(The Story Of Two Margarets)
Herman Hanko
Noong ika-17 siglo matapos ang Repormasyon ay nagkaroon ng mapait na pakikibaka ang mga tunay na Cristiano sa Scotland para mapanatili ang katotohanan ng Banal na Kasulatan at ang pagsamba sa Diyos na naaayon sa Biblia. Ang mga naghaharing Stuart ay determinadong ipinatupad ang panghihimasok ng mga matataas na pinuno ng hari sa pagsamba, subalit ang mga Presbyterians ay determinadong tinanggihan ito. Nagkaroon lamang ng maigsing kapayapaan noong panahon ni Oliver Cromwell, pagkatapos, ang pakikipagtunggali ay nagpatuloy sa panahon ni James I sa hanggang sa pagpapatalsik kay James II noong 1688. Ang salaysay na ating mababasa ay nangyari noong panahon ni Charles II.
Bagaman maraming mga Cristiano na matapang na tumutol at lumaban sa panghihimasok ng mga matataas na pinuno ng hari sa pagsamba sa Diyos na mga nangamatay nang normal, ang mga pahina ng kasaysayan ng Scotland ay nalukuban ng dugo ng maraming martir na dumanas ng pinakamalulupit na pagpapahirap at pagkatapos ay mga pinatay dahil sa kanilang pananampalataya. Napabilang sila sa mga mabubunying martir na sa lahat ng kapanahunan ay "hindi nila inibig ang kanilang buhay maging hanggang sa kamatayan."
Bilang halimbawa ng pananampalataya ng maraming martir na ang mga pangalan ay nakatala sa langit, ay tutunghayan natin ang buhay at kamatayan ng dalawang babae na magsisilbing larawan ng iba pang mga katulad nilang martir na ang kasaysayan ay natago sa nakalipas na panaahon. Bagaman ang dalawa ay magkapareho ang pangalan, Margaret, ang isa ay matandang Cristiano sa edad na 70 at isa naman ay dalagita sa edad na 18, sila’y parehong pinatay dahil sa kanilang pananampalataya.
Si Margaret MacLachlan ay balo ni John Mulligen, na magsasaka sa dakong kanluran ng maliit na nayon ng Wigtown, napakaganda ng dakong iyon at malayo sa siyudad. Si Margaret ay naiwan na nag-iisa at nagsaka upang tustusan ang kanyang payak na pamumuhay.
Siya ay napakapa-simpleng babae, hindi nakapag-aral, maagang pinatanda ng kahirapan ng pagsasaka. Subalit siya’y bantog sa dakong yaon bilang isang babaing may pambihirang talino at pananampalataya.
Nahikayat siya na ang Presbyterianism ay pagsambang itinuturo sa Biblia at nasaksihan din niya ang kalupitan ng pamunuan ng hari. Dahil ayaw niyang mamuhay nang taliwas sa kanyang pananampalataya, ay tumanggi siyang magsimba kapag ang nangunguna sa pagsamba ay ang mga itinalaga ng hari na ang pamamaraan ay ayon sa ritwal na Anglican, sa halip, kasama ang mga katulad niya sa pananampalataya ay natipon-tipon kapag araw ng Panginoon sa kanilang bahay upang sama-samang sumamba. Sasamba lamang siya sa simbahan kapag batid niya na ang mangunguna sa pagsamba ay mga ministrong non-conformist. Hindi ito maituturing na katigasan ng ulo kundi isang malalim na pananalig na ang Diyos ay nalulugod lamang sa pagsambang Kanya mismong ipinag-utos.
Hindi siya nag-iisa sa gayong paninindigan; maraming tao noong panahong yaon sa Scotland ang may kasintulad na paninidigan. Subalit marami rin ang napilitang iwanan ang kanilang tahanan upang matakasan lamang ang pagdakip at pagpaparusang naka-amba sa kanila. Ang mga ito ay naging patagu-tago sa kanilang sariling bayan na naghanap ng kanlungan at pagkain sa kanilang pinagtaguan. Kapag sila’y sisilong sa tahanan ni Margaret, ang kanyang pintuan ay palaging bukas at ang kanlungan ay palaging matatagpuan sa kanya.
