Prof. Barry Gritters
Ang pananampalataya ba ng aming mga ninuno ay nabubuhay sa iyo? Inaawit natin: "Faith of our fathers living still …" ("Pananampalataya ng ating mga ninuno nananatiling buháy ...") at walang dudang ang pananampalataya ay buháy. Subalit ang tanong: "Nasaan ang pananampalatayang iyon na buháy at ipinapahayag? At, "Ano ang pananampalataya ng ating mga ninuno?" Ito ay ipinahayag mahigit 350ng taon na ang nakaraan ng mga ama ng iglesia sa Synod (kunseho) ng Dordt (sa Netherlands). Ginagamit namin ang "akronim"na TULIP upang makatulong na matandaan namin ang sinabi ng aming mga ninuno tungkol sa tinuturo ng Biblia:
Ang simpleng kahulugan nito ay Ang TAO ay PATAY. Sinasabi ng Biblia na ikaw at ako ay patay sa mga pagsuway at mga kasalanan (Efeso 2:1-6) maliban na lamang kung tayo’y ipanganak na muli. PATAY!!! Maliban pa diyan, ang lalaki o babae na patay sa kasalanan ay namumuhi sa Dios, at ang kanyang "makalamang pag-iisip" ay "pagkapoot laban sa Dios" (Roma 8:7). Ang kanyang kalooban ay tumigas laban sa Dios. Binabago ng Biblikal na katuruang ito ang maraming makabagong turo tungkol sa kaligtasan.
Pag-isipan mo kung ano ang ibig sabihin nito:
Makakaya nga ba ng isang tao na gumawa ng mabuti, kung hindi siya isang Cristiano na ipinanganak na muli? Hindi. "Ang anumang hindi batay sa pananampalataya ay kasalanan" (Roma 14:23).
Makakaya ba ng tao na gustuhin niyang ipanganak na muli at sundin ang mga alituntunin kung "paano gawin ito?" Hindi, sapagkat para mong sinabi na ang isang bangkay sa libingan ay kayang gustuhin na bumangon mula sa hukay, o sundin ang mga alituntunin kung paanong muling mabubuhay. Para bagang magagawa mong akitin siya na bumangon sa kanyang libingan. "Ang Espiritu ang nagbibigay-buhay, ang laman ay walang anumang pakinabang" (Juan 6:63).
May tao bang makakayang "tanggapin si Cristo" bilang kanyang personal na Tagapagligtas, upang maligtas nga siya pagkatapos? Siyempre hindi! Ang pagtanggap kay Cristo ay isang mabuting gawa na magagawa lamang ng isang Cristiano na. Matatanggap lamang ng tao si Cristo PAGKATAPOS lamang siyang buhayin ng Dios. "Walang taong makakalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama na nagsugo sa akin" (Juan 6:44).
Magagawa mo bang "mag-alok ng kaligtasan" sa sinuman? Talagang imposible iyon. Para kang nag-alok ng pagkain sa patay, mag-alok pa kaya ng kaligtasan sa patay sa kasalanan (Efeso 2:1-2).
ANG DIOS LAMANG ANG KAYANG BUMUHAY SA ATIN AT GAGAWIN IYON NG DIOS AYON SA KANYANG KAGUSTUHAN—HINDI KAILANGAN ANG ATING TULONG, HINDI HINIHINTAY ANG ATING PAGHILING. Mula simula hanggang wakas, "Ang pagliligtas ay mula sa Panginoon" (Jonas 2:9). Ito ang pananampalatayang aming ipinapangaral, dahil ito ay itinuturo ng Biblia, dahil ito ang PANANAMPALATAYA ng aming mga ninuno, na aming minamahal, na buhay pa sa aming mga puso, at dahil ibinibigay nito ang kaluwalhatian sa Dios.
Ang simpleng kahulugan nito ay: ang Dios ang pumipili sa ilang tao upang pagkalooban Niya ng buhay na walang hanggan, na walang hinahanap na kabutihan sa kanila bilang kundisyon o batayan upang ibigin Niya sila at iligtas.
Bago pa man ipanganak ang isang lalaki o babae—ang totoo pa nga’y bago pa man likhain ang sanlibutan—pinili na ng Dios kung sino ang pupunta sa langit at kung sino ang hindi. Bago pa man sila gumawa ng mabuti o masama, pinili na ng Dios ang ilan upang mapabilang sa Kanyang bayan at itinakwil na ang iba.
