sa pangalan ng Dios na Ama, Anak at Espiritu Santo. Ito ang itinuturo ng mga apostol sa Mga Taga Efeso 4:5: “Isang Panginoon, isang pananampalataya, isang bautismo.” Ang Pentecostalismo ay may dalawang bautismo: una, ang mas mababang bautismo- ang kaligtasan sa kasalanan (kung saan tubig ang tanda); at ang pangalawa, ang mas mataas na bautismo- and bautismo sa Espiritu Santo. Sa ganitong paraan, ibinubuwag ng Pentecostalismo si Cristo, ang kaligtasan, at ang iglesia.
Ang bautismo ni Cristo sa kanyang mga hirang sa Espiritu Santo ay nakasalalay lamang sa kanyang gawa na nagkamit nitong kaloob para sa kanila sa pamamagitan ng kanyang kamatayan. Hindi ito nakasalalay sa mga gawa na dapat gampanan ng mga tao para makamit ito. Samakatuwid, hindi lamang maaaring matanggap ito ng bawat hirang na anak ng Dios kundi tinatanggap niya ito. “Siya ang sa inyo'y magbabautismo sa Espiritu Santo,” ipinangako ni Juan.
Para maging tiyak, ang bautismo sa Espiritu ay ang pagtanggap ng malakas na kapangyarihan ng bawat taong nakaranas ng bautismo, ayon sa turo ni Cristo sa kanyang mga disipulo sa Mga Gawa 1:8: “Datapuwa't tatanggapin ninyo ang kapangyarihan, pagdating sa inyo ng Espiritu Santo…” Subalit dapat ituro sa atin ng Kasulatan kung ano ang katuturan nitong kapangyarihan at kung paano ito isinasagawa. Ukol sa Iglesia, ito ay ang kapangyarihan ng pagsaksi kay Cristo: “…at kayo'y magiging mga saksi ko…” (Mga Gawa 1:8). Ang tanda ng iglesia na nabautismo sa Espiritu, samakatuwid, ay ang tapat na pagpapahayag kay Cristo.
Tungkol naman sa bawat anak ng Dios, ang likas na kapangyarihan ng bautismo sa Espiritu ay ipinahayag ni Juan Bautista nang sinabi niya na tayo ay binautismuhan “sa Espiritu Santo at apoy.” Tinanggap natin ang Espiritu bilang isang apoy; nananahan Siya at gumagawa sa atin bilang isang apoy. Ang apoy ay siyang naglilinis sa pamamagitan ng puspusang pagniningas ng mga nakakahawang dumi na nakakapit sa bakal. Ganoon din ang ginagawa ng Espiritu Santo, nagniningas ng ating kasalanan, upang maitalaga tayo sa Dios sa pamamagitan ng pagtalima ng pagkalugod. Ang kapangyarihan ng bautismo sa Espiritu ay ang nakamamanghang kapangyarihan ng pagpakabanal. Ito ay akma sa hula ukol sa bautismo sa Espiritu sa Lumang Katipan. “Sa araw na yaon ay magiging maganda at maluwalhati ang sanga ng Panginoon, at ang bunga ng lupain ay magiging magaling at mainam sa kanilang mga taga Israel na nangakatanan. At mangyayari, na siyang naiwan sa Sion, at siyang nalabi sa Jerusalem, tatawaging banal, sa makatuwid baga'y bawa't nasusulat sa mga nabubuhay sa Jerusalem: Pagka huhugasan ng Panginoon ang karumhan ng mga anak na babae ng Sion, at lilinisin ang dugo ng Jerusalem sa gitna ng bayan sa pamamagitan ng bisa ng kahatulan, at sa pamamagitan ng bisa ng pagniningas” (Isaiah 4:2-4).
Samakatuwid, ang tanda ng isang Cristianong binautismo sa Espiritu ay ang kalumbayan sa kasalanan (pagsisi) at pagtalima sa utos ng Dios (pagpapakabanal).
Muli ka na bang ipinanganak (at totoong ikaw nga ay ipinanganak muli kung ikaw ay nananampalataya kay Jesu-Cristo)? Namamanglaw ka ba sa iyong pagiging salarin at sa iyong mga kasalanan? Mayroon na bang panimula sa iyong buhay, gaano man ito kaliit, ng pagtalima sa lahat ng utos ng Dios sa kanyang Kautusan? Ikaw nga ay nabautismo sa Espiritu Santo; at ang sakramento ay tanda at tatak sa iyo ng iyong bautismo sa Espiritu, habang ikaw ay nabubuhay. Huwag kayong padaya kahit kanino man, na kayo’y nangangailangan pang maghanap pa ng iba, at mas mabuting bautismo.
Paano ngayon maipapaliwanag na sa aklat ng Mga Gawa ay malinaw na mayroong dalawa at magkaibang mga gawa ng Espiritu Santo sa ibang mga tao ng Dios? Ang mga disipulo ni Jesus na sina Pedro, Juan, at iba pa, ay muling ipinanganak, at nailigtas bago dumating ang araw ng Pentecostes. Ito, ay wala ng iba, kundi dahil sa mapagbiyaya na kilos ng Espiritu sa kanilang mga puso. Ngunit, sa pagdating ng araw ng Pentecostes silang lahat ay “nangapuspos ng Espiritu Santo” (Mga Gawa 2:4). Ang Espiritu ay ibinuhos sa kanila (Mga Gawa 2:16-18). Sila nga ay “binautismuhan sa Espiritu Santo (Mga Gawa 1:5).