Subalit ito’y isang mabigat na kasalanan sa mata ng batas, at, bagaman hindi siya nahuli sa akto, ang mga kawal na nakakaalam ng kanyang pagliban sa simbahan at pagsuway sa pamunuan ng hari, ay gumawa ng bawat pagkakataon na madakip siya sa kanyang bukid at pagnakawan siya ng kanyang mga ari-arian.
Bago natin ituloy ang kanyang kasaysayan, ay kailangan din muna nating tunghayan ang kasaysayan ng isa pang Margaret, si Margaret Wilson. Ang kanyang kasaysayan ay tunay na kakaiba.
Siya ang panganay na anak nina Gilbert Wilson, isang magsasaka sa Glenvernock, sa parokya ng Pennigham, Wigtownshire. Mayroon siyang isang kapatid na lalaki, si Thomas, siya ay humigit kumulang 16 años noong panahon ng pagiging martir ni Margaret, at mayroon pa siyang isang kapatid na babae, si Agnes na edad 13 taon nang si Margaret ay mamatay. Nakatira sila sa malapit kay Margaret MacLachlan at kilalang-kilala nila ang isa’t isa.
Ang kanyang mga magulang ay masaganang nabuhay sa pagsasaka sa matabang lupa, mainam na ani, at maraming tupa at baka. Subalit sa loob ng kanilang pamilya ay namamayani ang pakakahati-hati sa pananamlapataya, at ang kagilagilalas ay yaon ay pakakahati sa pagitan ng mga magulang at mga anak.
Mahirap maipaliwanag ang pangyayaring ito. Maaaring ang buong pamilya ay sumang-ayon nang una sa ipinaglalaban ng Presbyterian; subalit ang mga magulang, dahil sa isa o sa iba pang dahilan, ay hindi handang manindigan sa kanilang prinsipyo, kaya ang nangyari ay sumamba sila sa simbahang pinamumunuan ng mga itinalaga ng hari at ang pagsamba ay ayon sa kagustuhan ng pamunuan.
Subalit ang mga anak ay kakaiba at waring lumalabas na mayroon silang mas matibay na paninidigan kaysa sa kanilang mga magulang. Tumanggi silang sumamba sa simbahang pinangungunahan ng mga itinalaga ng hari, at itinuring nila ang gayong pagsamba na laban sa katuruan ng Biblia at di pagkilala kay Cristo na kanilang tunay na Hari.
Bagaman sila’y mga bata pa, ang kanilang pagliban sa simbahan ay hindi naikaila. Isinumbong sila sa mga awtoridad, at nang ang pamahalaan ay bantaan silang parusahan, napilitan silang tumakas at humanap ng kanlungan tulad ng iba pang mga tumakas sa mga yungib ng masukal na mga bundok ng Galloway.
Ang mga magulang nila ay hindi rin nakaligtas sa pagdurusa at sila man ay pinag-uusig dahil sa kanilang mga anak. Pinagbawalan silang magbigay ng pagkain at panustos sa kanilang mga anak at palaging ginugulo upang mapilitang ipagkanulo kung saan nagtatago ang kanilang mga anak. Ang mga kawal (na kung minsan ay 100 ang dami) ay nakahimpil sa kanilang bahay at sa kanilang lupain, at ang mag-asaw ay naatasang tustusan ang pangangailangan ng mga ito. Patuloy silang ipinatawag sa korte upang palaging magbigay ng ulat. Ang kanilang mga ari-arian ay pinagsamatalahan. Di naglaon ay unti-unting naubos ang mga ari-arian at sila’y nasadlak sa kaaba-abang kahirapan.
Gayon ang pangyayari bago maganap ang trahedya.
Namatay ang malupit at walang pusong si Charles II. Ang mga martir na patagu-tago at walang makanlungan ay nag-akalang tumigil na ang kanilang panganib. Ang dalawang dalagang Wilson ay humantad mula sa pinagtataguan upang humanap ng masisilungan at kalinga kay Margaret MacLachlan. Ang kanilang kapatid na si Thomas ay nanatili sa kabundukan at wala ng nabalitaan pa hinggil sa kanya.
Iilang araw pa lamang ang kanilang pamamalagi kay Margaret MacLachlan nang ang isa sa kanilang pinagkakatiwalaang mga kaibigan ay ipagkanulo sila. Dali-daling ipinadala ang mga kawal sa dakong yaon at sila’y pinagdadakip. Ang dalawang dalaga sampu ng matandang Margaret ay dinakip, at kaagad na itinapon ang dalawang dalaga sa kulungan ng mga magnanakaw, samantalang ang matandang Margaret ay kinulong sa Wigtown. Di naglaon ang dalawang dalaga ay ikinulong din sa kulungan kung saan naroon ang matandang Margaret, kahit papaano’y muli silang nagkasama-sama.