Ang "CONDITIONAL election" (o pagpiling may kundisyon) ay mangangahulugan na pipiliin o hihirangin ng Dios ang mga taong unang umibig at pumili sa Kanya. Subalit sinasabi ng Biblia, "Ako’y hindi ninyo pinili, ngunit kayo’y pinili ko" (Juan 15:16; basahin din ang Roma 9:11-21). Sinasabi ng Gawa 13:48, "at sumampalataya ang lahat ng mga itinalaga sa buhay na walang hanggan." Saka lamang mailalagay ang kabayo, ika nga, sa unahan ng karitela kung sa ganitong paraan natin sasabihin ito. Inilalagay ng CONDITIONAL election ang karitela sa unahan ng kabayo, dahil sinasabi nito na kapag sumampalataya ang tao saka pa lamang siya itatalaga sa buhay na walang hanggan. Basahing maigi ang Juan 10:26 para sa isa pang malinaw na talatang nailalarawan ng "kabayo na nasa unahan ng karitela." Isipin mo kung ano ang ibubunga ng pagtutol sa doktrinang ito. Kung ating aalalahanin na bago tayo maligtas ay wala tayong kakayanang gumawa ng mabuti (Juan 15:5; Efeso 2:1-6) ang tanging kongklusyon ay hindi natin makakayang piliin ang Dios. Hindi natin ito gagawin at hindi tayo maliligtas.
Ngunit ang Dios ay makapangyarihan at pipiliin Niya kung sino ang ibig Niyang piliin. At pagkatapos na Siya ang pumili sa atin, tayo naman ang pumipili sa Kanya araw-araw. Lahat ng kung sino tayo at mayroon tayo ay kaloob lamang sa atin ng Dios.
Muli, ito ang pananampalatayang aming ipinapangaral, dahil ito ay itinuturo ng Biblia, dahil ito ang pananampalataya ng aming mga ninuno, na aming minamahal, na buhay pa sa aming mga puso, at dahil ibinibigay nito ang kaluwalhatian sa Dios!!!
Ang dakilang ebanghelyo na minamadaling inihahatid ng karamihan ngayon sa malalayong lupain ay nagtuturo na si Cristo ay naghandog para sa mga kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan. Subalit may dalawang kritikal na punto kung saan ang mensaheng ito ay malalang binabaluktot, kaya hindi na nito tinataglay ang tunay na mensahe ng ebanghelyo.
ANG UNANG PAGBABALUKTOT ay tungkol sa kung ano ang nagawa ng kamatayan ni Cristo. Ang Biblikal na katotohanan ng kamatayang pantubos o atonement ay ipinambayad Niya nag Kanyang kamatayan para sa mga kasalanan. Ngunit napakarami ngayon ng nagtuturo na ang kamatayan ni Cristo ay isang halimbawa lamang na dapat nating tularan, at kung tutularan ninuman ang Kanyang halimbawa siya ay maliligtas. At may nagtuturo rin na ang kamatayan ni Cristo ay walang binayarang anumang kasalanan, kundi ginawang posible lamang na mabayaran lahat ng mga kasalanan.
Ngunit sinasabi ng Biblia na ang kamatyan ni Cristo sa krus ay tunay na nagbayad para sa mga kasalanan. Sinasabi ng Gawa 20:28 na binili ng Dios ang iglesia sa pamamagitan ng Kanyang dugo. Basahin din ang Mateo 26:28; Hebreo 7:26-27.
ANG IKALAWANG PAGBABALUKTOT ng Biblikal na katotohanang ito ay ang paniniwalang namatay si Cristo para sa LAHAT ng tao. May ilang nagtuturo na ginawa lamang daw ni Cristo na maging posible ang kaligtasan ng lahat ng tao. Subalit ang tanong natin ay, "Kung namatay nga si Cristo para sa lahat ng tao, bakit hindi naliligtas ang lahat ng tao?" "Hindi ba kayang gawin ng Dios ang maibigan Niyang gawin?" "Mayroon bang mali o pagkukulang sa kamatayan ni Cristo?" "Dapat bang gustuhin muna ng tao na maligtas?" Ngunit ang taong ganap na makasalanan (totally depraved) ay walang kakayahang gustuhing maligtas. Kinamumuhian niya ang Dios at ayaw niyang magkaroon ng anumang kinalaman sa kamatayan ni Cristo. Kaya hindi tamang sabihin na namatay si Cristo para sa lahat ng tao.
Sinasabi ng Biblia na inialay ni Cristo ang Kanyang buhay para sa mga tupa, at para sa kanila lamang (Juan 10:11). Ang HANDOG NA PANTUBOS (Atonement) ni Cristo ay LIMITADO sa mga hinirang ng Dios. Ang bawat anak ng bawat tupa ni Cristo ay binayaran. Ang mga kasalanan na iyon at tanging ang mga iyon lamang ang binayaran. Iyon lamang ang ebanghelyo sapagkat iyon lamang ang Biblia.
Ang ika-apat na Biblikal na katotohanan ng limang punto ng Calvinism ay nagtuturo na ang biyaya ng Dios na nagliligtas sa tao ay hindi matatanggihan. Ang biyaya o grace ng Dios ay walang bayad at hindi natatapatang kapangyarihan upang iligtas ang isang tao mula sa kanyang kasalanan na kung hindi gayo’y ibubulid siya sa impiyerno. Biyaya ang naghahatid sa kanya sa langit na kung tutuusin ay nararapat sa impiyerno.