Ang Pentecostalismo ay umaapela sa kasaysayan sa Mga Gawa bilang patunay sa kanilang pakikipagtalo na nararapat na mayroong dalawa at magkaibang gawa ng biyaya sa buhay ng bawat Cristiano: ang muling kapanganakan (pagbabago) at ang bautismo sa Espiritu Santo. Ang karanasan nga mga disipulo, at ng iba pa, sa aklat ng Mga Gawa ay nilingap bilang batayan ng karanasan ng bawat anak ng Dios. Sinasabi ng Pentecostalismo na ang Pentecostes ay dapat mangyari ng paulit-ulit, sa bawat tao sa iglesia. Nabanggit ni Donald Gee, isa sa mga pangunahing Pentecostal na manunulat , ang “pansariling Pentecostes” para sa bawat Cristiano (A New Discovery).
Ito ay nagkakanulo sa puspusang pagkakamali sa pagtalastas ng dakilang pangyayari sa Pentecostes. Isang kamangmangan ang paghingi ng pansariling Pentecostes katulad ng paghingi ng pansariling pagkatawang-tao ni Jesus, o pansiriling kamatayan ni Jesus, o pansariling pagkabuhay ni Jesus.
Ang Pentecostes ay ang ipinagbubunying kaloob ni Cristo ng Espiritu Santo sa kanyang iglesia. Ang Espiritu ay puspusan at nag-uumapaw na ipinagkaloob- Siya ay “ibinuhos.” Ipinagkaloob Siya bilang Isang tagapagdala sa iglesia ng mga unang bunga ng nangatapos na gawa ni Jesu-Cristo, mga kabutihan ng kamatayan at pagkabuhay muli ni Cristo, kung tawagin ay, kaligtasan ni Cristo. Sa kaloob ng Espiritu, ang pangakong Evangelio ng Lumang Katipan ay naitupad para sa iglesia (Mga Gawa 2:38,39; Mga Taga Galacia 3:14), dahil ibinigay ng Anak ng Dios ang buong kaligtasan sa mga hinirang ng Dios- ang pagpatawad ng mga kasalanan at ang buhay na walang hanggan. Binautismo Niya ang iglesia sa Espiritu Santo (Mga Gawa 1:5). Bilang mas makapangyarihan kay Juan Bautista, ibinuhos Niya sa Iglesia ang katotohanan, samantalang tanda lamang ang naibigay ni Juan Bautista (Mateo 3:11).
Yaung araw ng Linggo ang tanda ng paglipas ng lumang kaganapan at ang pagdating ng bagong kaganapan; ito ang hangganan na namamagitan sa luma at bagong kaganapan. Ang pagkakaiba ng Luma at Bagong Katipan ay ang bagay ng kapuspusan ng Espiritu Santo; at ang kapuspusan ng Espiritu Santo ay bagay ng puspus na kayaman na dulot ng naisagawang kaligtasan ni Cristo. Ito ang turo ng Juan 7:37-39: “…sapagka't hindi pa ipinagkakaloob ang Espiritu; sapagka't si Jesus ay hindi pa niluluwalhati.” Sa panahon ng Lumang Katipan, bago dumating ang Pentecostes, hindi pa ipinagkaloob ang Espiritu Santo. Siya at ang kanyang nakakaligtas na gawa ay hindi kumulang, dahil iniligtas Niya ang mga hinirang ng Dios na nasa ilalim ng lumang tipan, kagaya rin ng kanyang pagliligtas sa atin ngayon. Subali’t hindi pa Siya ipinagkaloob ng may kapuspusan at kayaman ng kaligtasan kung saan sa ngayon Siya ay nananahan sa iglesia. Hindi maaari, dahil hindi pa naisasagawa ang pagkamatay at pagkabuhay muli ni Cristo, sa pagkamit yaung mayaman at puspos na kaligtasan. Kung paano ang Pasko ay ang kaarawan ng Anak ng Dios sa laman, ganun din naman ang Pentecostes ay ang “kaarawan” ng Espiritu bilang Espiritu ni Cristo sa iglesia.
Ang Pentecostes, kagaya ng pagkakatawang tao, pagpapako sa krus, pagkabuhay muli, at pagdala sa itaas sa langit, ay minsan lamang na kaganapan sa kasaysayan. Limampung taon ang lumipas pagkatapos mabuhay muli, ipinagkaloob ni Jesus ang kanyang Espiritu sa kanyang Iglesia. Hindi na ito mangyayari ulit kagaya ng hindi na mangyayari ulit ang pagkamatay ni Jesus. Walang kabuluhan, kung hindi kabulaan, ang pagpangaral ng pansariling Pentecostes ng bawat Cristiano. Ito ang dahilan ng pagkakamalian, ang umasa ng muling pagpapakita ng mga tanda mula sa simula ng kasaysayan ng iglesia hanggang sa dulo nito. Ang ugong na gaya ng sa isang humahagibis na hanging malakas, mga dilang kawangis ng apoy, at ang pagsalita ng mga disipulo ng iba't ibang wika ay ang mga tanda, minsan magpakailanman, ng makasaysayang tagpo ng pagbubuhos ng Espiritu, katulad ng ang malakas na lindol ay tanda ng pagkabuhay muli ni Jesus. Sa kapanatagan, itong mga tanda ay ukol bilang aking mga tanda sa ika-20 siglo, katulad na ito din ay ukol bilang mga tanda kay Pedro noong A.D. 33; subali’t naging akin sila, hindi dahil naulit ito sa aking karanasan, kundi dahil ito ang nakasulat sa mga pahina ng Banal na Kasulatan at sa pagtanggap nito sa pamamagitan ng pananampalataya.