Mistulang hayop silang tinarato. Pinagkaitan ng init ng apoy at higaan sa gitna ng lamig na sahig at panahon, kulang na kulang ang ipinakain sa kanila na hindi man lamang nakabawas sa kirot ng matinding gutom, sila’y nilibak at lubos na pinahirapan.
Isang sandata ang sadyang ginamit laban sa kanila. Bago namatay si Charles II, siya’y nagbigay ng kapangyarihan sa pamunuan na ipatupad ang ang tinawag na "oath of abjuration" (Panunumpa ng Pagtatakwil). Ito’y isang uri ng malupit na pamamaraan na binigyan ng katuwiran ng hari. Ang Cameronians, isang angkan ng Scottish mula Highlands, ay umawa ng manipesto na sumumpang labanan ang hari kapag ipinagpatuloy niya ang pag-uusig at pagsuway sa pamamaraan ng Diyos. Ang oath of abjuration ay ipinatupad (randomly) mula sa mga tao na kanilang itakwil ang manipesto ng Cameronians. Ang pagtaggi sa oath ay itinuring na isang pagtataksil sa bayan na nararapat sa parusang kamatayan. Hindi lamang ipinatupad itong oath (randomly) sa mga tao, kundi ipinagpilitan ng mga kawal ito sa lahat ng kanilang makita, at sa kanilang mga makatuwaan. At kadalasan kaysa hindi, kapag ang isang tao ay tumangging mag-oath, siya ay kaagad na binabaril sa gitna ng bukid o maging sa loob ng kanilang bahay.
Ang tatlong babae, si Agnes at ang dalawang Margaret ay inutusang mag (oath of adjuration). Subalit tinanggihan nilang gawin ito, sapagkat ito’y naging pamantayan ng katapatan.
Noong Abril 13, 1685, sila ay ipinatawag na humarap sa isang konseho. Maraming pormal na akusasyon ang ibinintang sa kanila: inakusahan sila na kasama sa pag-aalsa na naganap sa Bothwell Bridge, na paratang na hindi napatunayan; inakusahan silang dumadalo sa pangangaral ng mga preachers sa bukid at lihim na pagsamba, na hindi naman nila itinanggi.
Gayunman, yamang hindi napatunayan ang mga maling paratang sa kanila, ang tatlo ay inutusan ulit na mag (oath of abjuration). Muli silang tumanggi at sa pagkakataong yaon ay inakusahan sila ng pagtataksil sa bayan. Hinatulan silang mamatay sa papamagitan ng paglunod sa kanila sa dagat ng Solway Firth. Ang petsa ng paglunod sa kanila ay Mayo 11.
Ang ama nina Agnes at Margaret na naghuhumindik sa pananangis ay dali-daling nagtungo sa Edinburg upang magbakasakaling mapakiusapan ang ibang opisyales na mahabag at pakawalan ang kanyang mga anak. Subalit ang tanging nagawa lamang niya ay bilin ang kalayaan ng kanyang nakababatang anak na si Agnes sa halagang L100; ngunit si Margaret na kanyang anak ay hindi niya nailigtas.
Nang dumating ang kakila-kilabot na araw, ang dalawang Margaret ay kinaladkad ng mga kawal habang nakatanikala sa dalampasigan. Sinadyang kati (low tide) ang tubig sa petsang itinakda sa kanilang kamatayan. Bagaman ang taong-bayan ay namanhik sa dalawang Margaret na sambitin na ang oath of adjuration upang maisalba ang kanilang mga buhay, ngunit matigas ang kanilang pagtanggi .
Naunang itinali sa tulos ang matandang Margaret sa mabuhanging bahagi ng dalampasigan kung saan sapat na maupos siya kapag tumaas na ang tubig (high tide). Ang batang Margaret naman ay itinali sa tulos na mas malapit sa dalampasigan upang masaksihan niya ang unti-unting pagkalunod sa kamatayan ng kanyang matandang kaibigan at kapuwa binanal.