Ang biyayang ito ay hindi matatanggihan. Nangangahulugang kung pagkakalooban ka ng Dios ng biyaya, wala kang anumang magagawa upang tanggihan o pigilan ang layunin ng Dios na ihatid ka sa langit. Ang katiyakan ng kaligtasan para sa mga hinirang ng Dios ay nakikita sa Juan 6:37 kung saan sinabi ni Jesus, "Ang lahat ng ibinibigay sa akin ng Ama ay lalapit sa akin …" Walang alinlangan na sila ay maliligtas. Sinasabi ng talatang 44 na silang lumalapit sa Dios ay lumalapit nga dahil inilalapit sila ng Dios. Hindi ang ating pasiya kundi ang pasiya ng Dios ang nauuna at makapangyarihan.
Ngayon, may ilang nagtatawa sa katotohanang ito ng Biblia at sinasabi na pinipilit daw ang tao na dalhin sa langit kahit labag sa kanyang kalooban. "Nagpapapadyak at nagsisisigaw siyang kinakaladkad papunta sa langit," sabi nila. Subalit hindi ganon ang pagkilos ng tunay na biyaya ng Dios. Ang Dios ay kumikilos sa Kanyang mga hinirang upang sila ay "magkusa sa araw ng Kanyang kapangyarihan" (Awit 110:3). Para sa isang nakakamanghang pagsasalarawan ng katotohanang ito, isipin mo na lamang ang pagkakabago kay Apostol Pablo (I Corinto 15:10). Agad, pagkatapos na siya ay mabago sinabi niya nang kusa, "Panginoon, ano po ang ibig Ninyong ipagawa sa akin?" (Gawa 9:6 KJV). Tiyak na hindi iyon labag sa kanyang kalooban.
Ang biyaya ng Dios ay matamis at hindi matatanggihan. Pinaiibig Niya tayo dito at hindi na tayo maghahangad pa ng iba. Para sa atin ay hindi siya matatanggihan kung paanong ang bagong kasal na lalaki ay hindi matatanggihan ng asawang babae. Samahan ninyo kami at pakinggan ang kamanghamanghang biyaya ng Dios na ipinapahayag sa pamamagitan ni Cristo sa bawat Linggo ng aming panambahan.
Ang huli sa limang punto ng Calvinism ay nagtuturo na iniingatan ng Dios ang Kanyang mga hinirang upang hindi sila kailan man mapahamak. Sa simpleng pananalita: "Kapag minsan ka nang naligtas, ikaw ay palaging ligtas."
Ang Salita ng Dios ay punung-puno ng pruweba tungkol sa napakagandang katotohanang ito. At bagamang marami ang tumututol dito, at nagsasabing puwedeng mawala ang iyong kaligtasan at mababawi mo ito nang maraming beses, kaya walang katiyakan ang iyong kaligtasan, salungat ang sinasabi ng Biblia. Sinabi ni Jesus tungkol sa Kanyang mga tupang hinirang, "Sila’y binibigyan ko ng buhay na walang hanggan, at kailanma’y hindi sila mapapahamak, at hindi aagawin ng sinuman sa aking kamay" (Juan 10:28). Basahin din ang Juan 6:39; 17:2, 11-12; Roma 8:37-39; II Timoteo 1:12; 4:18; atbp.
May ilang tumututol sa doktrinang ito na nagpapalagay na ginagawa nitong "karnal" ang tao sa kasiguruhan sa kanyang kaligtasan. Iyon ay, "Kung alam kong walang anumang dahilan upang maibulid ako sa impiyerno kapag iniligtas na ako ng Dios, pwede na akong ‘mamuhay na tulad ng demonyo.’" May mga gumagamit ng katotohanang ito upang gawing dahilan upang mnakapamuhay sila na kasingsama ng demonyo. Ngunit ang mga ito ay hindi Cristiano. Ni hindi nila naiintindihan ang katotohanan. Sapagkat ang katotohanang ito ay nagtuturo ng "PAG-IINGAT SA MGA BANAL." Sila na mga hindi napahamak kailanman ay mga binanal ng Dios. Sila ay banal. At sila ay binigyan ng kapangyarihang makapamuhay nang banal. Sila ay nagpapatuloy sa paggawa ng mabuti. Ang sinuman na nagsasabing na maaari na siyang mamuhay na "kasingsama ng demonyo" ay hindi kailanman naranasan ang kapangyarihan ng pagliligtas ni Cristo at hindi nauunawaan ang Filipos 1:6, "ang nagpasimula sa inyo ng mabuting gawa ay siyang magtatapos nito hanggang sa araw ni Jesu-Cristo." Huwag kang mag-isip ng kabaligtaran.
May kaaliwan ba sa mga Cristiano kapag wala ang mga doktrinang ito? Hindi tayo kailangang "takutin patungo sa langit." Kailangan natin ng kaaliwan. Dahil kung alam nating nakasalalay sa Cristiano ang pananatili ng kanyang kaligtasan, hindi niya kayang gawin ito. Kilala mo ang iyong sarili!!!Walang kapangyarihan sa akin kung wala ang biyaya ng Panginoon.
Para sa karagdagang babasahin sa
wikang Tagalog, i-click dito
http://www.bereanprcp.org/html/tagalogsection.htm
http://prcaphilippinesaudio.wordpress.com/tagalog/