Kapag sinusubukan nga mga Pentecostal na magsalangsang sa nag-iisa at para sa lahat na katangian ng Pentecostes, itinuturo nila ang mga pangyayari sa aklat ng Mga Gawa na inaakala nilang mga pag-uulit ng Pentecostes: ang pagdapo ng Espiritu sa mga nabagong Samaritano (Mga Gawa 8:5-24); ang pagbuhos ng Espiritu kay Cornelio at sa kanyang sambahayan(Mga Gawa 10:44-48, Acts 11:15-18); at ang pagdating ng Espiritu sa mga disipulo ni Juan (Mga Gawa 19:1-7). Sa katotohanan, ang mga pangyayaring ito, na iniukol ng Dios sa pagpahayag ng di na mauulit pang kababalaghan ng Pentecostes ay iginagawad sa lahat ng iglesia, lalo na sa mga kalahating pagano (Samaritano), ang mga tahas na pagano (sambahayan ni Cornelio), at ang mga disipulo ni Juan Bautista. Sila ang mga idinugtong ng Pentecostes sa kabuuang iglesia, sila ang pinakasukdulan na gawa ng Pentecostes.
Sa liwanag ng kabuluhan ng Pentecostes, agad nating mauunawaan na, yaung araw ng Pentecostes, ang mga lalaki at babaeng nailigtas na ang mga nakatanggap ng kaloob ng Espiritu Santo, ng sa gayon ay tinamasa nila ang mga bagong kayamanan ng kaligtasan at hanggang ngayon ang lingid na kapangyarihan. Hindi ito pinagkakilanlan na may dalawang gawa ng biyaya sa bawat Cristiano; hindi ito ang tuntunin para sa lahat ng mananampalataya, na parang pati tayo ay dapat umasa, at mangarap, na mangalipat mula sa “galos lamang na kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya” patungo sa mas mataas na antas ng pakiramdam at kapangyarihan ng isang “Bautismo ng Espiritu.” Ang kapaliwanagan nito ay makikita sa kakaibang makasaysayang posisyon nga mga santo na nabubuhay noong Pentecostes. Namuhay sila sa pamamagitan ng pagbabago mula sa lumang tipan patungo sa bagong tipan, na buhat sa Espiritu bilang hindi pa ganap na nananahan, buhat kay Cristo na hindi pa naluluwalhati tungo sa kanyang pagluluwalhati. Bago pa mangyari ito, yaung mga santo ay nailigtas na; sa ngayon, habang nagbubukas ang bagong tipan, nangagtanggap sila ng kaloob ng Espiritu sa kanyang kapuspusan, ito ay ang, ganap na kaligtasan sa nahuwalhating si Cristo. Sa Pentecostes, sila ay umusad, hindi mula sa unang antas ng biyaya patungo sa pangalawang antas na mas mataas na antas ng biyaya, kundi mula sa kasanggulan ng iglesia ng lumang tipan patungo sa pagtanda nito sa bagong tipan (Mga Taga-Galacia 4:1-7).
Umuudlot kami sa mungkahi na dapat maulit ang karanasan ng Pentecostes sa bawat isa sa atin. Kung sakali man, dapat nating balikan pansamantala ang lumang kaganapan ng panahon, mabuhay sa ilalim ng mga kautusan at mga anino, upang sa ganun, sa isang banda, makatungo tayo sa bagong kaganapan ng panahon. Kung sakaling maaari itong mangyari, ito ay aming itatanggi, ngayong narinig na namin ang mga babala sa Mga Taga-Galacia at Hebreo.
Tayong mga santo ng Bagong Tipan ay nakakatanggap agad ng Espiritu ng naluwalhati at buong Cristo kalakip nito ang lahat na mga pakinabang na nakamit ni Cristo, sa oras na ipinanganak Nia tayong muli, Siya ay nananahan sa atin, binautismo Nia tayo sa katawan ni Cristo, ang iglesia, ipinagkaisa Nia tayo kay Cristo sa pamamagitan ng tunay at buhay na pananampalataya.Tiyak na ang mga biyaya ng Pentecostes ay maipapasa-atin ng buong-buo katulad din yaung biyaya ng 120 sa silid sa itaas sa Jerusalem; tiyak na bahagi tayo ng Pentecostes ng tunay at buo na parang magkakasama tayo ng 120 na mananampalataya noon. Ito ay magkasing kailangan ng ating pagiging bahagi sa kamatayan at muling pagkabuhay ni Cristo. Kung ang isang tao ay walang bahagi sa kamatayan at muling pagkabuhay ni Cristo, o sa Pentecostes, siya ay hindi pa ligtas. Subali’t hindi ako bahagi ng kamatayan ni Cristo sa pamamagitan ng kamatayang paulit-ulit sa paanuman sa personal kong kasaysayan at buhay. Bahagi ako ng kamatayan at pagkabuhay muli ni Cristo sa pamamagitan ng pananampalataya: sa pamamagitan ng pananampalataya ako ay ipinako sa krus na kasama ni Cristo at nabuhay na kasama ni Cristo. Dahil dito, sa pamamagitan ng pananampalatayang ito, bahagi ako ng Pentecostes. Ang biyaya yaung dakilang araw, na sa ngayon ay may 2000 taon na ang nakalipas, ay personal na naging akin sa pamamagitan ng pananampalataya, na siyang gawa ng Espiritu sa akin, na nangag-isa sa akin kay Cristo at sa Kanyang katawan, ang iglesia, na para sa kaniya’y ipinagkaloob ang Espiritu pagkatapos at sa kaniya’y nananahan ang Espiritu ng walang katapusan. Ito ang turo ng Mga Taga-Galacia 3: “upang sa pamamagitan ng pananampalataya ay tanggapin natin ang pangako ng Espiritu” (v.14).