Waring ang matandang Margaret ay pagod na sa mga matitinding pahirap na dinanas nang maraming panahon kaya hindi na siya umimik man lamang kahit isang salita. Isa sa mga kawal na nagpahirap sa kanya ay sumigaw: "Hindi na kailangan pang kausapin ang matandang asong isinumpa; hayaan siyang mapunta sa impiyerno."
Habang ang malamig na tubig-dagat ay unti-unting tumataas at nilamon ang matandang martir at habang ang batang Margaret naman ay sapilitang nasaksihan ang pagpupumiglas ng matanda sa pagkalunod, ay isang kawal ang pakutyang sumigaw sa batang Margaret, "Ano ang masasabi mo ngayon?" Sumagot si Margaret: "Nakikita ko si Cristo roon na nakikipagbuno. Iniisip mo ba na kami ay nagdurusa? Hindi; si Cristo’y nasa sa amin, sapagkat hindi Niya isinusugo ang Kanyang mandirigma na nag-iisa at lalaban na mag-isa."
Nang ang wala nang buhay na katawan ng matandang Margaret ay sinisiklot-siklot na ng malakas na alon, ang tubig-dagat ay nagsimula ng lamunin ang batang Margaret. Subalit ibinuka niya ang kanyang bibig. Umawit muna siya ng nakaka-antig damdaming Awit 25,
Huwag mong alalahanin ang mga kasalanan ng aking kabataan,
ni ang aking mga pagsuway;
ayon sa iyong wagas na pag-ibig ay alalahanin mo ako,
O PANGINOON, alang-alang sa iyong kabutihan!
Ang PANGINOON ay mabuti at makatarungan,
kaya't tinuturuan niya ang mga makasalanan tungkol sa daan.
Pinapatnubayan niya ang mapagpakumbaba tungkol sa katuwiran,
at itinuturo sa mapagpakumbaba ang kanyang daan.
Lahat ng landas ng PANGINOON ay wagas na pag-ibig at katapatan,
para sa mga nag-iingat ng kanyang mga patotoo at kanyang tipan.
At matapos awitin ang Salmong ito ay kanya namang inusal ang Roma 8: "Sino ang makapaghihiwalay sa amin sa pag-ibig ni Cristo?"
Matapos yaon ay ganap na nilunod na siya ng tubig, subalit hindi pa siya lubos na patay ay kinalagan siya ng kawal mula sa pagkakatali sa tulos at kinaladkad patungo sa dalampasigan, bumalik ang kanyang malay, at muli ay pinilit siyang magbigay pugay at ipanalangin ang hari. Ang taong-bayan, ay masidhi ang hangaring maisalba siya ay nagsusumigaw sa kanya, "Ipanalangin mo na ang hari!" Ang kanyang sagot ay hangad niya ang kaligtasan ng lahat ng tao at walang sinuman ang mapahamak, at kung kalooban ng Diyos, ay ililigtas Niya ang hari: "Panginoon, bigyan mo siya ng kakayahang makapagsisi, at mapatawad, at maligtas, ito ay kung Iyong banal na kalooban."
Subalit hindi nagustuhan ng mga kawal ang sagot niyan iyon, kaya siya’y pinagwikaan, "Isinumpang aso, hindi ganyang panalangin ang gusto namin" At minsan pa ay tinangka nilang puwersahang pabigkasin siya ng oath of adjuration. Ang sagot niya ay mariing, "Hindi! Hindi! Walang kasalanang panunumpa ang lalabas sa bibig ko. Isa ako sa mga anak ni Cristo. Hayaan na ninyo akong mamatay."
Magkagayon, ay inihagis siya muli sa tubig at doon siya’y tuluyang nalunod, upang mapasama sa mga nagbuwis ng buhay, sa piling ng mga binanal ni Cristo, sa piling ng Diyos.
Nag-alisan ang mga kawal na binabati ang isa’t isa sa misyong tapat nilang naisagawa. Ang taong-bayan ay nagsuwian sa kani-kanilang bahay na sasabak na naman sa anumang paraan upang makaligtas lamang sa pag-uusig; subalit dalawa na namang hinirang ng Diyos ang nagtataak ng kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng dugo.
(Ang lathalaing ito ay salin sa wikang tagalog ni Ronald R. Santos ng Bastion of Truth Reformed Church in the Philippines, mula sa Chapter 40 ng aklat na Portraits of the Faithful Saints ni Herman Hanko)
Para sa karagdagang babasahin sa wikang Tagalog, i-click dito