Ang iba pang katangian maliban sa dalawang kilalang katangian ng Pentecostalismo ay ang kanyang turo, at ang pinaniniwalaang pagsasagawa, tungkol sa hindi pangkaraniwang mga kaloob ng Espiritu, lalo na ang mga wika. Ito rin ay umaangkin ng suporta sa Kasulatan, lalo na sa 1 Mga Taga-Corinto 12-14. Ano ang Reformed na kasagutan sa turo at apela na ito sa Biblia?
Nagkaroon ng kaloob ng pagsasalita ng wika yaung kapanahunan ng mga apostoles, kung ito ba ay maipapaliwanag bilang kakayahan sa pagsasalita ng mga wika ng walang pagsasanay, o kakayahan ng pagsasalita ng panibago at hindi pa kilala na wika. Ang 1 Mga Taga-Corinto 14 ay nagpapahiwatig na kahit papaano may isang anyo ang pagsasalita ng mga wika yaung mga araw at ito ay ang kakayahan ng pagsalita ng panibago at hindi kilalang wika. Walang sinuman kahit na ang siyang nagsasalita ng wika ang nakakaunawa ng nasabing wika (vv.2, 14). Ang pagpapaliwanag ng mga wika, katulad ng pagsasalita ng mga wika, ay kaloob ng Espiritu (v.13, cf. 1 Mga Taga-Corinto 12:10). Ang nagsasalita ng mga wika ay hindi nagsasalita sa mga tao kundi sa Dios (v.2). Ang pakinabang nito ay hindi sa pagpapatibay sa iba kundi sa pagpapatibay sa sarili (v.4). “Sa espiritu ay nagsasalita ng mga hiwaga” (v.2).
Nagkaroon din ng iba pang mga pambihirang kaloob ng Espiritu yaung mga araw: ang kaloob ng pagtanggap ng espesyal na mga kapahayagan mula sa Dios; ang kaloob ng pagtataboy sa mga demonyo; ang kaloob ng pagsisihawak ng mga ahas; ang kaloob na kung magsi-inom sila ng bagay na makamamatay, sa anomang paraan ay hindi makasasama sa kanila; ang kaloob na ipapatong nila ang kanilang mga kamay sa mga may-sakit, at sila'y magsisigaling; at ang kaloob ng pagbubuhay nila sa mga patay (Marcos 16:17-18; 1 Mga Taga-Corinto 12:1-11).
Kabilang sa mga kaloob na ito, ang kakayahan sa pagsalita ng mga wika ang may mas maliit na kahalagahan. Sa listahan ng mga kaloob sa 1 Mga Taga-Corinto 12:28-31, and pagsasalita ng mga wika at ang pagpapaliwanag ng mga wika ay nasa huli at hindi nabibilang sa “lalong dakilang mga kaloob” na dapat nasain ng mga taga-Corinto. Ang 1 Mga Taga-Corinto ay galos lamang na nagtuturo sa mga taga-Corinto na huwag ipagbawal ang pagsasalita ng mga wika, subali’t pinagpapayuhan na nasain ang panghuhula. Sa kabubuan ng 1 Mga Taga-Corinto 14, binabawasan ng apostol ang kahalagahan ng pagsasalita ng mga wika kung ikukumpara sa panghuhula, samantalang ipinapahayag ang mga pag –aabuso sa kaloob ng pagsasalita ng mga wika ng mga taga-Corinto. Sa karagdagan, ang pagsasalita ng mga wika ay kaloob na hindi binigay sa lahat ng mga taga-Corinto o mithiin na maaangkin ng lahat ( 1 Mga Taga-Corinto 12:20). Nakakagulat, hindi ko na babanggitin pa, na ang Pentecostalismo, kalakip ng lahat na mga pagngasngas nito ng panunumbalik ng Cristianismo ng Bagong Tipan, ay humihirang sa pagsasalita ng mga wika bilang mga kaloob ng Espiritu, sa kapuspusan ng kahusayan, dinadahilan dito, kapwa ang teorya at pagsasagawa nito, ang kadakilaan nito na kahit noong araw ng mga apostol ay wala ito, at ang Pentecostalismo ay naniniwala na ang bawat Cristiano ay dapat mayroong kaloob na ito, na parang hindi sinulat ni Pablo ang mga katagang ito, “nangagsasalita baga ang lahat ng mga wika?”
Ang pangagatuwiran ng Pentecostalismo sa mga himala ngayon ay payak: ang Kasulatan ay nagtuturo na ang himala ay bahagi ng buhay at pangangasiwa ng iglesia yaung panahon ng mga apostol; samakatuwid, and kaloob ng paggawa ng mga himala ay dapat makita sa iglesia ngayon.
Binalewala ng Pentecostalismo ang turo ng Kasulatan na ang mga himala noon ay “mga tanda ng isang apostol.” Ang kapangyarihan sa paggawa ng mga himala ay nakalakip sa kawanihan ng apostol at ang kasama nito ang pakay ng pagpapatunay na ang mga apostol ay mga namumukod na mga alagad ni Cristo at ang magpapatibay sa katotohanan ng kanilang turo bilang ebanghelyo ng Dios. Hindi ibig sabihin nito na tanging mga apostol lamang ang makakagawa ng mga himala; kung sa bagay, ang ibang mga santo ay mayroon din nitong kaloob ng paggawa ng mga himala. Subalit nangangahulugan ito na ang mga himala noon ay nauukol sa apostol: hango ito sa kawanihang nauukol sa apostol na sa kasalukuyang nasa iglesia yaung mga panahon, at nagsilbi ito sa pagpatotoo sa mga apostol at sa kanilang mga turo. Ang mga himala ay ang mga katibayan ng pagkakakilanlan ng mga apostol.
Ang pangangailangan ng mga himala noong kapanahunan na nauukol sa mga apostol ay makikita sa bukod-tanging gawa nga mga apostol. Itinatag nila ang kinasasaligan ng iglesia ni Cristo sa Bagong Tipan. Sinulat ni Pablo, sa Mga Taga-Efeso 2:20, upang ang mga mananampalatayang Hentiles, kasama ang mga santo ng Israel, “itinatayo sa ibabaw ng kinasasaligan ng mga apostol at ng mga propeta.” Ang mga apostol ang kinasasaligan ng Iglesia, si Cristo naman “ang pangulong bato sa panulok.” Sila ang kinasasaligan sa bisa ng Salita na kanilang itinatanyag at isinusulat. Katulad din, sa 1 Mga Taga-Corinto 3:10, inaangkin ni Pablo na inilagay niya ang pinagsasaligan ng Iglesia sa Corinto, habang ang iba naman ay nagtatayo sa ibabaw nito: “Ayon sa biyaya ng Dios na ibinigay sa akin, na tulad sa matalinong tagapagtayo ay inilagay ko ang pinagsasaligan; at iba ang nagtatayo sa ibabaw nito …
Na ang mga himala, kalakip ang mga himala ng pagsasalita ng mga wika, ay bahagi ng kawanihan na nauukol sa apostol ay tinuro sa 2 Mga Taga-Corinto 12:12: “Tunay na ang mga tanda ng apostol ay pawang nangyari sa inyo sa buong pagtitiis, sa pamamagitan ng mga tanda at mga kababalaghan at ng mga gawang makapangyarihan.” Ipinagtatanggol ni Pablo ang kanyang pagka-apostol sa pagtanaw ng atake sa pagka-apostol niya sa Corinto. Siya ay nananaghoy, sa ika-11 na bersikulo, sa dahilan na hindi siya pinuri ng mga taga Corinto, sapagka't sa anoman ay hindi ako naging huli sa lubhang mga dakilang apostol.” Nararapat sana na kilalanin at paunlakan ng mga taga-Corinto ang pagka-apostol ni Pablo, sapagka’t nagbigay si Cristo ng maliwanag na katunayan nito sa mga himala na isinagawa niya sa pamamagitan ni Pablo. Ang mga himala ay inilalarawan bilang mga tanda, mga kababalaghan at mga gawang makapangyarihan. Sila ay tinatawag na “mga tanda ng isang apostol.” Naayon sa salita, mababasa natin: “mga tanda ng apostol.” Ang mga himala ay nagtuturo ng pagdalo at kapangyarihan ng pagka-apostol. Sila ay mga sangkap sa kawanihan ng apostol.
Iniuugnay ng Hebreo 2:3-4 ang mga pambihirang kaloob ng Espiritu sa kawanihan na umuukol sa apostol. Ang unang tatlong bersikulo na bahagi ng kabanata ay nagbabanta sa kapabayaan ng ubod na “dakilang kaligtasan.” Ang isa magkakasala kung ito ay tumanggi sa pagtanto sa mga bagay na narinig sa Salita ng Dios. Dahil may kaligtasan tayo sa pamamagitan nitong Salita: “Paanong makatatanan tayo, kung ating pabayaan ang ganitong dakilang kaligtasan? na ipinangusap ng Panginoon noong una ay pinatunayan sa atin sa pamamagitan ng mga nakarinig?” Ang dakilang kaligtasan ay ipinangusap; naangkin natin ito sa pamamagitan ng pakikinig. Ang talata ay nagtatatag ng pagkauna ng Salita ng Dios bilang paraan ng kaligtasan. Kahit pa sa kapanahunan ng mga apostol. hindi mga himala, hindi mga pambihirang kaloob ng Espiritu, kundi ang pagtatanyag sa Salita ng Dios ang pangunahing bagay. Pumapangalawa lamang ang mga himala; sila ay mahigpit na sumasailalim sa pagsunod sa turo ng mga apostol.
Ang talata ang maliwanag na nagtuturo din na ang mag himala ay napapabilang sa kawanihan at pangangasiwa na nag-uukol sa apostol. Nasabi ng may akda na ang mga santo sa Bagong Tipan, lalo na ang mga Cristianong Hebreo, na nasa kanila ang Salita ng Dios na nagdudulot ng kaligtasan. Nararapat nilang pagkatantuin ang mga bagay na narinig sa Salitang ito; at hindi nila dapat pabayaang makahagpos ito: “Kaya't nararapat nating pagkatantuin ang mga bagay na narinig, baka sakaling tayo'y makahagpos.” Paano mapapasa-atin ang Salita ng Dios? Ito ay unang ipinangusap ng Panginoong Jesu-Cristo mismo. Pagkatapos ay pinatunayan ito sa atin sa pamamagitan “ng mga taong nakarinig sa Kanya.” Sila ay ang mag apostol. Tungkol sa mga apostol na ito, sinasabi ng ika-apat na bersikulo : “Na pawang sinasaksihan naman ng Dios na kasama nila, sa pamamagitan ng mga tanda at mga kababalaghan, at ng saganang kapangyarihan, at ng mga kaloob ng Espiritu Santo, ayon sa kaniyang sariling kalooban.” Ang tinutukoy dito ay ang mga himala, na inilarawan, katulad sa 2 Mga Taga-Corinto 12:12: bilang “mga tanda at mga kababalaghan” (itong huli, “mga himala, “ bilang kaparehas ng salitang “mga gawang makapangyarihan” na isinaling-wika sa 2 Mga Taga-Corinto). Nakakatawag ng pansin na ang talatang ito ay nangungusap din tungkol sa “mga kaloob ng Espiritu.” Ang salitang “mga kaloob,” ay mas maigi pag-isinaling wika bilang “mga pamamahagi.” Ang mga pamamahagi ng Espiritu Santo ay ang mga pambihirang kaloob ng Espiritu na matatagpuan sa loob ng iglesia sa kapanahunan ng mga apostol. Napapabilang dito ang kaloob ng “pagsasalita ng iba’t ibang mga wika” at ang kaloob ng “pagpapaliwanag ng mga wika,” na ipinapahayag sa 1 Mga Taga-Corinto 12:10. Ang mga himala at mga kaloob ng Espiritu ay mga saksi ng Dios sa mga taong nakarinig kay Cristo, sila ang mga apostol. Ang hangarin ng saksing ito ay ang pagpapatunay ng mga apostol ng Salita ng Dios sa atin, ito ay ang, ito ay ang pagpapatotoo na ang turo ng mga apostol ay siya ngang Salita ng Dios. Ang mga himala at mga kaloob ng Espiritu ay hindi para sa lahat ng panahon, kundi para lamang sa kapanahunan ng mga apostol; sila ay iniugnay ng kalooban ng Dios sa kawanihan na nag-uukol sa apostol upang mapatunayan nila ang Salita na dinadala sa atin ng mga apostol.
Ganun din ang itinuturo sa Marcos 16:20: “At nagsialis sila (ang mga apostol, kung saan binigay ng nabuhay muling si Cristo ang tagubilin na pumunta sa lahat ng sanlibutan at ipangaral ang ebanghelyo—DJE), at nagsipangaral sa lahat ng dako, na gumagawang kasama nila ang Panginoon, at pinatototohanan ang salita sa pamamagitan ng mga tandang kalakip. “ Ang mga tanda, o mga himala, ay mga makapangyarihang patotoo ng Panginoon sa Salita na ipinangaral ng mga apostol. Sa parehong pamamaraan, pinatunayan ng Panginoon ang Salita na dinala ng Kanyang apostol na si Pablo, at ng kanyang kasamahang si Barnabas: “Nagsitira nga sila doon ng mahabang panahon na nagsisipagsalita ng buong katapangan sa Panginoon, na nagpapatotoo sa salita ng kaniyang biyaya, na ipinagkakaloob na gawin ng kanilang mga kamay ang mga tanda at mga kababalaghan” (Mga Gawa 14:3).
Sa kasalukuyan ang kawanihan na ukol sa apostol ay hindi namamalagi sa Iglesia, bagkus ito’y panandalian lamang. Ipinahayag ito sa mga katangian ng isang apostol. Ang isang apostol ay nangangailangang nakasaksi sa nabuhay muling si Jesus, upang maipangaral niya ang muling pagkabuhay na siya mismo ang nakasaksi ( 1 Mga Taga-Corinto 9:1). Kailangang harapan siyang tinawag at tinagubilinan ng nabuhay muling Panginoon (Juan 20:21; Mga Gawa 26:15-18), na kalakip nito ay ang pagtanggap niya ng ebanghelyo galing mismo kay Jesus (Mga Taga-Galacia 1:11-12).
Ang tiyak na gawain ng apostol ay nagtuturo din ng panandaliang katangian ng kawanihan. Ang gawaing ito ay ang paglalagay ng kinasasaligan ng iglesia. Ang paglalagay ng kinasasaligan ay hindi ginagawa ng walang hangganan. Darating ang panahon kung saan ang kinasasaligan ay naitayo na. Pagkatapos nito tatanggalin na yaung mga tao na ang gawain ay ang paglalagay ng kinasasaligan; at ang iba, mga ministro at mga guro, na ang katungkulan ay ang paggawa sa kinasasaligang ito, ay ibinigay sa iglesia.
Bagkus kung ang kawanihan na ukol sa apostol ay nawala, ganun din dapat ang mga himala (“ang mga tanda ng mga apostol”!), dahil ang mga himala ay bahagi ng kawanihang ito at nagsilbi sa pangagasiwa nito.
Sa pamamagitan ng sagisag na ito, yaung nagpupumilit ng mga himala ngayon ay dapat ding magbunga ng mga apostol. Hayaan natin ang mga Pentecostal na maglabas ng kanilang mga apostol! Nararapat na bigyan ng pansin na ang kilusang Irvingite, ang nanguna ng Pentecostalismo sa Inglatera noong ika-1800, na ipinangalan sa kanilang pinuno na si Edward Irving, ay humirang ng labindalawang apostol. Dahil dito ang kilusan ay nagpatuloy. Dapat ding bigyan ng pansin na, kahit nag-atubili itong tawagin silang mga apostol, sa kasalukuyan, itinatalaga ng Pentecostalismo sa kanilang mga pinuno ang mga kapangyarihan na pawang ang mga apostol lamang ang umaangkin : ang pansariling, ganap na awtoridad sa iglesia, o samahan; mga bagong pahayag ng Kanyang kalooban para sa iglesia galing sa Dios; mga turo na wala sa Biblia na umiiral sa mga santo.
Ang kasaysayan ng Iglesia ay sumasaksi sa katotohanan ng mga turo sa Kasulatan na ang mga himala at mga natatanging kaloob ay panandalian lamang. Ang mga himala ay tumigil sa Iglesia humigit kumulang A.D. 100, yaung mga panahon ng kamatayan ng huling apostol. Dahil pagkatapos nito, yaung mga pangkat ng relihiyon na ang mga turo ay taliwas sa mga turo ng Biblia at naghihiwalay dahil sa di pagkakaunawaan sa mga turo, ang mga umaangkin na may kapangyarihan sa paggawa ng mga himala kagaya ng mga Montanist (isang pangkat ng relihiyon noong ikalawang siglo na ipinangalan sa kanyang pinuno na si Montanus). Habang lumilipas ang panahon, ang kapangyarihan sa paggawa ng mga himala ay muling nagsimula noong ito ay inangkin at binigyang diin sa loob ng simbahang katoliko; ngunit, dapat bigyang pansin na ito ay sumabay sa pag-alis ng iglesia sa katotohanan ng ebanghelyo. Ang iglesia ng Romano Katoliko, siyempre, ay noon pa mang umaangkin na sila ay may kapangyarihang magsagawa ng mga himala at palagi niyang kinukulam ang kanyang mga kaanib sa pamamagitan nga mga himalang ito.
Ang nalinis na iglesia ng Repormasyon ay mariing kinakaila ang mga himala. Ang Repormasyon ay tinuus ng mga himala sa dalawang bungarin: Ang Roma at mga pangkat ng Anabaptist kalakip ng kanilang mahiwagang “relihiyon ng Espiritu.” Parehong Roma at mga taong naniniwala sa hiwaga ang umapela sa kanilang mga himala bilang katunayan na sila ang totoong relihiyon at pareho din nilang nilait ang Repormasyon sa kakulangan nito ng mga himala. Nakakatawag pansin sa ugat ng usaping ito—at ito ang ugat ng usapin kahit sa ngayon sa Pentecostalismo, tinawag ni Luther ang mga tao na sumampalataya sa Dios, na mamuhay, at kumapit sa hubo na Salita ng Dios, kahit pa na ang mga nagtuturo ng mali ay nagbubunga ng makatotohanang mala-bagyo na mga himala upang maakit nila ang mga tao sa katotohanan. Nagbigay ng mas detalyadong paliwanag ng posisyon ng Reformed si John Calvin:
Sa kanilang paghingi ng mga himala sa atin, hindi sila nagiging makatotohanan; dahil hindi tayo ang nagpasimuno ng bagong ebanghelyo, kundi iningatan natin ang nag-iisang katotohanan na pinatunayan ng lahat ng mga himala na ginawa ni Cristo at ng mga apostol. Subali’t mayroon silang pambihirang katangian na wala tayo—kaya nilang patunayan ang kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng mga himala hanggang sa kasalukuyan! Subali’t hindi, nagpapahayag sila ng mga himala na maaaring makadulot ng pag-aalinlangan sa mga pag-iisip kung hindi ito maayos na naitalaga; sila ay walang kabuluhan at nakakatawa din, napakayabang at napakamali. Kahit pa na kung sila ay naging sobrang kataka-taka, wala pa rin silang magagawa laban sa katotohanan ng Dios, na ang Kanyang pangalan ay nararapat na sambahin palagi, at sa lahat ng dako, maging sa pamamagitan ng mga himala, o sa pamamagitan ng likas na kaganapan ng mga pangyayari. Ang pandaraya ay maaaring maging mas nakapanlilinlang kung ang Kasulatan ay hindi nagbabala sa atin ng tunay na katapusan at katuturan ng mga himala. Si Marcos ay nagsalita sa atin (Marcos 16:20) na ang mga tanda na bumubuntot sa mga turo ng mga apostol ay hinulma sa pagpapatotoo nito; ganun din si Lucas na nagsaysay na ang Panginoon ay “nagpapatotoo sa salita ng kaniyang biyaya, na ipinagkakaloob na gawin ng kanilang mga kamay ang mga tanda at mga kababalaghan” (Mga Gawa 14:3)… At akma sa atin na umalala na si Satanas ay mayroon ding mga himala, na, bagama’t sila ay mga hindi totoong hiwaga kundi mga pandaraya lamang, ay sa gayon nakalilinlang pa rin sa mga mangmang at hindi maiingat. (Institutes, Prefatory Address to the King of France).
Ang mga kababalaghan ng Pentecostalismo, kagaya ng mga himala ng Roma, ay mga pandaraya. Sila ay mga kapiraso at pitak ng mga natatanging himala na hinuhula ng Kasulatan para sa mga huling araw; ang mga tanda at mga kababalaghan ng mga bulaang cristo at mga bulaang propeta na magliligaw sa mga hirang, kung maaari (Mateo 24:24); ang kapangyarihan at mga tanda at mga mapanlinlang na kababalaghan ng taong makasalanan na manlilinlang sa mga taong hindi nakatanggap ng pagkalugod sa katotohanan (2 Mga Taga-Tesalonica 2:9-12).
Mag-ingat! Huwag padadaya sa mga tagakalat ng hindi makatotohanang mga himala sa kasalukuyan!
Ang Reformed na Iglesia ay hindi nangangailangan ng mga himala. Ang kanyang pananampalataya ay ang turo ng mga apostol, na tumanggap nito mula kay Jesus. Ang turong ito ay napatotohanan na mga mga himala. Hindi na kailangang ng karagdagang patotoo. Ang tanging ebanghelyo na humihingi ng mga bagong himala ay isang bagong ebanghelyo. Subali’t hindi nangangahulugan na ang Reformed na relihiyon ay isang relihiyon na walang mga himala. Nais ng Pentecostalismo na iwan itong wari: ito ay ebanghelyo na may mga himala—ang punong ebanghelyo, samantalang ang Reformed na pananampalataya ay ang ebanghelyo na kulang sa mga himala at, samakatuwid, mas mababa kaysa punong ebanghelyo.
Una, ang nakikita ng isang Reformed na mananampalataya ang makapangyarihan sa lahat na kapangyarihan ng Dios sa lahat ng likha at sa bawat anyo ng makamundong buhay. Ang araw-araw na pagsikat ng araw, ang taun-taong pagkabuhay ng kalikasan tuwing tagsibol, ang pagbukadkad ng isang rosas, ang pagdadalang-tao, ang biglaang paglindol, ang pagsilang at paglubog ng mga bansa, kalusugan at buhay, at ang kapirasong tinapay sa ibabaw ng aking hapag-kainan—lahat ngmga ito ay ang makapangyarihan sa lahat, kahit saang dako, hindi matantong gawa ng kapangyarihan ng Dios. Ang Cristo ng ating pananampalataya ay ang haring Panginoon na kasalukuyang umaalalay at namamahala sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng Salita ng Kanyang kapangyarihan sa pinakamangha-manghang pamamaraan (Hebreo 1:3).
Pangalawa, inaangkin nating mga Reformed ang bawat himala na nakasulat sa bawat pahina ng Kasulatan. Ang wari na ang isang tao bagama’t hindi nakagawa o nakasaksi ng mga himala sa kanyang harapan ay walang kaloob ng himala, ay kahangalan. Ang himala ng paggawa ng sanlibutan, ang himala ng pagbaha, ang himala ng apoy na buhat kay Jehovah na sumakmal sa alay ni Elias, ang himala ng pagkakatawang tao, ang himala ng pagbuhay ni Pedro kay Dorcas, at ang lahat ng mga himala ay aking mga himala, na parang silang lahat ay aking naranasan, hindi lamang dahil sila ay mga pagpapalaya ng iglesia kung saan kasapi ako, kundi ito din ay nakakagilalas sa akin para ako ay sumamba sa Dios, at binibigyang lakas nito ang aking pananampalataya sa Kanyang Salita, ng parang sila ay nasaksihan kong ginagawa sa harap mismo ng dalawa kong mata.
Pangatlo, ang Salita na itinatanyag ng Reformed na Iglesia ay timtiman na nagsasakatuparan ng marami at dakilang mga himala. Ito ay bumubuhay ng mga patay sa espiritu; ito ay nagdidilat sa mga mata ng mga bulag sa espiritu; ito ay nagbibigay lakas sa mga pilay sa espiritu upang sila’y makalukso na parang mga usa; hinahatak nito pababa ang mga kuta ni Satanas sa mga puso at mga buhay ng tao (Isaiah 35; 2 Mga Taga-Corinto 10:3-6). Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, ang katotohanan ay nagbibigay bisa sa himala ng kaligtasan: pananampalataya, pagsisisi, pagpapatawad, at kabanalan. Ito ay mga kamangha-manghang kababalaghan, lubos na higit pa, kung sakaling tayo ay humapay sa paggawa ng pagpaparis nito, sa mga himala ng pisikal na pagpapagaling, hindi na kailangang banggitin pa ang karaniwan, at walang kabuluhang “mga himala” na laging pinagmamayabang ng Pentecostalismo. Ang mga himala na nauukol sa espiritu ng ebanghelyo, samakatuwid, ay ang katotohanan kung saan ang pisikal na kagalingan na isinagawa ni Jesus at ng kanyang mga apostol ay tanda.
Hindi, ang Reformed na Iglesia ay hindi isang iglesia na salat sa mga himala.
Subali’t ang aming pangunahing layunin ay ang pagsagot sa mga pangangatuwiran ng Pentecostalismo sa Kasulatan para sa turo nitong Bautismo sa Banal na Espiritu at para sa mga pagsasagawa nito ng mga himala, lalo na ng pagsasalita ng mga wika. Ito ay naisagawa na. Sa pagsasagot ng mga apela nito sa Kasulatan, naipahayag natin mula sa Kasulatan na ang Pentecostalismo ay may maling paniniwala sa turo nito ng kaligtasan (Pagbautismo sa Espiritu Santo) at ang pandaraya nito sa kanyang mga himala.
Ang hatol ng Reformed na pananampalataya sa Pentecostalismo ay isa itong relihiyon na naiiba sa relihiyon nina Luther, Calvin, at mga batayan ng Reformed na pananampalataya.
Para sa karagdagang babasahin sa
wikang Tagalog, i-click dito
http://www.bereanprcp.org/html/tagalogsection.htm
http://prcaphilippinesaudio.wordpress.com/tagalog/